“MAMA,” SAMBIT KO matapos sindihan ang kandila sa ibabaw ng lapida niya.
Binuksan na ni Parker ang lalagyan ng binili naming pagkain sa isang sikat na restawran na paboritong kainan ni Mama noon. Doon niya ako madalas dinadala. Lalo na noong panahong walang-wala pa kami. Noong hindi pa dumating si Papa Fernando sa buhay namin.
Maliban sa pagiging mura, iba talaga ang saya na naibibigay ng restawran na iyon sa mga bata—siguro’y dahil sa kanilang tatak-pangkalakal na isang dambuhalang bubuyog.
At dahil sa malaking impluwensiya ni Mama sa amin, naging paborito na rin naming dalawa iyon ni Parker. Kahit ipinanganak ang bunsong kapatid ko na may gintong kutsara, hindi inalis ni Mama sa kaniya ang mga bagay na naging parte ng buhay niya.
Kaya saludo ako sa pagpapalaki ni Mama kay Parker. Saksi ako kung paano niya itong pinalaking simple—hindi niya kailanman ipinaramdam dito na espesyal ito o mas mataas ang estado ng buhay sa iba. Pero alam kong hindi rin iyon naging posible kung wala ang gabay ni Papa. Malaki ang pinagkaiba ng ugali nito sa sariling pamilya.
Tipid akong ngumiti. Masakit man aminin, pero bilang ko lang sa kamay ang mabubuti sa mga De Mercedes. Halos lahat, may kakaibang ugali. Mabuti na lang talaga, hindi ganoon ang aking kapatid.
Inilagay na ni Parker ang pagkain sa ibabaw ng lapida. “Ma, paborito mo. Sana’y natuwa ka sa pagkaing dala namin.”
“Iyan ang tiyak ko,” sagot ni Papa.
Napangiti ako at marahang hinaplos ang lapida ni Mama. “Ma, nais kong ipaalam sa iyo na papa na rin ang tawag ko kay Sir Fernando. Ito mismo’y kaniyang pakiusap sa akin. Sino ba ako para hindi iyon sundin?”
Napalingon sa akin si Parker at tipid siyang ngumiti. Sapat na iyon para malaman kong walang problema iyon sa kaniya.
Iniwas na ni Parker ang tingin sa akin at kinuha na niya ang pagkain na para sa kaniya. Inilapit ko sa akin ang bag na gawa sa papel at inilabas lahat ng mga pagkain mula roon sa loob.
Inabot ko ang isa kay Papa. “Kumain ka na rin, Pa.”
“Salamat dito, Mara. Ikaw, kumain ka na rin.”
Napatango ako at kinuha na rin ang para sa akin. Nagsimula na akong kumain at hindi ko mapigilan na kumuha ng litrato kasama si Parker. Noong una, ayaw niya. Hindi talaga siya iyong tipo ng tao na mahilig sa ganoong bagay. Pero dahil matigas at makulit ako, pinilit ko siya. Sa awa ng Diyos, wala siyang nagawa kung hindi ang mapapayag siya.
“Ganoon? Kayo-kayo lang? Hindi ninyo man lang ako aayain para sa pagkuha ninyo ng mga larawan?” sabi ni Papa.
Napalingon ako sa kaniya, napangiti. “Ayaw lang po kitang maabala, Pa.”
“Hindi kayo makaaabala sa akin. Mga anak ko kayo," sagot ni Papa.
Napatango ako, nahihiya. “Sige po. Halika po rito sa likuran namin, Pa.”
Pagdating ni Papa sa likuran, pumagitna siya sa amin ni Parker. Ipinatong niya ang isang kamay niya sa kanang balikat ko at napatingin lang ako sa kamay niyang mahigpit na kumapit sa braso ko.
“Ate, sige na,” sabi ni Parker.
“P-Pasensiya,” sabi ko.
Itinoon ko na ang sarili sa pagkuha ng larawan na kasama na si Papa. Marami-raming larawan ang kinuha ko para marami-rami rin ang magandang alaala naming tatlo. Hindi rin namin pinalagpas na kasama ang lapida ni Mama para mayroon din kaming larawan na kumpleto kaming apat.
Marahan na pinisil ni Papa ang braso ko kaya muli akong napatingin sa kamay niya. Hindi lang ako sanay na humawak sa akin kaya ganito ang reaksiyon ko. Masyado lang siguro akong mapag-isip.
Muling pinisil ni Papa ang braso ko bago niya binitiwan. Sa pagkakataong iyon, tipid akong ngumiti para hindi makita sa mukha ko ang pagkailang. Pero ang totoo, labis ang bilis ng pintig ng puso ko. Kinakabahan ako.
“Pwede ko bang tingnan ang mga kuha natin, Mara?” tanong ni Papa.
Napatango ako at agad na inabot ang aking telepono sa kaniya. Habang nasa kaniya pa ang telepono, nagpatuloy muna ako sa pagkain.
Ilang segundo ang lumipas, tumunog ang telepono ko kaya napalingon ako kay Papa. Nakita ko ang pagkunot ng noo niya habang seryosong nakatingin sa telepono ko.
Nilingon niya ako. “Tumatawag ang pamangkin ko.” Inabot niya sa akin muli ang telepono ko. “Iyong paalala ko sa iyo, huwag mo sanang kalimutan.”
Napatango ako. “Pangako po, Pa.”
Sinagot ko ang tawag ni Aquilles, ang pamangkin ni Papa Fernando. Anak ng bunsong kapatid nito.
