2. Luha

1397 คำ
“MARA, KAPAG MAY manliligaw ka na, batid kong ipakilala mo muna sa akin,” sabi ni Papa. Napatigil ako sa pagtitipa sa telepono nang biglang magsalita si Papa. Napalingon ako sa kaniya, hindi makapaniwala. Hindi ko inakalang darating ang araw na magpapakita siya ng interes sa buhay pag-ibig ko. “Sige po. Pero wala pa naman nagtangka,” pag-amin ko. “Ako ba’y niloloko mo?” Tipid akong ngumiti. “Wala pa po akong oras para sa pag-ibig. Magpokus na lang muna ako sa trabaho. Hindi rin sapat ang ipon ko para bumuo na ng pamilya.” “Pero tumatanda ka na. Hindi rin mali kung bigyan mo ng puwang ang pag-ibig. Basta ang hiling ko lang bilang tagapangalaga mo, ipakilala mo sa akin kung sino ang mga aakyat ng ligaw sa iyo. Ayaw ko lang na mapunta ka sa mga pinsa—ang ibig kong sabihin, sa kung sinu-sino. Sayang ka kung matulad ka lang ni Rose na natapos buntisi—” Ibinaling ko ang atensiyon sa labas ng kalsada. Hindi ko maitatangging sumikip ang dibdib ko. “Alam ninyo po pala ang nangyari kay Mama. Iniwan pala siya ni Papa nang nabuo ako.” Bigla niyang itinabi ang sasakyan. Nang huminto kami, lumingon siya at inabot niya ang kamay ko mula rito sa kinauupuan ko sa likuran. Marahan niyang pinisil-pisil, para bang pinipilit akong patahanin. Malakas ang kutob niya na nasaktan ako sa narinig ko mula sa kaniya. Hindi ko maikakailang tama siya sa nararamdaman niya. Kahit sinong anak, masasaktan kung malaman na nabuo ka pa lang, hindi ka na mahal. “Pasensiya ka na kung nasabi ko iyon. Pero iyon lang ang alam ko. Hindi mo dapat malaman iyon,” paliwanag ni Papa. Pinisil ko ang kamay ni Papa. “Mas mabuti nga po iyon. Kahit paano, alam kong hindi niya ako mahal. Wala na rin saysay kung hahanapin ko pa siya.” “Pasensiya na, Mara. Sigurado akong magagalit ang Mama mo sa akin. Hindi mo dapat malaman iyon,” sabi ni Papa. Binitiwan ko ang kamay ni Papa. “Sige na po. Paandarin ninyo na ang sasakyan. Hinihintay na tayo ni Parker.” Narinig ko ang pagbuntonghininga ni Papa. Sigurado akong naiinis siya sa sarili niya kung bakit hindi niya napigilan ang bibig niya. Kinagat ko ang ibabang parte ng labi ko. Pinigilan ko lang ang sarili ko. Malakas ang kutob ko na may alam siya sa kung sino ang ama ko. Muntikan na siyang madulas kanina. Natakot siya na baka mapunta ako sa mga pinsan ko. Ang ibig sabihin ba... nasa paligid lang ang totoong ama ko? Napakasama niya. Hindi man lang siya nagpakita’t nagpapakilala. Alam kong hindi niya ako mahal simula pa lang, pero paano niya ako nagawang tiisin? Paano niya kinaya na lumipas ang mga taon—ang mga kaarawan, pagtatapos, at magandang pangyayari sa buhay ko—wala man lang siyang paramdam? Nang tuluyan ng pumatak ang luha sa mga mata ko, agad ko iyong pinusanan. Ayaw ko lang mag-aksaya ng mga luha para sa taong hindi ako tanggap. “Iiyak mo lang iyan, Mara,” sabi ni Papa. Napangiti ako, nagtapang-tapangan. “Hindi po ako umiiyak. Napuwing lang po. Wala pong rason para umi—” Hindi ko natapos ang balak na sabihin nang hunagulgol na ako. Hindi ko na kaya pang pigilan ang damdamin ko. Naawa lang para sa amin ni Mama. Siguro nang malaman ni Mama na buntis siya, nagmamakaawa siya sa ama ko na panagutan siya. Napahawak ako sa dibdib ko. Iniisip ko pa lang ang sakit na nadarama ni Mama noong sandaling iyon, parang sinaksak na ang puso ko ng kutsilyo. Hindi narapat sa ina ko ang masaktan nang dahil sa lalaking katulad ng ama ko. “Pasensiya na, Mara. Nang dahil sa akin—” “Hindi dahil sa iyo, Pa. Dahil sa kaniya! Dahil sa kaniya! Dahil sa kaniya! Malalaman ko lang na hindi man lang siya pumunta sa lamay ni Mama, hinding-hindi ko siya mapapatawad!” Nanginginig ang mga kamay ko sa galit. Lalo pa’t alam ko na nandito lang ang ama ko sa paligid. Napabuntonghininga si Papa at saka umiling. Ramdam ko ang pagsisisi niya sa kaniyang sarili. Pero wala siyang kasalanan sa nangyari sa akin kung bakit ako nasasaktan. Ang tadhana na ang siyang gumawa ng paraan para malaman ko ang pag-abandona ng ama ko sa amin ni Mama. Isinandal ko ang sarili ko sa upuan at hinayaan ang sarili na umiyak. Bilang anak, natural lang na masaktan ako sa nalaman ko. “Ma, kung sinabi mo sa akin ito nang mas maaga, hindi siguro ako masasaktan nang ganito,” bulong ko sa hangin. Ilang minuto ang lumipas, dumating na kami sa tapat ng paaralan ni Parker. Napangiti ako nang makita siyang papalabas ng tarangkahan, bitbit ang kaniyang seryosong mukha. Napakaguwapo talaga ng bunsong kapatid ko. Halos nakuha niya ang lahat ng panlabas na anyo ni Papa—mula sa makakapal na kilay, malalim na mga mata, matangos na ilong, maigting na panga, hanggang sa likas niyang tangkad. Kinuha ko muna ang salamin sa bag at tiningnan ang sarili ko. Sinigurado ko lang na walang bakas sa mukha ko na kagagaling ko lang mula sa pag-iyak. Mahal ako ng kapatid ko kaya ayaw kong mag-aalala siya nang dahil sa akin. Nang bumukas ang pinto sa gilid ko, agad akong umusog upang bigyan siya ng espasyo. Pagkaupo niya sa tabi ko, pabiro niya akong siniko. Ganoon siya maglambing sa akin. “Kumusta ang iyong pag-aaral, Parker?” tanong ko. “Ganoon pa rin naman. Mas nangingibaw lang ang aking antok,” tamad na sagot niya. “Hindi mo man lang ba babatiin ang iyong ama?” seryosong sabi ni Papa, may kunting inis sa tono ng kaniyang pananalita. “Magandang hapon, Pa,” tipid na sagot ni Parker, nakabusangot. Napangiti ako habang hindi maialis ang titig sa kapatid ko. “Ikaw ba’y masaya na roon natin palilipasin ang gabi sa puntod ni Mama?” Napatango lang siya at agad na isinandal ang likod sa upuan. Napabuntonghininga siya at halata sa mukha niya na may pinagdaanan siya. Hindi ko lang matukoy kung ano dahil hindi talaga paladama ang kapatid ko. Tahimik siyang tao. Nagsasalita lang kapag kinakausap. “Ikaw ba’y nahihirapan sa iyong mga alarin. Kung ganoon, hindi masama ang maghingi ng tulong. Nandito lang si Ate,” sabi ko. Napalingon siya sa akin. “Mabuti sana kung walang magagalit. Baka may mangangaral na naman sa akin. Baka may magpapaalala na naman sa akin na walang mahina sa De Mercedes. Na kaya ko lang iyon at tamad lang akong mag-aral.” Napabuntonghininga siya sabay dabog. “Paano kung tunay talaga akong nahihirapan, Ate?” Inabot ko ang kamay ni Parker. Mahigpit ko iyong hinawakan bago nilingon si Papa. Tiningnan ko ito sa salamin at sinenyasan na hindi na nito patulan si Parker. “Ginigawa ko ang lahat ng iyon para magkaroon ka ng boses sa hinaharap. Ginagawa ko iyon para sa kabutihan mo,” paliwanag ni Papa. Napabuntonghininga na lang ako. Alam ko na ang mangyayari. Magsasagutan lang sila. Kung nandito lang sana si Mama, hindi ito mangyayari. “Pa, Parker, parang awa ninyo na... tama na po. Hindi matutuwa si Mama kung ganito kayo lagi.” Nilingon ko si Parker. “Pupuntahan kita sa iyong kuwarto mamaya. Tuturuan kita. Nagkakaintindihan ba tayo?” Hindi na siya sumagot at ngumuso na lang. Binata na talaga ang kapatid ko. Marunong na siyang ipaglaban ang nararamdaman niya. Hindi na siya iyong bata noon na panay tango lang sa gusto ni Papa. Bagaman naintindihan ko rin naman ang gustong ipabatid ni Papa. Mahal niya lang si Parker kaya gusto niyang maging katulad niya ito. Sadyang napasobra lang kaya nasasakal ang kapatid ko. Pero alam kong darating ang araw, magkakaintindihan din sila. Parehong may mali. Hindi lang sila nagkaintindihan. “Humingi ka ng paumanhin,” bulong ko kay Parker. Napalingon siya sa akin at sinamaan ako ng tingin. Hinawakan ko ang pisngi niya at pinatitig siya sa akin. Napabuntonghininga siya. “Oo na.” Nang binitiwan ko siya, tumikhim siya. Napangiti na ako. Kahit paano, siya pa rin pala iyong bata na napapasunod ko. “Pasensiya, Pa,” mahinang sabi ni Parker. “Pasensiya rin,” sagot ni Papa. Napangiti ako. “Tama na ang away. Mas mabuting pumunta na tayo sa sementeryo. Sigurado akong jinihintay na tayo ni Mama roon.” ~~~
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม