Chapter 10

3558 Words
Hindi pa rin inaalis ni Dale ang tingin sa lalaking nakahimlay sa kabaong. Ayaw niyang maniwala na si Gonzalez ang taong iyon. Hindi niya masabing si Gonzalez nga iyon dahil hindi na makilala ang mukha nito. Tumaba ang mukha nitong may makapal na make-up. Tumaba rin ang katawan nito na para bang mayroong mga nakalagay na bulak sa loob ng katawan. "A-anong nangyari sa kaniya?" tanong ni Dale sa babaeng katabi. May edad na rin ang babaeng kanina pa sumisilip sa kabaong. "Binaril siya...Usap-usapan na sankot daw ito sa droga. Atin-atin lang to ha..." Lumapit ang babae sa kaniya bago bumulong, "...ang alam ko matagal na raw 'tong minamanmanan ng polisya. Hinala ng mga kaanak nito na may kinalaman ang mga pulis sa pagkakamatay nito." "P-paano niyo nasabi?" aniya na mediyo napalakas ang boses. "Shhh...iyon ang sabi. Narinig ko lang 'yon. Malay ba natin diba? Malay natin may mga pulis pala na sangkot sa droga tapos ginawa nila 'yon para pagtakpan ang sarili...dahil alam nila na kapag natuklasan ng presidente na sangkot din sila ay mayayari sila." Nagkibit-balikat ang babae bago muli nagsalita, "malay natin diba? Malay natin totoo nga 'yong bali-balita." Matapos sabihin iyon ng babae ay bumalik na ito sa grupo ng mga kababaihang naglalaro ng Tong-its. Nakisali rin ito sa kuwentuhan ng mga nakabilog sa mesa. Napahilamos si Dale ng mukha habang bumabalik sila sa kotse. Oo, nakita niya nga si Gonzalez sa kabaong ngunit may bahagi sa utak niya na hindi kumbinsidong si Gonzalez nga iyon. Habang naglalakad sila, naagaw ng kaniyang pansin ang isang lalaking nakatayo sa tapat ng sari-sari store. Palinga-linga ang lalaki at pabalik-balik ang tingin nito sa relo. Kahina-hinala ang galaw ng lalaki kaya nagsimula na naman siyang kutuban. "Sid, sundan natin 'yun." Nakarating sila sa terminal ng tricycle at nagmadaling lumapit sa pinto ng cr na pinasukan ng lalaki. "Boss, nakita ko na siya. Tama ka nga na pupunta siya." Bahagyang nakaawang ang pinto ng cr kaya malinaw nilang naririnig ang boses ng lalaki. "Mukhang kumbinsido naman ata." Mas lalong lumapit si Dale upang subukang intindihin ang sinasabi ng kausap ng lalaki sa kabilang linya. Mas maganda sana kung malakas din ang speaker ng lalaki upang maging malinaw kung tungkol saan ang pinaguusapan ng mga ito. "Meow!" Nagulat sila nang marinig ang pag-ngiyaw ng pusa. Napansin na ni Dale ang pusang iyon nang dumating sila pero dahil nakatuon na ang isip niya sa sinasabi ng lalaki, nawala na sa isip niya ang pusang iyon kaya hindi sinasadyang naapakan niya ang buntot nito. 'Pahamak na pusa!' "Sandali lang boss, may tao ata." Mabilis ang yabag na naririnig nila sa loob. Alam nilang kahit umalis sila sa lugar na kinatatayuan ay makikita pa rin sila ng lalaki. Nagulat si Dale nang bigla na lamang siyang isandal ni Sid sa pader. 'Sid, anong balak mo?' Hinarang nito ang dalawang kamay sa pagitan ng kaniyang ulo upang ikulong siya. Napalunok siya. Masiyadong mabilis ang pangyayari pero alam pa rin niya ang pumapasok sa isip ni Sid. "Huw-Hmm." Hindi na niya natapos ang sasabihin nang ilapat na ni Sid ang labi nito sa labi niya. Gusto niyang pumalag ngunit hinuli nito ang dalawang kamay niya pagkatapos dinikit iyon sa pader. Hindi siya makakilos. Nagbalik sa kaniyang diwa ang eksena sa naging panaginip niya. Naalala niya sa panaginip na iyon kung paano siya halikan ni Sid. Kung paano sila nagpalitan ng mga yapos at halik. Kung paano sumasang-ayon ang katawan nila sa kilos ng bawat isa. Dahan-dahan niyang pinikit ang mga mata. Parang may kumukontrol na naman sa kaniya sa sandaling iyon. Ito ang unang halik niya ngunit para bang bihasa na siya sa paghalik. Siya ba o si Sid ang nagdadala ng halik na iyon? Hindi niya alam pero kusang tumataas-baba ang labi niya, kusa nitong sinusundan ang labi ni Sid na para bang nakikipag-habulan sa labi niya. Kinakapos na siya ng hininga ngunit hindi pa rin niya mapigilan ang sarili na sumunod sa halik ni Sid. "Sana all...Pero mga tao talaga sa panahon ngayon oh. Hindi marunong pumili ng lugar. Tss, makaalis na nga. Leche," sabi ng lalaking kakalabas lang sa cr. Iaangat pa sana ni Dale ang labi nang maramdaman ang paghinto ni Sid. Nagbalik siya sa sariling katinuan dahil sa pagtugon na iyon ni Sid. 'Ano bang ginagawa nila?' Wala sa sariling tinulak niya si Sid. 'Hindi na dapat nito ginawa ang bagay na 'yon. Puwede naman niyang patumbahin na lang ang lalaki kung mahuhuli sila.' "Sundan na lang natin ang lalaki." Pinilit niyang mag-iwas ng tingin kay Sid dahil sa totoo lang ay rumerehistro pa rin sa utak niya ang halikang iyon. Nauna siyang maglakad kay Sid. Kung papipiliin siya, mas gusto niyang huwag nang mapag-usapan ang nangyari o kaya huwag na nilang maalala ang nangyaring iyon. 'Ginawa lang nila ang dapat gawin.' Tinuon niya na lamang ang tingin sa lalaking sinusundan nila na pumasok sa isang karindirya. Umupo ang lalaki at umorder ng pagkain kaya pumasok din sila sa loob at umupo malayo sa puwesto ng lalaki. "Ate, kuya...Ano po sa inyo?" sabi ng babaeng lumapit sa kanila kaya tumingin sila sa mga pagkaing nasa harapan upang makita ang mga ulam doon. "Dalawang kanin at isang sinigang...Ano sa 'yo Dale?" "Wait lang," sagot niya. Nahihirapan siyang pumili ng ulam sa dami ng lutong ulam na naroroon. Tanghali na nang umalis sila sa burol ni Gonzalez. Kaya nakakaramdam na rin si Dale ng pagkagutom lalo na nang makita niya ang mga naka-display na ulam sa harap mismo nila. "Adobo na lang," sabi niya. "Okay po ate, kuya. Nga pala, Merry Christmas po. Salamat sa pagkain n'yo rito," nakangiting sabi ng babae kaya hindi namalayan ni Dale na napangiti na rin pala siya. Agad naman niyang inalis ang ngiti sa labi at humarap kay Sid na nakatitig na rin pala sa kaniya. "Bakit?" tanong niya. "Mamaya na ang Noche Buena." Nilapit niya ang upuan sa mesa nang mailapag doon ang pagkaing in-order nila. Hindi niya alam kung bakit sinasabi ni Sid iyon sa kaniya. Ano naman kung mamaya na ang Noche Buena? "Hindi naman ako naghahanda sa pasko," paliwanag niya. Sanay na siyang hindi nagdiriwang sa pasko. Mag-isa lang naman siya kaya parang normal na araw na lang din para sa kaniya ang Pasko. Sapat nang makakain siya ng tatlong beses sa isang araw. Hindi niya na kailangan maghanda pa. Nilingon ni Sid ang lalaking nasa likuran ni Dale ngunit laking pagtataka niya nang hindi na makita ang lalaki sa puwesto nito. Lumingon din si Dale sa tinititigan ni Sid. "Nasa'n na siya?" Sinuyod niya ng tingin ang buong kantina ngunit hindi niya na talaga makita ang lalaki. Napabuntong-hininga na lamang siya, "di bale na nga." Hindi naman sila sigurado kung sila ba ang minamanmanan ng lalaki. Kailangan na lang nilang mas mag-ingat sa susunod, mahirap kumilos kung alam nilang may taong umaaligid-aligid. 'Kaya dapat maging alerto sila palagi.' ..... Alas otso na ng gabi nang makabalik sila sa bahay ni Reggio. Abala ang mga tao sa bahay nito. Dumiretso si Dale sa kusina nang maamoy ang mabangong ulam sa loob. "Ate, nandiyan na pala kayo," bungad ni Celine. Nagpupunas ito ng mga kutsara at plato. Napalingon naman siya kay Aling Lolit na abala sa paghalo sa niluluto nito. Nakita niya ang kaldereta sa kawali. Mukhang masarap iyon. "Sige na, mag-bihis ka na dahil kakain na tayo. Maluluto na 'tong kaldereta oh," sabi ni Aling Lolit na patuloy pa rin sa paghalo. Aakyat na sana si Dale nang tawagin siya muli ni Aling Lolit. "Teka ineng, tikman mo muna pala ang niluto ko. Okay na ba ang lasa nito?" Inabot niya ang kutsaritang may unting sarsa ng kaldereta. Hinipan niya muna iyon bago tinikman. Para sa kaniya ay ayos naman ang lasa noon. Hindi naman iyon sobrang alat. Sakto lang at tama lang ang pagkakatimpla. Binalik niya ang kutsara kay Aling Lolit, "Okay lang naman po...Nasa'n po pala si Reggio?" "Ay naku, nando'n sa kuwarto niya. Napagod sa pag-aalaga sa mga hayop niya kaya ayun, nakatulog." Pagkarinig niyon ay nagpunta na siya sa silid niya. Ito ang unang beses na may makakasama siya sa Pasko. Aaminin niyang masaya siya dahil hindi siya mag-iisa sa Paskong iyon pero mas sasaya siya kung nandoon din ang kaniyang pamilya. Naalala niya rin si Benjamin. Kumusta na kaya ito? Ano kaya ang ginagawa nito ngayon? Naging malaking parte rin ng buhay niya ang lalaki. Hindi man niya nakikita ang mukha nito sa tuwing kasama niya pero malaki pa rin ang utang na loob niya rito. Ito ang nagturo sa kaniya kung paano lumaban. Nabubuhay pa siya ngayon dahil sa tulong ni Benjamin sa kaniya. Matapos magpalit ng damit ay bumaba na si Dale. Nakahanda na sa mesa ang iba't ibang pagkain para sa Noche Buena. May spaghetti, salad at lechong manok. Mayroon ding mga iba't ibang prutas doon. Nakaupo na sina Sid, Aling Lolit, Celine at Reggio. Siya na lang ang hinihintay ng mga ito at magsisimula na silang kumain. "Ineng, maupo ka na." Nagsimula silang kumain. Masaya siya sa oras na iyon, hindi naman siguro masama kung mag-e-enjoy siya kahit sa oras lang na iyon. "Dale, may lakad tayo sa December 31," simula ni Sid. Pilit niyang tinutuon ang tingin sa kaniyang plato. Kahit ilang beses niyang isipin na wala lang ang nangyari kanina, hindi pa rin siya komportable kapag naaalala ang halik na iyon. Naiilang pa rin siya sa presensiya ni Sid. "Saan?" tanong niya bago sinubo ang spaghetti sa kaniyang tinidor. Kinalma niya ang sarili at kinukumbinsi ang sariling pag-iisip na 'wala lang ang bagay na 'yon!' "Sa yearly gathering ng mga Aquarius." Nagpatuloy sa pagsubo ng pagkain si Dale habang iniisip ang sinabi ni Sid. "Pumunta ka Dale, para makilala niyo ang iba't ibang miyembro ng Aquarius. Makakasama niyo ang mga miyembro ng Aquarius mula sa iba't ibang lugar sa bansa," paliwanag ni Reggio. Base sa sinabi ni Reggio, nangangahulugang hindi basta-basta ang Aquarius. Malaking organisasyon ito dahil marami pa palang mga miyembro nito ang nasa iba't ibang lugar. Bilang dating miyembro ng Aquarius, nagtitiwala si Dale sa nalalaman ni Reggio. Mas alam nito ang mga pasikot-sikot sa organisasyong iyon kumpara sa kanilang dalawa ni Sid. "Sige, pupunta tayo." "Pero mag-ingat kayo, h'wag kayong masiyadong pahalata," paalala nito sa kanilang dalawa ni Sid. "A-ate, puwede ko po bang puntahan si Papa." Napalingon silang lahat kay Celine. Nagawa nitong ilihis o ibahin ang usapan. "Ah, eh...Mag-isa kasi ngayon si Papa. Saka baka hindi pa 'yon kumakain." Hindi man maipakita ni Dale ang ngiti sa kaniyang labi, sa loob-loob niya ay masaya siya sa pag-uugali ng dalaga dahil sa kabila ng pagtrato ng ama nito ay nagagawa pa rin ni Celine na mag-alala roon. "Sige, pupunta tayo bukas." Ayaw niyang ipagkait sa dalaga na makapiling ang ama nito. Mas mabuting makapiling ni Celine ang ama habang nabubuhay pa ang ama nito. Nilaro-laro niya ang pasta sa kaniyang plato. Kung alam lang niya na maaga siyang iiwan ng kaniyang pamilya, sinamantala at in-enjoy din sana niya ang sandaling kasama ang mga ito. Kaya nga habang buhay pa ang ama ni Celine, nais niyang lubos-lubusin na nito ang pagkakataon. "Maaga tayong pupunta bukas." Basag-basag na bote ng alak, mga butil ng kanin at mga sira-sirang kagamitan sa sahig ang sumalubong sa pagdating nina Dale, Sid, Reggio at Celine. Bumisita sila sa bahay ni Celine upang makita ang ama ng dalaga. Ang malawak na ngiti na makikita sa mukha ni Celine ay napalitan ng pag-aalala nang makita ang amang nakadapa sa sira-sirang papag. Mahimbing na natutulog ang ama nito, halata iyon sa lakas ng paghilik ng matanda na naririnig hanggang sa puwesto nila. Tuluyan silang pumasok sa loob ng bahay ni Celine at lumapit sa ama nitong nakadapang natutulog. Nakakaawa ang kalagayan ng ama nito, bakas sa mukha nito ang pagiging miserableng buhay. "Tulog pa siya," pabulong na turan ni Celine. Binaba niya ang dala-dalang groceries sa tagilid na mesang gawa sa kahoy. Binili nila ang groceries na iyon sa Supermarket na kanilang nadaanan sa pagpunta roon. "Hindi naman halata sa mukha nito ang pagod...baka madami 'tong nainom na alak," komento naman ni Reggio. "Shhh... h'wag kayong maingay, hayaan na lang muna natin siya," sabi naman ni Dale. Nagsimula siyang maglakad palabas. Naglakad-lakad si Dale sa labas. Pagtawid sa makitid na tulay ay maingat niyang nilakaran ang mabatong lupa na nahahaluan ng mga basura. Nagawi ang tingin niya sa mga batang naglalaro ng tumbang preso. Naka-paa ang mga ito at hindi alintana ang mga lubak na naaapakan. Masaya ang mga batang naglalaro na para bang walang mga muwang sa kasalukuyan nilang sitwasyon, mga walang problema sa buhay. Kahit nasa malayo siya ay naririnig niya pa rin ang mga tawanan, asaran at murahan ng mga batang yagit. Lumalabas sa mga bibig ng mga ito ang mga salitang hindi dapat naririnig sa kanila tulad ng pagmumura at iba pang maseselang salita na hindi akma sa edad ng mga ito. Napailing na lamang siya at pilit na iniintindi ang kinagisnang gawi ng mga batang iyon. Alam niya na ginagawa lamang ng mga bata ang mga nakikita nila sa paligid. Sinasabi lang din ng mga ito ang mga naririnig na salita. Musmos pa ang mga batang iyon at wala pang kaalam-alam sa konsepto ng pagiging 'tama' at 'mali'. Kumikilos lamang ang mga ito base sa kanilang kinagisnan at ginagaya lang nila ang nakikita ng mga mata. "Ate, ate...pangalan mo po?" Napalingon siya sa batang babae na nasa edad apat na taon. Hawak-hawak nito ang kamay niya. "Dale," sagot niya. Napangiti siya dahil sa taglay na kakyutan ng bata. Hindi man ito malinis tingnan dahil sa suot na punit at maduming damit ay inaamin niyang natutuwa siya sa bata. Ang taba ng pisngi nito, chinita at curly ang buhok. "Shabi po ni kuya, ganda raw ikaw po..." Kahit hindi maayos ang pagsasalita nito ay naintindihan naman niya ang nais nitong sabihin. "Ang kyut mo naman," sabi niya. Hindi niya na napigilan ang sarili na pisilin ang magkabilang pisngi ng bata. Ngunit napahinto siya nang mapansing maluha-luha na ang bata. 'Napalakas ata ang pagpisil niya.' Napansin niyang paiyak na ang bata kaya nakaramdam siya ng pagkataranta. "Te-teka, sorry na si ate." Hinimas-himas niya ang pisngi ng bata at inalo-alo ito upang pigilan sa pag-iyak. "Shumbong kita kuya ko....ayaw mo'ko." "Hindi, 'di ka inaaway ni ate. Hindi sinasadiya ni ate yun. Na-kyutan kasi ako sa'yo," paliwanag niya pero sa halip na maniwala ay tuluyan na itong umiyak. "Hindi, hindi! Tsakit pishngi ko...kurot mo pishngi ko!" Lalong nilakasan ng bata ang pag-iyak kaya hindi niya na malaman kung ano ang dapat niyang gawin. Inaamin niyang hindi siya nag-iingat, napalakas ang pagpisil niya sa pisngi ng bata. 'Paano niya patatahanin ang bata?' "Kinulit ka ba ng kapatid ko?" Nag-angat si Dale ng tingin sa lalaking kararating-rating lang. Wala itong suot na pang-itaas kaya agad na mapapansin ang abs at muscle ng lalaki. "Ahh...hindi...Napalakas kasi–" "Kuya...kusot niya pisngi ko," sumbong agad ng batang babae kaya hindi na nagawa pang ituloy ni Dale ang sasabihin. "Hindi ka naman niya kinurot, pinisil niya lang pisngi mo kasi ang kyut mo raw." Huminto sa pag-iyak ang bata saka pinunasan ang tumulong sipon sa kaniyang ilong gamit ang likod ng kamay. "Ang dungis mo na Yona. Umuwi ka na sa bahay...papaliguan na kita." "Shigee po. Ate...ate...Ligo na ako bhe," pagpapainggit ng bata sabay dila sa kaniya. Tumakbo ito papunta sa kanilang bahay. "Pasensiya ka na sa kapatid ko. May pagka-maldita talaga ang batang yun eh...Ed nga pala...," napapakamot ng ulo na sabi ng lalaki, "taga-san ka pala? Hindi ka taga-rito alam ko." "Oo, may binisita lang kami," tipid na sagot niya. "Huh, sino?" Hindi agad nakasagot si Dale sa lalaking nagpakilalang 'Ed' dahil nagawi ang atensiyon niya sa isang bahay doon. Sa lahat ng bahay sa lugar, iyon lang ang bukod tanging gawa sa semento. "Basta." Nakatuon pa rin ang kaniyang paningin sa bahay. "Ah...yan ba? Matagal na 'yang bahay na 'yan. Hindi namin masiyadong nakakausap ang nakatira d'yan. Basta may isang dalaga diyan na siguro nasa twenty na...Hindi naman ito naglalabas kaya wala kaming alam dito. May kasama siyang isang lalaki na tuwing gabi lang umuuwi...Halos lahat ng taga-rito ay nagtataka sa dalawang 'yon...lalo na do'n sa lalaking laging nakasuot ng mask sa mukha tuwing umuuwi. Nakakapagtaka naman talaga diba?" "Naka-mask?" paniniguro niya. May pumasok agad sa utak niya. "Oo, tapos alam mo ba? Bago raw dumating ang dalaga diyan, nakita pa ng ibang tagarito na puro sugat sa katawan ang dalaga kasama ang lalaking laging naka-mask." Nang marinig ni Dale ang tungkol sa lalaking naka-mask, naalala niya agad si Benjamin. Ito lang naman ang kilala niyang lalaking palaging naka-suot ng mask. Akmang hahakbang na siya papunta sa bahay na kanina niya pa tinititigan nang makarinig siya ng malakas na putok. Napatingin siya sa lalaking kausap. Nagdudugo ang dibdib nito. 'Sino 'yon?' Mabilis niyang kinuha ang kaniyang dagger at hinanap ang taong nagpaputok. May nakita siyang lalaking tumatakbo kaya agad niya iyong hinabol. Nagpakawala siya ng malakas na putok ngunit masiyado nang malayo ang lalaki kaya nahirapan siyang asintahin ito. T-in-arget niya ang paa ng lalaki at nagtagumpay naman siyang tamaan iyon. Napaluhod ang lalaking natamaan niya at napahawak sa paa. "Ahhhh" malakas na hiyaw ng lalaki. Lumapit si Dale roon. "Sino ka?" Tinutok niya ang baril sa mukha nito. "H'wag kang mangialam dito! May atraso sa'kin ang lalaking yun!" galit na sabi ng lalaki. "Anong atraso?" "Ang laki ng utang niya pero 'di pa siya bayad." Nagpaputok si Dale sa lupa, malapit sa nakatukod na kamay ng lalaki. Sa gulat ay napaatras ito at napabitaw sa pagkakatukod. "Magkano bang utang sa'yo ng lalaking yon para barilin mo?!" Napalakas ang pagkakatanong ni Dale na ikinagulat muli ng lalaki. "Kailangan ko na ang perang 'yon!" "Hindi mo dapat ginawa 'yon dahil lang sa utang!" Gusto niyang murahin ang lalaki sa galit dito. May mga tao talagang walang pagpapahalaga sa buhay. Kung siya nga na pinatay ang pamilya ay hindi nagawang patayin si Gonzalez na pangunahing suspek niya, tapos ang lalaking iyon ay nagtangkang pumatay ng dahil lang sa utang. Hindi makatuwirang rason iyon para pumatay ng tao. Kung hindi lang siya marunong magpahalaga sa buhay baka siya mismo ang pumatay kay Gonzalez na inakala niyang totoong pumatay sa pamilya niya. Pero hindi niya ginawa dahil hindi niya kayang pumatay. Samantalang ang lalaking iyon? Papatay dahil sa pera? Sa utang? Nilapit niya ang baril sa mukha ng lalaki. Halata ang panginginig nito sa ginawa niyang iyon. "H'wag mo'kong patayin!" Deserve man ng lalaki ang patayin ngunit hindi niya magagawang patayin ito. Wala sa kaniya ang batas at lalong wala siyang karapatang bawiin ang buhay nito. Tanging nasa itaas lang ang may karapatang bumawi sa buhay ng isang tao. "Dumapa ka, hindi ako ang magdedesisyon sa mangyayari sa'yo." Hahayaan na lang niya ang batas na magparusa sa lalaki. Tinali niya ang kamay ng lalaki sa likod upang hindi iyon makawala. Nang matali ang kamay ng lalaki ay lumapit siya sa kumpol ng mga taong nagsisiksikan at naguusap-usap sa pangyayari. Isiniksik niya ang sarili upang makapasok sa loob ng kumpulan. Nang makapasok ay agad niyang nakita si Ed na nakaupo at sapo ang dibdib na tinamaan ng bala. Dumating din sina Sid at Reggio. "Kuhain niyo ang medical kit ko sa kotse." May kaunting kaalaman siya sa panggagamot dahil kasama iyon sa itinuro sa kaniya ni Benjamin. Tiningnan niya ang sugat ni Ed. Mabuti na lang at hindi iyon tumama sa puso dahil kung hindi ay baka natuluyan na ang lalaki. "Tara pumasok tayo sa inyo, masyadong maraming tao rito." Tinulungan niyang tumayo ang lalaki at inalalayan sa paglalakad papasok sa bahay nito. "Muntik ka na," sabi niya. "Oo nga eh. Akala ko mamamatay na'ko. Kawawa naman si Yona. Maiiwan siyang mag-isa." Binuksan ni Dale ang kaniyang medical kit at pumuwesto sa harapan ng lalaki upang tanggalin ang bumaong bala sa dibdib nito. Bagama't marami na siyang naging karanasan sa pagtanggal ng bala ay kinakabahan pa rin siya dahil iyon ang unang beses na gagawin niya iyon sa iba. "Salamat," sabi ng lalaki sa kaniya. Huminga muna siya nang malalim bago sinimulang kuhain ang bala rito. "Masakit 'to," paalala niya. "Sanay na ako sa sakit," sabi ng lalaki habang tumatawa. "Sino 'yon?" "Hindi ko rin yun kilala..." Napakunot ng noo si Dale. Paanong hindi nito kilala ang lalaki? Samantalang sabi ng lalaki ay malaki ang utang nito sa kaniya? "Malaki raw utang mo ro'n?" "Huh? Paano ako magkakautang? Hindi naman ako nangungutang. Uhhh." Napakilos ang lalaki nang hugutin niya ang bala sa dibdib nito. "Hindi mo talaga yun kilala?" "Oo." Pilit ang pagtawa ng lalaki habang sumasagot sa kaniya. Marahil ay iniinda pa rin nito ang sugat. Mabilis niyang nilinisan ang sugat nito at nilagyan ng Medical gauze dressing. "Tapos na." Pagkasabing-pagkasabi noon ay agad siyang tumayo at lumakad palabas. Hinanap niya agad ang lalaking tinali niya kanina. Ngunit wala na iyon doon. Lumapit siya kay Reggio at tinanong kung nasaan ang lalaki. "Hindi ko na alam Dale eh. Basta umalis silang dalawa ni Sid...Dadalhin ata ni Sid sa mga pulis," sagot nito sa kaniya. Napakuyom siya. Mukhang naloko siya ng lalaki. Hindi totoong binaril nito si Ed kanina dahil sa utang. Ano ang totoong dahilan kung bakit binaril ng lalaki si Ed? Kung hindi dahil sa utang, hindi kaya, siya talaga ang totoong pakay ng lalaki? "Nasa'n sila? Susundan ko."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD