Chapter 9

3415 Words
Nilingon nina Dale at Sid ang dalagang nagpupulot ng basag na itlog sa lupa. Sinisilid nito ang mga itlog sa supot na gawa sa papel. Lumapit si Dale sa babae upang tulungan ito. Siguro kung nabubuhay pa ang kapatid niya, ganoon din ang edad noon. Labing lima kasi si Angela noong namatay, bente anyos na ito ngayon kung nabubuhay. "Taga-san ka?" tanong niya rito. Yumuko ang dalaga pagkatapos ay tumayo. "D-diyan lang po." Napansin ni Dale ang kamay ng dalaga. Pilit nitong tinatago ang mga pasa at galos sa kamay. Akmang tatalikod na ito sa kaniya nang pigilan niya ito sa kamay. "Sandali, sa'n ka ba nakatira? Ihahatid ka na namin," pang-aalok niya. "H-hindi na po." "Gabi na, dilekado...babae ka pa naman," pilit niyang pangungumbinsi. "K-kasi po...ahh ma-" Hindi na niya pinatapos ang sasabihin ng dalaga sa halip nauna na siyang maglakad dito. "Tara na, at saka may atraso ako sa 'yo." "Ate..." Napalingon siya rito nang tawagin siyang 'ate' ng dalaga. Pakiramdam niya ay si Angela ang tumawag noon sa kaniya. "Ate...okay lang po. P'wede pa naman po yung itlog...Mapapakinabangan pa." "Hindi, ihahatid ka namin," pagmamatigas niya. Para namang natakot sa kaniya ang dalaga kaya napatango na lamang ito sa kaniya. "S-sige po..." Habang naglalakad ay hindi maalis ni Dale ang tingin sa mga braso at binti ng dalaga. Ang dami nitong sugat, pasa at galos sa katawan. Hindi naman halata sa katawan nito na dumaan sa special na training o pag-eensayo. Kaya hindi maaaring nakuha niya iyon dahil doon. "Ano pa lang pangalan mo?" tanong niya habang sila ay nag-lalakad. "Ce-celine po," nauutal na sagot nito. "'Yong sugat mo sa katawan, sa'n mo nakuha?" Paulit-ulit na napapalunok ang dalaga. Umiling-iling ito sa kaniya. "Akala mo hindi ko mapapansin. Kanina ko pa 'yan nakikita kaya huwag mo ng subukang itago. Isa pa, sa dami niyan...Hindi mo 'yan kayang takpan lahat." Nasa daan lang ang tingin ni Dale habang sinasabi niya ang mga iyon. "Ahh...W-wala lang po 'to." Nagsalubong ang kilay niya sa sagot ng dalaga. Hindi siya 'tanga' para isiping wala lang ang bagay na iyon. "Ano ba kasing ginagawa mo sa labas ng ganitong oras? Pasalamat ka at may ilaw sa nilalakaran natin. Paano kung wala? Masiyadong dilekado. Saka kahit may ilaw, dilekado pa rin dahil gabi na." Hindi alam ni Dale kung bakit niya sinasabi ang mga bagay na iyon. Pakialam niya ba sa dalagang iyon? Eh ano naman sa kaniya kung nasa labas pa rin ito kahit gabi na? Huminga siya nang malalim, 'Baka naaawa lang siya sa dalaga.' Nagpatuloy sila sa pag-lalakad. Sumama sa kanila si Sid samantalang naiwan naman si Reggio sa kotse upang bantayan iyon. Tanging tipid na liwanag lang na nagmumula sa post light ang tumutulong sa kanila na makita ang daan. Kakarampot lang ang liwanang noon at kumukurap-kurap, marahil mapupundi na. Tumingin siya kay Sid na tuwid ang tindig na naglalakad. Tulad ng lagi nitong ginagawa tuwing umaalis sila, sinuot nito sa ulo ang hood ng jacket nito. Kahit kailan talaga, hindi pa rin nagbabago ang porma ng lalaki. Hilig pa rin nito ang pagsusuot ng jacket. Napatingin ang lalaki sa kaniya. "Bakit?" Nag-iwas siya ng tingin at hindi niya sinagot ang tanong nito. Binalingan niya na lang muli ang dalagang si Celine upang magpanggap na may itatanong dito. "Malayo pa ba?" "Ah eh...malapit na po ate...Unti na lang." Nakarating sila sa isang masikip na lugar. Magkakatabi-tabi ang mga bahay doon at ang mga bahay na nakatayo sa gilid ng estero ay yari sa mga tagpi-tagping plywood, luna at yero. Kahit madilim na sa lugar ay mahahalata pa rin ang mga dumi sa paligid. Ang mga basura tulad ng styrofoam, balat ng mga tsitsirya at mga lata. Magkakahalo ang mga basurang nabubulok at hindi nabubulok. Ang mga basurang iyon ang dahilan ng masangsang na amoy na humahalo sa hangin. Nangingibabaw ang pinagsamang amoy ng patay na daga, mga dumi ng aso't pusa, mga panis na pagkain kumpara sa hanging dapat nalalanghap ng tao. Tiniis ni Dale ang nakakasulasok na amoy na iyon upang ipakita kay Celine ang pagrespeto sa lugar na tinitirhan nito. Ni hindi siya nag-abalang takpan ang ilong upang maiwasan ang negatibong maaring mai-komento sa kaniya. Mapait na ngumiti si Dale. Hindi siya makapaniwala na may mga taong nakakatiis na tumira sa lugar na iyon. Paano kinakaya ng mga ito na mabuhay sa mabahong amoy at maduming lugar na iyon? Nakaramdam siya ng awa para sa mga taong nakatira roon. Maraming mga naghihirap at nagtitiis sa ganoong kalagayan. Wala bang ibang gagawin ang pamahalaan para masulusyunan ito? Hindi ba puwedeng pantay-pantay na lang ang lahat? Walang naghihirap at walang nagpapakasarap. Walang agrabiyado at walang nakakalamang. Maraming mga dayuhan ang nagmamay-ari ng lupa sa bansa. Nakalungkot isipin na hindi nga sakop ng mga dayuhan ang bansa ngunit para na ring nangyari iyon. Dahil marami sa kanila ang nagmamay-ari ng malaking porsiyento ng lupain kumpara sa mga mamamayan ng bansa. Paano kung ang mga lupang pinapakinabangan ng mga mayayaman ay naibahagi ng maayos sa bawat mamamayan? Marahil walang tao ang nagtitiis na tumira sa ganitong lugar. Marahil hindi nila pipiliing ipagsiksikan ang sarili roon. Napailing si Dale. Alam niyang imposible mangyari iyon dahil sa pera. Napakalaking-investment ng lupa kaya nga ang ilan ay pinagkakakitaan ito. Naunang naglakad si Celine sa maliit na tulay na gawa sa pinagtabing putol na katawan ng puno. Sumunod sina Dale at Sid dito. Marahan nilang binagtas ang makipot na tulay na iyon. Kailangan nilang mag-ingat dahil marupok na ang tulay na iyon. Mahahalata ang karupukan noon dahil sa malakas na tunog na kumakawala roon sa tuwing hahakbang sila. Kailangan ng pag-iingat at balanse dahil dalawa lang ang puwedeng nilang maging kahinatnan sa pagtawid doon. Una, ang matagumpay na makatawid at makarating sa tapat ng pinto ng bahay ni Celine. Pangalawa, ang mahulog sa nangingitim na tubig sa ibaba ng tulay. Maayos silang nakatawid. Nang nasa tapat na sila ng pinto ay hinarap sila ni Celine. "Ate...Kuya, sandali lang po. Dito po muna kayo." Pumasok ang dalaga pagkatapos isinarado ang pinto. Naghintay sila sa labas. Alas dose na ng gabi kaya napakalamig na sa labas. Napahawak si Dale sa kaniyang mga braso. Ramdam niya ang pagtama ng malamig na simoy sa kaniyang balat. Nagulat siya ng may mag-lagay ng jacket sa kaniyang likod. Napatingin siya kay Sid na nakasuot na lamang ng t-shirt na fitted dito. 'Mabuti at may doble ito.' "Sid, pa'no ka?" tanong niya. "'Di ako nilalamig." "Tss... Hindi rin ako nilalamig," pagsisinungaling niya sa lalaki. Akmang tatanggalin niya na ang jacket upang isauli kay Sid nang may marinig silang malakas na kalampag mula sa loob ng bahay ni Celine. Sinundan iyon ng malakas at galit na galit na boses ng lalaki. Napalingon sila sa pinto. "Putang-ina naman! Kanina pa kita hinihintay! Mamamatay na ako sa gutom kakahintay sa'yo tapos pagbalik mo, dadalhan mo lang ako ng basag na itlog?!" "S-sorry po pa." "Punyeta naman! Wala ka talagang silbi! Ang laki mo na, hindi ka pa rin nakakatulong. Namatay na lang ang mama mo, wala ka pa ring kuwenta!" Nakarinig sina Dale at Sid ng malakas na tunog ng nabasag na bote sa sahig. "S-sorry po." "Ano ba kasing pinaggagagawa mo? Ang aga mong umalis at gabi ka na umuwi? Tapos dadalhan mo 'ko ng basag na itlog? Walang-hiya naman oh. Noong bata ka pa, noong nabubuhay pa ang mama mo, ako ang nagpapalamon sa 'yo kaya utang na loob naman! Ito ba ipapakain mo sa tatay mo na nagpakain sa 'yo noong may gatas ka pa sa labi?!" Malakas na tunog ng sampal ang lalong nakaagaw ng atensiyon ni Dale. Pinangingibabawan siya ng kaniyang kuryusidad, nais niyang malaman kung ano ang nangyayari sa loob. Napakuyom siyang tumitig sa nakasarang pinto. "Lumayas ka na rito! Wala kang kuwentang bata ka! Layas!" Isang malakas na kalampag muli ang narinig nila bago ang malakas na atungal ng dalagang si Celine. "Tama na po!" "Lumayas ka na! Hindi kita kailangan. Hindi ko kailangan ang taong naging dahilan ng pagkamatay ng asawa ko!" "Papa...Huwag niyo po ako paalisin! Wala po akong mapupuntahan...Papa..." "Wala akong pake!" Isang malakas na tunog ng pagsampal na naman ang narinig nila. Hindi na nakatiis si Dale. Sa inis niya ay walang pagbabaka-sakali niyang sinipa ang pinto. Bumukas iyon kaya tumambad sa kanila ang dalaga na nakaluhod at may dugo sa nguso. Nagkalat din sa sahig ang mga basag na piraso ng bote ng alak, ang basag na itlog na lalo pang nabasag at mga sirang kagamitan. Hawak-hawak ng isang matandang lalaki ang malapad at makapal na kahoy na ipanghahampas niya sana sa dalaga. "Huwag mong ihahampas 'yan kung ayaw mong pasabugin ko ang ulo mo!" pigil ni Dale sa gagawin ng matanda. Tinutukan niya ito ng baril. Nanlaki ang mata ng matanda. Hindi nito natuloy ang dapat na gagawin dahil sa biglaang pagpasok ng dalawa. Nabitawan nito ang hawak na kahoy at napataas ng kamay na tanda ng pagsuko. "Ate! Huwag po!" Nagmaka-awa kay Dale si Celine. Ayaw nitong mapahamak ang sariling ama. "Bakit ka pumapayag na saktan ka ng papa mo?!" galit na tanong ni Dale. Naisip niya kung gaano kawalang kuwenta ng ama ni Celine. Anak nito si Celine pero bakit ganito na lang ang p*******t nito sa sariling anak? 'Kailan man ay hindi siya sinaktan ng ama. Walang-wala ang ama ni Celine kumpara sa daddy niya.' "Ate...Huwag po. Siya na lang po ang pamilya ko." Umiiling-iling si Celine sa kaniya. Hindi talaga nito gustong mamatay ang ama. Nakaramdam naman ng awa si Dale sa dalaga. Alam niya ang nararamdaman ng dalaga sa oras na ito dahil naranasan niya rin ang bagay na iyon. Hanggat maaari ay ayaw niyang iparanas kay Celine ang naranasan niya. Ang makitang patayin ang magulang sa sariling harapan. Hindi niya magagawa ang bagay na iyon dahil, 'Hindi siya mamamatay tao!' Binaba niya ang baril na hawak. "Sumama ka sa amin." "Po?" naguguluhang tanong ni Celine sa kaniya. "Sumama ka sa 'min," ulit niya. "Sige isama niyo na ang batang 'yan! Wala namang dul-" Nagpantig ang dalawang tainga ni Dale kaya walang ano-ano niyang nasuntok ang pinto. Nawasak ang marupok na pinto sa ginawa niyang suntok na iyon. Dumaloy ang dugo sa kamao niya. Natahimik ang matanda. Hindi niya natapos ang sasabihin dahil sa gulat. "Tara na," utos ni Dale. Tinanggal niya ang bumaon na kamao sa pinto saka nagsimulang lumakad palabas doon. "A-ate...Ayoko pong iwan si papa." "Hindi mo siya iiwan...Kailangan niyo ng pera diba? Magtrabaho ka para sa 'kin." "A-anong trabaho po?" "Basta, sumama ka." Tumayo na si Celine pagkatapos ay lumingon siya sa ama. "B-babalik ako Pa." "Huwag ka nang bumalik!" Naiiyak na sumama si Celine sa kanila. Naiiyak siya dahil pinagtatabuyan na siya ng ama. Napahawak naman si Dale sa kaniyang kamao at saka bahagyang pinunasan ang namuong dugo roon gamit ang isang palad. Maayos na nakabalik sina Dale, Sid, Reggio at Celine sa bahay ni Reggio. Tumingin si Dale sa mahimbing na natutulog na si Celine. Bababa na sila ng kotse upang pumasok na sana sa loob ng bahay ngunit hindi pa rin nagigising ang dalaga. Naisip niya na marahil sobrang napagod ito sa buong araw. "Sid, ipasok na natin siya sa loob," utos niya kay Sid. Naawa siya sa dalaga. Halata sa himbing ng tulog nito ang sobrang pagod. Tulad niya ay marami na ring pinag-daanan ang dalaga. Nakikita niya ang sarili dito. Oo, may matatawag itong 'Papa' pero parang mag-isa pa rin ito dahil sa pagtrato sa kaniya ng sariling ama. "Sige na, matulog na kayo," utos niya sa dalawang lalaki nang mai-lagay ni Sid si Celine sa kama. Nais niyang mag-paiwan sa silid kung nasaan si Celine upang gamutin ang mga pasa ng dalaga sa katawan. Kung nakakaawa ang kalagayan niya dahil namatay ang pamilya niya, nakakaawa rin ang naging buhay ni Celine. Pareho silang dalawa. Pareho silang mahirap ang pinagdadaanan. Kumuha siya ng maligamgam na tubig at bimpo pagkatapos ay sinimulan niyang punasan ang katawan ng dalaga. Ngunit nang maidikit niya ang bimpo sa pasa nito sa mukha ay napakilos si Celine kaya napatigil naman siya. Siguradong napakasakit ng pasa na iyon. Naalala niya tuloy muli ang papa ni Celine. Kung hindi niya napigilan ang papa nito sa gagawing paghampas ng malaking kahoy sa dalaga marahil madadagdagan na naman ang pasa nito sa katawan. Hindi niya lubos maisip na may mga magulang na makakagawa nito sa anak. Paano naaatim ng ilan sa mga magulang na saktan ang kanilang anak? Oo, paraan nila iyon ng pagdidisiplina ngunit sobra-sobra naman kung halos mapatay na nila ang kanilang anak. Hindi na iyon matatawag na pagdidisiplina. Marami sa mga kabataan sa panahon ngayon ang napapabayaan, napapariwara at naaabuso. Marami ring mga namamali ng landas, mga batang hindi nakakakain ng sapat at mga batang kahit sa murang edad ay nagta-trabaho dahil sa mga pabayang mga magulang. Hindi niya nilalahat ngunit may iilang magulang na ganito. May ilan ding nangangtwiran at sinisisi ang kahirapan pero 'Utang na loob! Sana inisip nila iyon bago sila nag-desisyong bumuo ng pamilya.' Binalik niya ang tingin kay Celine na mahimbing pa rin na natutulog. Kung nabubuhay lang sana ang kapatid niya, sana nagkaroon pa siya ng pagkakataon na maging 'Ate' rito at sana nagkaroon pa siya ng pagkakataon na alagaan ito. "A-ate." Napahinto siya sa ginagawang pagpupunas nang magsalita si Celine. "Gising ka na pala." Tumayo siya at saka binaba ang basang bimpong hawak. "Matulog ka lang," utos niya. Maglalakad na sana siya palabas ng silid nang magsalita ulit si Celine. "A-ate." Nilingon niya ito, "Bakit?" "S-salamat." "Sige, matulog ka na." Tumalikod siya sa dalaga at habang siya ay naglalakad hindi niya namalayang napangiti na pala siya. Masarap sa pakiramdam ang makarinig ng 'pasasalamat' sa isang tao. Sa simpleng salitang iyon ay mararamdaman ng isang tao na may naka-appreciate sa lahat ng mga itinulong nito. Sa simpleng pasasalamat na iyon, para bang pinapahalagahan ng isang tao ang ginawa niya. "Dale." Inalis agad ni Dale ang ngiti sa labi nang marinig ang boses ni Sid. Nilingon niya si Sid na may dalang kape. Inabot nito iyon sa kaniya. "Salamat, ba't hindi ka pa tulog?" tanong niya saka kinuha ang kapeng inabot sa kaniya. Umupo si Sid sa sofa at ipinatong ang kape nito sa lamesa. "May iniisip kasi ako," sagot nito. Kumunot ang noo niya. Naku-curious siya sa iniisip ng lalaki. Ano naman kaya ang maaaring iniisip nito sa ganitong oras? "Ano naman 'yon?" "Si Gonzalez." "Oh, bakit?" nagtataka niyang tanong. "Alam ko na kung nasa'n siya." "T-talaga?" nakaramdam ng pag-asa si Dale sa sinabing iyon ni Sid. Matagal na nilang hinahanap si Gonzalez. Tapos noong nahanap nila kung saan ito nagtatago ay hindi naman siya nagtagumpay na paaminin ito. Huminga siya nang malalim. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya na pakakawalan si Gonzalez. Sisiguraduhin niyang mapapaamin niya ito. Sisiguraduhin niyang may malalaman siya rito. "Nasa'n siya?" Matagal bago nakasagot si Sid. "Patay na siya Dale." Nanlaki ang mata niya sa kaniyang narinig. 'Hindi maaari!' Tumingin siya ng seryoso kay Sid. Nakikipaglokohan ba ito sa kaniya? Hindi puwedeng mamatay si Gonzalez dahil ito ang susi niya para malaman ang katotohanan. "B-baka nagkamali ka lang Sid." Alam niyang mahusay si Sid sa ganitong bagay. Magaling ito mangalikot sa teknolohiya. Magaling ito sa paghanap ng lokasiyon ng isang tao. Pero kahit magaling si Sid, puwede namang nagkamali lang ito. Hindi na siya sinagot ni Sid. May ipinakita na lang itong litrato sa kaniya. Nakita niya ang larawan ni Gonzalez na nakahiga sa kalsada. Duguan ang ulo nito at tadtad din ng tama ng bala sa katawan. Halos bumaha ng dugo sa lugar kung saan ito nakahiga marahil sa dami ng tama nito sa katawan. 'Imposible, hindi p'wedeng mamatay si Gonzalez!' "Sa'n mo naman nakuha ang kalokohang ito?" naiinis na tanong niya, "mamaya edited lang 'yang picture na 'yan." "Nakita ko 'yan sa mismong files ng mga Police." Pinakita ni Sid kay Dale ang link kung saan nito nakuha ang larawan na iyon. Maging ang email at site na na-hacked nito. "Maniniwala ako kung ako mismo ang makakakita." Hindi sa hindi siya nagtitiwala kay Sid. Pero gusto niya munang makita ng sarili niyang mata na nakahimlay si Gonzalez sa kabaong bago siya tuluyang maniwala na patay na ito. "Alam ko kung sa'n siya nakaburol." "Sige, puntahan natin." ..... Kinabukasan, pagkagising na pagkasing pa lang ni Dale ay nag-asikaso na siya agad. Pupuntahan nila kung nasaan nakaburol si Gonzalez. Sisiguraduhin niya kung totoong patay na ito. Sa totoo lang ay mas nais niyang makitang buhay si Gonzalez upang tanungin ito ngunit kung totoong patay na nga ito, paano at bakit? Sino naman kaya ang papatay kay Gonzalez? Ano ang atraso nito sa mga gumawa noon? Nakaramdam na naman siya ng pagkainis, hindi pa nga siya sigurado sa totoong katauhan ni Gonzalez tapos wala na ito. Hindi pa nga siya sigurado kung sino talaga ito? Kung sino ang nag-utos dito na pasukin ang bahay at hindi niya pa ito natatanong kung ano ang hinahanap nitong 'drive' pero namatay na ito. Bakit hindi nagiging pabor sa kaniya ang pagkakataon? Bakit nahihirapan siyang alamin ang katotohanan? Ang akala pa naman niya ay malapit niya nang malaman ang totoo pero hindi pa rin pala. "Oh, ineng...nakahanda ka na pala...Kumain na kayo bago kayo umalis. May pupuntahan daw kayong lamay ah?" Napatingin si Dale sa dumating na si Aling Lolit. May dala-dala itong mga kumot at punda. "Kahapon? Pumunta rin ba kayo sa lamay?" mausisang tanong ni Aling Lolit sa kaniya. Ipinatong nito ang dala sa mesa sa gilid ng kaniyang kama. Kunot-noo naman siyang sumagot, "Hindi po bakit?" "Ah wala-wala, nakaitim ka kasi kahapon. Tapos ngayon din," pagbibiro ni Aling Lolit sa kaniya. Hindi niya alam kung pagbibiro lang ba iyon o pang-iinsulto. Marahil hindi lang alam ng matanda na hilig niya ang kulay itim. Masasanay rin ito, dahil araw-araw nitong makikita na naka-suot siya ng itim. "Pero bagay naman sa 'yo ang itim, ineng. Lalo kang sume-sexy," bawi ng matanda. Napangiti siya rito. Nakakatuwa itong kasama. Kahit matanda na ay magiliw pa rin itong makipag-usap sa mga tao at saka kahit matanda na ay parang napakalakas pa rin nito. Natutuwa rin siya sa pagtawag nito sa kaniyang 'ineng'. "Oh ayan, ngumiti ka rin. Mas maganda ka ineng kung nakangiti...kaysa sa nakasimangot." Pinakikitunguhan siya ng matanda na parang isang kaibigan at para bang magkasing-edad lang sila. Nagiging palagay na ata siya sa matanda. Binawi niya ang ngiti nang ma-realized niyang malawak na pala ang ngiting pinapakita niya sa mantada. Katulad ng palagi niyang iniisip, ayaw niyang mapalapit ng sobra kanino man. Hindi lang dahil ayaw niyang ibigay ng lubusan ang tiwala sa mga ito kundi ayaw niyang dumating ang araw na mapamahal na siya sa mga kasama. Ayaw niyang mangyari iyon dahil alam niyang masasaktan siya kung mapapahamak ang mga ito. ..... Matapos kumain ay dumiretso na sina Dale at Sid sa burol ni Gonzalez. Nalaman ni Sid na malapit lang pala sa Tondo nagtatago si Gonzalez. May kamag-anak ito roon kaya noong namatay ito ay doon na rin ito binurol. Nais pa sanang sumama sa kanila ni Celine ngunit hindi pumayag si Dale. Masiyadong dilekado sa lugar na pupuntahan nila at wala itong kalaban-laban kung masasangkot sila sa gulo. Nang makarating sila sa lugar kung saan nakaburol si Gonzalez ay maayos silang nakapasok sa loob. Hindi mayaman ang kamag-anak ni Gonzalez. Tulad ng ilan sa mamamayan ng Tondo, nakatira ang mga ito sa isang simpleng bahay. Dalawang palapag ngunit gawa sa kahoy. Dire-diretso lang sa pagpasok sina Dale at Sid. Nilampasan lang nila ang mga taong abala sa pagsusugal o abala sa pagkalikot ng baraha. May iilan na nakaupo lamang at may iilan namang nakasilip sa kabaong. Nagtataka si Dale kung paano humantong sa ganito si Gonzalez. Mabuti na lang at may kamag-anak ito na tumulong sa pagpapaburol sa katawan nito. Pero hindi pa rin siya makapaniwala na bigla na lang itong namatay. 'Hindi kaya may kinalaman ang pagkakamatay nito sa nangyari sa pamilya niya?" Pakiramdam ni Dale ay may mga taong pilit na pinagtatakpan ang nangyaring krimen na iyon sa kaniyang pamilya. Kung mayroon mang pumipigil sa kaniya na malaman ang lahat ay sino? Pinilig niya ang ulo. Umaasa siya na sana ay buhay pa ang taong makakapag-bigay ng linaw sa lahat. Sana hindi si Gonzalez ang nasa loob ng kabaong. Lumapit si Dale sa kabaong at unti-unting sinilip ang laman niyon. Nanigas siya sa kinatatayuan nang makita ang nakahimlay sa loob. Ang lalaking iyon, bakit nangyari iyon sa kaniya? Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Hindi puwedeng ito ang taong iyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD