Nang makarating muli sa base at makapananghalian ay nagsitungo muna sina Andy at Jang-Mi sa sarili nilang mga kuwarto upang magpalipas oras. Ito rin naman ang mungkahi ni Colonel Laxamana sa dalawa, paghahanda na rin sa napipinto nilang pagbabalik sa dating tirahan ni Andy para subukang kontakin ng psychic ang kaluluwa ng yumaong ama ni Andy, at makahanap ng mga kasagutan.
Nahiga si Andy sa kama at pinipilit ang sarili na makatulog nguni't napatitig lamang siya sa kisame, sa isipan ay umiikot ang mga bagay-bagay. Partikular dito ang sinabi sa kanya ng kanyang ama noong binata pa siya at luluwas ng Maynila. Ume-echo pa sa tenga niya ang mga kataga:
Pangako mo, anak. Na hindi ka babalik anuman mangyari. Kailangan mong magtago. Huwag mong hayaang kunin ka nila.
Kunin ka nila. Ngayong naalala niya ang sinabi ng ama ay malinaw na mga aliens ang tinutukoy nito. Pero, bakit?
Naganalisa siya. Ginamit ang angking kakayahan sa paglutas. Malinaw naman ang sinasabi ng mensahe: ang babala ng kanyang ama na magtago siya ay dahil sa may dugong alien na dumadaloy sa kanyang ugat. Natural lamang na tugisin siya ng mga ito. Kung nagkataon na sa Callejon pa siya naninirahan, ay siguradong kasama na siya sa mga na-abduct.
Ang mga aliens. Alam din ni Andy na naririyan pa sila. Marahil ay nagmamasid. Nagaabang. Mula sa kadiliman ng kalawakan, na-imagine niya, ng kanilang mahiwagang mga mata o kaya'y telepathy. Naisip niya na maaaring may kakayahan din ang mga aliens na mabasa ang kanyang iniisip. Naririyan pa sila dahil hindi pa nila nakukuha ang ikanga huling "piece of the puzzle." At ito'y walang iba kundi ang kanyang sarili. Malaki ang role ni Andy sa mga kaganapan. Alam niya ito.
Gustong matawa ni Andy. Inisip sa sarili kung paano siya napunta sa sitwasyon na ito. Napailing siya at ngumiti, at tuluyan nang tumawa. At kanyang tinakpan ang kanyang bibig na baka marinig siya ni Jang-Mi sa kabilang kuwarto at kung anong isipin nito. Nguni't naglaho rin kaagad ang ngiti sa kanyang mukha dahil sa kaloob-looban niya, ay hindi niya maalis ang matinding kaba. May kaba sa dibdib ni Andy na nagsasabing ang dahilan ng lahat, ng inilagi niya sa mundo, ng misyon niya sa buhay ay dito lahat papunta...sa kinalalagyan niya ngayon.
Napapikit siya. Nakaramdam ng antok mula sa pagod ng nagdaang umaga. At habang inako ng antok, ay naulit sa isipan niya ang sinabi ng kanyang ama.
...huwag mong hayaang kunin ka nila.
At sa kanyang paghimbing ay may bumalik pang ala-ala.
1978. Araw na aalis si Andy pa-Maynila. Kaharap niya ang kanyang ama malapit sa pamilyar na puno. Ang langit ay makulimlim at maulap. Tangan ni Andy ang kanyang bag. Dumaloy ang luha sa kanyang pisngi sa kanyang pamamaalam, isang bagay na hindi niya ninais kundi'y inutos ng kanyang ama.
Pero, 'Tay, bakit kailangan kong umalis?
Para sa ikabubuti mo ito, anak
Ayokong umalis, 'Tay
Pangako mo, anak. Na hindi ka babalik anuman mangyari. Kailangan mong magtago. Huwag mong hayaang kunin ka nila.
At sa panaginip niyang ito, ang karagdagang kataga ng kanyang ama.
Sa kahuli-hulihan, ikaw o sila. IKAW O SILA.
Biglang nagising si Andy at napaupo sa kama.
"Ikaw o sila," ulit niya sa sarili.
Napatayo si Andy at tumungo sa bintana at tumayo roon. Ikaw o sila. Ito ang naririnig niya sa kanyang tenga. Ikaw o sila ikaw o sila ikaw o sila ikaw o sila. Paikot-ikot sa kanyang isipan. Ramdam niyang mahalaga ito, na maaaring itong sagot sa lahat. Pero, anong ibig sabihin nito?
Humakbang siya sa kabinet ng kuwarto, binuksan ito at nilabas ang kanyang maleta. Ipinatong niya ito sa kama at binuksan ang zipper. Sa ilalim ng kanyang mga polo ay naroon ang isang baril. Isang Smith & Wesson na kalibre 38. Silver na may rosewood na handle. Kanya itong inilabas sa holster at pinakiramdaman sa kanyang kamay.
"Ako o sila," sabi niya sa sarili. May matalas siyang tingin na binitawan.
Pagkatapos, ay ibinalik niya ang baril sa maleta at itinabi. Kinuha niyang cellphone at binasa ang huling message niya kay Pauline.
Thanks! Love you - Dad.
Wala pa itong reply.
Hindi naman niya inaasahang magrereply ang anak ng I love you, too. Pero, sa pagkakataong ito, malaki ang magagawa noon. Isang message mula kay Pauline at mababawasan ang problema ng magulo niyang mundo. At naisip niya, baka hindi natanggap ang kanyang message, baka hindi ito pumasok. O baka nakalimutan lang ni Pauline. Baka handa na siyang mag-reply at naubusan ng battery. Oo, ganoon na nga. Mag-t-type na sana si Andy ng panibagong message pero natigilan. At nagdalawang-isip. Alam niyang mali siya nang inaakala. Walang reply si Pauline dahil ayaw nito. Matagal na siyang itinakwil ng nag-iisang anak. Mahirap man, pero iyon ang katotohanang kailangan niyang tanggapin.
Hinanap niya sa cellphone ang number ni Carol, kanyang ex-wife, ina ni Pauline. Pinindot niya ang CALL, at narinig ang paulit-ulit na ring. Ika-cancel na sana ni Andy ang tawag nang may sumagot sa telepono.
"Hello?"
"H-hello, Carol?" sabi ni Andy.
"Andy? Ikaw ba 'yan?" gulat na sambit ng boses sa kabilang linya. "Napatawag ka."
"W-wala. Mangungumusta lang," may konting hiya sa tono ni Andy. "Kumusta ka?"
"Heto, okay naman. Ikaw?"
"O-okay lang ako," ngiti ni Andy.
Maririnig ang boses ng teenager na lalaki mula sa background.
"Mommy! We're ready, let's go!"
"Okay, I'm coming!" sigaw ni Carol sa tumawag.
"Si Troy ba 'yon? Binata na ang boses a," sabi ni Andy.
"Heto, ihahatid namin ni George sa school, may outing sila," inform ni Carol.
"Kumusta naman si George?" tanong ni Andy.
"He's okay."
Natahimik si Andy at tila naubusan ng sasabihin, pero, sa katunayan iisa lang naman ang dahilan ng pagtawag niya.
"Andy, okay ka lang ba?" tanong ni Carol.
"O-oo, okay lang ako," sabi ni Andy. "S-si Pauline ba nakakausap mo?"
"Ah, yes."
"Madalas?"
"Well," sabi ni Carol. "Hindi masyado. Siguro, twice, thrice a week? Bakit?"
Hindi masyado. Twice, thrice a week. Dinapuan ng matinding lungkot si Andy.
"'Pag nakausap mo, tell her I love her," sabi ni Andy.
"Sure!" masayang sabi ni Carol.
Nagbuntong-hininga si Andy.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Carol. Na-sense siya. Matagal na silang hiwalay ni Andy pero kilala niya ito, alam niya ang ganoong tono.
Hindi na nakasagot ni Andy pagka't nadinig na naman na tumatawag si Troy. Wala rin naman siyang balak sabihin sa dating asawa ang tunay na nararamdaman. Hindi ugali ni Andy iyon.
"Mommy! We're waiting!"
"I'm coming, okay?!" sabi ni Carol sa anak niya, at bumalik kay Andy. "O-okay, sasabihin ko kay Pauline. Andy, sorry, kelangan ko na talagang umalis. Naghihintay na si Troy at George."
"Ah sure. Sure!" mabilis na sabi ni Andy.
"Okay, bye!" paalam ni Carol.
"Bye."
Maririnig ang dial tone. Ibinaba ni Andy ang cellphone at bumagsak ang kanyang mga balikat. Mabigat ang kanyang dibdib. Naisip sa sarili, na sana iba ang sitwasyon ng buhay niya ngayon, na sana ay maayos. Na sana tulad ng dati. Pero, paano maibabalik ng isang tao ang dati kung ito'y matagal nang lipas? Kung matagal nang nagmove-on ang mga bagay? Gustong ilabas ni Andy ang kanyang matinding hinanakit. Kung hindi lang niya sinanay ang sarili na hindi umiyak bilang defense mechanism ay matagal na sana siyang nalunod ng luha. Matagal na rin sana siyang wala.
Nilabanan ni Andy ang lungkot at inayos ang sarili, at kinuhang muli ang cellphone at nag-dial. Malakas ang ring ng telepono.
"Maverick Private Investigators!" sabi ng boses sa linya. Si Marissa.
"Marissa..."
"Boss Andy!" magiliw na sabi ng sekretarya.
"Transfer mo nga kay Tony," sabi ni Andy.
"Okay."
Maririnig ang click at panibagong ring.
"O, pare! Kumusta ang UFO hunting?" salubong ni Tony sa kabilang linya.
"UFO?" nagtaka si Andy kung bakit alam ni Tony. "Paano..."
"May viral video, pare. May UFO daw diyan sa Quezon," sabi ni Tony. "Ikaw, pare ha, 'yan pala ang tinatago mong bagong kaso mo."
"Oo, pare," amin ni Andy at binigyan niya ito ng tawa pagka't dinig nang humahalakhak ang partner niya.
"Ikaw naman, pare, tinago mo pa, nahihiya ka ba?" aliw na sabi ni Tony. "Tulad nung dati mong kaso na exorcism?"
Tutoo. Bago nito ay may isa pang kaso si Andy na tungkol naman sa demonic possession, mga isang taon na ang lumipas. May ilang kaso pa si Andy na hindi pangkaraniwan o kababalaghan na naging tampok nilang joke ni Tony sa isa't-isa. Si Andy mismo ay natatawa kung bakit siya nasangkot sa mga ito. Pero, iba ang kaso ng bayang naglaho, pagka't dito, involved si Andy. Sa katunayan, nasa kalagitnaan siya nito, kaya't hindi niya magawang pagtawanan ang mga bagay-bagay, kundi'y sakyan na lamang si Tony.
"Alam mo naman ako, pare," sabi ni Andy. "Walang weird na kaso basta tama ang bayad. Kahit UFO pa 'yan!"
"Oo naman, pare," sagot ni Tony. "Teka, baka nabuhay diyan si Elvis, pare ha, ikumusta mo ko kay idol."
"Hihingan pa kita ng autograph!" bulalas ni Andy.
Tumawa muli nang malakas si Tony, habang sumingit si Marissa sa usapan, mula sa kanyang upuan ay sumigaw.
"Boss Andy! Pasalubong naman! Ano ba meron d'yan sa Quezon?"
"Budin! Saka Longganizang Lucban," sigaw naman ni Vic na kasalukuyang nagtitimpla ng kape sa dulo ng kuwarto.
"Boss! Longganiza daw!" ulit ni Marissa. "Saka, ano yon? Budin? Budin sabi ni Vic!"
"O, narinig mo 'yon, pare, pasalubong daw," sabi ni Tony kay Andy sa telepono.
Umoo si Andy.
"Okay daw!" thumbs up ni Tony sa dalawang kasama na masayang nagsibalikan sa kanilang ginagawa sina Marissa at Vic.
At dito tyumempo si Andy kay Tony.
"Pare, may sasabihin ako importante."
"Ano 'yon?" tanong ni Tony. Curious.
"Sakaling matagalan ako. Kaw na muna bahala sa mga case files ko. Sayo na din ang kumisyon," bilin ni Andy.
"Really? Okay lang?" medyo nagtaka si Tony. "Alam mo, hindi rin ako masyadong busy ngayon..."
"Saka sa pinaka-ilalim na kabinet, nandon ang mga personal files ko sakaling dumating ang araw na kailanganin mo ang mga iyon," dagdag ni Andy.
Nagtaka na nang tuluyan si Tony, pero, pabiro pa rin, sinabi:
"Pare, parang namamaalam ka na a. Yung last will and testament mo ba nandon din? May mamanahin ba ako?"
"Basta, pare. Ikaw na bahala," siryoso ang tono ni Andy.
"Okay, pare, no problem. Basta ikaw!"
"Salamat, pare. At thank you sa lahat. See you soon."
"Okay, pare. See you soon," balik ni Tony.
Natapos ang kanilang usapan. Masaya si Tony na makausap si Andy at makabalita, pero, sa likod ng kanyang isipan, siya ay nagtataka sa naging asal ng kaibigan. Ngayon lang din niya narinig ang ganoong siryosong pangungusap mula kay Andy. At bakit siya nagbibilin? Pero, ini-shrug off na lamang niya ito. Gawa na rin siguro ng stress at edad, naisip niya sa kaibigan, at ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa.
Sa kanyang kuwarto, saglit pang natulala si Andy na nakaupo sa kama. Nag-iisip. Naghahanda.
NEXT CHAPTER: "Ang Mga Aliens"