AGAD na pinadampot ni Gareth ang doktor. Hindi ito tumakbo o nanlaban. Pakiramdam ko ay kusang loob siyang sasama kahit hindi pilitin. Hindi muna kami umuwi sa bahay. Dumiretso kasi sa headquarters ng mga Benavidez at dinala ang doktor sa isang silid. Kasama ako ni Gareth dahil ayokong humiwalay sa kanya. Gusto niyang mag-isa na lamang siyang humarap sa doktor na nagpaanak sa akin ngunit gusto kong marinig kung ano mang sasabihin niya. “Gusto ko rin siyang makausap. Pakiramdam ko, may gusto siyang sabihin sa akin,” sabi ko kay Gareth at doon niya ako hinayaang harapin din ang doktor. Aminado naman akong kinakabahan ako pero gusto ko ring malaman kung anong dahilan ng pagpapakita niya. Kanina ay ni hindi man lang siya tumakbo nang makitang lumalapit sa kanya ang mga tauhan nina Gareth.

