CHAPTER EIGHT
PAGKATAPOS ng limang araw lang ay inihatid na rin sa huling hantungan nito si Celeste. Marami ang dumalo. Karamihan ay mga kakilala ng pamilya nila pagdating sa negosyo. Kahit walang sinasabi ang mga ito, alam ni Sherin na naaawa ang mga ito sa kalagayan niya ngayong mag-isa na lang siya. Kahit hindi tama ay hindi niya maiwasang maawa rin sa sarili.
“Magpakatatag ka. Hindi gugustuhin ng Lola mong miserable ka, Sherin. Gusto niyang 'wag kang sumuko sa buhay dahil marami pang dadating sa 'yong pagsubok.”
Ilang beses nang narinig ni Sherin iyon mula kay Tonette. Kanina pa natapos ang libing pero nandoon pa rin silang tatlo, kasama si Esther, sa puntod ni Celeste na katabi lang ng puntod ng mga magulang niya.
“Hindi ko alam kung saan ako magsisimula ulit, Tonette,” sabi niyang mas paos pa kaysa noong isang araw ang boses. Ang pagkakaiba nga lang, wala nang dumadaloy na luha mula sa mga mata niya dahil yata naubos na.
Nagpapasalamat siya sa kaibigan niya dahil gumawa ito ng paraan para makaluwas ng Maynila para lang masamahan siya hanggang sa mailibing ang Lola niya.
“Kung kailangan mo ng karamay alam mo namang nandito lang naman ako, 'di ba?”
“Alam ko. At salamat dahil gumawa ka ng paraan para madamayan ako.” Sinikap niyang ngumiti pero naging mapait lang iyon.
“Alam mo naman kung gaano ka kahalaga sa akin at ang pagkakaibigan natin, 'di ba?” ani Tonette at hinawakan ang braso niya. “ Kaya halika na, Sherin. Ilang araw ka nang walang tulog at pahinga. Masamang pabayaan mo ang sarili mo. Sige ka, mumultuhin ka ng Lola mo.”
Malapit na sila sa kotse nila nang tawagin ni Jervey ang pangalan niya. Nakaparada ang kotse nito sa hulihan ng kotse nila.
“Someone wants to talk to you. Nasa kotse siya. