Chapter 8 (Parents)

2033 คำ
15 years ago… Tondo, Manila “Dong, pakiabot nga ‘yang martilyo d’yan.” Mabilis siyang tumalima nang marinig ang utos ng Tatay Mateo niya, ang karpintero na umampon sa kaniya. Hinahanap ang martilyo na tiningnan niya ang paligid. Nakita naman niya ito agad at mabilis na dinampot para iabot sa matandang lalaki na inaalalayan niya sa pagka-karpentero. Simula nang kupkupin siya nito at ng Nanay Sara niya ay lagi na niya ito sinasamahan sa mga nahahanap nitong pansamantalang trabaho. Pinag-aaralan niya rin ang paggawa nito ng mga mesa, aparador, kama, tokador at iba pa. Alam niyang hirap na ito sa paghahanap-buhay dahil may edad na at gusto niya ang makatulong sa mga ito. Gusto niya pag-aralan ang mga ginagawa nito para kahit siya na lang ang gagawa kapag bihasa na siya, para hindi na ito mahirapan pa.   “Dong, nag-usap pala kami ng nanay mo. Gusto ka sana namin mag-aral ulit.” Lumiwanag ang mga mata niya sa kasiyahan sa narinig na sinasabi ng matandang lalaki sa kaniya. Mag-aral? Makakapag-aral na siyang muli? Makakabalik na siya sa eskwelahan katulad noon. Noong kasama niya pa ang mga ma-- Pinutol niya agad ang alaala. HIndi na niya kailangan isipin pa ang nakaraan, ang importante ay may mga mabubuting tao na nagmamahal sa kaniya.  Muli siyang na-excite nang maalala ang sinabi ng Tatay Mateo niya na mag-aaral siyang muli. Excitement na agad nawala nang dahil nakaramdam siya ng pag-aalangan. Fifteen na nga pala siya at kung babalik siya mag-aral ay babalik siya sa grade five.   Napakamot siya sa ulo dahil doon, nahihiya na tumingin sa Tatay Mateo niya at alanganing ngumiti. “Huwag na lang po, ‘tay. Mas makakatulong po ako sa inyo kung hindi na ako mag-aaral. Sasama na lang po ako sa mga pakyaw ninyo at maging helper ninyo. Okay na po ako makatulong sa inyo para mapaglingkuran ko naman kayo ni nanay.” “Ano ka ba naman, Dodong…” malungkot itong tumingin sa kaniya, “wala ka kinabukasan sa ganitong hanap-buhay. Bata ka pa naman at pwedeng-pwede pa baguhin ng edukasyon ang buhay mo. Tatanda kami ng nanay mo at edukasyon lang ang maitutulong namin para sa iyo. Hindi naman kami habang-buhay na kasa-kasama mo.” Napalunok siya. Pinipigilan ang sariling umiyak. Mula ng napunta siya sa mag-asawa ay naging maayos ang buhay niya kahit papaano. Itinuring siya ng mga ito na tunay na anak. Matatanda na ang mga ito at walang anak na kasama. May isang anak ang mga ito dati pero dahil sa kahirapan ay namatay nang nagkasakit ng pneumonia. Hindi naipagamot ng mga ito dahil sa kawalan ng pera hanggang sa bawian ng buhay. “Salamat po,” tangi niyang nasabi. Ang luha na pinipigil ay nagpabasag sa boses niya ng magsalita, “salamat po, tatay. Salamat po sa inyo ni nanay.”  Mahigpit niyang niyakap ang matandang lalaki. Kahit mahirap lang ang mga ito ay masaya siya na ang mga ito ang umampon sa kaniya. Kung tutulungan pa siya ng mag-asawa na mapaaral kahit hirap ang mga ito sa buhay ay sobra-sobrang tulong na sa kaniya. Gusto niya rin talaga makapagtapos para mahanap ang mga taong uma-- muli niyang pinutol kung ano man ang naisip niya. Wala na siyang dapat alalahanin sa nakaraan. Kailangan na niya kalimutan ang lahat ng masasakit na alaala.  “Pero, ‘Tay… tatanggapin pa ba ako sa eskwelahan. Matanda na po ako para bumalik sa grade five?” “Matalino ka, anak. Tatanggapin ka dahil walang edad na basehan para sa edukasyon. Huwag mo rin iintindihin ang panunukso ng ibang mga bata at siguradong mapanghihinaan ka ng loob kapag nagpaapekto ka. Tandaan mo na tayo ang gumagawa ng kinabukasan natin. Kung ako siguro noon ay may magulang na magpapaaral ay pinilit ko rin makapagtapos pero kailangan ko intindihin ang limang kapatid ko at sila ang inisip ko mapagtapos. Ngayon ay maganda na ang buhay nila at kahit hindi na ako nila nililingon ay masaya pa rin ako na nabago ko ang buhay nila.” Nalungkot siya sa kwento na iyon ng buhay ni Tatay Mateo niya. Ang mga kapatid na iginapang nito para mapaaral noon ay wala na pakialam dito ngayon.   “Pangako po, tatay. Hindi ko po kayo pababayaan ni nanay. Ako na po bahala sa inyo sa pagtanda niyo,”  puno ng damdamin na sabi niya at muling yumakap rito.  Natatawa naman nitong kinusot ang buhok niya.  ****** Nang sumunod na pasukan ay na-enroll na siya ng Tatay Mateo niya sa pampublikong paaralan na malapit lang sa kanila. Ang mga batang kaklase niya ay pinagtatawanan siya noong una pero hindi niya na lang inintindi.  Lumipas ang ilang buwan at ipinatawag siya ng principal ng paaralan. Kinakabahan man sa kung ano ang dahilan ay nagmadali siya sa pagpunta sa opisina nito. “Dong, kumusta ka na?” nakangiting tanong sa kaniya ni Ma’am Regala, ang principal sa paaralan na pinapasukan niya. “Maayos naman po ako, ma’am.” Nakayuko siya at nakatingin sa mga paa na nakasuot lamang ng tsinelas na pudpod na. Wala pa nahahanap na raket ang Tatay Mateo niya kaya gipit sila masyado ngayon. Ang kinikita niya sa pag-iigib ng tubig para sa mga kapitbahay ay ibinibigay niya kay Nanay Sara niya para masigurado na may pambili sila ng bigas. “Bakit ka nakayuko?” tanong ng principal sa kaniya. “Nahihiya po ako.” “Bakit naman?” nakangiting sabi nito sa kaniya. “Matanda na po ako sa mga kaklase ko at kahit lagi nila ako pinagtatawanan ay inuunawa ko naman sila. Iniisip ko po ngayon na baka may nagawa akong kasalanan at isinumbong ako ng mga kaklase ko. Bawal na po ba ang nakatsinelas na pumasok dito sa school? Iyon po ba ang nalabag ko?” “Wala kang kasalanang nagawa, Dodong. Ipinatawag kita dahil kasama ka sa napili ko para kumuha ng eksamin. Alam mo ba iyong placement test na tinatawag?” Umiling siya. Hindi niya pa narinig iyon. Ang alam niya lang ay periodical test at mastery test. Pinagsisikapan niya an pagre-review kapag malapit na ang mga test niya na iyon. Wala kasi siya pambili ng mga materyales para makagawa ng magandang project kaya sa mga eksamin na lang siya bumabawi. Hangga’t maaari ay gusto niya ma-perfect ang mga iyon para kahit mababa lang nag marka na makuha niya sa mga proyekto ay makakabawi pa rin siya. “Gusto mo na ba maging high school para mga kasing edad mo na ang maging mga classmates mo?” tanong ng guro niyang si Ma’am Shiela Pineda.  Naguguluhan naman siyang tumitig dito. Pwede ba iyon? Ang alam niya ay kailangan niya matapos ang elementarya para makapag-high school.  “Iyong placement test na sinasabi ni ma’am principal ay programa ng DepEd para sa tulad mo na pwede na maging high school at nasa tamang edad na rin.” “Hindi ko po alam iyon. Pwede po ba talaga ako doon?” “Pwedeng-pwede.” “Pero hindi po ako handa mag-exam ngayon…” nag-aalangan niyang sabi. “Hindi ka naman ngayon kukuha ng test. May schedule kung kailan magaganap ang exam. Sinasabi lang namin sa iyo ngayon para mapaghandaan mo.” “Paano po… paano po kung bumagsak ako?” “Matalino ka, Dong. Siguradong makakapasa ka. May tiwala kami sa kakayahan mo.” ****** Nang makauwi siya ay tuwang-tuwa na ibinalita niya sa mga magulang ang tungkol sa placement test. Masayang-masaya naman ang mga ito para sa kaniya.  “Pasensya ka na, anak. Wala pa talaga tayo pambili ng bagong sapatos mo,” turan ng Tatay Mateo niya. “Sisipagan ko lang po ang pag-iigib, ‘Tay. Makaipon din po siguro ako bago tuluyan mabutas itong tsinelas ko,” nakangiti at positibo niyang sabi sa mga ito. “Huwag niyo na po ako alalahanin at makakabili rin po ‘yan ako. Kahit tsinelas lang po muna pag-iipunan ko.”  “Naaawa na kami sa iyo, ang kinikita mo sa pag-iigib ay napupunta pa sa pagkain natin na dapat sana ay para sa iyong mga kailangan na lang sa eskwela,” sabi naman ng Nanay Sara niya. “Mas importante naman po ang makakain tayo kaysa ang tsinelas na bago. Kaya pa naman po pagtiyagaan kaya huwag po kayo mag-alala. Huwag po kayo mag-alala sa mga ibang gastusin sa school, nape-perfect ko naman ang mga exam kaya nakakabawi naman ako kahit hindi kagandahan ang mga nagagawa kong proyekto,” positibo niyang sabi sa mga ito. Kapag may mga proyekto siya na kailangan gawin ay nakikiusap siya sa mga teacher na bigyan siya ng mga pinaglumaang gamit at iyon na ang kaniyang nire-recycle. Kinakantyawan siya ng mga batang kaklase at tinatawag na ‘basura’ dahil galing raw sa basura ang mga gamit niya. Hindi na lang niya iniintindi ang mga naririnig. Iniisip na lang niya na kailangan niya mag-aral para mapaganda ang buhay ng dalawang matanda na umampon sa kaniya sa kabila ng kahirapan. Ang pag-asa na pumupuno sa puso niya ang dahilan para lalo siyang nagsusumikap. Balang-araw ay malalaman na rin niya ang lahat sa nakaraan niya. Kailangan niya lang ay gawin muna ang unang hakbang para magawa niya ang lahat ng nais niya. “Basta kapag mayroon na ako ulit mahanap na trabaho ay bibilhan kita ng bagong sapatos.”  ****** Dumating ang araw ng exam. Kinakabahan man ay natapos niya pa rin ito ng maayos, nasagutan naman niya ang lahat. Bago at pagkatapos ng exam ay matinding panalangin ang ginawa niya. Excited siya sa araw-araw. Lumipas ang isang linggo at muli siyang ipinatawag ng principal. Masayang ibinalita nito sa kaniya na nakapasa siya sa placement exam at pwede na siya maging third year high school. Tutulungan pa raw siya nito para maayos ang mga papel niya at mailipat na siya sa eskwelahan ng high school sa tapat ng elementaryang pinapasukan. Papasok na siya sa sekondarya simula sa sunod na Lunes ayon pa rito.  Umuwi siya na masayang-masaya. Ang kasiyahan niya ay abot hanggang langit. Tuwang-tuwa siya at nagmamadaling naglalakad para ibalita sa mga magulang ang magandang balita. Para sa mga ito kaya siya nagsisikap, matatanda na ang mga ito at kung mapapadali ang pagtatapos niya ng high school ay mas mapapadali ang pagtulong niya sa mga ito.  “Kapag nakatapos ka na ng high school ay ano ang gusto mo kuhain sa kolehiyo?” tanong sa kaniya ng tatay niya habang kumakain sila. “Hindi na po siguro ako magkokolehiyo, ‘tay. Pwede na rin po ako matanggap sa mga mall kapag naka-graduate ako ng high school, ‘di ba?  Okay na po ‘yon! Basta makahanap ako ng trabaho na pwede makaginhawa sa inyo ay iyon na po ang pipiliin ko.” Napabuntong-hininga si Mateo na nakatitig sa kaniya. “Magkokolehiyo ka, anak. Mas mapapasaya mo kami kung magsisikap ka makapagtapos ng kolehiyo.”  “Pwede naman po talaga ako  magkolehiyo, ‘tay. May scholarship naman daw po sa UP para sa tulad natin. Pero mas gusto ko na po talaga ang makatulong sa inyo.” “Mas makakatulong ka kung magtatapos ka ng kolehiyo at magiging propesyonal. Ang karangalan mo ay karangalan din namin ng nanay mo.” “Oo, anak. Tama ang tatay mo.” Nakangiting lumapit ang Nanay Sara niya at may inilapag sa harap niya na isang karton.  Namilog naman ang mga mata niya. Karton ng sapatos ang inilapag nito sa harap niya. Nakatingin lang siya sa karton, ayaw niya muna buksan at baka mali ang hinala niya.  “Buksan mo na,” sabi ng Nanay Sara niya na nakangiti. “Akin po ito?” nag-aalangan niya pa ring tanong. “Regalo namin sa iyo ng tatay mo. Pinaghandaan namin dahil alam namin na makakapasa ka sa test na sinasabi mo.” “Salamat po,” naluluha niyang sabi. Niyakap niya ang mga ito dahil sa sobrang saya. Nang buksan niya ang karton ay nakita niya ang isang pares ng sapatos na itim. Tuwang-tuwa niyang isinukat ang mga iyon. “Mumurahin lang iyan, anak.Pasensya ka na at iyan lang ang kaya namin bilhin para sa iyo. Kapag nakahanap ng bagong pakyaw ang tatay ay bibili tayo ng mas maganda d’yan.” “Masaya na po ako sa regalo niyo. Pangako po iingatan ko para hindi maluma agad.”
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม