Hindi ko mapigilang tumawa sa nalaman ko. Akala ko ay magagalit si Ken, ngunit kabaliktaran ang nangyari, tumawa rin ito ng tumawa.
"Opo nga po kuya! Minsan, napapagalitan kami ni Lola kasi hindi kami umaabot sa CR," dagdag pa nito.
"Now I know," sabi ko. Buti na lang at supportive ang anak ni Riz. "Kuya Jerson nga pala, friend ako ng mommy mo. Galing ako sa Manila, 'yung kaninang kasama ni Tito Sley," pagpapakilala ko.
"Ay! Opo, natatandaan ko po kayo. Hi po, Ken po ang pangalan ko, salamat po sa pagkarga kay mommy kanina, maupo muna po kayo. Maya-maya tapos na po sa mommy," sagot ni Ken.
Kamukha talaga n'ya ang mommy n'ya, nakakatuwa.
"Ken alam mo matagal na kitang gustong makita," sabi ko kay Ken.
"Bakit naman po?" tanong n'ya.
"Madalas ka kasing ikwento ng mommy mo sa 'kin, proud na proud s'ya sa 'yo. At mukhang close na close kayong dalawa. Masaya ako kasi talagang inaalagaan mo ang mommy mo," sagot ko.
"Syempre naman po, dalawa lang po kami ni mommy, at sabi ni Lolo walang ibang mag-aalaga kay mommy kung hindi ako," pagmamalaki ni Ken.
Aminado akong hindi mahilig sa mga bata, pero aliw na aliw ako sa pakikinig kay Ken.
Ngumiti ito sa akin habang tinitigan ako. Siguro ay kinikilatis n'ya ako.
"Ken, 'yung damit pakuha malapit na ako matapos," sigaw ni Riz.
Nahinto ang pagtitig sa akin ni Ken. "Nand'yan na mommy," sagot nito sa kanyang mommy. "Sige po kuya, d'yan ka po muna," paalam ni Ken.
Ang cute nilang tignang mag-ina, akala mo mag ate lang. Iba talaga kapag hindi nagkakalayo ang edad ng anak at ng magulang. Kahit sa murang edad nagkaroon ng anak si Riz, nagawa pa rin n'ya itong palakihin ng maayos. Magalang at mapagmahal.
Minsan talaga hindi mo kaylangang ipakita ang superiority mo para igalang ka. Mas maganda kung makaka-relate ka at bababa ka sa level nila para maging kompoeratble sila sa 'yo. At mismong sila ang magbibigay ng malaking respeto sa 'yo. Respeto na hindi lang tuwing nakaharap ka. 'Yon ang nakita ko sa kanilang mag-ina.
Napalaki ni Riz si Ken bilang responsible at matalinong bata. At sa edad n'ya medyo sutil pa 'yan, laro ang inaatupag. Pero sa nakita ko, s'ya pa ang nag-aalaga sa mommy n'ya. Alam na ang dapat gawin, at alam kung papaano mag-alaga.
Maya-maya pa ay lumabas na ang mag-ina.
Nagulat si Riz ng makita akong nakaupo sa sala. "Oh, nandito ka pa pala?" tanong ni Riz.
"Oo, kakwentuhan ko si Ken kanina. Maaga pa naman, kaya mamaya na ko uuwi. Ano kamusta ka na?" tanong ko.
"Sige sabi mo e. Okay na, success! Teka, kape gusto mo?" alok ni Riz.
"Buti naman. Ah, sige," sagot ko.
Nagpatipla si Riz kay Ken. Naupo sa Riz sa katapat na sofa.
"Ang bait ng anak mo, sumusunod kaagad," sabi ko.
"Syempre mana sa mommy!" Nagawa pa nitong magpa-cute. "Mabait at masunurin talaga 'yan. Minsan tinotopak din 'yan pero sa huli sumusunod din naman. Wala naman s'yang magagawa e," paliwanag ni Riz.
