Kabanata III

1367 คำ
Mabilis na lumipas ang mga araw, heto at magdadalawang linggo na simula noong gabing iyon. Pero wala parin kong kahit anong natuklasan sa nagdulot ng mga misteryosong pagbabago. At simula rin noong nangyari sa gubat ay hindi ko pa nakakausap na muli si Rigel. Hindi ko alam kung may ginagawa ba silang hakbang ni Rafael, o kung may nalalaman na sila. Sa loob ng dalawang linggo na iyon ay unti unti na ring nawawala ang takot at pagkailang ko sa presensiya ni Tatay. Ang nararamdaman ko na ay takot na baka sa pag uwi ko galing sa eskwela ay wala na siya sa bahay. Sa maikling panahon ay tila nasasanay na akong muli na kasama namin siya, at sa tuwing nakikita ko kung gaano kasaya ang pamilya ko, napapaisip ako kung gusto ko ba talagang bumalik sa normal ang lahat. Sa pagbabalik ni Tatay ay hindi lang kami naging buo at masaya kundi lumuwag din ang aming pamumuhay. Napukaw lang ang atensiyon ko noong maupo sa tabi ko si Christian. Nandito kami ngayon sa baranggay covered court para magbasketball, araw kasi ng linggo ngayon. "Ano ayaw mo na ba?" Hinihingal niyang tanong. "Pang uwi na yata ‘to." Natatawang tugon ko sabay unat sa mga kamay ko. Kanina pa kasi kaming naglalaro rito. "Tian, hindi ka na ba nagpipinta ngayon?" pag iiba ko "Nagpipinta? Hindi naman talaga ako marunong magpinta. Alam mo namang pagtakbo at pagba-basketball lang ang alam ko." Natatawang tugo niya. Ibang iba na nga siya sa Christian na kilala ko noon. Ang Christian na natanggap at minahal ang sarili at kapansanan niya dahil sa pagpipinta. Nakakalungkot pero sa tuwing nakikita ko ang maayos na paglakad ni Tian, alam kong mas masaya siya ngayon. Muli ay sumulpot na naman ang tanong sa isip ko. Gusto ko pa bang bumalik sa dati ang lahat? Kung tutuusin ay kung nakausal man ako ng hiling noong gabing iyon, paniguradong ang kasalukuyang sitwasyon ng pamilya namin ang magiging hiling ko. Lalo't kung titingnan ko ang mga tao sa paligid ko ay nakikita ko namang masaya sila. Kinabukasan ay halos mahuli na ako sa pagpasok. Ni hindi na nga ako nahintay ni Tian, siguro ay dahil sa pagod at sa mga gumugulo sa isipan ko. Kahit papaano rin ay pumapasok na sa utak ko ang mga klase namin. Mukhang unti-unti na nga akong nasasanay sa bagong paligid ko. Itinigil ko na rin ang paghahanap sa bakas ng bulalakaw o alien. Mabilis na lumipas ang maghapon ko sa eskwelahan. Tumungo na agad ako sa paradahan ng bisikleta, nagmamadali akong makauwi. Ang sabi kasi ni Tatay ay sa labas daw kami kakain mamaya. "Elias." Natigilan ako sa boses na tumawag sa akin. Hinarap ko ito na naka-seryoso ang ekspresyon. "Bakit?" tanong ko kay Rigel "Mamayang gabi, pupunta kami sa patag at kakahuyan ni Rafa. Kung wala kaming makita pag tirik ang araw, baka sakaling pag gabi ay magpakita na ito. Gusto mo bang sumama?" "Sinabi ko naman diba, hindi ako makikipagtulungan sa Rafael na iyon." "Bakit, nag eenjoy ka na ba sa ilusyong ‘to?" Napalingon ako sa paparating na si Rafael, nakangisi pa ito na tila nang iinis. Kung wala lang kami sa eskwelahan ay baka kwenelyuhan ko na siya. "Elias, sabihin mo nga. Gusto mo pa bang bumalik sa dati ang lahat? O mas gusto mo itong ganitong sitwasyon?" tanong pa niya Ito rin ang tanong na paulit ulit kong tinatanong sa isip ko. Pero mukhang alam ko na ang sagot. "Bakit ba sobrang pursigido kayong mabalik sa dati ang lahat? Ikaw Rigel, mas gusto mo ba iyong tatay mong mapanakit? At ikaw. . ." Binalingan ko si Rafael saka ako ngumisi ng sarkastiko. ". . . mas gusto mo bang matawag na anak at kadugo ng mamamatay tao? Bakit ba gusto niyo pang gawing komplikado ang lahat?" "Sa tingin mo magiging masaya ako sa kasinungalingan? Sa ilusyon?" tugon ni Rigel "Bakit? Kung babalik ba sa dati ang lahat magiging masaya kayo?" "Hindi. Pero iyon ang tama at mabuti." saad ni Rafael Humakbang akong palapit dito. "Tama at mabuti? Sinasabi mo bang ang pagpapapatay ng tatay mo sa tatay ko ay tama at mabuti?" Napabuntong hininga ito saka lumayo sa akin. "Elias, hindi mo naiintindihan." Napahilamos ako sa mukha ko. Pinigilan kong sumabog ang inis na nararamdaman ko. "Hindi ko naiintindihan? Kayo ang hindi nakakaintindi. Bakit naranasan niyo na ba ang biglang mawalan ng magulang dahil sa mga taong halang ang kaluluwa? Hindi niyo alam ang pakiramdam ko, kaya wala kayong karapatan na sabihing hindi ako nakakaintindi." "Pero magiging tunay ka bang masaya, kung alam mong kasinungalingan lang ang lahat ng ‘to?" tanong ni Rigel "Hindi na mahalaga kung totoong masaya ako. Ang importante ay alam kong masaya ang mga tao sa paligid ko." Pinaglipat ko ang tingin sa dalawa. "Kung balak niyong alamin ang nagdulot ng misteryong ‘to, hindi ko kayo pipigilan. Pero kung ang nais niyo ay mabalik sa dati ang lahat, hindi tayo magkakasundo." Ipinagdiinan ko pa ang huli. Tinalikuran ko na sila at sumampa na sa aking bisikleta. "Lahat ng bagay ay mayroong kapalit. Kung gaano katindi ang mga hiling na tinupad, paniguradong mas nakakatakot ang kabayaran nito." litanya ni Rigel Napabuga na lang ako ng hangin saka itinuloy ang pag iwan sa kanila. Papatunayan kong mali ang iniisip niyo. Walang mangyayaring hindi kanais-nais. Wala. Nagpatuloy ako sa pag-pedal at noong malapit na ako sa bahay ay doon ko naman natanaw ang kumpulan ng mga tao. Nagmadali akong makalapit doon at ganoon na lang ang panlalaki ng mata ko noong makita ko ang pinagkukumpulan nila. "Tian!" sigaw ko noong makitang duguan itong nakahandusay sa kalsada, "Ambulansiya. . tumawag kayong ambulansiya!" Natatarantang sigaw ko saka ito dinaluhan. "Parating na sila." Noon ko lang napagtanto na nandito rin pala si Tatay. "A-Ano pong nangyari?" tanong ko kay Aling Vivian na nanay ni Christian. Walang humpay ito sa pag-iyak. "T-Truck. . . nasagi siya ng truck." Nagawi ang mata ko sa paanan ni Tian, at halos bumaliktad ang sikmura ko noong makita ang kalagayan ng kaliwa niyang binti. Nakalabas ang laman nito kaya naman labis ang pagdurugo. "Tian, lakasan mo ang loob mo." baling ko rito na unti unti nang tinatakasan ng ulirat Maya-maya lang ay narinig ko na ang sirena ng ambulansiya. Tumayo na ako para mabigyan ng daan ang mga rescuer. "Susunod ako Vivian, ‘wag kang mag alala magiging ayos din si Christian." ani Tatay sa umiiyak paring Ginang "Tay, sasama ako." baling ko rito Binalingan ako nito pero hindi naman siya umalma. Iginilid ko muna ang bisikleta bago ako sumampa sa motor ni Tatay. Habang nasa daan ay hindi ko maiwasang manlumo dahil sa nangyari. Kung kailan maayos nang nakakapaglakad si Christian, bakit ngayon pa nangyari ang aksidenteng ito? Noong makarating sa Hospital ay nadatnan namin ang umiiyak parin na si Aling Vivian. Ang sabi nito ay sa Emergency room daw dinala si Christian. "Aling Vivian, magiging ayos po si Chriatian, magtiwala lang tayo." Pagpapalakas ko sa loob nito. Maya-maya ay may lumapit na doctor sa amin. "Kayo po ba ang nanay ng pasyente?" tanong nito kay Aling Vivian Tumango tango naman ang Ginang. "Pansamantala na naming napahinto ang labis na pagdurugo. Kaya ligtas na ang buhay ng anak niyo, pero. . ." Napalunok ako sa pahabol nito. "Pero kailangan niyang sumailalim sa operasyon. Sa tindi ng pinsala sa kaniyang kaliwang bente ay kinakailangan namin itong putulin." Nalaglag sa mga paa niya ang ginang. Habang ako naman ay parang tinakasan ng kaluluwa sa sinabi ng doctor. "Wala na po bang ibang paraan? H-Hindi puwedeng putulin ang paa niya. Hindi puwede." pagsusumamo ko "Gaya ng sinabi ko, matindi ang tinamong pinsala ng binti ng pasyente. Kung hindi namin ito puputulin sa lalong madaling panahon, posibleng magkaroon ng impeksiyon na maglalagay sa buhay niya sa panganib. Nay, kailangan niyo na pong magdesisyon ngayon." Hindi maaari. Hindi tama ‘to. Kailan lang nakalakad ng maayos si Christian tapos ngayon ay muling babawiin sa kaniya ang kakayahang iyon. Hindi puwede. "Doc, gawin niyo po kung anong makapagliligtas sa buhay ng anak ko." Hagulhol na tugon ng Ginang. Napasalampak na lang ako sa upuan doon. Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa nangyayari. Napakadaya naman ng mundong ito.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม