Chapter 3

3106 Words
Napabuntonghininga si Silas habang nakatitig sa nakalaang upuan para sa kanya. Ni hindi na siya interesado kung may mga taong nakatingin o sumusubok abalahin siya. Sanay na siyang pagtuunan ng pansin saan man siya magpunta. Lalo na ng mga taong pilit na kinukuha ang loob niya na may mga ngiting may halong agenda.   Ngayong gabi, magsisimula ang All Local Schools Music Competition. Nagsimula ito bilang simpleng event. Isang charity project at open stage para sa mga estudyanteng gustong magpakitang-gilas sa musika, mula public hanggang private schools. May mga tropeyo, scholarship, at cash prize din para sa mga mananalo para sa estudyante at sa school music program nila.   Pero habang tumatagal, naging mas eksklusibo na ang labanan. Ngayon, iilan na lang ang public schools na sumasali, karamihan ay private na may sariling music departments at mga koneksyon. At bukod sa scholarship, ang pinakaaabangan ay ang automatic slot sa All City Music Festival sa susunod na summer. Para sa mga kabataang musikero, iyon ang isa sa kanilang mga pangarap.   Alam ni Silas kung kailan niya kailangang maging businessman at kung kailan siya pwedeng maging patron. Binabalanse niya ‘yon. Donasyon dito, investment doon. Kaya rin siya pumayag sa hiling ni Winston na i-sponsor ang bagong hospital wing. At kaya siya nandito ngayon ay hindi lang dahil sa negosyo. May personal na dahilan din.   Hindi siya pumapalya sa mga big events tulad nito: competitions, recitals, galas. Para sa iba, gusto lang niyang magpakitang-tao. Pero sa totoo lang, hinahanap niya… well, may hinahanap siya. Hindi para mag-recruit ng talento. Hindi para magpa-impress. Gusto niyang mag-relax, magbalik-tanaw… at oo, baka sakaling makita niya ang taong matagal na niyang gustong makita.   Kaya hindi na siya nagugulat kapag may mga magulang na todo-tulak sa anak nila para mapansin niya. Alam niyang marami ang umaasang makakuha ng pabor niya para scholarship at para sa future connection. Hindi niya masisisi ang mga ito. Magagaling naman talaga ang ibang bata. Pero hindi iyon ang habol ni Silas.   “May iniisip ka ba?” tanong ni Thomas na laging handang tumulong kapag may kailangan siya. Kahit pa magkaibigan sila, malinaw rito ang linya: boss pa rin siya ni Thomas.   Tumingin si Silas sa kaibigan, saka bahagyang ngumiti. “’Yung batang nakita natin last time… parang may iniwang tanong sa akin. Parang puzzle.”   Ginising ni Silas ang kanyang isipan na bumalik sa kakaiba at matapang na batang babae mula sa ospital ng mga bata. Hindi maikakaila na madalas niyang iniisip ang mga kakaibang sandaling iyon.Ang bata kasi ay bibo, matalino, at hindi natatakot na sabihin ang nasa kanyang isipan na walang pag-aalinlangan kahit pa sa isang estranghero.    Ngunit ang kanyang kulay kayumanggi na mga mata ay sadyang binabagabag siya. Parang ipinapaalala nito ang isang bagay na mahalaga sa kanya. Kung hindi lang istorbo ang direktor, malamang ay naalala na ni Silas ang nagpatayo ng kanyang balahibo kung binigyan siya nito ng konting oras upang makapag-isip. Kahit na ngayon, ang kanyang mga saloobin ay mas lalong nagpapalalim sa kanyang iniisip..   “Wala ito,” sa wakas ay tugon si Silas. “Mag-enjoy lang tayo ngayong gabi.”   “Okay sa akin iyan,” pagsang-ayon naman ni Thomas ngunit hindi niya maiwasang bigyan ng nag-aalala na tingin ang kaibigan.   Magta-trenta na si Silas Uy, at sa edad na ’yon, naabot na niya ang tagumpay at pribilehiyong ni hindi pa naaamoy ng karamihan kahit doble pa ang edad sa kanya. Pero kahit gaano pa karami ang pera o kapangyarihang hawak niya, hindi naman siya naging masaya.   Hindi pera ang habol ni Silas. Hindi rin kapangyarihan. Ang totoo, ang tanging gusto o mas tamang sabihin na ang tunay na kailangan niya ay simpleng bagay na hindi niya kailanman nasabi nang malakas: isang pamilya. Isang asawa. Mga anak. Isang tahanan na kanya talaga.   Mula pa noong high school, habulin na talaga si Silas. Maraming babae ang nagkakagusto sa kanya. Iyong iba, diretsahan niyang tinanggihan at ‘yung iba naman, kinaaliwan niya sandali pero hindi niya sineryoso. Wala talagang nakaabot sa puso niya. Kasi sa totoo lang, para lang talaga 'yon sa iisang babae.   Ang pangalan ng babaeng ’yon, para bang nakaukit na sa mismong kaluluwa ni Silas. Pero kahit kailan, hindi niya kayang banggitin ito nang malakas. Kahit si Thomas, halatang iniiwasang banggitin ang pangalan nito. Sa kabila ng pagkahumaling niya, nananatiling isang lihim na pangarap lang ang lahat. Malabo, malayo, at hindi niya abot.   Biglang humina ang mga ilaw. Tumigil sila sa usapan nang marinig ang host na lumabas sa entablado.   “Hello, everyone! Maligayang pagdating sa ika-48 na taunang Baguio Music Competition! Mayroon tayong mahigit isandaang kalahok mula sa 30 paaralan ngayong taon, kaya’t magsiupo na at mag-enjoy! Para simulan ang gabi, narito na ang Northridge Academy!”   Maayos na pumalakpak ang audience habang umaakyat sa stage ang dalawang batang lalaki at isang batang babae. Inayos nila ang mga instrumento nila at musika, at pagkatapos ng ilang minuto ay nagsimula na silang tumugtog.   Pagkatapos ng performance, muling nagpalakpakan ang mga tao. Bumaba ang mga bata para samahan ang kanilang pamilya sa audience. Sa stage naman, sinimulan na agad ang pag-aayos para sa susunod na set. Ganito lang ang ikot ng gabi. May ibang paaralan na solo performer lang ang pinadala, at may iba naman na buong banda pa. Dahil walang limitasyon ang competition, 'yung mga eskwelahang may budget, nagpresenta talaga ng malalaking grupo para mas bongga ang dating ng kanilang palabas.   Si Silas? Tahimik lang na nakaupo’t nanonood. Wala naman talaga siyang hilig sa music o arts, at sa totoo lang, hindi rin gano’n ka-impressive ang mga performance para sa panlasa niya. Pero andito siya hindi para sa musika. Andito siya dahil sa isang kutob, isang pangitain na baka, baka ngayong gabi, makita na niya ang matagal na niyang hinahanap.   ‘Di rin nakakagulat na ang Small World, ang school kung saan siya grumadweyt, ay nagpakitang-gilas at nagpadala ng buong orkestra. Pero si Silas? Balewala lang iyon sa kanya. Walang dating sa kanya ang performance ng mga anak ng dati niyang mga kaklase.   “Sa tingin ko, pagod na ako,” sabi niya, sabay buntong-hininga. May final performance pa sana at announcement ng winners pagkatapos, pero hindi na niya hihintayin 'yon. Gaya ng nakasanayan, aalis siya agad. Ayaw niya kasi sa eksenang may mga magulang na todo puri sa anak nila habang sinusubukang mapalapit sa kanya.   “At ngayon, ang huling kalahok ngayong gabi... mula sa Magsaysay Elementary School, Miss Alexis Castillo!”   “Ha? Seryoso?” natatawang bulong ni Thomas. “Bakit ba nila ginagawang finale ang mga ganito?”   Karamihan sa audience, halatang ‘di na interesado. ‘Yung iba pa nga, papalabas na. Pero napatigil sila nang lumitaw sa entablado ang isang batang babae. Suot niya’y simpleng itim na dress na may striped sleeves. Sa kamay niya, may hawak siyang baston na ginagamit niya para kapain ang harap habang naglalakad.   “Galingan mo, Lexi!”   “Go, Lexi!”   Sigawan mula sa isang bahagi ng audience. Proud na proud ang mga kakilala ng batang bulag na confident na tinahak ang entablado, diretso sa harap ng piano.   Pagdating sa harap, pinatong niya ang baston sa bangko, tapos dahan-dahan siyang umupo. Maingat niyang itinabi ang baston sa ibabaw ng piano at saka inayos ang sarili.   Natahimik ang buong hall. Lahat ay nakatutok sa batang babae. Dahan-dahan, tinipa niya ang mga keys at inaayos ang posisyon niya. Huminga siya nang malalim...   At nagsimula na siyang tumugtog.   Nang lumitaw na ang batang babae sa entablado, agad siyang nakilala nina Silas at Thomas. Tumingin si Thomas sa kanyang kaibigan ngunit si Silas ay halos nakanganga na nakatuon ang mga mata sa batang babae. Bakit siya nandito? Ano ang ibig sabihin nito? Pagkatapos ay nagsimula na itong tumugtog.   Agad niyang nakilala ang himig ng Beethoven's Für Elise, kahit na ang ilan ay hindi alam ang pangalan nito. Sa katunayan, lima sa iba pang mga kakumpitensya ay nagtanghal din gamit ang tugtog na ito, ngunit naiiba ang ang batang babae sa mga ito. Wala siyang kopya ng musika habang tumutugtog siya. Memoryado niya ang musika na kanyang tinutugtog habang siya ay nagtatanghal.   Nandoon pa rin ang orihinal na himig, pero dinagdagan niya ito ng sariling istilo na mas makulay, mas malalim, at mas personal. Iba-iba ang ginamit niyang octaves at mas pinalawak pa ang melodya para maging mas komplikado pero mas buhay. Nag-iba rin ang daloy ng kanyang tugtugin. Parang may mahinhin pero tapat na pahayag ng pagmamahal at tuwang nadarama niya para sa musika. Hanggang sa unti-unting lumakas ang lahat, umabot sa isang napakagandang crescendo na ramdam ng bawat isa sa audience.   Si Silas mismo, na halos nakaupo na sa dulo ng kanyang upuan, ay para bang nahipnotismo ng musika. Sa unang pagkakataon, nakarinig siya ng ganitong klaseng tugtog. Hindi lang magaling, kundi may puso. At ang higit na nakakagulat, ang tumutugtog ay isang batang babae. Isang bulag na batang babae. Ang buhok nito'y makapal at itm na itim, at ang mga mata ay maliwanag at kumikislap na kayumanggi. Habang pinakikinggan niya ito, para siyang dinala sa isang alaala. Ang istilo ng pagtugtog ng bata ay pamilyar... parang kaparehong-kapareho ng isang taong matagal nang nasa isipan niya.   Ang itsura rin nito, maliban sa tuwid ang buhok, halos eksaktong tugma. Parang nanonood siya ng reflection mula sa nakaraan. Pero… imposible. Maliban na lang kung…   Napakapit si Silas sa dibdib niya nang bigla itong sumakit. Hindi… hindi puwede. Kahit ano, huwag lang ‘yon.   Unti-unting bumagal ang musika. Nag-relax ang bata, umupo nang diretso habang tinatapos ang tugtog. Inalis niya ang kaliwang kamay niya sa mga keys at malumanay na tinapos gamit ang kanan, paulit-ulit na pinindot ang mga parehong nota mula sa simula na parang nagpaalam… parang may tanong na iniwan sa hangin.   Kalmado siyang kinuha ang kanyang baston at marahang tumayo. Tumungo siya nang bahagya bilang pasasalamat sa audience, pagkatapos ay humarap pabalik sa direksyong pinanggalingan at dahan-dahang naglakad paalis.   Ilang sandali, tahimik lang ang buong auditorium. Parang ang lahat ay hindi makapaniwala sa nasaksihan. Hanggang sa isang boses mula sa madilim na bahagi ng venue ang sumigaw, sinabayan ng matinis na sipol:   “Yes, Lexi!”   “Whoop! Whoop! Whoop!”   Ang karamihan ng mga taong nanonood ay tumayo sa kanilang mga upuan at sabay-sabay na nagpalakpakan ang madla. Tahimik na lumabas sa entablado ang batang babae pero hindi ito huminto ngunit nagbigay siya ng isang malawak na ngiti.   “Umm...Boss? Silas?”   “Ang batang babae. Hanapin mo siya. Dalhin mo siya rito.”   “Paano? Ibig kong sabihin, baka hindi niya ako makilala.”   “Wala akong pakialam kung paano! Dalhin mo siya rito!” mariing utos ni Silas.   “Sige,” tumalikod si Thomas at agad na umalis sa kanilang upuan.   Pagdating ni Thomas sa entrance, sinalubong siya ng dagsa ng mga kalahok at magulang na abala sa pakikihalubilo at pag-aasikaso sa kanilang mga anak. Hindi tulad ni Silas, hindi siya kilala kaya nakalakad siya nang walang abala. Sinubukan niyang hanapin ang batang babae sa gitna ng napakaraming tao, pero paano? Isa lang siyang estranghero sa dagat ng mga mukha, at ni hindi pa nga niya alam kung ano ang sasabihin kung sakaling matagpuan niya ito.   “Hey, Lexi!”   “Dito, sis!”   Napatigil si Thomas at agad na tinunton ng tingin ang pinagmulan ng boses. Sa isang medyo tahimik na sulok, nakita niya ang dalawang batang lalaki na magkamukhang-magkamukha mula ulo hanggang paa. Parehong may itim na buhok at kulay abong mata, isang bihirang kombinasyon. Suot nila ang simpleng puting sando, itim na slacks, at tennis shoes. Medyo hindi bagay sa pormal na okasyon pero tila wala silang pakialam. Ang kanilang buhok ay bahagyang mahaba, bumabagsak sa kanilang noo, pero hindi rin iyon naging sagabal sa kanila.   Napako si Thomas sa kinatatayuan niya. Ang mga batang ito… parang pamilyar. Masyadong kahawig ng isang taong kilala niya noon pa. Parang bumalik siya sa nakaraan. Napakunot-noo siya at agad na dinukot ang telepono upang palihim silang kunan ng litrato.   “Napakahina n’yo talaga!” Isang pamilyar na boses ang pumukaw sa atensyon ni Thomas. At nang lumingon siya, naroon na si Alexis kasama ang dalawang batang lalaki.   “Narinig mo ba kaming nagpalakpakan?” tanong ng isa sa mga bata.   “Siyempre naman! Rinig na rinig kayo sa buong Baguio,” natatawang sagot ni Alexis habang niyayakap siya ng dalawa. “Ano sa tingin mo, Tita Tracy? Magaling ba ako?”   “Sweetie, parang ikaw ang nanay mo. Sobrang galing mo,” sagot ng isang babaeng blonde.   “Siguradong magiging proud siya! Sayang lang at kailangan niyang magtrabaho ngayong gabi.”   “Ayos lang,” sagot ni Alexis, bahagyang napabuntonghininga. “Sa tingin ko, hindi rin niya magugustuhan ang maraming tao dito. At alam naman ninyo ang sinasabi niya tungkol sa musika… hindi raw nito mapupuno ang mesa namin ng pagkain.”   Ngumiti ang kanyang tiyahin. “Hindi siya ganyan dati, kung alam mo lang… Kaya ba itinago mo sa kanya kung saan tayo pupunta ngayong gabi?”   Napakamot si Alexis. “Actually, ideya ito ni Miss Reyes. Sinubukan niyang makakuha ng pondo para sa music program ng school. Kaya ginaya ni Sean ang pirma ni Mama sa permission slip.”   “Ito ang sikreto natin,” dagdag ng isa sa mga bata.   Tumawa si Tracy. “Bilang isang abogado, nangangako akong hindi ko ito ipagkakalat. Isa itong client confidentiality. Pero kung malaman ‘to ng mama n’yo… lagot ako.”   “Kaya’t siguraduhin nating hindi niya malalaman.” Inilabas ni Alexis ang kanyang hinliliit, na agad namang sinalubong ng kanyang mga kapatid at tiyahin. “Walang magsasalita tungkol ng gabing ito… kahit kailan.”   “Pinkie promise,” sabay-sabay nilang sinabi.   “Gutom ka na?” tanong ni Tracy.   “Hindi po para sa kahit anong pagkain dito,” sagot ni Alexis. “Umalis na po tayo. Ang hirap kumilos dito nang hindi nadadawit sa intriga.”   “Sige, alis na tayo,” sang-ayon ni Tracy.   Hinawakan ng magkabilang kamay ng kanyang mga kapatid si Alexis. Si Sean sa kaliwa at si Theo sa kanan. Sanay na sila rito mula pa noong bata pa sila. Dahil nasa gitna siya, hindi na niya kailangan ang kanyang baston. Alam niyang hinding-hindi siya pababayaan ng kanyang mga kapatid.   Kasama si Tracy, naglakad silang pabalik sa auditorium, walang kaalam-alam na may isang pares ng matang lihim na sumusubaybay at kumukuha ng kanilang litrato.   Bumalik si Thomas sa sabik na naghihintay na si Silas. Halos mapatalon si Silas mula sa upuan niya nang makita siya nito.   “Nasaan siya?” agad niyang tanong.   Umiling si Thomas, bahagyang nabibigo. “May mga taong lumapit agad sa kanya. Hindi ako makasingit.”   “Naghihintay na mga tao? Sino?”   “Mga kapatid niya. At... sa tingin ko, ang tiyahin niya.”   “Tiyahin? Hindi ang mama niya?”   “Hindi. Kumuha ako ng litrato.”   Inilabas ni Thomas ang kanyang cellphone, binuksan ang gallery, at iniabot ito kay Silas. Tinitigan ni Silas ang unang larawan. Ang larawan ng dalawang batang lalaki.   Itim ang buhok. Kulay abo ang mga mata. Pareho ang hugis ng ilong, ang dalisdis ng panga, at ang ekspresyon ng mukha. Parang tinitingnan niya ang sariling kabataan sa salamin.   Humugot siya ng malalim na buntong-hininga. Ang pagkakahawig ay sobra sa inaasahan niya. Hindi niya kailangan ng DNA test para malaman ang totoo.   “Sinabi ng direktor na triplets sila. At sinabi ng batang babae, sampung taong gulang siya,” dagdag ni Thomas. “Hindi ito karaniwan. Lalo na’t dalawang identical na lalaki at isang kapatid na babae.”   Nanatiling tahimik si Silas habang pinagmamasdan ang mga larawan. Nakunan doon ang sandaling binati at niyakap ng mga lalaki ang kapatid nila. Halata na may matibay na ugnayan ang magkakapatid.   Pagkatapos, napako ang tingin niya sa isang babaeng blonde.   “Sino ’to?” tanong niya.   “Tiyahin nila. Tinawag siyang Tita Tracy ng mga bata,” sagot ni Thomas.   “Tracy...” ulit ni Silas, parang sinusubukang ilabas mula sa kailaliman ng alaala ang isang koneksyon.   “Sa tingin ko, abogado siya,” dagdag pa ni Thomas.   “Abogado?”   “Oo, nabanggit niya kanina, 'client confidentiality' raw. Tingin ko totoo ang sinabi niya.”   “Abogado... Tracy...” bulong ni Silas. May kung anong kakaibang kabog sa dibdib niya, pero nananatiling blangko ang koneksyon sa isip niya.   Biglang namatay ang ilaw. Bumalik ang lahat ng atensyon sa entablado. Lumitaw ang host at tinapik ang mikropono.   “Ngayon, dumating na tayo sa pinakahihintay na bahagi ng ating gabi. Ang third place ay mapupunta sa…”   Hindi na nakikinig si Silas. Ang atensyon niya ay nasa mga larawan sa telepono ni Thomas. Paulit-ulit niyang tinitigan ang mga bata.   Paano? Paano ito posible? Maliban kung… hindi… imposible…   “At ngayong gabi, ang grand prize ay mapupunta sa Small World Pep Band!”   Napatingin si Silas nang marinig ang pangalan ng eskwelahang pinagtapusan niya. Manhid ang kanyang isip, pero alam niyang may mali sa anunsyong iyon. Paano sila nanalo, gayong napakahusay ng performance ni Alexis? At hindi lang siya ang nalilito. Pati ang karamihan sa mga tao ay parang may alinlangan habang pumapalakpak.   “Paanong nagwagi ang may pinakamaraming tao sa entablado?” bulong ni Thomas. Kita rin sa kanya ang pagdududa. At hindi lang sila ang nagtataka. Maraming hindi kumbinsido sa ginawang anunsiyo.     *  *  *     “Boo! Boo!”   “Bakit hindi ninyo tignan ulit kung sino talaga ang nanalo?!”   “Tama! Tanungin ninyo ang mga hurado!”   “Bingi ba sila o pipi lang?”   “Yo! Ang mga hurado, nabayaran!”   “Boo!”   “Sean, Theo,” sinubukan ni Tracy na patahimikin ang mga batang lalaki.   “Halina, kayong dalawa.”   “Pero tita, pandaraya ‘to!” giit ni Theo. “Si Lexi, siya na ang pinakamagaling, ‘di ba, sis?”   “Ayos lang,” sabi ni Alexis, habang iniikot ang mga mata. “Alam naman natin na malaki ang pag-asa ko.” Tumayo siya at hinila ang mga kapatid. “Halika na, samahan natin ang mga tao dito.”   Hindi pa rin kampante ang mga batang lalaki, pero tumayo na sila at tinulungan ang kapatid na makaalis ng upuan at bumaba. Mabuti na lang at malapit lang sila sa exit. Iniwan nila ang auditorium na puno ng bulung-bulungan at tsismis. Hindi nila maiwasang mapansin na may nangyaring hindi tama, isang pandaraya. Alam man nila ito o hindi, ang triplets ay nag-iwan ng malalim na marka, at nagsimula ang isang malaking galit na magpapabagsak sa direktor ng kompetisyon.   Hindi ito ganun kaimportante para sa triplets, pero ang tanong na naiwan sa utak ni Silas, habang tinitingnan ang kaibigan, ay malinaw: “Gusto ko malaman ang lahat tungkol sa tatlo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD