Chapter 14

1154 คำ
KINALADKAD SI ASULA papasok sa isang lagusan na apoy. Hindi siya makapalag dahil may apoy na nakagapos sa kaniyang dalawang pulsuhan. Kahit anong gawin niya'y alam niyang hindi siya makakawala mula roon. Gusto niyang humingi ng tulong kay Wave. Dahil sabi sa kaniya ng lalaki kapag kailangan niya ng tulong bigkasin niya lang ang pangalan nito. Pero ayaw niyang maisturbo ang lalaki sa misyon nito. Inaasikaso pa nito ang hustisya na kailangan niya. Kung sino man ang lalaking ito ngayon ay handa siya kung ano man ang gawin sa kaniya nitong masama. Hinila siya nito saka sapilitan siyang ipasok sa lagusan. Napunta silang dalawa sa loob ng silid ni Wave. Nanlaki ang mga mata niya. Nakakunot ang mga noo. Paanong. . . “Kilala ko sina Wave at Apolo. . . Asula. At ako si Sun ang nagbigay sa kanila ng hindi naman mapanganib na misyong ito.” Ngumiti ito sa kaniya saka ito naupo sa sofa. Nanatili siyang nakatayo malapit sa pinto. Gusto niyang kumilos pero hindi siya makakilos. Pinilit niya ring magsalita pero walang tinig na lumalabas. “Humingi ako ng tulong sa kaibigan kong salamangkero. Kaya't huwag kang magtaka kung bakit ka ganyan ngayon. Hayaan mo papunta na rin rito ang boss mong si Marco. Kukunin ka nila. . . kapalit ang kalayaan ng tatlo mong kaibigan.” Pagkatapos nito iyong sabihin ay lumikha ito ng apoy sa ere. Nagmistula iyong isang flat screen na TV. Kitang-kita roon ang tatlo niyang kaibigan na puro pasa ang buong katawan. Habang may mga dugong umaagos mula sa mga sugat na natamo ng mga ito. Suminghap siya at hindi napigilang tumulo ang mga luhang gustong kumawala sa kaniyang mga mata. “Iyan ang napala nila nang tumakas ka mula sa boss mong si Marco. Hindi mo naisip kung ano ang kahahantungan nila sa ginawa mo. Ganyan ka bang klase na kaibigan, Asula?” Hindi siya makapaniwala. Nakita pa niya ang tatlo niyang kaibigan noong lumabas siya ng resort. Maayos ang kalagayan ng mga ito. Posible kayà na ang mga ito ang napagbuntunan ng galit ng boss nila? Pigil niya ang hikbi. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag may mangyari sa mga ito ng masama. Pero ayon na nga sa nakikita niya'y nalagay na sa masamang sitwasyon ang tatlo niyang kaibigan. “Kaya't naririto ako sa harapan mo, Asula. Dinala kita rito. . . para may pagkakataon kang iligtas ang mga kaibigan mo. Iisa lang ang maari mong gawin. . . ang magpakita ka ulit sa boss mo. Manilbihan ka ulit sa kaniya at bumalik ka ulit sa serbisyo mo bilang isang bayarang babae. Kasi kahit anong gusto mong gawin, Asula. Kahit gusto mo man magbago at magbagong buhay. Hinding-hindi mo pa rin matatakasan ang kasalanang nagawa mo. Hindi mapapalitan ang lahat ng iyon sa isang iglap lang. Ang mga makasalanan ay mananatiling makasalanan. . . at ang mga mabubuti'y mananatiling mga mabubuti.” Tumayo ito saka ikinumpas ang kamay sa kaniyang harapan. Unti-unti niyang naramdaman na nakagagalaw na ang kaniyang katawan at rinig na rinig na niya ang kaniyang hininga. Tinitigan niya ito ng masama dahilan upang matawa ito. “Maayos iyan. . . gusto ko ang ganyang mga babae. . . mabangis. Pero hindi ko gusto ang babaeng tulad mo. Masyado nang gamit. . . wala nang pakinabang.” Ngali-ngali siyang suntukin ito sa mukha at saksakin ng matulis na bagay dahil sa pang-iinsulto nito sa kaniya. Hiling niya'y sana naririto si Wave. Pero kaya niya ang lalaking ito. Kahit may kapangyarihan ito. Hindi siya papatalo rito. “Papipiliin kita, Asula. Ang kaligtasan ng mga kaibigan mo o ang kalayaan mo?” tanong nito sa kaniya habang nakatitig sa kaniya ng seryoso. Kumuyom ang dalawa niyang kamay. Hindi niya alam ang gagawin. Kapag pinili niya ang kaligtasan ng mga kaibigan niya'y hindi matatapos ang misyon nila ni Wave at mapupunta na lamang sa wala ang lahat ng ginawa nila. Pero kung pipiliin niya ang kalayaan niya'y mamamatay naman ang tatlo niyang kaibigan. “A-ang kaligtasan ng kaibigan ko. . .” Pumalakpak ito habang pangiti-ngiti. “Magaling. . . hindi ako nagkakamali na may puso ka.” Hindi niya maintindihan. Kung ito ang nagbigay ng misyon kina Wave at Apolo para sa kaniya'y bakit nito sinisira ang hakbang nila? “Bakit mo ito ginagawa?” “Simple lang Asula. . . ayaw kong maging isang tagapagmana si Wave bilang kapalit kay Haring Araw. . . ” Kumunot ang kaniyang noo sa sinabi nito. Hindi niya maintindihan. “Narinig ko si Ama na kausap ang isa sa mga time traveler. Hindi ako ang pinili bilang tagapagmana ng trono niya kundi si Wave Ocean. At hindi ako makakapayag roon. . . sayang ang lahat ng ginawa kong misyon para lamang mapunta ang trono sa akin ni Ama. Kung kaya't noong bigyan ni Ama ng misyon si Wave ay inutusan niya ako. . . at ikaw ang misyon na iyon Asula. . . . “Kung magagawa ni Wave na bigyan ka ng hustisya at mailayo ka sa kasmaan ay maililigtas ang kaluluwa mong masusunog sa impyerno. Magiging payapa na ang kaluluwa mo at makaka-akyat ka na sa langit. Isa pa. . . madaragdagan ang buhay niya ng sampung taon. Kung magagawa pa niya ang misyon niyang ibinigay sa kaniya ni Ama ay siya na ang kokoronahan bilang susunod na pinuno. At hindi ako makakapayag nun! . . . “Akin ang trono na iyon. Mas karapat-dapat akong maging pinuno kaysa sa kaniya! Kayà gagawin ko ang lahat! Para hindi niya mapagtagumpayan ang misyon na ito at tuluyan na siyang maglaho. Huwag kang mag-alala, Asula. Kapag kumampi ka lang sa akin ay ako mismo ang magliligtas ng kaluluwa mo. Ang plano ko lang ay ang tapusin si Wave. . . para ako na ang koronahan kapag wala na siya.” Kumuyom ang dalawa niyang kamay. Nasa panganib ang buhay ni Wave. Kailangan niyang tulungan ang dalawa. Hindi siya makakapayag na mag tagumpay itong si Sun. Huminga siya nang malalim. Wala siyang paki-alam kung masusunog ang kaluluwa niya sa impyerno. Pero ano ang gagawin niya? Kung iyon ay parte ng misyon ni Wave? Anong magagawa niya para hindi mapahamak ang lalaki? Dahil kapag ginawa niya ang pagbabalik muli sa kasalanan ay paniguradong mamatay si Wave. Maliligtas naman si Apolo. Pero paano si Wave? “Naguguluhan ka, Asula. Gusto mong iligtas ang time traveler na iyong iniibig. Pero wala kang magagawa laban sa kaniya. Mamatay at mamamatay siya kahit ano pa ang gawin mo. Hindi mo siya maililigtas, Asula. Pero pinili mo na ang kaligtasan ng iyong tatlong kaibigan. . . kaya't marapat na iligtas mo sila Asula, bago pa sila mapatay ng boss niyong si Marco.” Hinawakan siya nito sa braso at sapilitang hinila papunta sa lagusan na nilikha nito. Napapikit siya sabay tawag sa kaniyang isipan ng pangalan ni Wave. Hindi na niya alam ang gagawin. Kailangan na niya si Wave. . . .
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม