Sa isang tagong lugar sa Rodriguez, Rizal nakarating nang maayos sina Dale, Sid at Reggio.
Nakaparada ang sasakyan nila malayo ng kaunti sa lugar na pakay nila.
Mula sa kinatatayuan, natanaw nila ang katamtamang laki ng hide-out ng mga Aquarius. Mukha lang itong pangkaraniwang bahay na aakalaing pinaninirahan lamang ng simpleng pamilya. Ngunit, sa loob pala nito ay nagtatago ang mga taong nagbebenta ng ilegal na armas at sandata. Marahil doon din nila tinatago ang mga ilegal na armas.
Napa-isip si Dale, 'Sa'n kaya galing ang mga armas na ibinigay sa kaniya ni Benjamin?' Aminado siyang lahat ng mga bagay na ginagamit niya sa pakikipaglaban tulad na lamang ng pistol at dagger ay binigay sa kaniya ni Benjamin. 'Ilegal din ba ito?'
Pinilig niya ang kaniyang ulo. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na hindi naman siguro masamang tao si Benjamin. Kung masama ang intensiyon nito sa kaniya ay baka matagal na siya nitong pinatay. Bukod pa roon, bakit naman kaya ito mag-aaksaya na turuan siyang makipaglaban? Hindi iyon gagawin ng taong gusto siyang patayin. Pilit niyang pinapaniwala ang sarili na hindi isang masamang tao ang lalaking tumulong sa kaniya simula nang mamatay ang kaniyang pamilya.
Binalik ni Dale ang atensiyon sa reyalidad. Pinagmasdan niyang mabuti ang kabuuhan ng bahay na pakay nila. Walang pintura ang mga pader. Bitak-bitak na rin ang semento roon. Ang mga salaming nakaharang sa ibang bintana ay may kaunting gasgas at ang iba naman ay tuluyan nang nabasag at nasira.
Naglakad sina Dale at Sid palapit sa gate na gawa sa mga pinagdikit-dikit at pinagsama-samang yero. Maglalakad na sana sila papasok sa loob nang harangan sila ng dalawang bantay na nakasuot lamang ng sando at maong na pantalon. Ang isa ay balbas-sarado at ang isa naman ay may hawak na sigarilyo.
"Sino kayo?"
Napataas sila ng kamay nang tutukan sila ng baril ng dalawang lalaki.
"Ito na ba ang kuta ng mga Aquarius?" tanong ni Dale.
Ngumisi ang isa sa kanila samantalang nagpatuloy naman sa pag-hithit ng sigarilyo ang isa pa.
"Bakit n'yo tinatanong?"
"Sasali kami sa inyo," sagot niya habang unti-unting nagbababa ng kamay.
Humalakhak ang dalawa sa sinabi niya. Hindi makapaniwala ang mga ito na may isang babaeng pangahas at malakas ang loob na sumali sa kanila.
"Ne, nasisiraan ka na ba? Baka 'di mo alam ang pinapasok mo," sabi ng lalaking balbas-sarado habang humahagalpak.
Lumapit kay Dale ang isa pa. Tinapon nito ang paubos na sigarilyo sa lupa bago ito apak-apakan upang mawala ang sindi ng sigarilyo.
"Sa fun house ka dapat nagpunta.. Hindi dito...Masiyado ka pang bata," sabi ng lalaki kasabay muli nang malakas na pagtawa.
Hindi na kinaya ng tainga ni Dale ang naririnig niya mula sa dalawang lalaki. Hindi siya nag-aral makipag-laban upang insultuhin. Higit sa lahat, nakakainsulto ang pagtawag nito sa kaniyang "bata".
Dala ng pagka-pikon ay wala na siyang inaksayang pagkakataon. Habang abala sa pagtawa ang dalawa ay agad niyang hinila ang braso ng lalaking malapit sa kaniya at saka ito binalibag sa lupa. Mabilis namang rumesbak ang isa pa upang tulungan ang kasama ngunit naestatwa na lang ito sa kinatatayuan nang makita ang baril na itinutok niya rito.
Namutla ang lalaki habang titig na titig sa baril na nakatapat sa mukha. Wala na itong nagawa kundi ang sumuko sa babaeng kaharap.
"Umayos ka kung ayaw mong sumabog 'to sa mukha mo!" pananakot ni Dale.
Bakas sa mukha ng lalaking tinutukan niya ang pagkatakot. Unti-unti nitong itinaas ang kamay habang lumulunok ng laway.
Binalik ni Dale ang mata sa lalaking nakahiga sa lupa. Papalag pa sana ito ngunit mabilis na tinadyakan ni Dale ang p*********i nito.
Naghumiyaw sa sakit ang lalaki at namimilipit na hinawakan ang p*********i. Napamura ito sa sakit. "Pucha! Ang sakit! Tang-ina mo!"
Hindi na lang niya ito pinansin. Baka kung pinatulan pa niya ito ay tuluyan na niyang mabasag ang iniingatang sandata ng lalaki. 'Sino ngayon ang bata?'
"Gusto naming sumali sa inyo. May angal pa ba kayo?"
Mabilis na umiling ang lalaking tinutukan niya ng baril.
"S-sige, dadalhin namin kayo kay boss," sabi nito saka tinulungang tumayo ang kasama.
Lumingon si Dale kay Sid na tahimik lang na nanonood sa kanila. Makikita sa mukha ng lalaki na kampante ito at siguradong walang magiging problema. Hindi na ito nangialam dahil alam nitong kayang-kaya na niya ang dalawang lalaki.
"Tara na Sid."
Nagpatuloy sila sa pagpasok sa loob.
Pagpasok sa loob ay agad na sasalubong ang mga agiw o sapot ng gagamba na para bang ilang taon nang hindi natatanggal. Sa kisame naman ay makikita ang mga magugulo at buhol-buhol na wire at sa bandang gilid ay naroroon ang magkakapatong na iba't ibang uri ng baril at patalim.
"Boss, may sasali raw sa'tin."
May lalaking nakaupo sa upuan sa pinakagitna ng lugar. Nakadekwatro ito at abala sa paglilinis ng kaniyang baril. Pormal ang damit na suot nito, naka-polo na bahagyang nakabukas at naka-slacks na kulay brown.
"Sila ba?" Nag-angat ito ng tingin sa kanila.
"Oo boss," napapakamot sa ulong sagot ng lalaking balbas-sarado.
Katulad ng inaasahan ay hindi rin makapaniwala ang lalaking tinawag na 'boss'. Papigil itong tumawa ngunit nang hindi na nito makayanan ay humagalpak na ito nang malakas.
"Seryoso?" natatawa nitong sabi.
"Ikaw na ba ang lider ng Aquarius?" kunot-noong tanong ni Dale. 'May sira ata ang mga tao rito.'
"Hindi, pero ako ang makakalaban mo...Ako lang ang namumuno rito pero wala rito ang pinaka-lider namin. H'wag ka nang umasa na makikita mo s'ya dahil kakaunti pa lang ang nakakakita sa kan'ya."
Tumayo ang lalaki mula sa pagkakaupo.
"Seryoso ba kayong sasali kayo? Kapag sumali na kayo rito ay wala nang atrasan. Kung ako sa inyo ay pag-iisipan ko munang mabuti..."
"Oo, sasali kami."
"Ang tapang mo naman. Pero tandaan niyo, sa oras na umayaw kayo o mag-traydor sa Aquarius..."
Tinutok nito ang baril kay Dale.
"Bang! Mamamatay kayo," sabi nito saka pinaputok ang baril at pinatama sa pader.
Umalingawngaw sa loob ang putok ng baril. Bahagyang napaatras si Dale ngunit hindi niya iyon pinahalata sa mga kasama sa loob.
Binaling niya ang tingin sa pader na tinamaan ng bala. Nadagdagan ang bitak doon at kumalat sa sahig ang maliliit na piraso ng semento. Iyon marahil ang dahilan kung bakit nasira ang lugar.
"Oo, malinaw sa'kin."
"Sige...tanggap na ka'yo."
"Te-teka? 'Yon lang? Akala ko ba lalabanan ka namin?" Bakas sa mukha ni Dale ang pagtataka dahil ang alam niya, bago makasali sa Aquarius ay kailangan munang matalo ang taong kailangan nilang kalabanin.
"Gusto mo ba? Kaso hindi ako pumapatol sa babae." Tumawa ito muli.
"Subukan mo ako," seryosong sagot ni Dale.
"Hindi na, sapat nang napapayag niyo ang dalawang hunghang na 'yan na makapasok dito. Sabihin niyo, anong ginawa niyo?"
Tumingin si Dale sa dalawang lalaking bantay. Makikita sa pagmumukha ng mga ito ang pagkaputla. Punong-puno ng pawis sa mukha ang lalaking balbas-sarado at ang isa naman ay paulit-ulit na napapalunok.
"P-patawad b-"
Hindi na nagawa ng lalaking balbas-sarado na tapusin ang sasabihin ng barilin ng boss nila ang binti nito. Humiyaw ang lalaki sa sakit.
"Sa susunod, ayusin niyong trabaho niyo!"
"Y-yes boss!"
"Isa ka pa!" Pinaputukan naman nito ang isa pang lalaki.
Gumapang sa sahig ang dalawang lalaki. Hawak-hawak nila ang binting tinamaan ng bala.
"Maging leksiyon sa inyo ito...At maging babala naman para sa inyo," sabi nito na ibinalik ang tingin kay Dale at sa lalaking nasa gilid na si Sid.
Napakuyom si Dale. Sa nakikita niya ay mas lumalaki ang tiyasa na may kinalaman ang Aquarius sa pagpatay sa pamilya niya.
Kung sobrang brutal ng lalaking tinatawag nilang "boss", paano pa kaya ang pinaka-lider ng Aquarius? Baka kung lider ng mga ito ang narito, marahil patay na ang dalawang bantay na namimilipit at nakahiga sa sahig.
"Sid."
Dahan-dahang minulat ni Dale ang kaniyang mata. Madilim man sa loob ng kaniyang silid ngunit sigurado siya kung sino ang lalaking unti-unting lumapit sa kaniya.
Inangat niya ang sarili sa pagkakahiga upang salubungin ang lalaki. Umupo ito sa kaniyang kama at tumitig sa kaniya.
Tanging liwanag ng buwan lamang na tumatagos sa bintana ang nagsisilbi nilang ilaw. Sapat na iyon upang makita nila ang isa't isa.
"Sid, anong ginagawa mo rito?" tanong ni Dale na hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang pagka-antok. Naniningkit niyang sinulyapan si Sid na palapit nang palapit sa kaniya.
Nakaramdam siya ng kaba sa paglapit nito sa kaniya. Para bang may mga nag-uunahan sa pagtakbo sa loob ng kaniyang dibdib. Anong binabalak ni Sid?
Lalayo sana siya sa lalaki ngunit nabigla siya ng bigla na lamang siya nitong ihiga sa kama. Hindi niya magalaw ang dalawang kamay dahil hawak-hawak iyon nang mahigpit ni Sid. Hindi niya rin magawang maigalaw ang buong katawan dahil pakiramdam niya ay nanigas na siya sa pagkakahiga.
Hindi niya magawang magsalita dahil hindi niya maibuka ang bibig. Ang alam lang niya ay nakakaramdam siya ng pagkainit. Pakiramdam niya ay naubusan siya ng tubig sa katawan. Kaya sa halip na piliting ibuka ang bibig, pinili niya na lang lumunok ng laway.
Nagtama ang kanilang mga mata. Matagal din silang nasa ganoong posisyon nang makaramdam sila ng pangangailangan sa isa't isa. Kusang kumikilos ang kanilang katawan, kusa itong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang mga laman. Hindi na nila magawang kontrolin ang mga sarili.
Napapikit si Dale nang maramdaman ang paglapat ng mga labi ni Sid sa kaniya. Dinama niya ang malalambot na labi ng lalaki, ang mainit na hininga nito at ang bawat pagtaas-baba ng labi nito sa kaniyang labi.
Hindi niya alam kung bakit? Hindi niya alam kung bakit hindi siya pumapalag? Hindi niya mapigilan ang sariling katawan na tanggapin ang bawat dampi ng balat nito sa kaniya. Para siyang naka-droga dahil hindi niya na makontrol ang sarili. Pakiramdam niya ay hinahanap-hanap iyon ng kaniyang katawan.
"Sid," kinakapos ang hininga niyang sabi habang hindi pa rin tumitigil sa pagtugon sa halik ni Sid.
Naramdaman niya ang pag-ikot ng kamay nito sa kaniyang bewang na unti-unting bumababa papunta sa kaniyang mga hita. Nakaramdam siya ng bahagyang pagkakiliti sa ginagawa ng lalaki. Kasabay ng paghagod, marahan din nitong binababa ang kaniyang suot sa ibaba.
Kusang kumikilos ang kanilang mga kamay, habang nagpapatuloy sila sa palitan ng mga halik at yapos ay paunti-unti rin nilang natatanggal ang mga damit na suot ng isa't isa.
Naramdaman muli ni Dale ang pagtaas ng kamay ni Sid sa kaniya. Mula sa mga tuhod, unti-unti iyong gumagapang papunta sa kaniyang balakang. Ang malambot na kamay ni Sid na yumayapos sa kaniyang balat at ang mainit na katawan nito ang lalong nagpapainit sa kaniya.
Napakilos siya nang maramdaman na naman ang pag-gapang ng kamay ni Sid. Mula sa balakang ay gumagapang ang kamay nito papunta sa kaniyang pagkababae...
"Sid!" sigaw ni Dale. Agad siyang nagmulat ng mata.
Huminga siya nang malalim habang hawak-hawak ang dibdib. Tinuon niya ang panigin sa wind shield ng kotse ni Sid.
'Kakaibang panaginip iyon.'
Hinarap niya si Sid na nakaupo sa driver seat. Nakatitig lang din ito sa kaniya.
"Ayos ka lang?" tanong nito.
Napahawak siya sa kaniyang sintido. Gusto niyang maalis ang hindi katanggap-tanggap na eksenang iyon sa kaniyang panaginip.
Ilang araw na rin siyang nagiging ganito. Sa tuwing matutulog siya ay palaging naroroon si Sid. Pumapasok si Sid sa mga panaginip niya na alam niyang hindi dapat.
Simula nang yakapin siya nito noong araw na kamuntik na siyang matuluyan sa bangin ay hindi na nawala sa isip niya ang lalaki.
Padabog niyang isinalampak ang likod sa sandalan. Naiinis siya dahil sa panggugulo ng imahe ni Sid sa panaginip niya. Hindi maaari!
"Nasa'n na tayo?"
Binalik ni Sid ang atensiyon sa daan bago sumagot. Siya kasi ang may kontrol ng manibela.
"Malapit na tayo," sagot nito.
Napailing na lang si Dale. Hindi niya namalayan na nakatulog pala siya habang nasa biyahe. Kanina ay sinusubukan pa niyang pigilan ang antok. Kinukurap-kurap niya ang mata para hindi makatulog. Pero hindi pa rin pala sapat iyon upang hindi siya makatulog.
Galing sila sa lungga ng Aquarius. Pinaalis na sila ng pinaka-boss doon nang bigyan sila nito ng gawain. Kikitain nila ang nag-iisang anak ni Chan upang ihatid dito ang halagang isang milyon na armas.
Ayon sa boss nilang si Salazar, si Chan ay isang mayamang negosyante. Isang negosyanteng purong tsino. Hawak nito ang pinaka-malaking pasugalan sa bansa, ang "3G" na nangangahulugang Go, Goal and Gold.
Mapaklang ngumiti si Dale nang malaman kung sino si Chan. Halos lahat na lang talaga ng ilegal na gawain ay umiiral sa bansa. May mga taong yumayaman hindi dahil sa pagsisikap kundi dahil sa paggawa ng ilegal. Para saan pa ang pag-aaral? Para saan pa ang pagsusumikap na makapagtapos at makapaghanap-buhay kung marami namang yumayaman na nagnanakaw, pumapatay at gumagawa ng ilegal na gawain ang nakakalusot sa batas?
Hindi ito patas para sa mga taong nagpapakahirap sa buhay. Hindi ito patas sa mga taong sumusunod sa batas.
Sayang lang ang mga ipinatutupad na batas kung hindi ito nasusunod. Minsan kasi, kung sino pa ang nagpapatupad ng batas ay sila pang lumalabag dito.
Ang nangyayari tuloy, ang mga maliliit na tao ang nagiging sunod-sunuran sa batas na ito at ang nagiging alipin nito, samantalang ang nakikinabang naman ay ang malalaking tao. Paano? Lagi silang nakakalusot sapagkat sila ang may kontrol ng batas.
Huminga si Dale nang malalim. Sumisikip ang dibdib niya sa mga naiisip. Alam niyang nakakalungkot at nakakagalit ang mga katotohanang iyon ngunit kahit gustuhin man niyang marinig ng nasa mataas na posisyon ang mga hinaing, pag-sigaw at reklamo niya, alam niyang napakalabo niyon. Para sa kaniya, para lang siyang isang maliit na langgam na naaapakan at dumadaing ngunit sa huli ay hindi pa rin napapansin.
'Ngunit, ang langgam man ay nakakasakit rin!'
Kung nag-iisang langgam lang siya, talagang walang makakapansin sa kaniya. Subalit kung marami silang langgam? Mas magkakaroon ng tiyansang may isa o dalawa sa mga kasamahan niyang langgam ang makakalusot at maaaring kumagat sa taong umapak sa kanila.
Lumingon muli si Dale kay Sid at kay Reggio na nasa likod. Handa ba talaga ang dalawa na tulungan siya? Handa ba ang mga ito sa maaaring mangyari sa kanila?
Kung lalaban sila, maari silang mamatay o kung mangangagat sila ay mas lalo silang mapapalapit sa kapahamakan.
"Sid, sandali!" utos niya.
Napadako ang kaniyang tingin sa babaeng lumiko sa maliit na eskinita.
Tama ba ang nakikita ng mata niya? Hindi naman siya lasing at hindi rin malabo ang kaniyang paningin. Pero hindi siya makapaniwala sa nakikita.
"Angela!"
Alam niyang ang kapatid niya ang nakita ng dalawang mata. Ang hugis ng mukha nito, ang korte ng mata, ilong at bibig nito ay katulad na katulad ng kay Angela.
Hindi siya puwedeng magkamali si Angela ang nakita niya.
Agad siyang lumabas sa pinto at hinabol ang babaeng pumasok sa eskinita.
'Ang kapatid ko! Buhay pa siya!'
"Dale! Bumalik ka rito!"
Narinig niya ang pagtawag sa kaniya ni Reggio ngunit hindi niya iyon pinansin. Kailangan niyang mahabol ang kaniyang kapatid.
Pumasok siya sa eskinita. Mula sa malayo ay natanaw niya ang babaeng nakatalikod at nakakulay puting bestida. Mahaba ang buhok nito na umaabot sa bewang.
Tumakbo siya palapit dito.
"Angela!"
Nang mahawakan niya ang balikat ng babae ay agad niya itong iniharap sa kaniya. Sa gulat sa kaniya ng babae ay nabitawan nito ang supot na may lamang mga itlog. Nabasag ang itlog at kumalat sa lupa ang malagkit na egg white at egg yolk.
Tiningnan ni Dale ang babaeng hinabol niya ngunit napabitaw siya dahil sa pagkadismaya.
Hindi ito ang kaniyang kapatid.
Nagkamali lang ba siya sa nakita niya kanina? Ganoon na ba talaga ang pagka-sabik niya sa kapatid kaya nakikita niya ang mukha nito sa ibang tao?
Huminga siya nang malalim.
"Pasensiya na...akala ko ikaw siya," malungkot na saad niya.
Pero, posible kayang buhay pa ang kaniyang kapatid? Hindi naman niya nakitang binaril ang kapatid niya. Hindi niya rin ito nakitang nabagsakan ng mga malalaking tipak ng bato. Nagkahiwalay lang sila dahil sa harang na bumagsak sa gitna nilang dalawa.
Posible bang makaligtas ang kaniyang kapatid sa pagguho at pagkakasunog ng kanilang bahay?
Nagulat siya nang maramdaman ang paghawak ng isang kamay sa kaniyang balikat. Nilingon niya si Sid na nasa likod niya.
"Akala ko nakita ko si Angela."