“Ano ang nalaman mo?” tanong ni Silas mula sa upuan sa likod ng kanyang mesa.
Hindi naging magaan ang umaga dahil sa maiingay na Board of Directors at ang mga reklamo nila. Mas lalo siyang nainis dahil sa pagod na nararamdaman niya. Hindi na kasi siya makatulog nang maayos pagkatapos ng music competition. Tuwing magsasara ang kanyang mga mata, parang naglalaro ang nakaraan at kasalukuyan sa isipan niya. Pero ngayon, nandiyan na ang sandali na matagal na niyang hinihintay. Si Thomas, hawak ang folder na may tatlong araw na pagsasaliksik, ay nakatayo na sa harapan niya.
“Alexis, Sean, at Theodore Castillo,” anunsyo ni Thomas habang inilalagay ang mga kopya ng tatlong birth certificates sa mesa. Nagpasya si Silas na huwag nang tanungin kung paano nakuha ni Thomas ang mga ito.
Pinili ni Silas ang isa at sinimulang basahin ito nang mabuti. Ni hindi niya namamalayan na pinipigilan niya ang paghinga niya. Pare-pareho ang pangalan, maliban lang sa isa: Alexis Clara Castillo; ipinanganak noong Enero 18. Mother: Lynn Olivar Castillo. Father: Unknown.
“Father? Unkown?” paulit-ulit na sinabi ni Silas habang dahan-dahang humihinga. “Anong ibig sabihin nito?”
“Sa tingin ko, ibig sabihin nun ay maraming naging karelasyon ‘yung babae, kaya’t hindi niya alam kung sino ang tatay ng mga anak niya,” sagot ni Thomas.
Natahimik si Thomas, dahil nararamdaman niyang ang matalim na tingin ni Silas na parang isang patalim. Hindi siya madalas humaharap sa ganitong tensyon mula sa mga katulad ni Silas, pero ramdam niya ang bigat ng paligid.
“O baka naman, one-night stand ang nangyari,” dagdag ni Thomas, pero wala ni isang ngiti ang lumabas sa mukha ni Silas. “Baka hindi niya lang gustong sabihin kung sino ang tatay, kaya pinili niyang iwanang blangko ang pangalan.”
“Ayaw niyang ibunyag ang tatay,” paulit-ulit na sinabi ni Silas. “Lynn Olivar Castillo.”
Hindi ‘yun ang pangalan na inaasahan niya, pero...siguro, hindi lang ang pangalan ng tatay ang tinatago niya. Baka...
“Naniniwala akong may iba pang dahilan.”
“Nag-aaral ang mga bata sa Magsaysay, isang pampublikong paaralan sa Baguio. Sinundan namin sila, pati na ang mama nila,” sagot ni Thomas habang nagpapakita ng ilang larawan ng mga bata sa kanilang paaralan. Lahat ng larawan ay malinaw at maayos ang kondisyon ng paligid. “Ito ang kanilang mama.”
Inilapag ni Thomas ang mga larawan ng mga bata habang naglalakad sila sa kalye kasama ang isang babae. Biglang napatigil si Silas. Walang duda, siya nga iyon. Sampung taon na ang nakalipas, pero hindi pa rin kumukupas ang ganda niya. Makapal ang kanyang itim na buhok, at ang mga mata niyang kayumanggi ay kumikislap sa ngiti habang magkasama sila ng anak niyang babae, na kamukhang-kamukha niya.
Ang dalawang batang lalaki ay nasa magkabilang gilid ng kanilang kapatid na babae, minsan pa ay naglalakad nang paatras habang nakikipag-usap sa kanya. Pagdating sa gate, niyakap ng babae ang bawat isa sa kanyang mga anak, hinalikan sila sa noo bago sila pinapayagan na pumasok na. Kumaway sila sa kanya bago tinulungan ng dalawang batang lalaki ang kanilang kapatid na babae at dinala siya papasok sa paaralan.
Pinapanood sila ng mama nila mula sa kalye. Nang mawala na ang mga bata sa paningin, nawala ang ngiti ng babae, at napapalitan ng lungkot sa kanyang mukha. Ang mga sulok ng bibig niya ay may bakas ng mga taon ng hirap, at ang malaking jacket niya ay luma at kupas na. Ngunit ang mga bata ay may bagong damit na maganda ang fit. Maliwanag na sinakripisyo ng ina nila ang sarili niyang pangangailangan para lang magbigay ng pinakamainam para sa tatlong lumalaking bata.
“Nalaman mo ba kung saan sila nakatira?” tanong ni Silas habang nakatitig siya sa larawan ng babae.
“Sa isang paupahang bahay, sa Magsaysay Road… hindi ito ‘yung tipong nasa magandang kapitbahayan,” maingat na dagdag ni Thomas.
“At saan siya nagtatrabaho?”
“Isa siyang serbidora sa isang restawran.”
“Ano?” bulalas ni Silas na biglang napatingin kay Thomas na may gulat na ekspresyon sa kanyang mukha. Narinig niya lang ba ‘yun?
“Nagtatrabaho siya sa isang maliit na restawran,” paliwanag ni Thomas na kumuha ng ilang mga larawan.
Nag-atubili siyang tumingin kay Silas. Bawat larawan ay nagpapakita ng isang maliit na kainan na parang galing pa noong 1950s, nakatayo sa isang sulok ng isang madilim na kalye. Sa bawat isa, si Ava ay nakauniporme. Maalikabok na kulay-rosas, may puting pampitis at sapatos habang naglilingkod at naghihintay sa mga lamesa ng mga kostumer. Kahit nakangiti siya, halatang may mali. Walang buhay ang mga mata niya, hindi tulad ng liwanag na meron ang mga ito kapag kasama ang kanyang mga anak.
“Isang serbidora…” mahina’t halos di marinig na sabi ni Silas. Paano? Bakit? Sino ang nagtulak sa kanyang gawin ‘to? Dapat ay nasa entablado siya, pinupuno ang mga bulwagan ng musika at hindi nag-aayos ng mga kutsara’t tinidor.
Bumalik ang mata niya sa mga birth certificate. Enero a-disiotso. May espesyal ba sa petsang ‘yon na dapat ikagalit niya? Napahinto siya sa taon... sampung taon na ang nakalipas. Sampung taon…
“Kung ang isang bata ay ipinanganak ng Enero, kailan siya naglihi?” tanong niya, halos pabulong.
“Ang isang normal na pagbubuntis ay apatnapung linggo, o siyam na buwan,” sagot ni Thomas, handang-handa. “Pero ayon sa mga nabasa ko, mas maaga ipinapanganak ang mga multiples. Sa kaso ng triplets, walong buwan ang karaniwan.”
“Kung ganon… Mayo,” bulong ni Silas.
“Tama.”
Mayo...sampung taon na ang nakalipas...ngunit hindi ito maaaring...hindi kailanman… si Ava… Halos nanginginig si Silas sa galit. Nakasama lang niya ng isang gabi ang isang babae at iyon ay isang pagkakamali...maliban kung…
“Ang babaeng nasa silid ng hotel, sino ulit siya?”
“Tignan natin.” Binuksan ni Thomas ang isa pang folder. Mas manipis ito, at halatang mas luma ang mga dokumentong laman nito. “Natalie Lopez. Isa siyang empleyado sa hotel.”
“Empleyado..” Hinaplos ni Silas ang kanyang sentido. May kulang. Para itong palaisipan na hindi mabuo dahil may nawawalang piraso.
Pinagmasdan siya ni Thomas. Simula pa ng music competition, halatang hindi na matigil sa pag-iisip si Silas. Oo, malakas ang pagkakahawig ng mga batang lalaki sa kanya, pero hindi lang naman ‘yun ang basehan.
“Gusto kong makausap si Natalie. Hanapin mo siya.”
“Silas, sigurado ka bang gusto mong ungkatin pa ‘yan? Matagal na ‘yan. Lumang kwento na.”
“Hindi ko kailangan ng opinyon mo. Hanapin mo siya. At bantayan mo rin ang mga bata, pati ang ina nila. Gusto ko, bawat oras ay alam natin kung nasaan sila. Kung may mangyayari sa kanila…”
“Sige.” Tumango si Thomas, alam na niyang wala nang dapat itanong pa. Kinuha niya ang mga larawan at nagsimulang kumilos.
“Iwanan mo ‘yan,” sabay turo ni Silas sa folder.
Napabuntonghininga si Thomas, iniwan ang folder sa mesa, at umalis para gawin ang utos ni Silas.
Tahimik na naiwan si Silas, nakatitig sa mga litrato. Kinuha niya ang isa kung saan si Ava ay nakatayo sa harap ng paaralan. Tahimik ang ekspresyon sa mukha nito. Ito ang mukhang matagal nang naka-ukit sa isipan niya.
* * *
Si Avalynn Sy ang bunsong anak na babae ng karibal ng kanyang ama sa negosyo. Isang taon ang tanda niya sa kanya sa eskwelahan kaya halos wala silang naging ugnayan. Lalo na’t ang ate niya, si Marilynn, ay kilalang nakakainis, kaya wala talagang magandang tingin si Silas sa pamilya nila. Pero iba si Avalynn.
Una niya itong napansin sa All Local Schools Music Competition. Maliit pa ang event noon. Tahimik siyang umakyat sa entablado at halatang mahiyain pero pag nagsimula na siyang tumugtog, parang ibang tao na siya. Biglang may kumpiyansa, at parang hinihila niya ang lahat papasok sa mundong binubuo ng kanyang musika. Maamo ang mukha niya habang tumutugtog, parang lumilipad sa sariling mundo.
Nakaupo si Silas sa private booth ng kanilang pamilya katabi ang kanyang ina at pareho silang gulat na gulat. Simula noon, hindi na siya tinantanan ng dalaga sa isip niya. Gusto niyang makilala pa ito. Pero dahil magkaibang batch sila, hindi sila naging magkaklase. Hindi rin siya marunong sa musika kaya hindi naisipang sumali sa banda. Ang tanging pag-asa niya para makalapit dito ay sa mga school events at sayawan.
Pero palagi siyang nauunahan ng kanyang ama. Si Richard Uy ay laging abala sa pagbuo ng koneksyon at gustong ipakilala si Silas sa mga anak ng mga ka-negosyo. Kada sayawan, pinipilit siyang may isama na bagong ka-partner. Kahit ganun, si Silas ay palaging nakatingin lang kay Ava, sinusundan ng tingin habang gumagala ito sa paligid. Nahihiya siyang lumapit.
Tahimik si Avalynn. Malayo sa ate niyang palaban at laging nasa gitna ng atensyon. Wala rin siyang kumpiyansa sa mga social events pero iyon mismong pagiging lowkey niya ang nakakatawag ng pansin. Hindi niya ipinagmamayabang ang apelyido nila. Nahihiya pa nga siyang gamitin ito. Kahit kaunting makeup lang ang suot, siya pa rin ang pinakagandang babae sa buong silid, at nakakapagtaka para kay Silas na tila siya lang ang nakakakita nito. Wala pang nagtangkang yayain itong sumayaw, kaya ligtas si Silas mula sa sakit na makitang kasama niya ang ibang lalaki.
Habang lumilipas ang mga taon, ang kanyang pag-aalangan na lumapit kay Ava ay nagpatuloy at ang pagkakataong makipag-usap sa kanya ay naglaho sa sandaling siya ay nakapagtapos. Nang siya ay tumuntong sa kolehiyo ay naiwan ito ngunit hindi pa rin niya ito nakakalimutan. Nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan, kaibigan na mahilig mag-party, uminom, at matulog sa kung saan-saan. Wala sa mga aktibidad na iyon ang nagustuhan niya. Sa kanyang isip ay tahimik niyang pinaplano kung paano makakalapit kay Ava sa sandaling magkita ulit sila.
Isang beses, tinawagan siya ng mga kaibigan niya para dumalo sa isang party na hindi naman ganoon kaganda, pero hindi siya naglaan ng pansin dito. Pagkatapos ng kanilang unang taon, lahat sila ay dumating sa Maynila para magdiwang at mag-relax. Sa kabila ng kanilang patuloy na pangungulit, sa wakas ay pumayag siyang lumabas at uminom kasama sila para lang matahimik na sila, pero hindi niya alam kung ano ang plano nila sa kanya. Hinaluan nila ng gamot ang inumin niya, at nang sigurado na silang umepekto ang gamot sa kanya, dinala siya ng mga ito sa kanyang hotel room at iniwan kasama ang isang babae. At nangyari ang hindi dapat mangyari.
Nang magising si Silas, sumasakit ang kanyang ulo, tuyo ang kanyang lalamunan, at siya ay hubad. Kinakabahan na umupo siya at sinubukang alalahanin ang nangyari, pero parang lahat ng alaala ay nalubog sa isang makapal na ulap. Nang tumingin siya sa paligid, nakita niya ang isang hubad na babae sa kama at mabilis niyang napagtantokung anong nangyari. Galit na galit siya.
Habang nag-iinit ang ulo niya, pumunta siya sa banyo upang maghugas at alisin ang amoy sa kanyang katawan. Nagbihis siya at nang balak na niyang iwan ang babae sa kama, nagising ito. Umupo ito, hawak ang ulo, parang nahihirapan mula sa hangover, pero si Silas ay wala nang pakialam pa.
“Hindi ko alam kung magkano ang ibinayad nila sa’yo pero itong ibibigay ko ay sobra pa para manatiling tikom ang bibig mo. Kung susubukan mong makipag-ugnayan sa akin... kung makakarinig ako ng isang salita tungkol dito mula sa sinuman… ito na ang huling bagay na maririnig ng sinuman mula sa’yo."
Nanigas ang babae at tumahimik agad, yumuko, at tinakpan ang sarili ng kumot, isang pagtatangka na magmukhang mahinhin. Ang makapal na alon ng kanyang itim na buhok ay tumatakip sa kanyang mukha, pero ayaw ni Silas na makilala ito, o alalahanin pa. Inihagis niya ang isang tseke sa babae habang galit na galit siyang nakatingin dito, at dali-daling umalis sa kuwarto. Hindi na niya inisip kung anong nangyari pagkatapos noon. Bakit pa niya pakikialaman ang buhay ng isang babae na gustong ibenta ang katawan niya para sa isang murang halaga?
Pero paano kung si Ava ang babaeng iyon? Bakit siya papayag sa ganoong sitwasyon? Nasaksakan din ba ito ng droga katulad niya? Pinilit din ba siya?
Nang mapagtanto niya ang lahat, kinilabutan siya mula ulo hanggang paa, sa pag-iisip na baka ganun nga ang nangyari kay Ava. Paano kaya siya nagising pagkatapos ng lahat? Kung siya nga iyon... hindi magdadalawang-isip si Silas na hanapin ang mga salarin at parusahan sila.
Kailangan niyang malaman ang katotohanan kung si Ava nga ang nasa silid... sa isip-isip ni Silas habang hawak ang larawan ni Ava at ng mga bata..
Kung si Ava nga iyon, kailangang makahanap siya ng paraan para makapasok siya sa buhay nito at ng mga bata.
“Ava… bakit?”