Sinipa ni Dale ang pinto ng tinutuluyan nila.
"Celine!" sigaw niya.
Bumungad sa kanila si Celine na nagwawalis sa sahig. Nagtaka ito nang makita ang pawisang si Dale at naghahabol sa paghinga. Kasunod ni Dale ang dalawang police officer na sina Ronald at Gorrillo.
"Ate bakit?" nagtatakang tanong ni Celine.
"Wala," sagot ni Dale. Umupo siya sa kahoy na upuan at humarap sa mga nakasunod sa kaniya. Ang akala niya talaga ay may masama nang nagyari kay Celine.
Hingal na hingal din sina Officer Ronald at Gorillo nang pumasok sa loob. Nilapag ni Gorrillo ang mga pinamili ni Dale. Dala-dala niya iyon habang tumatakbo sila papunta sa bahay na iyon.
"Ang layo pala ng bahay niyo," reklamo ni Gorrillo. "May tubig ba kayo diyan?"
Inabutan ni Celine ng tubig ang dalawang pulis.
"Dale, may hinala ka ba kung sino ang mga 'yon?" tanong ni Officer Ronald.
Nag-iwas si Dale ng tingin. Iyon na nga ba ang kinakatakot niya, ang mas lalong magtanong sa kaniya si Officer Ronald.
"Wala akong ideya," sagot niya.
"Ikaw ba Celine?" Ginawi naman ni Officer Ronald ang atensyon kay Celine na kasalukuyang naghuhugas ng isda.
"Wala rin po akong alam," sagot ni Celine kasabay ng pagkibit-balikat.
"Baka kayo ang may atraso sa mga 'yon," sabi ni Dale habang mapang-asar na nakatingin kay Officer Ronald.
Natapos ang araw na iyon. Hapon na nang makauwi ang dalawang pulis. Kumain muna ang mga ito ng tanghalian sa kanila. Mabuti na lang ay nadamihan ni Dale ang pagbili ng isda dahil hindi niya inaasahan na darating at makikikain ang mga ito sa kanila. Matapos ang iilang tanong sa kanilang dalawa ni Celine ay umalis na rin ang mga ito.
Lumipas ang isang buwan matapos nilang mamalagi sa lugar na iyon. Marami nang nangyari. Sa isang buwan na pagsasanay ni Celine ay marami na rin itong natutunan. Lumalakas na rin nang paunti-unti ang core muscles nito para sa stability at balance. Simula sa simpleng stretching ay may mga natutunan na rin na basic moves si Celine.
"Humuhusay ka na," papuri ni Dale na sinagot naman ni Celine ng isang ngiti.
"Salamat po."
"Huwag ka munang magpasalamat, kulang pa ang nalalaman mo."
Tumalikod si Dale kay Celine. Paalis na siya dahil may pasok pa siya sa gym. Hindi na masiyadong nagpaparamdam sina Officer Ronald sa kanila. Kaya nga lang, pumalit naman sa kanila si Gem dahil araw-araw siyang kinukulit nito. Nagkita na sina Officer Ronald at Gem. Nagpakilala si Gem na manliligaw niya ito at mukhang kumbinsido naman ang dalawang pulis.
"Oh, magpalamig ka muna."
Napatingin si Dale sa inabot na ice cream ni Gem. Nais pa sana niyang tanggihan iyon dahil hindi naman siya mahilig doon. 'Bawal tanggihan ang grasya.'
"Mas gusto ko ng kape," sabi niya.
"Kaya ka nagiging bitter eh," biro ni Gem sabay kindat sa kaniya.
Natawa siya. Sa loob ng isang buwan ay aminado si Dale na napalapit na siya rito. Marami nang naikuwento si Gem sa kaniya, pati nga love life at mga 'ex-girlfriends' nito ay nabanggit na rin nito sa kaniya.
"Ayan, mas maganda kapag nakangiti ka."
Tumayo na si Dale at inalis ang pagkakangiti sa mukha. Kahit nagkuwento na si Gem ng buhay nito sa kaniya ay hindi niya pa rin maiwasan na hindi magtiwala sa lalaki. Sa dami kasi ng nangyari sa kaniya ay hirap na siyang ibigay ang buong tiwala sa mga tao sa paligid.
Tumunog ang kaniyang phone. Nagtungo muna siya sa c.r bango niya iyon sagutin.
"Sid?" sabi niya sa kabilang linya.
"Dale, natatandaan mo si Sir Asuncion?"
"Oo, bakit?"
Natatandaan ni Dale ang dating mayor na iyon dahil hawak ng daddy niya ang kaso nito. Natatandaan niya na isa ito sa mga pinaghihinalaan na kabilang sa mga nagpapatakbo ng ilegal na droga. Noong namatay ang kaniyang ama, nawala na rin ang issue na iyon kaya nagpatuloy si Asuncion sa kaniyang termino.
"Mayroon siyang conference sa Daylipan."
"Oh?" takang tanong niya.
"Puwede natin siyang kausapin, baka may nalalaman siya." Huminga si Dale nang malalim. Marahil may balak na namang magpabango sa masa ang dating mayor na iyon.
"Paano? Hindi tayo makakalapit sa kaniya." Sigurado si Dale na marami itong escort kapag dumating sa Daylipan.
"May kilala ako na makakatulong sa atin."
"Sige, ikaw na bahala," sagot niya. Sana ay makatulong nga si Asuncion sa kanila at sana nga ay may iba pa silang impormasyon na makuha rito.
Tinago ni Dale ang phone niya at lumabas ng c.r ngunit laking gulat niya nang makita si Gem sa labas. Ngumiti ito sa kaniya.
"Anong ginagawa mo rito?" takang tanong niya.
"Ang tagal mo kasi. Tunaw na ang ice cream mo kaya pinuntahan na kita rito."
Kinuha ni Dale ang ice cream sa lalaki. Oo nga pala, pinahawak niya ito sa lalaki nang pumunta siya sa banyo.
"Gulat na gulat ka nang makita ako ah. Nakakatakot ba 'tong pagmumukha ko?" biro ni Gem sabay himas sa kaniyang pisngi.
"Oo," sabi niya.
"Sa lahat ng babae na nakilala ko, ikaw pa lang ang hindi tinatablan ng karisma ko." Hinawi ni Gem ang bangs at ngumiti kay Dale.
"Wala ka naman talagang karisma para sa akin," walang emosyon niyang sagot.
Humarap si Gem sa kaniya at hinawakan siya sa balikat. "Talaga ba?" sabi nito at nakipagtitigan sa kaniya. Unti-unti nitong nilapit ang mukha sa kaniya ngunit nanatili lang siya sa posisyon niya. Naestatwa siya habang nakatitig sa papalapit na mukha ng lalaki.
"Oh? Bakit hindi ka makagalaw?" Huminto si Gem sa paglapit. Unting-unti na lang ay maglalapat na ang kanilang mga labi. "Gusto mo bang ituloy ko?"
Napailing si Dale. Doon niya pa lang naunawaan kung ano ang balak gawin ng lalaki. Nang ma-realized niya iyon ay inapakan niya ang paa ni Gem. Dahil sa ginawa niya ay napabaluktok si Gem habang hawak-hawak ang paa. "Mapanakit ka talaga! Mabuti na lang mahal kita kaya kahit sinasaktan mo ako ay okay lang."
Kahit iniinda pa rin ang ginawang pag-apak ni Dale ay nagawa pa rin nitong makipagbiruan sa kaniya. Napabuga na lang siya ng hangin habang nakatingin sa lalaki. Napalakas din kasi ang pag-apak niya rito. Hindi niya kasi nakontrol ang sarili.
Kinabukasan. Nagkita si Sid at Dale sa Daylipan. Nagtali si Dale ng buhok at nagsuot ng itim na sumbrero. Nagsuot din siya ng itim na t-shirt at fitted na pantalon.
Napuno ang Daylipan court ng mga tao. Lahat ng mga ito ay naghihintay ng biyaya na maaaring ipamahagi ng dating mayor. Bukod doon ay gusto rin nilang makita at marinig ang mga makakatas na salita na bibitawan ni Asuncion.
Dumating si Asuncion kasama ng mga escort nito. Nagpunta ito sa pinaka-sentro at humarap sa mic na nakalagay rin doon. Nagsimulang magpalakpakan ang mga tao. Sinisigaw ang pangalan nito. Kahit na naging subject ito sa illegal drugs ay mayroon pa rin namang naniniwala sa kabutihan nito. May iilang hindi pabor subalit may iilan ding sumusuporta rito.
Palapit na naman ang eleksyon kaya marami na naman ang mga politiko na nagpapaganda at nagpapabango ng kani-kanilang mga pangalan. Kaya naman kaniya-kaniya sila ng diskarte para makuha ang boto ng mga tao.
Nagbigay ng panimulang pagbati and dating mayor kaya nagpalakpakan na naman ang mga tao. Lalong napuno ng ingay sa loob ng court nang sabihin at ipakilala ni Asuncion ang kaniyang anak na tatakbo bilang mayor.
"Susuportahan ka namin!" sigaw ng isa sa mga tao.
"Oo, nasa sa 'yo na agad ang boto ko," bulong naman ng lalaking katabi ni Dale.
Nasa unahan sila naka-puwesto ni Sid at naghihintay ng pagkakataon na makalapit kay Asuncion. May kakilala si Sid na makakatulong sa kanila para makalapit sa dating alkalde subalit wala iyon doon.
Wala silang nagawa kundi ang maghintay.
Masikip at mainit na sa puwesto nila. Ang mga pawis sa balat ng mga katabi ay hindi maiiwasang madikit sa kanilang mga braso. Halo-halo na rin ang amoy sa loob, pawis na nakulob. Nilibot ni Dale ang mata sa gilid at hindi nakaligtas sa kaniya ang isang lalaking nakaitim na damit. Pinagpapawisan ito at tila may tinatago sa likod.
Tumayo si Dale at sinubukang makadaan sa mga nagsisiksikan na tao. Kailangan niyang makarating sa unahan.
Tumakbo ang lalaking nakita niya at lumapit kay Asuncion.
"Asuncion!" sigaw niya saka tumalon paakyat sa stage. Tinulak niya si Asuncion para hindi ito matamaan ng kutsilyo na hawak ng lalaki.
"Mga manloloko! Niloloko niyo lang ang mga tao," galit na galit na sigaw ng lalaki. Nanlilisik ang mata nitong nakatingin kay Asuncion.
"Dale! Umilag kayo!" sigaw ni Sid.
Tumingala si Dale kaya natanaw niya ang gatuldok na lalaki sa malayo.
"Asuncion! Umikot ka!"
Nagpaikot-ikot naman sa sahig ng stage si Asuncion. Kaya sa halip na sa kaniya tumama ang bala ay sa sahig iyon tumama.
Tumayo si Dale at hinila ang mayor papasok ng stage.
"Tara!" sabi niya at hinawakan ito sa braso.
Dahil matanda na ay hirap na sa pagtakbo ang dating mayor. Hindi na nito kayang sabayan ang bilis ng pagtakbo ni Dale.
Lumingon si Dale kay Sid at sumenyas na bumalik na ito sa kotse. Naging sunod-sunod ang pagputok ng baril kaya lalong nagkagulo ang lahat. May nagsisigawan, may nagtatakbuhan at may humihingi ng tulong.
Sinamantala ni Dale ang pagkakataon na iyon upang itago si Asuncion. Tumakbo sila hanggang sa makarating sa kotse ni Sid.
"Pasok!" utos ni Dale kay Asuncion. Natataranta namang sumunod ang dating alkalde.
"Anong kailangan niyo sa akin?" utal-utal na tanong nito nang tuluyan na silang makapasok.
Mabilis na pinatakbo ni Sid ang kotse.
"Nililigtas ka," maikling sagot ni Dale. Kung hindi siya lumapit at nagpunta sa stage, marahil ay patay na rin ito ngayon.
Tumingin si Sid sa rear view mirror. "Sir Asuncion, may hinala ba kayo kung sino ang gustong pumatay sa inyo?" tanong ni Sid.
Pilit na tumawa ang matanda, "Sa mundong ginagalawan ko, ang hirap kilalanin kung sino ang kalaban at kung sino ang kakampi. Kapag pamilya kayo ng politiko, marami kang kalaban."
"Asuncion," simula ni Dale na ikinagulat ng matanda dahil bibihira ang may lakas ng loob na tawagin siya sa pangalan niya ng walang kasamang 'sir' o kaya naman ay 'mister'. Nasanay si Asuncion na tinatawag siya nang may paggalang.
"Isa-isahin mo sa amin kung sino ang puwedeng gumawa nito," seryosong utos ni Dale.
"Marami...maaaring ang mga mamamayan na may galit sa pamilya namin, puwedeng ang kalaban namin sa politika at puwede rin ang..."
"Ang?" kunot-noong tanong ni Dale. Tumitig siya nang matalim sa matanda upang takutin ito at magsalita.
"Sagittarius at Scorpio," sagot ni Asuncion. "Magaling sa pagbaril ang mga Sagittarius...pero mas matindi ang mga Scorpio. Hindi lang sila namamaril, brutal sila kung pumatay ng mga tao. Laslas kung laslas. Tatadtarin nila ang target ng saksak at tama ng baril hangga't hindi sila nakokontento."
"Anong pinagkaiba nila sa Sagittarius?" takang tanong muli niya.
"One shoot, one kill ang Sagittarius. Rule nila na isang bala lang ay patay na dapat ang target nila dahil ganoon sila kagaling pumuntirya. Kapag hindi nila nagawang barilin ang target ay sila ang papatayin...Ang Scorpio naman ay kilala sa pagiging brutal...Hindi nila titigilan ang mga target hangga't hindi sila satisfied sa itsura ng katawan ng mga ito. Kahit ano ang gamit nila, baril, patalim at iba pa. Basta ang marka nilang iniiwan sa mga target ay ang nakakasulasok na itsura ng mga ito. Samakatuwid, para silang mga psychotic and hired killers...Mga hard killer, murderer, serial killer, mass killer o ano pa mang tawag sa kanila."
"Eh bakit mo pala alam ang lahat ng 'yon?" nagtatakang tanong ni Dale.
"Ah, eh." Halata ang pamumutla sa mukha ni Asuncion. Tagaktak ang pawis nito sa noo kahit na malamig sa loob ng kotse. "Saan tayo pupunta?" pag-iiba nito ng usapan.
"Dalhin mo kami sa Scorpio."
"Hindi puwede," nauutal na sabi ni Asuncion. Nanlalaki ang mata nito na nakatingin kay Dale.
"Dalhin mo kami sa Scorpio!"
"Ano ba ang kailangan mo sa kanila?"
"Kailangan ko sila para—basta! Dalhin mo kami sa kanila Asuncion kung ayaw mong dito na mamatay!" pananakot niya sa dating mayor.
"Pero." Halata ang pagkatakot sa mukha ni Asuncion lalo pa nang makita niya ang baril na hawak ni Dale.
"Kumapit kayo, may sumusunod sa atin."
Nilingon ni Dale si Sid na nakatingin sa side mirror kaya lumingon din siya sa likod. Tama nga si Sid dahil may dalawang kotse ang nakasunod sa kanila.
Binilisan ni Sid ang pagpapatakbo. Mabuti na lang at nakahawak siya sa upuan dahil gumewang-gewang sila sa loob sa bilis ng pagpapatakbo ni Sid. Mahigpit ang pagkapit ni Asuncion sa upuan na nasa harap niya. Yakap-yakap nito ang upuan.
"Seat belt mo! Ilagay mo ang seat bealt mo!" utos ni Dale kay Asuncion nang mapansing hindi nakalagay ang seat belt ng katabi. Subalit hindi magawa ni Asuncion na ilagay iyon dahil kapit na kapit ito sa upuan na nasa harap.
Sa inis ni Dale ay hinatak niya ang polo ng matanda sa likod kaya napasandal ito sa sariling upuan. Kinuha ni Dale ang seat belt at mabilis na nilagay iyon sa matanda.
"Ngayon ka pa natakot, dapat nasanay ka na palaging nasa peligro ang buhay mo. Sabi mo marami kang kaaway," nayayamot niyang sabi.
"Hindi ko pa kasi nararanasan 'to," paliwanag nito.
"Tama nang paliwanag. Sa'n namin makikita ang Scorpio?" tanong ni Dale. Hinala niya na konektado ang lahat. Ang taong gustong pumatay kay Asuncion ay maaaring ang mga taong nanggugulo rin sa kanila. Maaaring may pinagtatakpan ang mga ito para hindi niya malaman ang dapat malaman.
'Sino ang mga Scorpio na iyon? Sila ba ang nasa likod ng lahat?'
Pinauna ni Dale si Asuncion sa paglalakad. Sinundan lang nila ito at hinayaang maglakad papunta sa lugar ng Scorpio.
Napunta sila sa isang mansion na malayo sa kabahayan. Akala ni Dale ay mahihirapan pa sila sa pagpasok subalit nang makita ng mga bantay si Asuncion ay pinapasok na sila ng mga ito.
Maraming mga tao sa loob. Nagpatuloy lang sila sa paglalakad at hindi na pinansin ang kakaibang tingin na binibigay ng mga lalaking nakahilera sa magkabilang gilid. Pare-pareho ang mga suot nito. Tuxedo at may ribbon na pula.
Tumingin sa kanila ang lalaki na nakaupo sa pinakagitna ng mansion at nakangisi habang pumapalakpak.
Nakasuot din ng tuxedo at ribbon na red ang lalaki. Hapit na hapit na ang damit nito at halos matanggal na ang butones dahil sa tiyan nitong gusto nang magpakita at kumaway bilang pagbati sa pagdating nila. Ang mga pisngi nito ay lumalaylay at kulubot na sa katandaan.
Mayamaya ay tumigil ito sa pagpalakpak at humithit sa hawak na sigarilyo. Prenteng-prenteng nakaupo ang matandang lalaki habang nakasandal ang mga likod sa malambot na upuan. Hinimas-himas nito ang leeg kaya napansin ni Dale ang tattoo ng scorpion sa gilid ng leeg ng matanda.
"Asuncion," bati ng lalaki at pumalakpak muli.
"Corpio, kayo ba ang nasa likod ng pagpapaputok ng baril sa akin?"
Humalakhak ang matandang lalaki na tinawag na Corpio bago sinabi, "Sikat na sikat ka na Asuncion ah. Laman ka ng balita at hanggang ngayon ay hinahanap ka nila."
"Kayo ba ang nasa likod no'n?" tanong muli ni Asuncion.
Tumayo si Corpio at lumapit sa dating alkalde. "Ayaw mo ba ang ginawa namin? Pinasikat ka namin lalo." Natawa ito muli.
"Balak niyo ba talaga akong patayin?" naiinis na tanong ni Asuncion. Hindi siya makapaniwala na pupuntiryahin siya ng mga Scorpio.
"Sumusunod lang kami. Kung saan ang mas malaki ang bayad ay doon kami," natatawang sabi ni Corpio.
Tumikhim si Dale kaya naman napatingin sa kaniya ang dalawang nag-uusap. Nagtaas ng kilay si Corpio nang tumingin kay Dale at Sid.
"Sino sila?" tanong nito.
Nagkibit-balit lang si Asuncion dahil kahit siya ay walang ideya kung sino ang dalawang tao na kasama.
Lumapit si Dale kay Corpio at pinakita rito ang larawan ng ama na nasa bar.
"Kilala mo ba ang mga 'to?" tanong ni Dale.
Matamang tinitigan ng lalaki kung ang mga tao sa larawan. "Hmm...sa dami na ng pinatay namin, hindi ko na matandaan kung sino-sino sila."
Nagpantig ang tainga ni Dale nang marinig ang sagot ni Corpio. Walang pakialam ang nasa harap niya kung sino ang mapatay ng organisayon nito. Ang mahalaga lang para rito ay ang pera na makukuha sa pagpatay. Napakuyom siya at masamang tumingin sa matanda. "Masaya ba kayo?" tanong niya na pinagtaka naman ng kaharap.
"Masaya ba kayo na pumapatay kayo ng tao para sa pera?!" pasigaw na tanong muli niya. Ang mas lalo pa niyang kinainis ay ang pagtawa ng matanda nang malakas sa halip na magsalita. Gaano karami na kaya ang mga pinatay ng mga tauhan nito para sa pera?
"Hindi mo ba talaga natatandaan ang taong ito?!" Tinuro ni Dale ang kaniyang ama sa larawan at nanlilisik ang mata na tumingin kay Corpio.
Nilabas ng mga lalaking nakahilera sa kanilang likod ang mga baril at tinutok iyon sa direksyon ni Dale.
Hinawakan ni Sid sa braso si Dale at umiling-iling sa babae. Nakuha naman agad iyon ni Dale kaya pilit niyang pinakalma ang sarili.
Kahit nanggigigil na siya sa inis ay inayos niya ang sarili dahil napapalibutan sila ng mga tauhan ni Corpio. Lahat ng mga ito ay nakatutok ang baril sa direksyon niya. Maling galaw niya lang ay siguradong katapusan niya na. Hindi pa siya puwedeng mamatay. Ayaw niyang masayang ang punta nila roon. Mas maganda kung may makukuha silang impormasyon sa organisasyon na iyon.
"Hindi mo talaga sila kilala?" Sa pagkakataong iyon ay mahinahon na ang pagsasalita niya.
Pinakita niya muli ang larawan kaya naman ay tiningnan iyon ng kaharap nang mabuti. Tinuro nito ang babae na nakasuot ng kulay pula na dress. Naniningkit ang mata ng matanda habang patuloy sa pagtingin sa babae sa picture.
"Kilala mo ba siya?" tanong niya.
Tumawa si Corpio at humarap sa kaniya. "Kung kilala ko man siya ay hindi ko sasabihin sa inyo." Nilahad nito ang palad sa harap niya kaya lalo niyang kinainis iyon.
Huminga siya nang malalim at nagsalita, "Magkano ba?" tanong niya.
"Five hundred thousand," natatawang sabi nito at humithit muli sa sigarilyo.
"Sige."
Nanlaki ang mata ni Dale nang magsalita si Sid. Pumayag ito na magbigay ng malaking halagang pera para sa isang tanong. Pagsasayang iyon ng pera. Mas lalo lang nilang pinapayaman ang Scorpio.
"Sid, hindi," ma-awtoridad na tanggi niya. Akmang tatalikod na sana siya nang magsalita muli si Sid.
"Payag ako. Ako ang mag-aabot sa 'yo ng pera," sabi ni Sid.
"Sid, hindi. Tara na," tawag niya kay Sid.
Tumawa muli si Corpio. "Ano na? Wala akong oras na panoorin ang away ng mag-asawa."
Sinamaan ng tingin ni Dale si Corpio. "Hindi. Wala kang makukuhang pera sa amin," mariing sabi niya.
"Ayos lang naman. Madali naman akong kausap," sagot ni Corpio at humithit na naman. Binuga nito ang usok sa harap niya na para bang sinasadya nitong asarin siya.
Sandali siyang sumulyap kay Sid bago tuluyang tumalikod. "Sid, tara na," utos niya.
Hindi siya pinansin ni Sid. Sa halip ay lumapit pa ito kay Corpio. Napakagat-labi siya at naglakad na palabas.
"Bahala ka."
Iniwan niya si Sid sa loob. Nagpunta siya kung saan nakaparada ang kotse nito. Padabog niyang binuksan iyon at pasalampak na naupo sa unahan. Iyon ang unang beses na sinuway ni Sid ang sinabi niya. Kadalasan ay lagi itong sumasang-ayon sa mga desisyon niya kaya ikinagulat niya talaga nang hindi siya pansinin nito. Ang masaklap pa ay talagang nagpa-iwan pa ito sa loob kasama ang mga Scorpio.
Napakuyom siya. Hahampasin niya sana ang salamin ng kotse ni Sid pero napahinto siya nang maalala na mahal iyon. Binaba niya na lamang ang kamay. Patuloy niyang iniisip ang tumatakbo sa utak ng lalaki. Ano kaya ang nasa isip nito ngayon. May pinaplano na naman ba ito?
Malaki ang tulong sa kaniya ni Sid at ang gusto niya rito ay palagi itong sumusunod sa gusto niya. Kapag may gusto siyang ipahanap o kaya ipagawa ay sinusunod nito agad. Nasanay na siya na ganoon ang lalaki kaya hindi niya talaga matanggap ang ginawa nito kanina sa loob.
Nakailang posisyon na si Dale sa kaniyang upuan subalit hindi pa rin bumabalik si Sid. 'Ano na kaya ang nangyari rito sa loob?'
Nakailang beses na padyak na rin siya ng paa at maging ang kamay niya na tinatapik-tapik ang braso niya ay napapagod na rin.
Huminga siya nang malalim at lumabas ng kotse. Naglakad siya at papasok na sana ang sa loob ng gate subalit napahinto siya nang makita ang isang pamilyar na postura ng lalaki na nakasakay sa motor at nakatalikod sa kaniya. Nakasabit sa braso ng lalaking iyon ang helmet nito. Pasilip-silip ito sa loob ng mansion. Hindi niya napansin ang lalaking iyon nang lumabas siya dahil pakaliwa ang liko niya. Nakaparada kasi ang motor nito sa bandang kanan ng gate.
Lumapit siya sa lalaki at nanlaki ang mata niya nang makilala kung sino iyon.
"Gem?"
Kinindatan siya ng lalaki. Katulad ng lagi nitong ginagawa ay nag-ayos na naman ito ng bangs sa harap niya.
"Anong ginagawa mo rito?" takang tanong niya. Sinusundan ba siya ng lalaki?
Sa halip na sagutin ang tanong niya ay bumaba ito ng motor at hinarap siya. "Ikaw? Ano ang ginagawa mo rito? Is this your house?" tanong nito at bahagyang nilingon ang ulo upang ituro ang mansion sa harap nila.
"Ako muna ang sagutin mo? Ano ang ginagawa mo rito?" nayayamot na tanong niya at pinagdiinan ang salita 'ginagawa'.
"Easy, answer me first. Dito ka ba nakatira?"
Inapakan niya ang paa ng lalaki kaya napahawak n ito sa paa. Tumalikod na siya rito. Ayaw niya nang dagdagan pa ang pagka-badtrip niya. Naaasar na nga siya kay Sid ay madadagdagan pa ng panibagong asungot.
"Dale, mahal. Dito ka ba nakatira? Ang tagal-tagal na nating magkakilala pero hanggang ngayon ay hindi mo pa sinasabi sa akin kung saan ka nakatira."
Naramdaman niya ang pagsunod nito sa kaniya kaya mas binilisan niya pa ang paglalakad. Nakarating sila sa lugar kung nasaan nakaparada ang kotse ni Sid.
"Mahal."
Hinawakan siya sa braso ni Gem. Sa pagkabigla niya ay nasuntok niya ito sa tiyan. Nabitawan siya nito at napahawak sa tiyan.
Nasapo niya ang noo at umiling-iling sa hangin. "Ano ba kasi talaga ang ginagawa mo rito?" Malakas na ang boses niya nang magtanong siya rito.
"Malapit lang dito ang bahay ko...pauwi na sana ako nang makita kitang pumasok sa mansion na 'to," hirap na hirap na paliwanag ni Gem. Nakahawak pa rin ito sa tiyan.
Binaba niya ang kamay sa noo at naniningkit ang mata na tumitig sa lalaki. "Talaga ba? Totoo ba ang sinasabi mo?" paniniguro niya. Nag-aalala kasi siya na baka minamanmanan siya ng lalaki. Nais niyang makasiguro na nagsasabi ito ng totoo sa kaniya. Sino ba talaga si Gem? Hindi ba ito kalaban?
"Sige nga, dalhin mo ako sa bahay mo?" panunubok niya sa lalaki. Sa oras na wala itong maipakitang bahay sa kaniya ay tama nga ang kutob niya na minamanmanan siya nito. Pinag-krus niya ang kamay at tumingala ng kaunti. 'O stalker talaga niya ito?'
"Wala ka talagang tiwala sa akin, mahal." Umayos ito ng tindig at sinuklay ang bangs gamit ang mga daliri papunta sa ibang direksyon.
"Tigilan mo ako sa kakatawag ng 'mahal'. Hindi kayang tanggapin ng tainga ko," sabi niya.
"Ayaw mo? O sige, I'm gonna call you 'Dude'," mapang-asar na sabi ni Gem. Hinarap pa nito ang kamao sa harap niya.
Napanganga siya nang bahagya habang tinitingnan ang kamao ni Gem sa harap niya. Hinihintay nito na idikit din niya ang kamao niya dito. Naka-recover na nga ang lalaki sa suntok niya sa tiyan nito kaya nakakapang-asar na ito muli. 'Kung patikimin niya pa kaya ito ng isa? Marahil titigil na 'to na asarin siya."
Sinamaan niya muli ng tingin si Gem. Hindi siya makapaniwala na may taong makakaisip na tawagin siya ng 'Dude'. Hindi siya palaayos pero hindi rin naman niya gustong tinuturing siyang lalaki kung kumilos.
Tumayo siya nang tuwid at mahinang umubo. "Nasa'n na ang bahay mo?" tanong niya kay Gem.
Tumalikod si Gem at sumenyas sa kaniya na sumunod. "Tara na Dude."
Umiling-iling na lamang siya habang sinusundan ang lalaki. Nang makasakay ito sa motor ay ngumuso ito sa likod nito. "Dude, sakay na."
Tahimik na lang siyang sumakay kahit na ang totoo ay gustong-gusto niya nang bigyan ang lalaki nang malakas na kotong para tigilan na nito ang pagtawag sa kaniya ng 'Dude'. Nakaupong panlalaki siya sa motor at nakatukod ang mga kamay sa likod.
Pinaandar ni Gem ang motor nito.
Napakapit siya nang mahigpit sa likuran nang paharurutin ni Gem ang motor. Malakas ang hampas ng hangin sa mukha niya at humihiwalay rin ang puwet niya sa upuan sa tuwing dadaan sila sa lubak. Lalo pa niyang hinigpitan ang kapit sa bakal na nasa likod ng motor nang lumiko sila. Halos sumayad na ang katawan nila sa lupa sa sobrang pagkaka-slide ng motor. Nililipad na ng hangin ang nakalugay niyang buhok.
"Dude, puwede mo akong yakapin kung gusto mo!"
Malakas ang tunog ng motor pero nagawa pa rin niyang marinig si Gem dahil mas malakas ang boses nito sa motor nang sabihin nito iyon.
"Huwag kang umasa! Hindi kita yayakapin!" sigaw niya rin para marinig siya nito.
Nagulat siya nang biglang bagalan ni Gem ang pagpapatakbo sa motor kaya naman ay napakapit siya sa katawan ng lalaki.
"Akala ko ba hindi mo ako yayakapin?" natatawang sabi ni Gem. "Hindi mo ako niyakap noong mabilis akong magpatakbo pero niyakap mo ako nang binagalan ko. Kakaiba ka rin talaga Dude," pang-aasar pa lalo ni Gem sa kaniya.
Mabilis niyang inalis ang kamay sa bewang nito at binalik ang hawak sa bakal na nasa likod.
Huminto ang motor.
"We're here." Tinanggal ni Gem ang helmet at lumingon sa kaniya. "Baba na Dude. Ayaw mo pa talagang lumayo sa akin."
Sinamaan niya lang ng tingin ang nakangising si Gem bago bumaba.
"Welcome home," sabi ni Gem at nilahad ang kamay upang ituro ang mansion sa harap nila.