"One, two, three, four... Okay, repeat... One, two, three, four..." Kanina pa pagod si Georgia sa rehearsal nilang paulit-ulit. Hindi pa kasi makuha ng ibang kasama niya ang steps at hindi sila nagsasabay-sabay. Pero hindi siya puwedeng magreklamo. Bukod sa kagandahan niyang taglay, puhunan niya rin ang tyaga at kasipagan. Kailangan niyang maging matagumpay sa buhay dahil marami siyang pangarap. At alam niyang isang araw ay matutupad ang mga iyon.
Isang taon na ang nakalipas mula nang makaalis siya sa Isola dell'amore. Hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon na makadaupang palad ulit si Hector. Kahit nang hanapin niya sa internet ang kompanyang sinasabi nito na Sanrio Manufacturing Corporation ay hindi naman niya makita ang pangalan ng lalaki doon. Tinanggap niya na lang na hindi na talaga sila magkikita kahit kailan.
Isa na siyang modelo ngayon sa tulong ni Justine Arevalo. May apat na siyang ini-endorse na produkto at ngayon ay napasali siya sa isang girl group na nagpe-perform ng sayaw kapag may mga mall show ang mga artista. May dalawang beses na siyang nag-extra sa teledrama at ang sabi ni Justine ay isa siya sa pinaplano ng isang TV company na kuhaning bagong mukha ng telebisyon. Kaya bukod sa rehearsal sa sayaw ngayon, may acting workshop din siya mamaya para matutunan niya ang pag-arte sa harap ng kamera.
Totoong nakaluwag-luwag na sila sa buhay dahil sa tulong ni Justine na nagbigay ng oportunidad sa kanya kahit hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral. Naging mabuting magkaibigan na rin sila at madalas silang lumalabas na nagiging dahilan para tuksuhin sila ng mga kasamahan sa trabaho.
At hindi rin niya alam kung may gusto si Justine sa kanya. Minsan ay nagpapadala ito ng bulaklak sa umaga, o sa gabi ay niyayaya siya sa dinner. Pero wala siyang naririnig na pormal na panliligaw. Mahirap naman ang mag-assume. Isa pa, kahit malapit na silang magkaibigan ni Justine, wala siyang ibang nararamdaman dito kung hindi pagmamahal sa isang kaibigan. Hindi pa rin mawala sa sistema niya ang damdaming inilaan niya kay Hector noon. May parte pa rin ng puso niya na sakop ng lalaking unang nakatalik.
Minsan ay dinadalaw pa siya nito sa panaginip. Minsan ay inaasam niyang sana'y magkaroon pa siya ng pagkakataon na makadaupang palad ito. Naalala niyang sinabi nitong babalik ito sa isla para masiguro na wala na siya roon. Dapat pala ay hindi muna siya umalis. Gusto niya ulit itong makasama. Kahit siguro wala ng bayad ay papayag siyang sumama dito para makapiling ng ilang gabi.
Hindi niya maramdaman ang ganoong klaseng damdamin kay Justine. O kahit man sa iba pa nyang manliligaw na kapwa modelo. Ni hindi niya makita ang sarili na may ibang lalaking hinahalikan. Pakiramdam niya'y si Hector lang ang lalaki para sa kanya. At kung paano mawawala sa sistema niya ang pangangailangan kay Hector ay hindi niya rin alam.
"Okay, girls, bukas na ulit tayo magre-rehearse para ma-perfect niyo na ang steps," malakas na wika ng choreographer. Tumigil ang lahat sa pagsasayaw at umupo sa sahig. Kanya-kanyang kuha sa water jug para uminom ng tubig. Pawisan na sila kanina pa dahil isa't kalahating oras na silang paulit-ulit ang rehearsal.
"Balita ko kasama ka sa pinag-audition ni Sir Justine sa ipapalabas na Love Me, Woman ah!" nakangiting wika ni Patricia na hindi nalalayo ang edad sa kanya. Ang Love Me, Woman ay isang teleserye na pagbibidahan ng sikat na loveteam sa telebisyon ngayong taon at magsisimula na ang shooting kapag nakumpleto na ang lahat ng gaganap. Maraming gustong mapasali roon at isa na si Patricia. Pero siya ang napili ni Justine para makuha ang role na isang love interest ng bidang lalaki.
Matanda lang siya ng ilang buwan at halos kasabayan niya si Patricia sa mga trainings. Pero kung siya ay mismong inalok at pinilit pa noon ni Justine para maging modelo, ang isang ito ay palipat-lipat na noon pa sa kung saan-saang modeling agency. Justine finds Patricia's beauty plain and with no s*x appeal. Pero kung siya ang tatanungin ay si Patricia ang pinakamabait sa mga kasama niya ngayon sa girl group at ang isa sa pinaka-pursigido. Iyon nga lang, mas nabibigyan talaga siya ng exposure at mas maraming oportunidad dahil daw sa maganda niyang mukha at mapang-akit na mga mata.
"Malay mo maka-tsamba ako kahit maliit na role," hindi niya gustong sabihin na nasa acting workshop na siya at bukas na ibibigay ang script niya. Hindi rin madali ang ipagyabang ang mga nakukuha niyang achievements ngayon dahil nangangahulugan iyon ng kabiguan naman ng mga kasamahan sa trabaho. Pare-pareho silang naghahangad sa iilang oportunidad sa showbiz industry.
"Dapat makuha mo 'yun kaya galingan mong umarte. Kapag napasok ka sa teleserye na 'yan, tiyak na marami nang kukuhang producers sa 'yo. Yan na ang simula ng pagsikat mo, Georgia. Tingnan mo nga, sunod sunod na endorsements ang nakuha mo."
"Sana nga." Tipid siyang ngumiti. Wala naman siyang nahimigang inggit sa tinig ni Patricia. Pero ayaw niya pa ring makasakit ng damdaming kahit paano.
"O siya, hindi ka pa ba uuwi? Magta-taxi ako, baka gusto mong sumabay?"
Isa pa sa gusto niya kay Patricia ay hindi ito madamot. Ang ibang kasamahan nila ay nagpapataasan ng ihi at lagi lang ibinibilad ang yaman, si Patricia ay nag-aalok ng tulong kahit pa halos pareho lang sila ng katayuan sa buhay.
"Sige. Pero ako naman ang magbabayad ng taxi," nakangiti niyang sagot. Sandaling umirap ang kaibigan pero tumawa rin pagkatapos.
"Isinabay pa kita kung ikaw din naman pala ang magbabayad?"
"Puro na lang kasi ikaw."
"E kasi sigurado magji-jeep ka na naman. Matutusta pa 'yang beauty mo sa pag-aabang ng jeep d'yan sa labas."
"O sige, ganito na lang. Kung ayaw mong ako ang magbayad ng taxi, mag-milktea na lang tayo, ako ang taya."
"Talagang ayaw mong magpadaig ng libre ha! Sige na, hindi ko tatanggihan 'yang pa-milktea mo dahil uhaw na rin ako sa matamis. Ang tagal ng rehearsal natin eh."
Sa isang milktea shop sila tumuloy at nagkwentuhan. Pagkatapos ng isang oras ay umuwi na rin sila dahil alas tres pa ang acting workshop niya sa may Diliman, Quezon City. Doon na rin naman malapit ang apartment nila ng mga kapatid at tiyahin.
Habang nagpapahinga sa sofa ay nakatanggap siya ng mensahe mula kay Justine. May meeting daw sila sa opisina nito pagkatapos ng acting workshop niya. Alam niya kung saan ang opisina nito dahil napuntahan niya na minsan nang interview-hin siya. Ngayon pa lang ang pangalawang pagkakataon na pinapapunta siya roon nang personal.
Laging sinasabi ni Justine na walang nakakapunta sa opisina nito kung hindi mga business associates lang. Seryoso ang binata pagdating sa trabaho. Marami nga ang nagsasabing istrikto ito at laging pormal sa mga empleyado. Kaya't kung pinapupunta siya mamaya doon ay nangangahulugan lang na negosyo ang pag-uusapan nila.
Baka may magandang balita ito sa mga future projects niya. Ngayon pa lang ay excited na siyang malaman kung ano ang pagmi-meeting-an nila mamaya.