"Nakakatuwa nga s'ya, sanay na sanay pagaasikaso sa 'yo at alam na n'ya lahat ng gagawin," sabi ko kay Riz. Napangiti s'ya, ramdam ko na proud s'ya sa anak n'ya dahil sa mga sinabi ko.
Dumating na si Ken dala-dala ang dalawang tasa ng kape. "Mommy ito na ang kape n'yo, masarap 'yan," pagmamalaki ni Ken.
Inabot ni Riz ang hawak na tray ni Ken. "Hindi ka nagtimpla ng para sa 'yo?" tanong ni Riz sa kanyang anak.
Ngumiti ito nang nakakaloko. "Hati na lang tayo mommy," sabi ni Ken.
Lumapit s'ya kay Riz, at naupo sa tabi nito. Pilit na sumiksik sa kanyang ina kahit ang walang naka upo sa kabilang sofa, parang batang naglalambing.
Napansin ni Riz na napangiti ako dahil sa ginawa ng kanyang anak. "Ito, ganyan 'to, kung nasaan ako nandoon din s'ya. Tapos ipagsisiksikan ang sarili," iritang sabi ni Riz ngunit nakatawa ito matapos magsalita.
"E, mommy," 'yon na lang ang nasabi ng kanyang anak.
Biglang may nagbukas ng gate nila.
"Si Lolo!" sabik na sabi ni Ken at tumakbo s'ya palabas.
Ilang sandali pa ay nakapasok na ang Papa ni Riz sa kanilang bahay.
Nang nakita ko ang Papa ni Riz ay tumayo ako kaagad. "Good evening po," pagbati ko, sabay mano.
"Oh, may bisita pala tayo. Good evening din sa 'yo," sabi ng Papa ni Riz sa akin.
"Pa, si Jerson nga po pala, pamangkin ni Tito Sley," pakilala ni Riz sa akin.
"Ah, s'ya ba 'yong irereto sa 'yo ni Sley?" tanong ng Papa ni Riz.
Nabigla ako sa kanyang sinabi, si Tito Sley talaga!
"Papa!" saway ni Riz.
Tumawa ang Papa ni Riz. "Totoy, biro lang. Nakwekwento ka kasi ng Tito Sley mo. Nice meeting you," sabi sa akin ng Papa ni Riz.
"Ganoon po ba, nice meeting you din po," sabi ko.
"Riz mama mo nga pala na saan?" tanong ng Papa ni Riz sa kanya.
"Nandoon sa kapit-bahay, hindi pa po sila tapos," sagot ni Riz.
Nagpasama ang Papa ni Riz kay Ken para puntahan ang kanyang asawa. Pero bago umalis si Ken, hinalikan nito sa pisngi ang kanya mommy at nagba-bye.
Bihira sa batang kasing edad n'ya ang kumi-kiss sa kanilang mga magulang bago umalis. Nakaktuwang pagmasdan ang ganoon, hindi nahihiyang ipakita ni Ken kung gaano n'ya kamahal ang kanyang mommy kahit may ibang taong nakapaligid.
Naiwan kaming dalawa sa sala, bigla kong naalala ang pasabog ni Riz at hindi ko maiwasang hindi matawa. Napansin n'ya ito at namula bigla.
"Alam mo na ang tinatago kong sikreto," nahihiyang sabi ni Riz.
"Alin 'yung pasabog mo sa CR?" medyo natawa pa 'ko habang nagsasalita.
"Oo, nakakahiya! Hindi na lang ako makatanggi kanina, hindi ko na rin kasi kaya. Kaysa mapagalitan kami ni
Ken," paliwanag nito.
"Okay lang 'yon ano ka ba! Hindi ka naman iba sa akin," sabi ko.
Namula ito lalo at yumuko sa hiya. "Syempre nakakahiya pa rin," sabi n'ya. Tumunghay ito at ngumiti sa akin. "Pero salamat at nice to see you. Again," sabi ni Riz. Kinuha nito ang kanyang kape at hinigop ito.
