"Pagkatapos ng gabing 'yon, bumalik na sa dati ang lahat, natapos na ang c****x ng istorya. Bumalik sa normal lahat sa isang iglap. Maraming dumating na opportunities sa akin at ang mga pangarap ko ay unti-unti ng natutupad, naging abala na rin kasi ako sa career ko. At hindi ko na namalayang isang araw, paggising ko wala na s'ya sa buhay ko. Ni-chat o text wala. Para siyang isang panaginip," sabi ko kay JD.
Ayaw kong aminin kay JD ang totoo, pero habang tumatagal ay lagi ng may kulang sa araw ko, simula nang nawala bigla si Riz sa buhay ko. Hinahanap-hanap ko ang mga chat n'ya, makukulit na messages at ang katakawan n'yang kumain.
Katulad sa kwento ni Cinderella, natapos na ang magic na binigay ng fairy godmother. Bumalik na ang lahat sa isang iglap. Wala mang wicked stepmother at stepsister si Riz, mayroon namang mga bagay ang pumipigil sa kanya upang maging masaya at makawala kung ano man ang kanyang pinagdadaanan. At walang lakas ng loob upang sumugal sa pag-ibig.
Ang lalim! Hindi ako ganito!
Bigla akong napahawak sa pendant ko, tulad nito, hindi na kailan man mabubuo. Hindi ko sinasadyang ibigay sa kanya ang malaking parte ng buhay ko sa maiksing panahong nagkakilala kami. Ganoon talaga siguro ang pag-ibig. Wala sa tagal, wala sa haba ng pinagsamahan. Hindi ka makakapamili kung kanino ito titibok. Hindi mo rin alam kung kailan at paano nagsimula ang lahat.
Pagkatapos n'yang bumaba sa sasakyan, naramdaman ko na 'yon na ang huli naming pagkikita. Habang pinagmamasdan ko s'ya papasok ng apartment ay parang may tumutusok sa aking puso. Kumikirot itong 'di ko maintindihan. Gusto ko s'yang habulin pero hindi ko magawa. Hindi ako makasigaw, naninigas ang mga paa ko. Kaya sa huli, tinitigan ko na lang ito papalayo.
Kinabukas matapos ang anniversary nina Lola, wala s'yang chat o reply sa mga messages ko, tatlong araw akong patuloy pa rin sa pagcha-chat sa kanya. At ni isang reply ay wala, hindi na talaga 'to nagparamadam.
S'ya na rin siguro ang karma ko sa lahat ng ginawa kong kalokohan noon. Nagpaasa ng mga babaeng walang kamuwang muwang at ngayon ako na ang umaasa. Pag-karma nga talaga ang gumanti, sobrang tindi.
Mabuti na lang at naghiwalay ang landas namin sa magandang paraan, walang away, walang samaan ng loob. At ang mahalaga ay may baon akong magagandang ala-ala galing sa kanya.
Pagtingin ko kay JD, nakabusangot ito. "Hala Tito?! Hindi ka ba gumawa ng paraan para magkausap kayo ulit o hanapin man lang s'ya?" iritableng tanong ni JD.
Nginitian ko si JD at inakbayan. "Katangahan ng Tito, hindi. Hindi ko rin alam kung bakit pero binago n'ya ko ng nawala s'ya sa buhay ko. Tuwing magsisindi ako ng yosi, naaalala ko s'ya bigla, ang itsura n'ya habang sinasabi n'yang ayaw n'ya sa mga taong nagyoyosi. Bigla-bigla, tinatapon ko na lang yung stick. O kaya minsan ay hindi ko na naubos ang nasindihan kong sigarilyo, hanggang naka pag-quit na ko. Nagpursige sa buhay at nabili ko lahat ng gusto ko, nakamit ko ang mga pangarap ko. At dahil lahat 'yon sa kanya," sagot ko.
Kalokohan, nilunod ko lang talaga ang sarili ko sa trabaho para makalimot sa sakit na aking nararamdaman. Ginawang busy ang buong maghapon para 'di ko s'ya maalala. Kumuha ng mga raket para walang bakanteng oras, pinagod ang sarili para walang alalang makasingit.
"Tito, hindi mo talaga sinubukang hanapin o tanungin s'ya kung ano talaga ang nararamdaman n'ya para sa 'yo? O kaya subukang ipakita kung gaano ka kaseryoso sa kanya? Kasi Tito hindi ko makitang gagawin mo 'yon sa isang babae, ikaw ganyan ka seryoso? Yung may ipakilala kayna Lola? Maglaan ng oras sa isang tao? Imposible! Para ngang hindi ikaw 'yang kinekwento mo Tito e. Siguro gawa-gawa mo lang 'yan 'no?" sunud na tanong JD. Hinusgahan pa nga ako ng pamangkin ko. Itong batang 'to, parang laging joke time kapag ako ang nagkwekwento.
Napahinto ako, hanapin, at tanungin kung ano ang nararamdaman n'ya. Pinaglaban ko nga ba o nag-give up lang ako basta-basta? O natakot na akong masaktan?
Huminga ako ng malalim, hindi ko na dapat ipagpapatuloy pa ang kwento ko, pero mukhang kailangan. "After 4 years we met unexpectedly," dugtong ko.
"Talaga! Tapos? Tapos? Naging kayo na? Pero kung gano'n bakit hanggang ngayon wala ka paring partner? O tinatago mo lang s'ya? Ano Tito dali!" Nagawa pa nitong alog-alogin ako habang nagtatanong.
"Easy! Atat? Manang mana ka talaga sa mama mo, napaka chismoso!" Ginulo ko ang kanyang buhok. "Ligpitin mo muna 'yang mga panapernalya mo at baka mamaya sabihin ni ate kinusintidor ako sa mga kalokohan mo, sigurado pag nakita n'ya 'yang mga nakalatag na 'yan, magwawala 'yon," utos ko. Dali-dali namang sumunod si JD.
Suko na akong makita s'ya matapos n'yang iparamdam sa akin na hindi na talaga s'ya magpaparamdam pa.
Sinubukan ko rin s'yang puntahan sa apartment n'ya ngunit sabi ng landlady nila ay lumipat na raw ang magbabarkada. Nataon din kasing ire-renovate ang apartment, hindi naman din alam ng landlady kung saan ang mga ito lumipat. Inabangan ko rin ito sa review center ngunit ni anino ay wala akong nakita. Sumama ang loob ko ng kaunti pero lumipas ang panahon at tinganggap ko na lang na ganoon talaga siguro ang gusto ng tadhana para sa aming dalawa.
People come and go, unexpectedly.
"Tapos na!" sigaw ni JD. "Ano na Tito, ano ng nangyari?" atat na atat nitong sabi.
Ngumiti lang ako kay JD, hindi ko talaga alam kung saan ako magsisimula.
Matapos kasi ng dalawang taon, hindi ko akalaing 'yong naramdaman ko noong gabing 'yon ay mararamdaman ko ulit. Parang isang crystal na binalot ng yelo, nawalan ng kislap at hindi na muling kuminang. Ngunit isang araw ay natunaw unti-unti ang yelong bumalot dito para ibalik ang kislap nito.
"Si Lolo Sley mo ang nagging tulay para magkita kami ulit," panimula ko.
May kung anong occasion sa bahay ng Tito ko at naisipan kong punta roon.
"Wow! MJ! Buti nahanap mo agad 'tong bahay namin?" salubong ni Tito.
"Hindi naman po Tito, may nagturo po sa akin sa kanto n'yo," sagot ko.
Inasikaso n'ya ako at nagkwentuhan na kami, kamustahan at syempre hindi mawawala ang usapang lovelife.
"Balita ko may pinakilala ka na daw kay na Mama?" banggit ni Tito. Nasamid pa ako bigla matapos ko 'tong marinig.
"Dalawang taon na po ang nakakalipas, buhay pa rin ang balita na 'yan? Bakit nga pala wala kayo roon Tito? Sayang, engrande ang anniversary nina Lola ng taong 'yon," tanong ko kay Tito. Iniiwasan ko talaga ang mga ganyang tanong, pag kamag-anak nga naman, hay.
"Nagsabi na ako kayna Mama na babawi ako the next year. Nasa abroad ako noon, hindi ba sa 'yo sinabi?" bigla itong huminto sa pagsasalita at napa-isip. "Teka, umiiwas ka sa tanong ko! Iniiba mo ang usapan. Pero sige, mukhang ayaw mo pag-usapan ang tungkol doon, kaya hindi ko na itatanong kung anong nangyari," sabi ni Tito. Mukhang nakahalata si Tito ang gusto kong mangyari, buti naman.
"Hindi bale, kung ano man ang nangyari sa inyo ay kalimutan mo na lahat ng 'yon. Marami ka pang kikila," payo ni Tito.
Ngumiti ako, "Salamat po Tito at naintindihan ninyo," sabi ko.
