"Sid!"
Tawag ni Dale kay Sid. Naabutan niya ito na hawak-hawak ang lalaking bumaril kay Ed.
Lumapit siya sa lalaking hawak ni Sid at kinuwelyuhan iyon.
Hindi ito makapalag sa kaniya dahil nakagapos ang kamay nito.
"Sabihin mo, sino ka ba talaga?"
"Psss...Sinabi ko na. Hindi ko na kailangan pang ulitin." Nag-iwas ng tingin ang lalaki sa nanlilisik na titig ni Dale. Ngunit kahit nanlilisik na ang mata ni Dale sa lalaki, mukhang wala pa rin sa isip nito ang magsalita at magsabi ng totoo.
"Umamin ka? Sinong nagpadala sa'yo? Ako ba ang pakay mo?!"
Hinigpitan ni Dale ang pagkakahawak sa kuwelyo ng lalaki. Halos masakal niya na ito. Kung hindi pa magsasalita ang lalaki ay mas lalo niya pang hihigpitan ang hawak sa kuwelyo nito.
"T-totoo ang s-sinasabi ko!" nahihirapang sagot nito sa kaniya.
"Isa!" pananakot niya.
"H-hindi ko puwedeng sabihin!"
"Dalawa!"
Napalunok ng laway ang lalaki. Nakaramdam na rin ito ng pagkasindak sa kaniya. Halatang gusto na nitong umamin ngunit pakiramdam niya ay pinangingibabawan ito ng takot, hindi takot sa kaniya kundi takot sa nag-utos dito.
Sinandal niya sa pader ang lalaki at tinuhod ito sa hita. Kung hindi pa aamin ang lalaki ay mapipilitan siyang ipatama ang tuhod sa p*********i nito. Alam niyang masakit iyon kung gagawin niya kaya nagtimpi pa rin siya. Huwag lang nitong sasagarin ang pasensiya niya.
'Magmamatigas pa kaya ito kung palalambutin ko ang matigas dito?!'
Mas lalo niyang sinandal ang ulo ng lalaki sa pader bago pinukulan ng mas lalo pang nakakatakot na tingin.
"Tatlo!"
Puporma na sana siya upang tuhurin ang p*********i nito nang magsisisigaw ang lalaki.
"S-sandali! Sandali!" Inusog nito ang isang hita upang ipatong sa p*********i nito. Pero para kay Dale, kahit anong takip nito sa pinagmamalaking itlog ay magagawa niya pa ring basagin iyon. 'Brutal na kung brutal, pero kung kailangan niyang pisain ang iniingatan nito ay gagawin niya, mapaamin lang ang lalaki.'
"Sabihin mo kung sinong nag-utos sa 'yo?!"
"Si, si B–"
Nanlaki ang mata ni Dale nang makarinig siya ng malakas na putok ng baril. May tumagos na bala sa sintido ng lalaki.
Napakabilis ng pangyayari ngunit malinaw niyang nakita kung paano bumaon ang bala sa sintido ng lalaking hawak niya. Tumulo ang saganang dugo mula sa sintido nito.
May tumalsik din na dugo sa kaniyang mukha.
Nabitawan niya ang lalaki kaya unti-unti iyong natumba sa lupa. Dilat ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya at bahagya ring nakabuka ang bibig, marahil ay magsasalita na sana ito upang umamin sa kaniya.
Nawala sa katinuan si Dale. Nagbalik sa kaniyang alaala ang eksena noong binaril ang kaniyang ama. Pakiramdam niya, ang ama niya ang tinamaan ng balang iyon. Bumalik siya sa nakaraan. Sa nakaraan na pinakita sa kaniya ng kasalukuyan.
"Dale!"
Narinig niya ang pagtawag sa kaniya ni Sid kaya natauhan siya. Pinilig-pilig niya ang ulo upang ibalik ang sarili sa kasalukuyan at upang magbalik sa katinuan.
Pinunasan niya ang dugong tumalsik sa kaniyang mukha at saka tumingin sa direksiyong pinanggalingan ng bala. Ngunit wala namang tao roon. Tanging silang dalawa lamang ni Sid ang naroroon.
Binalik niya ang tingin sa lalaking nakabulagta. Halos maligo ang katawan nito sa bumahang dugo sa lupa.
Lumapit si Dale sa lalaki. Aamin na sana ang lalaking iyon sa kaniya kung hindi lang ito pinatay.
'Sino naman kaya ang bumaril dito?'
.....
Matapos ang pangyayaring iyon ay bumalik sina Dale at Sid sa bahay ni Celine. Ni-report muna nila ang nangyari at hinayaan na lamang ang mga pulis na mag-imbestiga sa pagbaril sa lalaki. Wala rin naman silang maitutulong dahil maging sila ay walang ideya sa pumatay rito.
Umalis sila agad nang matawagan ang pulisya. Ayaw nilang maabutan sila roon dahil sigurado sila na 'sila' ang tatanungin ng mga ito sa nangyari. Baka kung ano pa ang masabi nila na magiging dahilan upang madamay sila sa krimen. Mabuti na lang talaga at walang ibang tao roon.
Gabi na nang makabalik sila sa bahay ni Celine.
Pagpasok sa bahay, masaya silang sinalubong ng ama ni Celine. Bigla itong naging anghel sa pag-trato sa kanila. Himala dahil mukhang nasa mood itong magpakabait. 'Naging maganda ata ang gising nito kanina.'
"Nandiyan na pala kayo," sabi ng ama ni Celine.
Dumiretso sila sa pagpasok sa loob at naupo sa papag na gawa sa kahoy. Isa lamang kasi ang upuan doon at inakupa na iyon ni Reggio.
"Mag-kape muna kayo." Lumapit sa mesa ang ama ni Celine upang magtimpla ng kape.
"Ate, anong nangyari?" tanong ni Celine. Naglalagay ito ng plato at kutsara sa mesa, mayroon na ring nakahain na kanin at ulam doon sa hapag.
Sasagutin na sana niya ang dalaga nang may batang pumasok sa loob ng bahay. Iyon ang kapatid ni Ed. Kasunod ng batang si Yona ang kuya nitong si Ed na may dala-dalang mangkok.
Lumapit ang bata sa kaniya at ngumiti.
"Ate, luto kuya pagkain," kuwento nito.
"Anong pagkain?" tanong niya sa bata.
"Saging...luto s'ya tsaging. Asim saging." Kumunot ang noo niya sa sinabi ng bata. Hindi niya iyon maunawaan.
"Sinigang Dale," singit ng kuya nitong si Ed.
Nagtawanan ang mga tao sa loob ng bahay ni Celine. Maging ang mga ito ay tuwang-tuwa sa kabibuhan ng bata. Madaldal si Yona at nakakatuwa ang bulol nitong pagsasalita.
"Sinigang naman pala. Ikaw talaga Yona. Nagtaka ako kanina kung anong saging ang tinutukoy mo eh," natatawang sabi ni Celine.
"May sinigang akong niluto. Ito po...pa-thank you ko na rin kay Dale sa pag-gamot sa sugat ko," nakangiting sambit ni Ed habang nakatingin kay Dale.
Pinagmasdan ni Dale si Ed. Nilagay nito ang mangkok na may lamang sinigang sa tagilid na mesa. Natuwa siya sa lalaki dahil kahit 'lalaki' ito ay kaya nitong gawin ang mga gawaing pambabae, tulad na lamang ng pagluluto at pagaasikaso sa bunsong kapatid. Tinalo pa siya nito.
'Pero nasa'n kaya ang mga magulang nina Yona at Ed?' bigla niyang natanong sa sarili.
"Dito na kayo kumain ni Yona, Ed," paanyaya ng ama ni Celine.
"Sige po."
Kumain sila ng hapunan. At dahil iisa lang ang silya nina Celine, pinagtiyagaan na lang nilang upuan ang mga pinagpatong-patong na kagamitan para lang magkakasama silang makakain sa mesa.
Pinagsaluhan nila ang sinigang na niluto ni Ed, ang itlog at ang tuyong hinanda naman ni Celine para sa kanila. Masarap ipares ang ulam na tuyo sa kape kaya ginanahan talaga si Dale sa pagkain.
"Pagpasensyahan niyo na po ang ulam," paumanhin ni Celine.
"Ano ka bang bata ka, ang sarap kaya ng tuyo at itlog," sermon naman ni Reggio rito. Sinawsaw nito ang tuyo sa suka bago isinubo.
Tama naman si Reggio. Masarap naman talaga ang tuyo. Kahit naman nasa mayamang pamilya siya, kumakain pa rin sila ng ganoong ulam. Nagluluto rin ang mama niya ng tuyo, daing at dilis noong nabubuhay pa ito. Minsan pa nga ay sinasamahan pa nila iyon ng kamatis.
Alam ni Dale na nagmula rin sa mahirap ang kaniyang mommy, sinabi nito iyon sa kanila noon. Kaya nga hindi sila pinalaki ng ina na isang matapobre kahit nakakaangat sila ng estado sa buhay. Ayaw rin nitong namimili silang magkapatid ng pagkain.
Naalala niya noon ang sinabi sa kanila ng ina na dapat matuto silang magkapatid na kainin ang mga pagkaing nakahain sa hapag. Kahit ano pang pagkain iyon ay dapat nila iyong kainin ng walang halong kaartehan.
Pero dahil bata pa siya noong panahong iyon ay hindi tumatatak sa kaniya ang mga sinasabi ng ina. Hindi talaga siya kumakain ng 'tuyo' noong bata pa siya pero simula nang maging husto na ang kaniyang pagiisip at gulang, na-realized niyang tama ang lahat ng sinabi ng mommy niya sa kanilang magkapatid.
Kasalukuyan silang kumakain nang may mapansin si Ed. Lumilinga-linga ito sa paligid.
"Yona?" tawag nito sa kapatid.
Nilibot din ni Dale ang mata sa paligid. Hindi niya rin makita ang kapatid ni Ed. Kanina, nang matapos itong kumain ay nakita niya pang naglalaro iyon sa papag ngunit ngayon ay wala na ang bata roon.
Maliit lang ang bahay ni Celine kaya kung magtatago man si Yona ay makikita nila agad ito.
Tumayo sila at sinimulang hanapin si Yona. 'Sa'n naman kaya magsusuot ang batang iyon?'
Tiningnan nila ang bawat sulok ng bahay at sinilip ang mga espasyo na puwedeng pagtaguan ng bata.
Yumuko si Dale at sinilip ang ilalim ng papag ngunit wala roon si Yona.
Tumingin siya sa tulay na gawa sa putol na punong-kahoy. Masiyadong makitid ang tulay na iyon at dilekado kung tatawirin ng bata.
"Maghahanap ako sa labas," suhestiyon niya.
Nangangamba siya sa maaaring mangyari kay Yona. Tatlong taon pa lamang ito at wala pang kamuwang-muwang sa paligid. Dilekado para rito ang maglakad mag-isa.
Tumingin siya sa langit. Madilim na. Paano kung lumabas talaga si Yona? Mahihirapan silang hanapin ito dahil sa dilim. Kaunti pa naman ang mga bahay na may kuryente at karamihan sa nakatira roon ay tanging gasera at kandila lang ang gamit upang magkaroon ng ilaw sa gabi.
'Yona, nasa'n ka?'
Ayaw niyang mag-isip ng masama pero hindi niya maiwasan. Pakiramdam niya ay kasalanan niya kung mapapahamak ang bata dahil malakas ang kutob niya na maraming nagmamanman sa kaniya. Pakiramdam niya ay marami siyang kaaway.
May napansin siyang maliit na kamay na nakalitaw sa likod ng bakod na gawa sa kawayan.
Sumilip siya roon.
"Yona!" Mahigpit niyang niyakap ang bata. Para bang nawalan siya ng tinik sa dibdib nang makita ang bata. Nakahinga na siya nang maluwag.
"Ba't ka ba nandito?" tanong niya.
"Tawag ako laki," sagot nito.
"Sinong lalaki?" kunot-noo niyang tanong.
"Lalaking takip dito bibig." Tinuro ni Yona ang kaniyang bibig upang maayos na iparating sa kaniya ang gusto nitong sabihin.
Naunawaan naman niya iyon. Nakatakip ang bibig ng lalaki o marahil nakasuot ng mask ang lalaking tumawag sa bata.
"Ate, bigay sa'yo laki." Inabot sa kaniya ni Yona ang isang papel. Kinuha niya iyon at binuksan upang basahin ang nakasulat doon.
'Tumigil ka na! Kung hindi ka titigil, madadamay ang mga taong malapit sa'yo!'
Nilumos niya ang papel na hawak. Ito na nga ang kinakatakutan niya. Kaya ayaw niyang mapalapit sa ibang tao dahil sigurado siyang mangyayari iyon. Ano ang dapat niyang gawin? Hihinto ba siya sa paghahanap sa taong pumatay sa pamilya niya para hindi na mapahamak ang mga taong malapit na sa loob niya? O ipagpapatuloy niya pa rin ang paghahanap at lalayo na lang sa mga taong nakapaligid sa kaniya upang hindi na madamay ang mga ito.
Napakuyom si Dale at mas lalong ginusot ang papel na hawak. Hindi siya makapagdesisyon nang maayos dahil parehong mahirap para sa kaniya ang naiisip niyang option.
"Ate, galit kayo akin? Bati tayo diba?"
Yumuko siya upang tingnan ang bata. Nakita niya ang pag-aalala at takot sa mukha nito. Natakot ata ito sa ekspresyon ng mukha niya.
Binalik niya ang ngiti sa labi upang hindi matakot ang bata. Umupo rin siya upang pumantay sa tangkad nito.
"Hindi galit si ate. Nag-alala lang ako sa'yo dahil akala ko napahamak ka na. Sa susunod h'wag ka na lalapit sa mga taong 'di mo kilala ha?" bilin niya sabay yakap muli sa bata.
"O-opo Ate."
Tumayo siya at hinawakan ang kamay ni Yona. "Tara na, uwi na ta'yo. Nag-aalala na kuya mo sa'yo."
Pinisil-pisil niya ang malambot na kamay ng bata habang sila ay naglalakad. Aaminin niyang napalapit na talaga ang batang iyon sa kaniya kahit saglit niya pa lang itong nakakasama.
Huminga siya nang malalim at tinuon ang tingin sa daan.
'Bahala na.'
Malakas ang palakpakan ng mga kasapi ng Aquarius nang lumabas ang isa sa pinakamataas na miyembro nito.
Dinaluhan nina Dale at Sid ang 'Taunang Pagpupulong' ng Aquarius. Hindi nila pinalampas ang pagkakataon na iyon upang magkaroon pa ng maraming impormasyon tungkol sa Aquarius.
Napuno ang lugar na pinagdausan nila ng pagtitipon dahil sa rami ng mga kasaping dumalo. Nagmula pa ang ibang mga miyembro nito sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Bumati ang matangkad na lalaki na nasa stage. Mukhang bata pa ang lalaking iyon at halos kasing-edad lang ni Dale.
May lahing banyaga ang lalaki. Namumula ang pisngi nito dahil sa kaputian, kulay brown ang buhok, may maliit na mukha at may maliliit na pantal na itim o freckles sa balat. Nangingibabaw ang lahing Amerikano ng lalaki.
Napatingin sa direksiyon ni Dale ang lalaki kaya nagtagpo ang kanilang mga mata. Napansin niya base sa tingin ng lalaki na kinikilala siya nitong mabuti.
"We gathered here to warn you about Sagittarius," panimula ng lalaki.
Nagbulong-bulungan ang mga miyembro ng Aquarius. Bakas sa mukha ng mga ito ang mga tanong tungkol sa organisasyong tinutukoy ng lalaki.
"Nagsimula na naman sila sa pag-atake sa 'tin. Kaya kailangan nating mag-ingat. Sampu na sa miyembro natin ang napatay nila nang walang kahirap-hirap."
Muli na namang nagsipagbulungan ang mga kasama nila roon. Sari-saring komusyon at diskusyon. Iba't ibang komento na may kinalaman sa Sagittarius.
"Matagal na natin silang kalaban. Ilang taon din silang nanahimik...Pero nagsimula na naman silang tirahin tayo."
Kumunot ang noo ni Dale dahil wala siyang maunawaan sa pinagsasabi ng nasa harap kaya naman ay mas lalo siyang binibisita ng kaniyang kuryosidad sa organisasyon tinutukoy nito. Ano naman ang mayroon sa Sagittarius na iyon. Sino sila?
Tinaas niya ang kaniyang kamay. Gusto niyang magtanong upang maliwanagan siya.
"Sino ba ang mga Sagittarius na 'yon?" tanong niya dahilan upang magtinginan ang lahat sa kaniya.
Napuno muna ng tawanan sa loob bago siya sinagot ng lalaki.
"You're probably Dale. Ikaw pala ang bagong miyembrong sinasabi ni Salazar sa 'kin."
Umupo ang lalaki nang nakade-kuwatro sa upuang nilaan dito sa gitna bago sumagot sa kaniya.
"There are twelve existing organization in the Philippines. The Pisces, Aquarius, Capricorn, Sagittarius, Scorpio, Libra, Virgo, Leo, Cancer, Gemini, Taurus and Aries...Lahat ng organisasyong iyon ay may kaniya-kaniyang abilidad at pagkakakilanlan...But two decades na ang nakalipas ay wala na kaming narinig na balita tungkol sa ibang organisasyon. Hindi na nagparamdam ang iba sa mga 'yon. Sa ngayon, ang Pisces, Aquarius, Capricorn, Sagittarius, Scorpio at Libra na lang ang nage-exist...We don't know kung anong nangyari o kung bakit nawala ang mga ito...But wala kaming pakialam."
Tumikhim ang lalaki. "Isa sa mortal na kalaban ng Aquarius ang Sagittarius, they mastered shooting from far location and spying. Meaning, all of them are well-trained snipers. Yumayaman sila sa bayad na nakukuha nila for killing their subjects. They are secretly hired by some official na gustong patumbahin ang mga kalaban nila sa politiko."
Pinagkrus ng lalaki ang mga braso bago siya nagpatuloy sa pagsasalita. "Mapanganib sila. In history, magkaayos naman ang Aquarius at Sagittarius dati because we are mutually benefiting from each other. Sa atin sila kumukuha ng mga sandatang ginagamit nila. Pero nagbago iyon simula nang huminto ang Aquarius sa pagsu-supply sa kanila ng mga sandata."
"Boss Zach, pa'no 'yan? Anong kailangan nating gawin? Kung hindi tayo kikilos, baka unti-unti tayong maubos. Mamaya nand'yan lang sila sa tabi-tabi at naghihintay ng pagkakataong patumbahin tayo," sabi ng lalaking nasa bandang unahan ni Dale na sinang-ayunan naman ng marami.
Sumang-ayon din si Dale. Tama ang lalaki. Kung wala silang gagawin ay baka paunti-unti na silang maubos. Wala naman silang magagawa dahil ang mga kalaban nilang tinatawag na 'Sagittarius' ay kaya silang patayin mula sa malayo. Dahil ayon nga sa narinig niya, special skills ng mga ito ang 'sniping'.
"Calm down. Hindi ito pinapasabi ni Big Boss sa inyo para makitaan kayo ng kaduwagan. Lumalaki na rin naman ang Aquarius kumpara dati. I believed na hindi lang tayo magaling sa pagbebenta ng sandata, kaya rin nating lumaban. Naniniwala naman ako na mas lalo pa tayong madadagdagan ng malakas na miyembro."
Napatango-tango si Dale. Ngayon ay alam na niya kung bakit madali nilang napasok ang kuta sa isang sangay ng Aquarius, sapagkat kulang ang mga ito sa mga tauhang mahuhusay sa pakikipaglaban. Maraming miyembro ang Aquarius subalit mukha namang pulpol ang marami roon katulad na lamang ng dalawang bantay na pinatumba niya.
Bahagya siyang napangisi. Dapat hindi nagre-recruit ang mga ito ng miyembro sa tabi-tabi. Marahil mga tambay lang sa kanto ang karamihan doon. Kung tama ang kaniyang hinala, tiyak na yabang at pakikipagbasag-ulo lang talaga ang alam ng mga iyon.
Kung siya ang leader ng Aquarius, hindi siya tatanggap ng miyembro ng basta-basta. Dapat dumaan muna ang mga taong gustong sumali sa mahabang proseso. Kaya naman pala napaka-dali rin sa kanila ni Sid ang makasali sa Aquarius. Siguro ay nakitaan sila ng potensiyal ni Salazar– Ang lider sa sangay ng Aquarius na pinasok nila.
Tumingin muli ang lalaking nagngangalang 'Zach' sa kaniya.
"Dale, according to Salazar ay magaling ka raw makipaglaban."
Nagsalubong ang kaniyang kilay. Ano naman dito kung magaling nga siyang makipaglaban? Anong gusto nitong gawin niya?
"I want to try you." Sumenyas si Zach sa mga nandodoon, "Kailangan ko ng twenty na taong lalaban sa kaniya."
Nagtawanan muli ang ibang miyembro sa loob ng malaking silid. Kinainis iyon ni Dale. Naiinsulto na naman siya sa mga reaksiyong nakikita niya.
"Naku! Boss Zach naman, palalabanin mo pa kami sa babae," saad ng isang lalaki sa bandang unahan.
"Walang-hiya oh. Makakasakit pa tayo ng babae," sabi rin ng isa pa habang tumatawa-tawa.
"Sige, payag ako." Nagpunta si Dale sa harap at tinitigan ang dalawang lalaking narinig niyang nagsalita. Hindi porket babae siya ay mahinang klase na siya. Iyon kasi ang nagiging konotasyon ng karamihan, na mas malakas ang lalaki sa babae.
"Lalabanan ko kayo ng sabay-sabay...Kasama ka, pati ikaw." Tinuro niya ang dalawang lalaki na uminsulto sa kakayahan niya. Huwag lang talaga niyang malaman na puro satsat lang ang mga ito at wala naman talagang ibubuga.
"Naku Miss...Hindi ka ba natatakot para sa buhay mo? Hindi pa naman ako nananakit ng bebot," sabi ng lalaking nakataas ang buhok at mukhang adik.
Nagtaas muli siya ng kilay. "Takot ka lang ata matalo ng babae eh."
Nagtawanan muli ang mga tao sa loob kasabay ng panunukso sa lalaking sinupalpal niya.
"Tang-ina. Mukhang mapapalaban talaga ako pre."
Natigil ang palitan ng mga salita ng pumalakpak ng dalawang beses si Zach na nasa tabi niya.
"Tama na ang satsat. Umpisahan niyo na."
"Sige Boss Zach. Kahit ako na lang. Kayang-kaya ko na'to."
Napatakla na lamang si Dale sa tinuran ng lalaki. Gusto niya na ring makita ang galing nito. Gusto niya nang malaman kung talagang may ibubuga ang lalaki o hanggang salita lang.
Binigyan sila ng mga naroroon ng espasyo sa gitna. Lahat ng mga miyembro ay gumawa ng bilog at ang espasyo sa gitna ng bilog ay ang magsisilbing lugar kung saan sila maglalaban.
Pumuwesto si Dale at ang lalaki sa gitna.
"Mauna kang sumugod," utos ni Dale.
"Dapat ladies first, pero dahil gusto mo pagbibigyan kita." Tumakbo palapit sa kaniya ang lalaki upang dambain siya ng suntok.
Sunod-sunod ang suntok na pinapakawalan nito sa kaniya subalit sa hangin lamang iyon tumatama. Mabilis niya iyong naiilagan dahil masiyadong mabagal ang suntok na binibigay nito. Madali lang para sa kaniya na ilagan iyon.
Yumuko siya at hinawakan ang paa ng lalaki. Niyakap niya ang binti nito bago hinatak. Hindi rin nag-iingat ang lalaki dahil hinahayaan nitong 'bukas' ang ilan sa bahagi ng katawan. Bilin sa kaniya ni Benjamin noong nagsasanay pa siya na dapat hanapin ang open parts sa kalaban. Ibig-sabihin, dapat niyang hanapin ang bahagi ng katawan nito na walang depensa. Nagkataon naman na nakatuon ang atensiyon ng lalaki sa kaniyang mukha upang tamaan siya kaya hindi na nito namalayang kayang-kaya niyang target-in ang paa nito.
Bumagsak ang lalaki sa sahig.
'Wala pala itong binatbat eh.'
Nagpaikot-ikot sa sahig ang lalaki upang makalayo sa kaniya. Tama lang ang ginawa nito dahil kung hindi ito lalayo sa kaniya ay magagawa niya itong tamaan.
Nang makalayo ay mabilis itong bumangon at pumusisyon. Ginawa nitong muli ang sariling stance sa pakikipaglaban.
Napailing si Dale. Gamit na gamit na ang fighting stance ng lalaki. Maski siguro mga bata ay alam na alam na ang basic position na iyon.
Pumorma si Dale at ginawa ang 'neko ashi dachi' o cat stance. Hindi sa nagyayabang siya, pero sa totoo lang ay naiinip na siya sa labang iyon dahil alam niya na agad ang kahinaan ng kalaban.
"Nagsisimula pa lang tayo," mayabang na sabi ng lalaki sa kaniya.
Napabuga siya ng hangin. Kung puwede lang gamitin ang Glock 17 pistol niya ay matagal na niyang ginawa. Isang bala lang sa paa ang lalaki ay matatapos na ang kayabangan nito.
Sumugod muli ang lalaki sa kaniya ngunit hindi suntok ang binigay nito kundi isang malakas na sipa. Sinalag niya ang sipa nito gamit lang ang kaniyang braso pagkatapos ay hinuli iyon. Nang mahawakan ang paa nitong nakataas sa hangin ay umikot siya upang sikuhin ang dibdib ng lalaki gamit ang isang kamay.
Nasaktan ang lalaki sa ginawa niya kaya sinamantala niya ang pagkakataon upang patumbahin ito. Hinawakan niya gamit ng dalawang kamay ang paa ng lalaki saka umatras. Tinama niya ang likod sa harap ng lalaki upang patumbahin ito.
Sumama siya sa pagtumba sa sahig. Nang bumagsak na sila ay mas lalo niya pang tinaas ang paa ng lalaki habang nakahiga sa katawan nito. Para lang silang nagwe-wrestling sa posisyon nilang iyon.
"One..."
Nagsimula sa pagbibilang ang mga nanonood sa kanila.
"Two..."
Akala ni Dale ay susuko na ang lalaki ngunit bago pa man masabi ang 'Three' ng mga nanonood sa kanila ay nakapalag na ang lalaki.
Mabilis siyang tumayo sa pamamagitan ng pag-flip. Sigurado kasi siyang agad siyang babawian ng lalaki pero hindi niya ito papayagang makabawi.
"Pre, akala ko ba kaya mong mag-isa. Nahihirapan ka ata ah!" malakas na pang-aasar ng isa sa nanonood sa lalaking kalaban niya.
"Tang-ina mo! Manahimik ka diyan!" napipikong sagot nito.
Pumorma muli ito at humarap sa kaniya.
Nanggi-gigil ang lalaking lumapit kay Dale. Nawala na ang kontrol nito sa pagsuntok. Bara-bara na rin itong nagpapakawala ng suntok at mukhang wala nang pakialam sa kung saan iyon tatama.
Hanggang ngayon ay kontrolado pa rin ni Dale ang sitwasyon. Sa simula pa lang, kahit pikon na pikon na siya sa kayabangan ng lalaki ay hindi niya pa rin hinayaan ang sarili na lamunin ng emosiyon. Nanatili pa rin siyang kalmado sapagkat iyon rin ang bilin sa kaniya ni Benjamin.
Ayon dito, kung lalaban siya ng wala sa sarili o wala sa katinuan ay matatalo siya. Sasamantalahin iyon ng kalaban upang patumbahin siya. Kaya kahit naiinis na siya, pilit niyang pinipigilang magpatangay sa kaniyang emosyon.
'Focus ka sa kalaban. Discover their weaknesses.' Iyon lagi ang bilin sa kaniya ni Benjamin.
Patuloy siya sa pag-ilag sa walang kontrol na kamao ng lalaki. Determinado ang lalaking patamaan siya. Hindi naman siya papayag na matamaan nito.
Nakakuha siya ng pagkakataong pumuwesto sa likuran ng lalaki nang sandaling mawalan ito ng balanse dahil sa palpak nitong suntok. Nang makarating sa likuran ay agad niyang siniko ang likod nito kaya napadapa ito sa sahig.
Tatayo pa sana ang lalaki pero mabilis niyang inapakan ang likod nito upang pigilan sa gagawin.
"Huwag ka na tumayo," utos niya sa lalaki pero mapilit ito at nanlaban pa rin. Hindi pa rin nito matanggap ang pagkatalo mula sa babae.
"Manahimik ka!" sigaw nito.
Inalis ni Dale ang paa sa likod ng lalaki kaya nakatayo iyon. Subalit sa pagtayo ng lalaki ay bigla na lamang may tumamang bala sa dibdib nito.
Wala siyang narinig na putok nang makita ang pagbaon ng bala sa dibdib ng lalaki. Tanging tunog lang ng nabasag na salamin ang narinig niya.
Lumingon siya sa pinanggalingan ng bala. Nanggaling iyon sa itaas. Tumingala siya ngunit wala siyang nakitang bakas ng tao mula sa balkonahe.
Nabasag ang sliding door na gawa sa salamin. Marahil ang balang tumama sa dibdib ng lalaki ay nagmula pa sa labas. Marahil nagtatago lang din ang taong bumaril sa gusaling nakatayo malapit sa kanilang lugar.
Nagsilapitan ang ilan sa mga miyembro ng Aquarius sa kasamahang nakahiga sa sahig at wala ng buhay. May nagngi-ngitngit sa galit at mayroon ding tinablan ng takot.
"Magtago kayo! Nandito ang Sagittarius!" sigaw ni Zach.
Matapos ang sigaw na iyon ay ang sunod-sunod na pagpapakawala ng maraming bala na nanggagaling pa sa mataas na direksiyon. Tinamaan ang ibang miyembro ng Aquarius na hindi na nagawang makapagtago sa bilis ng pangyayari.
Umuulan ng bala sa loob kaya marami ang tinatamaan. May iilan namang nakapagtago at nakaligtas subalit mas marami pa rin ang nasawi.
Nagtago sina Dale at Sid. Ginawa nilang pananggalang sa sarili ang mga patay na katawan ng miyembro ng Aquarius. Wala na rin silang oras na maghanap pa ng matataguan, kung hindi pa sila magtatago roon ay matatamaan sila ng bala. Ginawa na lang nila ang maaaring makapagsalba sa kanila. Kailangan nilang manatili roon hanggang sa matigil na ang pagpapaulan sa kanila ng bala. Iyon lang ang tanging paraan para makaligtas sila.