Wala namang malisya ang sinagot ko na si Mr. Grayson ang pinakagwapo sa kanila. Malamang! Siya ang amo ko, kaya siya dapat ang isagot ko. Baka mamaya ay magagalitin pala siya at ayaw niya na mapahiya sa harap ng mga kasama niya ngayon. Kaya ‘yon ang isinagot ko.
Nagpaalam na muli ako sa kanila. Natapos ang araw ko na marami akong ginagawa na mga papeles. ‘Yong mga iniwan sa akin na trabaho ng dating sekretarya ay itinutuloy ko. Kahit papaano ay hindi pa naman ako sobrang nahihirapan ngayon.
Natapos ang unang araw ko sa trabaho na matiwasay. Pagbaba ko sa ground floor ay masama pa rin ang tingin sa akin ng iba. Hindi ko na lang sila pinansin. Ito na pala ang work environment na tinatawag. May makakasalamuha talaga ako na iba’t-iba ang mga ugali ng katrabaho. Hindi rin lahat ay magiging kaibigan mo o magiging kabait sa ‘yo.
May mga nababasa nga ako noon na sobrang toxic daw talaga ng mga katrabaho. Isa sa dahilan kung bakit ang ibang empleyado ay nagre-resign sa trabaho. Hindi dahil mahirap ang trabaho nila, kundi dahil sa pangit ng ugali ng mga katrabaho nila. Ayoko naman na maranasan ko pa ‘yon. Kaya hangga’t maaari ay hindi na lang ako makikisalamuha sa kanila. Kung ayaw nila sa akin, ayaw ko rin sa kanila. Hindi ko ipagsisiksikan ang sarili ko. Kaya ko naman na mag-isa. Nabuhay nga ako hanggang ngayon na mag-isa lang at walang ni isang kaibigan. Tapos si Mama naman ay parang hindi ako anak kung tratuhin. Kaya sanay na akong mag-isa.
Nakauwi na ako sa apartment ko. Nilalakad ko lang ito. Nakakapagod, kahit halos maghapon lang naman ako na nakaupo. Nagbinalot nga lang ako kaninang lunch. Para mas makatipid ako. Para na rin hindi ko na kailangang bumaba pa at lumabas ng building para sa pagkain ko.
Nakatulog na ako nang gabi na ‘yon. Pero nagising ako at naalimpungatan dahil umiiyak na pala ako. Nakaramdam ako ng matinding lungkot. Malungkot na nga na kahit magkasama kami ni Mama sa iisang bahay at hindi nag-uusap. Pero mas malungkot pala ang nararanasan ko ngayon. Talagang mag-isa na lang ako rito sa bahay na ‘to. Hindi pa ako sanay masyado. Mas okay pa sa akin na magkasama kami ni Mama, kahit na ‘di kami nag-uusap. Kung mag-uusap lang kami ay kapag sesermonan niya lang ako.
Pero ngayon na mag-isa na lang ako ay mas naramdaman ko na ang lungkot. Ang hirap pala talaga mag-isa. Ang hirap ng buhay. Maswerte lang ako ngayon na nakapasok agad ako sa isang trabaho at sa magandang kumpaniya pa. Kahit na ito ang unang beses ko na naghanap ng trabaho.
Tama… ‘Yon na lang ang iisipin ko. Na kahit papaano ay may isang swerte na dumating sa buhay ko at hindi ako minalas ng sobra. Iisipin ko na lang na kailangan kong maging matatag para mabuhay na mag-isa. I’m sure mas marami pa ang darating sa akin na biyaya. Bata pa naman ako. Parte lang siguro ‘to ng pagsubok sa buhay.
***
Nagluluto na ako ngayon ng umagahan ko. Pati na rin ang kakainin ko na lunch mamaya. Alas-kwatro pa lang ng umaga ay gising na agad ako. Nang matapos kong kumain at mag-ayos ng binalot ko ay nagpunta na ako sa banyo at naligo.
Pumasok ako sa kwarto ko at umupo sa kama. Nakasuot pa ako ngayon ng bathrobe. Pinapatuyo ko muna ang buhok ko sa harap ng electric fan ko. Hindi ko afford na bumili ng blower, kaya sa electric fan na lang muna. Napansin ko na kanina pa ako humihikab. Siguro dahil kulang ako sa tulog. Medyo mabigat pa rin ang mga mata ko dahil umiyak ako kagabi. Kung bakit ba kasi nagising pa ako no’n at naisipan na maiyak.
Nag-ayos na ako ng sarili ko. Napatingin naman ako sa orasan. Alas-sais pa lang naman. Mabilis kasi akong kumilos. Ang balak ko naman na pagpasok ko ay mga 6:40 am. Dahil 8:00 am pa naman ang pasok ko talaga. Kailangan ko lang na maunahan sa trabaho si Mr. Grayson para maihanda ko na ang breakfast niya.
Maaga-aga pa naman at nakaayos naman na ako. Maayos na rin ang mga gamit at dadalhin ko. Naisip ko naman na umidlip muna saglit. Humiga ako sa kama at ipinikit ang mga mata ko.
Sa kasamaang palad ay hindi ko pala napindot ang alarm ko!
“Sh!t! Late na ako!” sigaw ko nang makita ko kung ano na ang oras. 9:30 am na! Late na late na ako!
Napatingin naman ako sa phone ko at marami na pa lang missed calls sa akin si Mr. Grayson! Ang malala pa ay naka-silent ang phone ko! Kaya hindi ko rin narinig kahit ang tawag sa akin.
Oh, shocks! Patay ako nito! Ikalawang araw ko pa lang ngayon sa trabaho, pero late na agad ako! Nagpapakita na agad ako ng pangit na performance sa amo ko! Dali-dali akong nag-ayos ng sarili. Hindi na ako nag-toothbrush! Nag-candy na lang ako at kinuha na ang mga gamit ko. Naka-toothbrush naman na ako kanina, eh.
Tumatakbo ako habang naka-high heels papunta sa kumpaniya. Ayos na ayos ako kanina pero makakarating ako sa Vista na haggard na. Ano ba naman ‘yan, Pyper!
Papasok na sana ako sa kumpaniya pero nagpahinga muna ako saglit. Hingal na hingal na kasi ako sa kaktakbo. Tapos ang dami ko pang bitbit ngayon. Ngunit talaga yata na malas ako ngayong araw.
Nasira bigla ang takong ng high heels ko na nabili ko lang sa bangketa noong isang araw. Dahil doon ay halos matumba na ako. Pero laking gulat ko nang may maramdaman akong humawak sa baywang ko. Nakapikit na ako at handa na sanang hintayin ang pagkalaglag ko sa sahig. Pero laking gulat ko nang makita ko ang mukha ni Mr. Grayson na siyang sumambot sa akin.
“S-Sir?”
“Aren’t you going to stand up properly?”
Agad naman ako na umayos ng tayo dahil sa sinabi niya. Napatingin ako sa sira kong sandals. Hindi ko na maitayo ng deretso dahil hindi na patay ang magkabilang paa ko. Putol na ang takong ng isa. Napatingin din si Mr. Grayson sa suot ko at saka siya napailing.
“Tsk. Tsk. You’re already late and now your sandals broke. This won’t do. Let’s go.”
“Po?” tanong ko. Dahil hindi ko masiyadong naintindihan ang sinabi niya na ‘yon.
May biglang pumarada na magandang sasakyan sa gilid namin. Pumasok siya roon sa backseat. Ako naman ay nakatayo pa rin sa gilid ng kotse. Sinilip naman ako ni Mr. Grayson na hindi pa rin sinasara ang pinto ng sasakyan.
“Are you going to stay there? Come in already. Time is running.”
“P-Po? Kasama po ba ako?”
“I don’t want to repeat what I just said.”
Agad naman ako na pumasok sa loob sa tabi niya. Nang maisara ko na ang pinto ng sasakyan ay umandar na ito. Hindi ako nakadikit sa kaniya. Wala akong ideya kung saan kami pupunta ngayon. May business schedule ba siya ngayong araw? Sa pagkakatanda ko naman ay wala. Kaya hindi ko alam kung saan kami pupunta. Dala-dala ko pa naman ang lahat ng mga gamit ko ngayon.
“May I ask where are we going, Mr. Grayson? And I am sorry po if I am late. I don’t have any excuses,” sambit ko naman.
“You will have a total makeover. I don’t like your style.”