"Tulad ngayon, may ipapakilala ako sa 'yo, at promise papasa s'ya sa standards mo. Hindi naman kita minamadaling makipagkilala sa kanya o kung kanino man pero nandirito ka na rin lang ay mabuting makilala mo na s'ya," ngiting-ngiting sabi ni Tito.
Ayan na nga ba ang sinasabi ko! 'Yang reto-reto na 'yan. Hay naku.
Napangiti nalang ako.
"Siguro naman ay pagbibigyan mo na 'ko. Hindi ka bumabata MJ. Huwag puro trabaho ang atupagin mo, sige ka mahirap tumandang binata at MJ sayang ang lahi natin!" pamimilit ni Tito. Sabi ko naman gwapo ako, umpisa pa lang.
Mag iinarte pa ba ako? Nakakahiya lang talaga kay Tito, kaya pinagbigyan ko na 'to tutal aalis din naman ako kinabukasan.
Tinapos ko lang ang aking kinakain at kinaladkad na ako ni Tito kung saan.
Huminto si Tito ng makita ang isang batang naglalaro. "Ken si mommy mo?" tanong ni Tito sa bata.
Kinabahan ako bigla. Ken ang pangalan ng bata. At may pagkakahawig ito kay Riz. Hindi ko makakalimutan ang panagalang 'yon, pero baka nagkataon lang. Tinitignan ko si Ken at lalong lumakas ang kutob ko, pero ayaw kong umasa. Masakit umasa, disappointment sucks.
"Nasa kusina po naghuhugas," sabi ni Ken.
"Ay naman ang dalaga nga naman namin sige sige," sabi ni Tito. Dumiretcho kami sa kusina ng isang bahay.
Sa pagpasok namin ay may nakita akong babae nakatalikod, likod palang iba na ang pakiramdam ko, ng lamig ako. Bigla akong napalunok, kumakabog ang dibdib ko. At hinawakan ko ang pendant ko.
"Riz!" tawag ni Tito sa babaeng nakatayo.
"Po," sagot ng babae. Sabay humarap s'ya at nakita n'ya ako. S'ya nga si Riz.
"Hi, kamusta?" bati ko.
Nagulat ito. "I....ikaw pala," sabi n'ya. 'Yung Riz na nakilala ko sa Manila, s'yang s'ya walang nagbago.
Nagulat si Tito sa kanyang mga narinig. "Magkakilala kayo?" takang tanong ni Tito.
"Opo, noong nagre-review po ako sa Manila. Doon po kami nagkakilala," sagot ni Riz.
"Ah, e s'ya 'yung MJ na nirereto ko sa 'yo. Hindi na pala ako mahihirapan, magkakilala na pala kayo," sabi ni Tito.
May babaeng biglang sumulpot sa aming likuran. "Riz! Tara na ikaw na lang ang hinihintay," sigaw ng babae.
"Ay oo sige ito na, susunod na. Tatapusin ko lang 'to," nagmamadaling sabi ni Riz.
"Sumunod ka na ha!" sabi nito at umilis na ito.
Ipinagpatuloy na ni Riz ang paghuhugas upang makasunod na sa labas.
"Isama mo na 'tong si MJ para makapag-relax. Huwag masyadong uminum may mga pasok pa kayo bukas," paalala ni Tito.
"Opo Tito, tamang shot lang," sagot ni Riz.
"O s'ya ikaw na Riz ang bahala kay MJ. Babalikan ko lang ang iba pang mga bisita," paalam ni Tito.
Naiwan na kami ni Riz.
Nilapitan ko ito upang tulungang maghugas ng mga plato. "Okay lang sayo?" tanong ko kay Riz.
"Oo? Kung okay lang sayo," sagot ni Riz.
Awkward sa aming dalawa 'to, ang tagal naming hindi nagkita. Pagkatapos ng lahat bigla bigla na naman kaming pagtatagpuin ng tadhana.
Natapos naman namin ang lahat ng mga hugasin kahit walang umiimik sa aming dalawa, tahimik lang kami parehas at walang kibo. Ngunit kahit gano'n ay sumama parin ako kay Riz.
Nagpunas pa kami saglit at pumunta na kami sa labas. "MJ, oo nga 'no Mark Jerson hindi ko naisip 'yon," sabi n'ya habang naglalakad kami.
"Kamusta long time no see," sabi ko.
"Ito, ayos naman gano'n pa rin," maiksing sagot ni Riz.
"May quality time ka na kay Ken, tapos ka na mag-review. At nandito ka na sa inyo," sabi ko.
"Naalala mo pa pala pangalan ng anak ko?" tanong ni Riz.
"Oo naman, sa dalas mong banggitin ang pangalan n'ya matatandaan ko talaga. At isa pa kamuka mo pala s'ya boy version," sabi ko.
"Version, hindi ka pa rin nagbago." nakangiting sabi ni Riz.
"Sa mr. doughnuts ba?" tanong ko at ngumiti lang s'ya. Napatingin ako sa kanyang mga kamay. "Nasayo pa pala 'yan?" tanong ko. Napansin ko kasi 'yung pendant.
"Ah ito ba?" sabi ni Riz. Sabay tingin n'ya sa kanyang pulsuhan.
Ginawa n'ya kasing bracelet 'yung kwintas na binigay ko sa kanya.
"Mahalaga kasi sa 'kin 'to," dugtong n'ya.
Sa isang iglap, nawala ang pagkailang namin sa isa't isa. Gumuhit ang mga ngiti sa kanyang labi na matagal 'ko ng hindi nasisilayan.
Nakarating na kami sa kinaroroonan ng mga kababata ni Riz na kanina pa s'ya tinatawag. Isa roon ang babaeng sumulpot sa likuran namin ni Tito.
Pagka-upo namin ay simula na kaagad ng tagay, hindi naman ako gano'ng na out of place. Mabilis pakisamahan ang mga kababata ni Riz, naka-apat na bote din kami ng Alfonso. 'Yung mga kababata n'ya, may ilang lasing na, may ilan namang tumatawag na ng uwak pero si Riz ang tibay matino pa rin.
"Jerson kaya mo pa mag-type?" tanong ni Riz
"Kaya pa bakit?" tanong ko.
"Text mo nga anak ko, sabihin mo sunduin na n'ya ako," sabi ni Riz. Akala ko strong s'ya, may tama na rin pala pero hindi halata ang ganda pa rin n'ya. Pulang pula nga lang.
"Tawagan ko na ano ba number?" tanong ko. Idinikta n'ya ang number ni Ken at dinayal ko ito.
"Hello sino po sila?" tanong ni Ken pagkasagot n'ya ng aking tawag.
"Kuya Jerson 'to, ito ang mommy mo," sabi ko. At pinasa ko kay Riz ang telepono.
"Anak pasundo," utos ni Riz.
"Opo mommy, sige po ihahanda ko lang po 'yung gamit mo, wait lang po," sagot ni Ken at binaba na nito ang phone.
Ano ang ihahanda? Susukahan? Damit? Ano?
Ilang minuto lang ay dumating na si Ken. "Mommy?" sabi ni Ken.
"Ken, paalalay dali," inaalalayan ni Ken na tumayo si Riz, nahihilo na siguro ito.
"Ken ako na," sabi ko. At binuhat ko na si Riz.
"Anong ginagawa mo?" gulat na tanong ni Riz.
"Ihahatid ka sa inyo, nahihirapan kaya ang anak mo at mabigat ka ha," asar ko. Wala na itong nagawa kaya tumahimik na ito.
"Sige kuya, tara na baka may sumabog pa dito nakakahiya," nagmamadaling aya ni Ken at hinatak na ako.
"Sumabog?" tanong ko.
"Ken!" sigaw ni Riz.
"Basta tara na! Malapit na 'yan," sabi ni Ken. Hinatak na ako ni Ken papunta sa bahay nila. Pero ramdam ko ang panglalamig ni Riz, hala susuka na ba s'ya?
Dumiretcho kami sa CR,
"Kuya tara na sasabog na 'yan mabaho 'yan!" sabi ni Ken at hinila n'ya na ako palayo ng CR.
"Teka teka, ano bang nangyayari sa mommy mo, susuka ba s'ya? Dapat samahan natin s'ya sa CR mahirap sumuka mag-isa." Pag-aalala ko.
Hindi pinansin ni Ken ang mga sinasabi ko, patuloy pa rin ito sa paglalakad. "Mommy! Sumigaw ka pag kaylangan mo na ng damit," sigaw ni Ken.
Nang nakarating na kami sa kanilang sala ay umupo na si Ken. "Alam mo po kasi kuya, maglalabas ng sama ng loob si mommy, ang baho kaya! Sobra! At minsan pa nga hindi na kami umaabot sa CR! Hindi nga nalalasing grabe naman po mag-LBM," paliwanag ni Ken.