“Ba-bye,” paalam ni Gretchen habang papunta sila sa pintuan. “Mag-ingat sa pag-uwi. Kung sobrang lamig, maaari ko kayong ihatid.”
Ngayon ay alas otso y medya na ng gabi at ang kainan ay bukas pa rin ng tatlo pang oras at natapos na ni Ava ang oras ng kanyang trabaho. Ngayon na natapos na ang dinner rush ay tahimik na ang natitirang oras ng gabi lalo na sa mga susunod na buwan at ito ay ang kanilang pinaka-mahinang benta.
“Sa tingin ko, magiging maayos ang lahat ngayong gabi,” sagot ni Lynn, kumpiyansa ang tono.
“Bye, Lola Gretchen!” masayang paalam ng triplets na kumaway bago lumabas sa malamig na gabi.
“Magkita po tayo ulit bukas,” paalam ni Lynn bago sumunod sa mga kanyang mga anak.
Naglakad sina Sean at Theo sa magkabilang panig ni Alexis na nakahawak ang parehong braso sa dalawa habang ang kanilang ina naman ay nasa kanilang likuran. Ilang bloke lang ang layo upang makauwi sa kanilang bahay. Halos apatnapung minuto ang layo, ngunit ito ay mas maikli at mas direkta kaysa sa pagsakay sa paradahan dahil iba ang daan nito.
Habang naglalakad sila ay tinapik ni Sean ang braso ng kanyang kapatid na babae na parang isang mensahe na naipasa niya kay Theo sa kabilang panig, “Sinusundan tayo. Itim na SUV. Huwag ninyong masyadong pansinin.”
“Hindi ako nagbibiro. Para itong isang namamagang hinlalaki.” Pinilit ni Theo na huwag tumawa. Hindi magandang ideya na mag-alala ang kanilang mama kapag napansin sila nito.
“Ano ba talaga ang ginagawa nila?” tanong ni Alexis na nais na malaman ang kanilang mga ginagawa at mga pattern.
“Umaandar ang sasakyan nila at titigil kapag kalahating bloke o higit pa ang distansya sa atin. Magpa-park at maghihintay sa atin na makalagpas at pagkatapos ay umaandar muli.”
“Sige. Sa susunod na malagpasan natin ang SUV, Theo, puntahan mo si Mama at kausapin mo siya. Tignan mo kung sino ang nasa sasakyan. Siguraduhin mong makukuha mo ang plaka ng sasakyan.”
Medyo nakakainis na umasa sa kanila ng hindi nakakaambag ngunit wala siyang magagawa. Pinakawalan ni Theo ang kanyang braso at pinuntahan ang kanilang ina. Naglakad siya pabalik habang nasa bangketa.
“Ma, pupunta kami sa Manila Ocean Park ngayong Biyernes. Ano ang iyong paboritong hayop doon?”
“Ano nga ba…hmmm,” makalipas ang ilang saglit na pag-iisip, nakangiting tumugon si Ava. “Sa palagay ko, mga penguin.”
“Penguin? Dahil cute sila?”
“Oo, sila ay sadyang napaka-cute na naglalakad sa paligid suot ang kanilang maliit na tuxedos. Ngunit ‘monogamous’ din sila. Bihirang-bihira iyon ay pagdating sa mga hayop.”
“Akala ko ang mga hayop ay nagpapares sa lahat ng oras.”
“Oh, maaari na ganun sila pero sa isang panahon lamang. Sa susunod, maaari silang pumili ng ibang kasama at kapag nagpares sila ay para lamang makipagtalik. Karamihan sa mga lalaki ay hindi tumutulong sa pag-aalaga ng kanilang mga anak.”
“Kaya't ang mundo ng hayop ay puno ng mga walang kwentang ama,” singit ni Theo.
“Ngunit iba ang mga penguin. Nananatili silang kasama ng kanilang at pinapalaki ang kanilang mga anak para sa susunod na taon ay manatili silang magkakasama.”
“Ayos pala.” Tumango si Theo na parang nasiyahan at lumingon. Pagkatapos ay bumalik suya sa kanyang mga kapatid at bumulong.
“Hindi ko nakilala ang drayber ngunit ang kasama niya ay iyong nasa kainan kanina.”
“Ano ang gusto nila kay Mama?” nagmamaktol na tanong ni Sean.
Pinag-iisipan ni Alexis ang nangyayari, “Pagmasdan lamang ninyo ang mga ito sa ngayon. Sa bahay na lang natin ito pag-usapan.”
Pinag-usapan na nila ang mga nangyari sa araw na ‘yon, pati na rin sa klase, habang naglalakad pauwi. Alam nila kung gaano kagusto ni Mama na marinig ang mga kwento nila. Kalaunan, umatras si Alexis para maglakad sa tabi ng kanilang mama. Niyakap siya ni Lynn nang walang kamalay-malay, habang patuloy namang nagmamasid at nagbabantay ang kanyang mga anak.
Dalawa pala ang SUV na sumusunod sa kanila. Halos kalahati pa lang ng distansya mula sa pinanggalingan nila hanggang bahay, nagpalit ng puwesto ang mga sasakyan pero pareho pa rin ang pattern. Nakuha na ng dalawang batang lalaki ang plaka ng mga sasakyan, at namukhaan na rin ang mga lalaking sakay nito. Alam nilang pag-uusapan nila ito pagdating sa bahay.
Pagkauwi nila sa luma at komplikadong apartment na inuupahan nila, tuwang-tuwa ang triplets na nakaalis na rin sa kalye. Kinolekta ni Theo ang mga sulat at sabay-sabay silang umakyat. Kahit may elevator ang gusali, matagal na itong hindi gumagana. Mahigit sampung taon na mula nang lumipat sila roon.
Napabuntonghininga si Lynn nang sa wakas ay marating nila ang kanilang unit sa ika-limang palapag. Pagkahatid niya sa mga bata sa loob, agad niyang isinara ang pinto at ini-lock pati ang dalawa pang dagdag na kandado. Saka lang niya inalis ang suot na amerikana. Sumasakit na ang kanyang mga paa at giniginaw siya dahil sa paglalakad, pero ngumiti siya at tiniis na lang. Lumalaki na ang mga batang lalaki, parang mga damong mabilis tumubo, at kakailanganin na nila ng panibagong mga jacket sa susunod na taon. Uunahin muna niya ang mga pangangailangan ng mga anak bago ang sa sarili.
“Maliligo lang ako.”
“Sige po, Mama.”
“Sige po!”
Pagkahubad ng kanyang sapatos, nagtungo si Ava sa banyo. Bago pa man magbihis ay lumapit sina Sean at Theo sa mga bintana upang sumilip sa pagitan ng mga blinds. Ang kanilang inuupahan na bahay ay nasa sulok kaya kita nila ang dalawang kalye.
“Nandoon pa sila,” saad ni Theo. “Ang isang SUV ay nasa sulok.”
“Isa lang?” tanong ni Alexis.
“Parang nga. Ang isa ay maaaring nasa kabilang panig o baka salitan silang nagmamasid kay Mama.”
Iniisip ni Alexis iyon, “Siguro sa gabi. Ngunit sa palagay ko hindi para kay Mama ang dalawang SUV.”
“Ano ang sinasabi mo?”
“Sa palagay ko ang isa pa ay para sa atin at dahil lahat tayo ay nandito na sa bahay ngayong gabi, walang dahilan upang dalawang grupo ang magbantay sa atin.”
“Mukhang overkill para sa isang tao,” komento ni Sean.
“Paano mo nasabing pati tayo binabantayan nila?”
“Kutob ko lang iyon.”
“Ngunit bakit nga?”
“Malalaman natin na sa sandaling makilala natin kung sino ang nagmamay-ari ng mga sasakyan. Hindi ba, Sean?”
“Tama!” Kinuha niya ang tablet mula sa kanyang bag.
Pinuwesto niya ito sa lamesa at kumonekta siya sa WiFi ng kapitbahay at itinayo ang kanyang network upang itago ang kanyang IP bago pumunta sa kanyang patutunguhan, ang DMV. Kinuha ni Theo ang isang inumin mula sa refrigerator bago umupo sa sopa sa tabi ng kanyang kapatid. Si Alexis ay nakaupo ng nakakrus ang mga binti sa upuan na naghihintay ng mga resulta. Wala sa kanila ang nagtanong kung ano ang ginagawa niya dahil hindi rin naman nila alam ang ginagawa ng kanilang kapatid.
“Nakuha mo ba ang modelo?” tanong ni Sean. Ang lahat ng mga sasakyan ay mukhang pareho sa kanya.
“Ford Escape. Marahil 2010 o higit pa,” agad na sagot ni Theo. “Nagdududa ako kung bago ang modelo ngunit tiyak ako na hindi ito mas mataas na modelo kaysa sa alinman.”
“Ano ang plaka ng sasakyan?”
“PR…1834.”
“At ang pangalawa?”
“PR…1211.”
Nagsalubong ang kilay ni Sean habang nakatitig siya sa maliit na screen.
“Hindi mo ba mahanap ang mga ito?” tanong ni Theo.
“Hindi. Nakuha ko na. Ngunit ang mga ito ay pag-aari ng parehong kumpanya.”
“Mga kotse ng iisang kumpanya? Hindi iyon nakakagulat,” tugon ni Theo na nagkibit-balikat.
“Sino ang nagmamay-ari sa kanila?” tanong ni Alexis.
“Uy Industries!”
“Parang grupo ng mga tulisan.”
“Ito ang kumpanya ng ating ama, Theo,” saad ni Alexis.
“Oh...kaya tama ako.” Tumawa si Theo.
“Kailan mo ito nalaman?” Tumingin si Sean sa kanyang kapatid na siyang pinakamabilis na mag-isip sa kanilang tatlo.
“Yung music competition,” sabi ni Alexis matapos ang ilang sandali. “May mga dumalong grupo mula sa alta sosyedad, kaya posible na nandoon si Papa… o si Lolo. Wala naman ibang may dahilan para sundan tayo o si Mama.”
Mula pa noon, hindi na nila maalala kung kailan huling nagkwento si Mama tungkol sa kanilang ama at ni minsan, hindi rin sila nagtangkang magtanong. Ang kanilang Mama ay hindi rin gano’n kaingat sa mga sinasabi nito, lalo na sa tuwing akala nito ay tulog na silang tatlo. Ilang beses na rin, siya at si Tita Tracy ay magdamag nag-uusap sa kusina, nakaupo lang sa mesa, tila pinapakinggan ang tahimik na gabi. Kadalasan, ang mahinang paghikbi ng kanilang Mama ang gumigising sa isa o sa kanilang magkakapatid. Sa mga usapang iyon nila nakuha ang pira-pirasong katotohanan tungkol sa kanilang mga magulang.
Ang tunay na pangalan ng kanilang Mama ay Avalynn Sy. Isa siya sa dalawang tagapagmana ng Sy Enterprises. Dapat sana’y komportable ang buhay niya, pero tinurukan siya ng droga ng sarili niyang kapatid para sirain ang reputasyon niya. Dahil doon, itinakwil siya ng sariling ama.
Ang kanilang ama, si Silas Uy, ay ang pinakamalaking karibal ng mga Sy. Mas lalo nitong pinasama ang sitwasyon ng kanilang ina. Nakipagsabwatan si Silas sa kanilang tiyahin upang gamitin si Ava, at pagkatapos ay basta na lang siyang itinapon na parang walang halaga. Ni minsan, hindi siya nito sinubukang kausapin o ayusin ang anumang bagay. Sa totoo lang, malamang ni hindi nito alam na may mga anak siya kaya bakit siya biglang interesado ngayon?
“Akala ko ba nakilala mo si Papa sa ospital?” tanong ni Theo. “Sabi mo parang wala siyang ideya kung sino ka.”
“Sinabi ko nga. Pati siya. Kung hindi nabanggit ng direktor ang pangalan niya, hindi ko rin malalaman na siya ‘yon. Hindi ko kailanman sinabi sa kanya kung sino ako.”
“Sige, pero hindi niya maikokonekta ang pangalan mo kay Mama,” sabat ni Sean. “Ibig kong sabihin, Alexis Castillo. Walang koneksyon ang ‘Sy’ doon.”
“Tama ka. Pero duda ako na sa pangalan niya ako nakilala. Kayo nga, lagi n’yong sinasabi na kamukha ko si Mama. Sabi rin ni Tita Tracy na pareho kami ng estilo ni Mama sa pagtugtog.”
“Sa tingin mo, doon siya nagka-ideya? Dahil sa pagtugtog mo?” tanong ni Sean. “Pero kahit gano’n… bakit siya magkakainteres? Iniwan na niya si Mama.”
“Single pa rin siya. Wala rin siyang ibang anak…” sagot ni Alexis.
“Nagbibiro ka ba? Sa palagay mo talaga, nagmamalasakit siya kay Mama?” biglang umupo si Theo, halatang inis.
Alam nilang sa mga kilalang pamilyang negosyante, mahalaga ang reputasyon at ang mga tagapagmana. Umaasa ang buong angkan sa mga susunod na henerasyon para ipagpatuloy ang kanilang legacy. Kaya habang lalong lumalaki ang pangalan ng mga Tan, unti-unti namang kumukupas ang mga Buenaventura. Baka si Silas, kahit bata pa, ay nakakaramdam na ng pressure. Wala siyang kapatid kaya natural lang na kailangan niyang mag-iwan ng tagapagmana.
“Isang paraan lang para malaman ang lahat,” sabi ni Alexis. “Kailangan lang natin siyang tanungin.”
“Seryoso ka ba?”
“Lagi naman. Sean, may access ka pa ba sa mainframe ng Uy Industries?”
“Syempre naman!” tumango si Sean, agad na ngumiti.
Isang simpleng phishing scam lang ang naging susi para magkaroon siya ng access hindi lang sa Uy Industries, kundi pati na rin sa Sy Enterprises. Sa sandaling makapasok siya, tahimik niyang nae-explore ang mga system, kinokolekta ang mga password, security codes, at nakagagawa pa siya ng sarili niyang admin accounts para sa mas madali at mas malalim na access. Hangga’t hindi siya gumagawa ng anumang aktibong pagbabago, malabong mapansin ang kanyang presensya sa system nila.
“Kahit i-delete nila ang mga account ko, may access pa rin ako,” sabi ni Sean habang kumikibit-balikat. “Hindi ito parang butas sa buhangin na kailangan kong hukayin o takpan ulit.”
“Kung gano’n, magpadala ka sa kanya ng email.”
“At anong sasabihin ko?”
“Sabihin mo… alam namin ang iyong lihim. Magdala ka ng Php500,000 na hindi marked money sa penguin enclosure ng Manila Ocean Park sa hapon ng Biyernes.”
“Seryoso ka?”
“Kung gan’un na rin lang, gawin na nating isang milyon,” dagdag ni Theo.
Umiling si Alexis. “Hindi. Kapag sobra ang hiningi natin, iisipin niyang seryosong banta ito. Gusto nating magmukha tayong mga amateur. Kapag naisip niyang sanay tayo, baka magpadala pa 'yon ng buong goon squad.”
“Minsan talaga, natatakot ako sa ‘yo, sis,” sabay sabing ni Theo.
“At bakit naman?” balik ni Alexis.
Napabuntong-hininga si Sean. “Sige na nga. Bigyan n’yo lang ako ng konting oras. Maglalakad pa ako sa ilang network… Alam kong mino-monitor na niya tayo, lalo na’t alam na niyang dito tayo nakatira.”
“Pero bakit mo gustong makipag-usap sa kanya?” tanong ni Theo. “Alam naman nating basura siya.” Hindi agad nakasagot si Alexis.
Ang totoo, puro pira-pirasong kwento lang ang alam nila. Mga bagay na narinig nila habang nag-uusap si Ava at si Tita Tracy. Isang beses, nabanggit ni Ava na may nakilala si Tita na ilang lalaking nagyayabang sa isang bar. Pinagmamalaki nila ang ginawa nilang panlilinlang sa isang kaibigan. Kung totoo ‘yon, posibleng ang ama nila ay hindi kusang sumali sa nangyari. Kaya kahit tahimik lang ang naging usapan nila sa ospital, hindi siya nagpakita ng ugaling bastardo, gaya ng tawag sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit pero gusto pa rin niyang bigyan ito ng benefit of the doubt ang kanilang ama. May mga tanong kasi siyang desperadong masagot kung sakaling mabibigyan siya ng pagkakataon.
“Kumusta naman ‘yung dalawang lalaking nagmamatyag sa atin?” tanong ni Sean.
“Mawawala tayo sa paningin nila kung gugustuhin natin,” sagot ni Alexis. “Hindi gano’n kahirap lokohin ang mga matatanda.”
“Totoo ‘yan,” sabat ni Theo.
Tumango si Sean habang ina-access ang isa sa kanyang dummy accounts. Madali para sa kanya ang kumopya ng IP ng isang computer mula sa mismong site. Mabilis siyang nag-type ng mensahe na ayon sa dikta ni Alexis at ipinadala ito sa kanilang ama. Kung may computer ito sa bahay, mababasa niya iyon agad. Kung wala, siguradong makakarating iyon kinabukasan. Sa alinmang paraan, tapos na ang laro. Wala nang atrasan. Hindi maiwasan ni Sean na mapaisip kung ano kaya ang magiging reaksyon ng kanilang ama kapag nabasa niya ‘yon.