Na blangko ang aking isipan. Hindi ko rin alam ang tamang sasabihin. Ayaw kong maging presko tignan. Ayaw ko rin namang mahalata n'yang sobrang saya ko dahil nakita ko s'ya muli, pero natataranta na talaga ako. Jerson ano ba! Si Riz lang 'yan, relax!
Iyon na nga e, si Riz 'yan! Si Riz!
Kinuha ko ang tasa ng kape at humigop, umaasang pagkatapos kong uminom ng kape ay makakasagot ako ng kalmado.
"Oo nga hindi ko akalaing after 2 years magkikita ulit tayo," sabi ko.
"Ako rin, ang bilis ng dalawang taon, akalain mo 'yon. Ikaw pala 'yung matagal ng kinekwento ni Tito Sley na gwapong pamangkin n'ya. Na hanggang ngayon ay wala pang girlfriend," at tumawa ito pakatapos akong asarin.
Mga ganitong usapan ang na-miss ko kay Riz.
"Pero pwera biro, na-miss ko mga lakad natin, mga kwentuhan at lalo na ang mga asaran," sabi ni Riz.
Gusto kong sabihin na pareho tayo ng nararamdaman at sobrang saya ko na nagkita tayo ulit. Pero nilalamon ako ng pride ko.
Ngumiti ako sa kanya. "Naging busy na rin kasi ako sa trabaho, pero alam mo you're my lucky charm," sabi ko.
Ikubli natin sa mga katagang masasaya ang tunay kong nararamdamang sakit dahil sa kanya.
"Bakit naman?" tanong ni Riz na parang hindi naniniwala.
"Pagkatapos kasi ng gabing 'yon, na promote ako kinabukasan. Then nakapag-start na ko ng mini business ko, online selling ng sapatos at may kumukuha na rin sa akin na photographer sa mga events. Kahit 'yung small pictorial lang. At tuloy-tuloy ang blessings na dumadating sa kin," nakangiti kong sabi. Pero may kulang sa 'kin at ngayon ko lang ulit nahanap ang nawawalang parte ng buhay ko. At sana, tulad pa rin ng dati ang lahat.
At ng gabi ring 'yon ay kinuha mo ang malaking parte ng puso ko. Gusto ko sanang magkasama tayo sa lahat ng biyayang natatanggap ko. At ipakita sa' yo lahat ng pagbabago sa buhay ko. Ngunit hindi ko kakampi ang tadhana ng mga oras na 'yon.
Kailangan kong ibaon ka sa limot para umusap ang buhay ko. Ikaw ang nagpahinto ng lahat sa akin at ng nawala ka, 'di na ako nakabalik sa dating takbo ng buhay. At kahit gaano pa kataas ang narating ko, hindi ko maramdaman ang sayang nararamdaman ko tuwing ikaw ang kasama.
"Buti naman pala," nakangiting sabi ni Riz.
Pero ngayon, mukhang papahintuin mo ulit ang buhay ko. At sa pagkakataong ito, sisiguraduhin kong kapag umandar na ulit ang oras, kasama kana sa buhay ko. Pangako.
"Pagkatapos ng pagkikita naming 'yon, every day-off ko ay pumupunta na ako kayna Lolo Sley mo para makita si Riz at Ken. O tuwing holiday, asahan mo diretcho ako roon. Walang palya, sa lugar na 'yon pakiramdam ko ay malaya ako. Masaya ako at nawawala ang pagod ko buong linggo. At sakto rin namang pareho kami ng day off ni Riz. Nakakatawa nga dahil ginawan na ako nina Tito ng sarili kong tulogan dahil sa dalas kong nasa kanila. At sa katagalan ay naging close na rin ako kay Ken," kwento ko kay JD.
"Tito, hindi ka ba nakaramdam ng galit o kaya sakit sa ginawa ni ate Riz? Kasi, ang unfair ng ginawa n'ya sa'yo, pagkatapos parang wala lang sa kanya?" seryosong tanong ni JD.
