CHAPTER 2

1325 Words
Lumipas ang mga araw, ngunit tila hindi gumagaan ang sakit na nararamdaman ni Leigh. Nagkulong lamang siya sa kanyang silid sa mansion ng kanilang pamilya. Hindi na siya halos lumalabas at tanging alak ang naging kasama niya araw-araw. Nakatambak ang mga bote sa paligid habang hawak niya ang larawan ni Rina. "Rina..." paos niyang bulong. "Sabi mo walang iwanan. Nangako tayo sa isa't isa, hindi ba?" Napapikit siya habang pinipigilan ang panibagong pag-agos ng kanyang mga luha. "Sobrang daya mo naman. Paano pa ako magpapatuloy nito?" Tahimik ang buong silid. Wala nang tatawag sa kanya. Wala nang ngiting babati sa kanya tuwing umaga kapag doon ito natutulog. Wala na ang babaeng pinangarap niyang makasama habambuhay. Napahigpit ang hawak niya sa bote ng alak bago ito muling itinungga. "Parang hindi ko kaya..." bulong niya. "Hindi ko kayang manatili rito habang lahat ng bagay nagpapaalala sa'yo." Muli niyang tinitigan ang larawan ni Rina. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang napabuntong-hininga. "Kailangan ko munang lumayo." Sa pagkakataong iyon, isang desisyon ang nabuo sa kanyang isip. Hindi siya maaaring magpatuloy sa ganoong buhay. Kung mananatili siya roon, baka tuluyan na siyang lamunin ng kanyang kalungkutan. "Hijo... anong binabalak mong gawin?" Gulat na tanong ng kanyang ina nang makita si Leigh na may dalang maleta at tila handa nang umalis. "Mom, please..." pagsusumamo niya. "Payagan n'yo na ako. I have to do this." Napabuntong-hininga ang kanyang ina. "Hindi ko kayang manatili rito," pagpapatuloy ni Leigh. "Hindi ko kayang mabuhay sa lugar na bawat sulok ay nagpapaalala sa akin kay Rina. Hayaan n'yo muna akong pumunta sa lugar na wala ang mga alaala niya. Nakikiusap ako." "Pero paano ang mga maiiwan mo rito?" tanong ng kanyang ina. "Ang mga negosyo ninyo ni Rina? Hindi mo naman siguro hahayaang mapabayaan ang lahat ng pinaghirapan ninyo." "Mom, nakausap ko na si Dave. Siya muna ang bahala sa mga negosyo ko pansamantala." "Pero, Leigh," malumanay na saad nito, "may sarili ring buhay ang kapatid mo. May sarili siyang negosyo at mga responsibilidad." "Alam ko po." Yumuko si Leigh. "Kaya nga nakikiusap ako. Bigyan n'yo lang ako ng kaunting panahon para maghilom." Tahimik na napatitig sa kanya ang kanyang ina. "At gaano katagal iyon, anak?" "I don't know..." mahina niyang sagot. "Maybe six months... o baka mas maikli pa. Trust me, Mom. Babalik ako kapag kaya ko nang harapin ang lahat." Nakita ng kanyang ina ang matinding pagod at lungkot sa mga mata ng anak. Huminga siya nang malalim bago lumapit at niyakap ito nang mahigpit. "Sige," nangingilid ang luhang sabi niya. "Kung iyan ang sa tingin mong makakatulong sa'yo... papayagan kita. Pero ipangako mong aalagaan mo ang sarili mo." Mahigpit ding niyakap ni Leigh ang kanyang ina. "I promise, Mom." Tahimik lamang sana na nakikinig ang ama ni Leigh sa pag-uusap nilang mag-ina.ngunit Makalipas ang ilang sandali ay nagsalita rin ito. "Anak," mahinahon niyang saad, "maaari mo bang sabihin sa amin kung saan mo balak pumunta? Huwag kang mag-alala, hindi ka namin susundan o pakikialaman. Gusto lang naming malaman kung saan ka." Huminga nang malalim si Leigh bago sumagot. "Dad... balak kong maglayag sa karagatan." Nagkatinginan ang kanyang mga magulang. "Gusto kong mapag-isa," dugtong niya. "Sa lugar na malayo sa lahat." "Maglalayag ka?" nag-aalalang tanong ng kanyang ama. "Baka lalo ka lang hindi makapag-heal kung mag-isa ka." "Kapag mag-isa ka, lalo mo lang maaalala ang yumao mong nobya." Mapait na napangiti si Leigh. "Dad... iyon nga ang gusto ko." Nakunot ang noo ng kanyang ama. "Gusto kong maramdaman ang sakit nang paulit-ulit, nang wala kayo para hindi nyo makita ang pagdadalamhati ko at pag kawasak ko. Hanggang sa dumating ang araw na manhid na ako." Nanginginig ang kanyang tinig. "Hanggang sa wala na akong maramdaman." Natahimik ang buong silid. Napaluha ang kanyang ina, samantalang napapikit ang kanyang ama. Alam nilang hindi pa handang bumitaw ang kanilang anak sa babaeng minahal nito nang buong puso. At sa unang pagkakataon, naramdaman nilang wala silang magawa kundi hayaan itong hanapin ang sariling paraan upang makabangon. Walang nagawa ang pakiusap ng mag-asawang Luis at Divine. Sa huli, napilitan silang igalang ang desisyon ng kanilang anak. Sa araw ng kanyang pag-alis, isa-isang niyakap ni Leigh ang kanyang pamilya. Humarap siya kay Dave at iniabot ang ilang dokumento. "Paano 'yan, bro? Ikaw muna ang bahala sa lahat ng maiiwan ko," walang siglang sambit niya. Napailing si Dave bago bahagyang ngumiti. "May magagawa pa ba ako?" biro nito upang pagaanin ang sitwasyon. "Huwag kang mag-alala. Ako na muna ang bahala rito." Tinapik niya ang balikat ng kapatid. "Basta mag-iingat ka. At sana... sa pagbabalik mo, buo ka na ulit." Bahagyang ngumiti si Leigh, ngunit hindi iyon umabot sa kanyang mga mata. "Sana nga, bro." Bahagyang lumayo ang magkapatid sa kanilang mga magulang upang makapag-usap nang pribado. "Bro..." mahinang saad ni Leigh. "Kung sakaling may mangyari sa akin... o hindi ako agad makabalik, ipinamamana ko na sa'yo ang lahat ng mayroon ako." Nanlaki ang mga mata ni Dave. "Anong pinagsasasabi mo?" mahinang sita niya. "Kapag narinig ka nila Dad at Mom, siguradong hindi ka na nila papayagang umalis." Napayuko si Leigh. "Pasensya na. Gusto ko lang maging handa... kung sakali." Mariing hinawakan ni Dave ang balikat ng kapatid. "Walang 'kung sakali.' Mag-iingat ka. Iyon lang ang gusto kong marinig." Saglit siyang natahimik bago ngumiti nang bahagya. "Kung pwede nga lang kitang samahan, ginawa ko na." Napangiti rin si Leigh. "Sana nga, bro. Pero hindi rin ako papayag. Ayokong may asungot sa pagdadalamhati ko." Napailing si Dave at bahagyang sinuntok ang balikat nito. "Sira ulo ka talaga." Ngumiti siya, ngunit halatang pilit lamang iyon. "Basta..." seryoso niyang dugtong, "bumalik ka nang buo. 'Yun lang ang hinihiling ko." Nagkatinginan ang magkapatid bago mahigpit na nagyakap. "Promise," mahinang tugon ni Leigh. Ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi niya alam kung ang taong aalis ngayon... ay siya pa ring taong babalik balang araw. Pagkasabi niya noon ay muli niyang niyakap ang kapatid bago tuluyang sumakay sa sasakyang maghahatid sa kanya sa pantalan. Habang papalayo siya, tahimik lamang na nakatanaw ang kanyang pamilya, nagdarasal na sana'y matagpuan ni Leigh ang kapayapaang nawala sa kanyang puso. "Good evening po, Señorito Leigh." Magiliw na bati ni Rey, ang katiwala ng mga yate ng matalik niyang kaibigang si Cedric. Bagama't may sarili ring mga yate ang pamilya Ocampo, mas pinili niyang hiramin ang isa sa mga ito upang hindi na makatawag ng pansin. "Good evening din," pormal na tugon ni Leigh. "Naibilin ba sa'yo ni Cedric kung aling yate ang maaari kong gamitin?" "Opo, Señorito," magalang na sagot ni Rey. "Na-check na rin po namin ang makina. Maayos na po ang lahat." "Tapos na rin po naming ihanda ang mga kailangan ninyo—mga pagkain, inuming tubig, ekstrang gasolina, first aid kit, at iba pang mahahalagang gamit." Tumango si Leigh. "At..." bahagyang nag-alinlangang dagdag ni Rey, "nailagay na rin po namin ang ipinahanda ninyong lisensiyadong baril at mga bala sa ligtas na lalagyan." "Salamat," maikling tugon ni Leigh habang sinusulyapan ang yate na magsisilbing tahanan niya sa mga susunod na buwan. "May iba pa po ba kayong kailangan bago kayo umalis, Señorito?" Saglit na natahimik si Leigh bago umiling. "Wala na. Sana lang... matagpuan ko roon ang katahimikang aking hinahanap." "'Siya nga po pala, Señorito...'" pahabol na tawag ni Rey bago tuluyang makasakay si Leigh sa yate. Napahinto ang binata at nilingon ito. "May bilin po si Sir Cedric. Pinaayos na rin po niya ang radyo ng yate. Just in case magkaroon ng emergency habang naglalayag kayo sa karagatan." Sandaling natahimik si Leigh bago bahagyang ngumiti. "Ganoon ba? Hindi pa rin talaga nagbabago si Cedric." "Nag-aalala lang po siya sa inyo, Señorito. Kung gusto n'yo raw pong bumalik o may kailangan kayo, tawagan n'yo lang siya anumang oras." Tumango si Leigh. "Pakisabi na lang sa kanya... salamat." "Opo, Señorito.". Wala ng ibang sinabi si Rey. Tahimik na lamang nitong pinagmamasdan ang binatang unti-unting naglalakad patungo sa yate, dala ang bigat ng pusong hindi kayang pagaanin ng kahit gaanong kalawak na karagatan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD