Kanina pa siya naghihintay sa Puerto Princesa International Airport para makabalik siya sa Maynila. Mula sa isla na pinanggalingan niya kagabi ay inihatid lang siya sa Puerto Princesa para sa Falcon Hotel niya gugugulin ang magdamag. Alas otso ng umaga ang flight niya pero alas sais pa lang ay nandito na siya naghihintay dahil hindi niya kabisado ang lugar. Hawak ang isang tasang kape at biskwit, tahimik lang siyang nakamasid sa malawak na runway ng airport. Si Hector pa rin ang binabalik-balikan ng isip niya.
"Hi, is this yours?"
Napalingon siya sa lalaking may hawak na papel na inaabot sa kanya. Iyon ang kopya ng ticket niya na hawak kanina.
"Yes... Thank you."
"You're welcome. Wala kang kasama?" Umupo ang lalaki sa tabi niya na wala siyang nagawa. May mangilan-ngilan lang na tao sa waiting area ng airport, karamihan ay abala sa kausap, ang iba naman ay nakapikit na marahil ay naiinip na rin. Hindi pa nagtatawag ang crew ng airline kung pwede na silang sumakay sa eroplano.
"W-wala..." Isang tipid na ngiti ang pinakawalan niya. Hindi niya sana gustong makipag-usap sa isang estranghero pero hindi niya naman alam kung paano itataboy ang isang ito. Mukha naman itong mabait at wala naman sigurong gagawing masama sa kanya. Noon pa man ay lapitin na talaga siya ng mga lalaki na gustong makipagkaibigan. HIndi naman na bago sa kanya ito.
"Okay lang bang makipagkwentuhan? Nakakainip kasing bumyahe mag-isa. I'm Justine, by the way." Inilahad nito ang kamay na nakakahiya namang hindi niya tanggapin. May luggage itong dala at laptop bag. Kung susuriin niya ang porma nito ay masasabi niyang isa itong mayaman. Kahit ang kilos at pananalita ay pino.
"Georgia..."
"Madalas ka ba dito? Taga Palawan ka ba o ibang lugar?"
"M-may pinuntahan lang. Pero sa Maynila talaga kami nakatira."
"May kumpanya din ako sa Maynila at may dinalaw lang akong kaibigan dito. How old are you? May trabaho ka na ba?"
"T-twenty... Maghahanap pa lang ako ng trabaho pagbalik ko sa Maynila."
"Great!" May kinapa ito sa bulsa ng polo. Nagulat siya nang mag-abot ito ng calling card.
"May modeling agency ako, baka gusto mong subukan? You have a face of a celebrity. Kaunting ayos lang sa 'yo at kaunting training, pwede kitang ipasok bilang model. Isa rin akong modelo. Pero nung nagkaroon ako ng kompanya, ipinaubaya ko na sa iba ang mga projects dahil marami ring gustong kumita sa panahon ngayon. I have to give chance to other aspiring models."
Tinitigan niya ang calling card nito. Justine Arevalo. General Manager ang nakalagay sa posisyon nito. Bagama't mukha namang mapagkakatiwalaan ang lalaki, hindi niya gustong magbigay ng sagot kaagad. Kailangan niya munang pag-isipan.
"M-may mga aayusin pa kasi ako sa Maynila pagbalik ko." Hahanap pa siya ng maayos na apartment na malilipatan nilang magkakapatid. Pati ang papasukang eskwelahan ng mga ito kapag lumipat sila.
"No problem. Alam ko naman na hindi ka pa nagtitiwala sa akin. And you can ask about my company, or you can search me on the internet. Nand'yan ang buong pangalan ko at address ng opisina ko."
"Salamat..." Inilagay niya ang calling card sa wallet niya na ibinigay ni Vida kagabi. May ilang daang libong cash doon at ang ticket niya pabalik sa Maynila. Naroon din ang ATM na nakapangalan sa kanya na ngayon ay naglalaman ng kinita niya sa pakikipagtalik kay Hector. Ang perang iniwan naman ni Hector ay naka-cheke na ipapasok niya sa savings account pagdating niya sa Maynila.
Makwento si Justine na tumabi pa sa upuan niya sa eroplano. Inaantok pa sana siya dahil maaga siyang nagising para magpunta sa airport. Naikwento na yata nito ang buong talambuhay. Maliit pa daw ito nang iwan ng totoo nitong ama. Ina lang nito ang nagtaguyod dito hanggang sa makatapos sa kolehiyo. Kaya nagsikap talaga ito na iahon ang sarili para ipamukha sa lahat na hindi nito kailangan ang presensya ng isang ama.
Pakiramdam niya'y nagkaroon siya ng kaibigan kay Justine. Sa ilang oras na magkasama sila ay nakalimutan niya ang tungkol kay Hector. At tuwing magkakaroon siya ng pagkakataon na titigan ang lalaki ay nasusuri niya ang pisikal nitong anyo. Totoong pwede nga itong maging isang modelo tulad ng madalas nitong kwento. Matipuno ang katawan, makinis ang kutis, at maganda ang mga ngiti.
"Ayaw mo ba talagang sumabay sa 'kin? Pwede ko namang ipadaan sa driver ko kung saan ka umuuwi," tanong ulit nito nang tumanggi siyang sumabay sa kotse nito.
"Hindi na. Isang bag lang naman 'tong dala ko."
"But, please think about my offer. I can give you one month of training for the meantime. Tapos kung gusto mo talagang tanggihan, wala kang babayaran kahit singko. We can put that in your contract."
"Sige na, tatawagan na lang kita kung kailan ako pwedeng pumunta. May mga aayusin pa kasi talaga ako," nakangiti naman niyang sagot dahil sa kakulitan nito. Puwede naman niyang subukan ang alok nitong mag-training siya baka gusto niyang pasukin ang mundo ng pagmo-modelo. Ang totoo'y kanina pa niya pinag-iisipan ang bagay na 'yun. Pakiramdam niya'y puro magagandang bagay ang lumalapit sa kanya ngayon mula nang makapunta siya sa Isola dell'amore.
"Oh, thank you. Nasa calling card naman ang number ko, ibibilin ko na lang sa assistant ko na ideretso sa akin ang tawag."
Magaan ang pakiramdam niya nang maghiwalay sila ni Justine sa airport. Tuwang-tuwa din ang mga kapatid niya at tiyahin nang makabalik siya sa maliit nilang apartment.
"Makakalipat na tayo sa malaki-laking tirahan," wika niya sa mga kapatid. Nagpabili din siya kaagad ng masarap na pagkain sa kanto habang nag-aasikaso siya ng mga gamit nila. Magulo sa lugar na 'yun kung saan niya itinago ang mga kapatid sa stepfather niya. Mabuti na lang dahil nariyan ang tiyahin niya na kapatid ng ina nila. Kahit paano ay naiibsan ang pag-aalala niya.
"Saan tayo lilipat, ate?" tanong ni Lily na nilantakan kaagad ang pagkain pagdating ng tiyahin nila.
"Yung malinis ang paligid at hindi naghahabulan ang mga tao kapag may away."
"Saan tayo kukuha ng pambayad sa upa nun?"
"Huwag kayong mag-alala, may pera pa naman ako kahit paano." Iniwasan niya ang tingin ng tiyahin niya dahil hindi siya makakapagsinungaling dito. Alam nito na ibinenta siya ng stepfather niya.
"Hindi kami mahihinto sa pag-aaral, ate?"
"Hindi. Walang hihinto sa inyo sa pag-aaral. May trabaho na akong a-apply-an kaya't huwag niyo nang alalahanin kung may pera tayo o wala. Okay?" Gusto niya nang tapusin ang pag-uusap nila tungkol sa pera dahil marami lang siyang kasinungalingang gagawin. Tumahimik naman ang dalawang kapatid na itinuon na lang ang atensyon sa pagkain.
"Saan ka kumuha ng perang gagastusin natin sa paglipat? Saan ka dinala ng siraulong dating asawa ng nanay mo?" tanong ng Tiya Ine niya.
"Huwag na lang ho nating pag-usapan, Tiyang. Ang mahalaga ho ay nakalaya na kaming magkakapatid sa kamay ng g*gong 'yun. Magbabagong buhay na lang ho tayong lahat."
"Pasensya ka na, anak. Wala akong maitulong sa 'yo pagdating sa gastusin, heto at dagdag pa 'ko sa pakakainin mo."
"Tyang, huwag ho kayong magsalita ng ganyan. Alam niyo ho ba kung gaano kalaki ang pasalamat ko na nandyan kayo? Hindi ako nag-aalala kina Lily na wala silang kasama sa bahay at baka mapahamak sila. Kahit ho may trabaho pa kayo mas hihingiin ko pa sa inyo na mag-resign para may kasama kami sa bahay. Kayo na ho ang tumatayong ina namin ngayon."
Niyakap nya ang naluluhang tiyahin. Hindi naman kasi ito nakatapos ng pag-aaral noon kaya walang mapasukang trabaho. Hindi rin ito nag-asawa, hindi katulad ng nanay niya na kahit hindi nakatapos ng pag-aaral ay naiahon ng tatay nila sa hirap. Pero nang mamatay ang tatay nila ay sa evil stepfather naman sila nauwi.
"Mahal na mahal ko kayong magkakapatid. Nasasaktan ako kapag nakikita ako na nahihirapan kayo pero wala akong maitulong. Kahit noong nabubuhay ang Mama niyo ay palagi ko siyang kinagagalitan kung bakit kayo napapabayaan."
"Kaya nga ho malaki ang pasalamat namin na nariyan kayo. Huwag niyo hong isipin ang mga gastusin sa bahay. Ako na ho ang bahala roon. Ang hihilingin ko lang ho ay ang bantayan niyo si Lily at Cara."
"Hindi mo na kailangang hilingin iyon, anak. Wala naman akong ibang pamilya kung hindi kayo."
Ilang sandali pa siyang nakayakap sa tiyahin niya. May mga pagkakataong kailangan niya ng ganitong yakap na tulad ng isang ina. Matagal na rin kasi siyang nagpapanggap na matapang. Bukod kay Hector na nagbigay ng malasakit sa kanya sa loob ng isa't kalahating araw, ang tiyahin ang nagbibigay sa kanya ng ganitong klase ng pagmamahal na walang kapalit.
"Maghahanap ho muna ako ng apartment na malilipatan natin. Tapos mamimili tayo ng maayos na gamit sa bahay nang hindi nakalagay sa karton ang mga damit nating lahat."
"Aba'y sige. Excited nga ang mga kapatid mo. Pero paalala lang, Georgia, huwag mong akuin lahat ng hirap dito sa pamilya natin ha? Kapag kailangang magtipid, magtitipid tayong lahat. Kung kailangang magtrabaho, magtatrabaho tayong lahat. Huwag mong sanayin ang mga kapatid mo na sila masarap ang pagkain pero ikaw magtitiis sa gutom. O 'yung maganda ang gamit nila pero ikaw kandakuba sa pagtatrabaho kasi inutang mo lang ang pambili ng mga 'yun."
Nangilid ang luha niya sa malasakit na iyon ng tiyahin nila. Naalala niyang palagi ngang magkaaway ito at ang Mama niya dahil nalulong sa sugal ang Mama niya nang makatikim ng kaginhawaan sa buhay. Sa huli ay wala silang ipon nang mamatay ito.
Hindi siya tutulad sa Mama niya. Bawat sentimo na iniwan sa kanya ni Hector ay gagamitin niya para maiayos ang buhay nilang apat.
Nakahanap naman kaagad siya ng studio-type apartment na apat na libo ang upa sa isang buwan. Kumuha siya ng kaunting pera sa kinita niya sa isla para bumili ng kalan, kama, electric fan, mumurahing sofa at maliit na ref. Sapat na 'yun para mabuhay sila nang maayos kaysa sa dati nilang inuupahan. Pagkatapos ay nagsaliksik siya tungkol sa kompanya ni Justine sa internet. Totoo ngang isa itong dating modelo. At maraming larawan doon na kasama niya ang ilan pang sikat na modelo na karamihan ay pinasok na rin ang mundo ng pag-a-artista.
Nabuhayan siya ng loob. Kahit siguro hindi siya nakatapos ng pag-aaral ay puwede niyang subukan. Mas lalo siyang hindi tatanggapin kapag sa mga opisina siya nag-apply dahil wala siyang college diploma.