Pangiti-ngiti si Blue habang nag-aayos ng display sa kanyang store. Kumikinang ang kanyang mga mata at halata ang kaligayahan sa kanyang mukha. Masayang-masaya si Blue dahil kay Luis. Ang araw kahapon ang isa sa hindi niya makakalimutang araw sa buhay niya dahil naibigay niya sa kanyang kasintahan ang sarili niya bilang regalo. “Mukhang ang saya-saya niyo ngayon, Boss,” nangingiting wika ni Philipp kay Blue na tinutulungan niyang mag-ayos sa mga display. Tiningnan ni Blue si Philipp. Mas lalo itong ngumiti. Napangiti naman lalo si Philipp. “Kumbaga sa babae, blooming na blooming kayo, Boss.” Iyon ang napapansin ni Philipp kay Blue. Muling tiningnan ni Blue ang mga display. “Ganoon talaga kapag may lovelife,” saad ni Blue na hindi nawawala ang ngiti sa labi. Tumawa naman si Philipp.