“Magandang hapon, magandang binibibi,” bungad sa akin ni Aquilles.
“Magandang hapon. Ano ang aking maipaglilingkod, Aquilles?” sagot ko.
“Puwede ka bang yayain mamaya sa gimikan? Huwag kang mag-aalala. Kasama natin ang aking kapatid na iyong matalik na kaibigan.”
Napangiti ako. “Ako’y nangako na kay Parker na turuan siya sa kaniyang mga aralin mamayang gabi. Sa susunod na araw na lang. Pakiabot na lang ng paghingi ko ng paumanhin sa aking kaibigan.”
“Sige. Alam mo bang ika’y dumalaw sa aking panaginip?” aniya. Halatang gusto pa niya ng makauusap.
Napangiti ako sabay ikot ng aking mga mata. Alam kong bobolahin niya lang ako katulad ng kaniyang nakasanayan. May kamalayan ako sa kinikilos niya. Pero hindi ko naman iniisip iyon bilang isang negatibong bagay. Kung tutuusin, ako’y masaya na may isang guwapong binatilyo ang nagkainteres sa isang simpleng tulad ko.
“At ano ang ginawa ko sa iyong panaginip?” tanong ko, nakangiting hinihintay ang kaniyang kasagutan.
“Ika’y aking sinisinta,” aniya.
“Kapag ika’y narinig na iyong kapatid, ewan ko na lang kung hindi siya mandidiri sa iyo,” sagot ko.
“Sinamaan na nga ako ng tingin,” aniya.
Napatawa ako. Natutuwa lang ako kay Aquilles. Kaya hindi ko mawari kung bakit parang ayaw ni Papa na maging kaibigan ko siya. Kahit paano’y nakita ko rin ang kabutihan sa puso niya. Bagaman hindi ko kayang pagtakpan na mahilig talaga siya sa babae.
Pero para sa akin, bilang isang babae, dapat munang kilalanin nang mabuti ang mga lalaking umaaligid o hindi kaya’y gustong maging bahagi sa mga buhay namin. Libre lang ang maging wais sa pagpili at paggawa ng desisyon kaya’y hindi masaya kung ito’y araw-arawin.
“Dapat lang iyan sa iyo. Masyado ka kasing papansin sa akin,” sabi ko.
“Ika’y grabe na sa akin,” aniya.
“Biro lang, Aquilles. Sige na at nandito pa kami sa sementeryo,” sabi ko.
“Sige. Pero hindi na ba magbabago ang iyong desisyon?”
Napangiti ako, umiling. “Pinal na. Mas mahalaga ang oras ko kapag kasama ko ang kapatid ko. Minsan lang kami ganito kaya’y sulitin ko na. Kapag ito’y magkakaroon na ng kasintahan, hindi na ito magpapalambing sa ak—”
Hindi ko natapos ang balak kong sabihin nang tinulak ni Parker ang mukha ko. Pinatay ko na lang ang linya habang hindi mapigilan na matawa nang makita ang mukha niyang nakabusangot.
“Masyado pa akong bata para roon,” giit ni Parker.
Napalingon ako kay Papa. “Hindi rin naman siguro papayag si Papa. Mag-aral ka munang mabuti bago pumasok sa magulong mundo ng pag-ibig.”
Napangiti si Papa. “Masarap ang pag-ibig, Mara. Lalo na kung mapunta tayo sa tamang tao. Katulad ko, matagal kong nahanap ang pag-ibig. Pero nang dumating kayo sa buhay ko, lahat ng mga katanungan ko noon, napunan iyon. Binusog ako.”
Napangiwi ang mukha ni Parker habang nakinig kay Papa kaya hindi ko mapigilang matawa. Ayaw niya talagang makarinig ng mga ganoong klaseng usapan.
Inabot ni Papa ang ulo ni Parker at ginulo ang buhok nito. “Ang ipinagdasal ko lang sa Diyos, nakuha mo sana ang galing ko kung paano kumilatis ng babae.”
“Doon ako sigurado, Pa,” nakangiting sabi ko.
“Sana lang talaga. Dahil kung hindi, madali lang palitan ang pangalan niya. Ibibigay ko ang buong pangalan ko sa kanya bilang parusa.”
“P-Papa,” naiinis na sambit ni Parker.
“Bakit, Fernando Jr.?” pagbibiro ni Papa.
Hindi na sumagot si Parker at napakamot na lang sa ulo. Mabuti na lang talaga at hindi pumayag si Mama noon na Fernando ang ipangalan kay Parker. Siguro’y kung nangyari iyon, araw-araw niyang kikimkimin ang bigat sa puso niya kung bakit ganoon ang pangalan niya.
Ibinaling ni Papa ang tingin niya sa akin. Sandaling nagtagpo ang mga mata namin, pero tila ba may ibang direksiyon ang tingin niya. Baka naman nagkakamali lang ako. Sana.
Ibinaba ko ang paningin ko at saka ko lang napansin na bahagyang lumuwa ang hiwa ng dibdib sa suot kong blusa.
Napakurap ako.
Agad ko itong inayos, tahimik at parang walang nangyari. Pero kahit anong pilit kong itanggi sa sarili, may kung anong hindi maipaliwanag na kaba ang bumalot sa dibdib ko. Parang may hindi tama, pero ayokong husgahan ang iniisip ko.
Anak niya ako.
At ayaw kong pagdudahan ang isang taong halos buong puso kong niyakap bilang ama ko.
~~~