"Dahil sa pag-iwan n'ya sa 'kin? At pang-ghost? Walang paalam na nangyari, pero ng nagkita kami ulit ay parang normal lang ang lahat?" balik kong tanong.
"Opo, kasi s'ya ang ng iwan at hindi nagpaalam. May feelings na kayo sa isa't isa, pero hindi ko maintindihan bakit ka n'ya kaylangang iwan? Pagkatapos ng isang napakasayang gabi, kahit Tito sabihin mo na request lang 'yon at pinagbigyan ka lang n'ya. Ang unfair pa rin no'n. Or nagpanggap lang s'ya? Para makabawi sa damit at kung ano anong materyal na bagay ang binigay mo sa kanya?" Ramdam ko ang inis na nararamdaman ni JD. "At pagkatapos n'yang mawala bigla, isang araw nagkita kayo, tapos parang normal ang lahat? Weird?" pagtataka ni JD.
"JD tandaan mo, sa ganitong sitwasyon lagi mong iisipin ang bawat ikikilos mo. Dapat alam mo ang maaring kakalabasan ng bawat salitang sasabihin mo. Huwag na huwag kang magpapadala sa iyong damdamin. Aaminin ko masakit, sobrang sakit ang maiwan. Pero anong gagawin ko, 'yon ang disisyon n'ya ng oras na 'yon. Ka-chat lang naman n'ya ko, kung may namagitan man, sigurado akong hindi malinaw ang lahat ng 'yon. At ng nakita ko s'ya ulit, inisip ko na lang ang lagi nyang sinasabi.
Enjoy every moment.
Hindi naman masamang gawin 'yon 'di ba? Isipin mo anong mangyayari kong isusumbat ko sa kanya ang nakaraan e tapos na 'yon lahat? Sasabihin ko, bakit iniwan n'ya ako sa ere. Pagkatapos ang pwedeng mangyari ay umiyak s'ya at iwan n'ya ako muli, o kaya sasama ang loob n'ya sa akin dahil doon. At 'yon ang ayaw kong mangyari. Kakakita lang namin, tapos dahil lang doon magkakasira kami? Maayos naman kaming naghiwalay ng gabing 'yon. At saka dalawang taon na ang nakalipas mula ng nangyari lahat ng 'yon. Alam kong may matindi s'yang dahilan kaya n'ya ako nagawang iwan. Mabait na tao si Riz, kaya ng makita ko s'ya ay hindi ako nakaramdam ng kahit anong tampo o galit sa kanya. Isa pa love waits, hindi kaylangang madaliin ang lahat, dadating ang tamang panahon kung kaylan dapat mangyari ang dapat mangyari," paliwanag ko.
Nakatitig lang sa akin si JD. "Hala Tito ikaw ba talaga 'yan?" seryosong sabi nito.
Hindi ako robot, at hindi ako gano'n ka bait para hindi maisip ang lahat ng sinabi ni JD. Matapos ng araw na 'yon, at ng naka-uwi na ako sa apartment, nagdalawang isip ako kung magpapakita pa ba ako muli kay Riz. Pinag-isipan ko ng mabuti ang bagay na ito, subalit tuwing makikita ko si Riz at Ken nawawala ang alinlangan sa aking puso. Nawawala ang tampo at kung ano anong espekulasyong tumakbo sa aking isipan ng iwan n'ya ako ng gabing 'yon. At isa pa, wala kaming label.
Wala akong karapatang manumbat dahil una sa lahat hanggang magkaibigan lang kami.
" 'Yan tayo e, ano ang akala mo sa akin playboy? Good time palagi?" sabay batok sa kanya.
"Opo," diretcho nitong sabi. "Pero Tito pagkatapos hindi mo s'ya sinubukang ligawan? Okay ka kay Ken pati sa parents n'ya kasi sabi mo palagi kang dumadalaw sa kanila?" tanong muli ni JD.
"No, I didn't," sagot ko, sabay kamot sa ulo.
"Bakit! Hindi pa ba tamang panahon? After 2 years nagkita kayo ulit! Tapos okay naman ang lahat sa inyo?" sigaw ni JD sa akin. Minsan itong pamangkin ko sobrang galing, Tito lang ang tawag pero kung magsalita ay nako.
"Oh baka nakakalimutan mo Tito mo pa rin ako. Umayos ka JD, nako. At huminay ka hindi pa kasi ako tapos! Nagmamadali ka masyado e!" sabi ko.
Kaylangang piliin ko ang mga sasabihin ko, kung sa simula pa nga lang ay 'di na s'ya naniniwala sa mga sinasabi ko. Paano pa kaya pag nalaman n'ya na sobra akong nasaktan. Baka pagtawanan pa ako ng batang 'to.
Bakit nga ba hindi ko nagawang sabihin ang nararamdaman ko sa kanya? Sa takot? Torpe o dahil alam kong may pipiliin s'yang iba kaysa sa akin.
At isa pa, ayaw kong madaliin si Riz, lalo na si Ken. Gusto kong maging palagay sa akin si Ken at iparamdam sa kanya na hindi ako banta para sa kanilang mag-ina.
Simula ng lubos kong makilala si Ken, mas naintindihan ko kung bakit handang isakripisyo ni Riz ang lahat para kay Ken. Kaya mula noon ay mas pinahalagahan ko si Ken, at mas binigyan ng atensyon. 'Di dahil gusto ko si Riz, kung hindi natutunan ko ng mahalin ito at karapatan n'yang mahalin bilang isang bata.
Tandang tanda ko pa na pag dating ng Byernes ay nagmamadali na akong umuwi. Hindi na rin ako maaya ng mga katrabaho gumimik, I learn to say no. Uuwi na kasi ako kayna Tito after work then mga bandang 9 or 10 ng umaga kinbuhasan, pupunta na ko kay na Riz at may dalang something for Ken. At minsan ay para sa parents n'ya. Kung ano lang ang pwedeng madala.
Lagi akong nakatambay sa kanila o 'di kaya sa kainan nila, nakakahiya naman kung palagi akong nandoon pagkatapos ay wala akong dalang kahit ano. Palagi namang nagugustuhan ni Ken ang mga dala ko, sabi nga ni Riz baka mamihasa 'yung bata, at ang tingin na sa akin ay isang malaking pasalubong na naglalakad.
Ang sabi ko naman ay pakunswelo na kay Ken lahat ng 'yon at masaya ako tuwing nagugustuhan n'ya ang mga pasalubong ko. Ang sarap pakinggan ng mga papuri n'ya at pasasalamat sa mga dala ko, engrande pa man ito o kahit simple lang. Lalo na kung pagkain, nako talo-talo na. Manang mana sa kanyang mommy. Madaling maka appriciate ng mga bagay.
Nage-enjoy din ako sa pagtulong sa kanilang kainan. At madalas akong niloloko ng Mama ni Riz dahil dumadami ang kanilang costumer na babae tuwing weekends at dumadaan sa tindahan nila para makita o magpapansin sa akin, kaya malakas ang kanilang benta.
Madami na ring nagtataka kung ano ba talaga ang namamagitan sa amin ni Riz, kinausap na rin ako ni Tito kung bakit nadadalas na ang uwi ko sa kanila simula noong nagkita kami ni Riz. Sa totoo nga raw ay natutuwa s'ya na may nagpapahalaga kay Riz. Alam kasi ng lahat ang pinagdaanan n'ya noon at masaya sila na bumabalik na ang sigla ni Riz. Masaya rin s'ya para sa 'kin dahil iba ang mga ngiti at tawa ko tuwing kasama ko sila.
Panay ngiti at tawa lang ang sagot ko, kasi kahit ako naguguluhan pa sa nararamdaman ko. Pero isa lang ang malinaw I want to see Riz and Ken hanggat pwede. Kahit pagod sa work for the whole week at stress pagnakita ko na ang mag-ina nawawala lahat ng pagod ko.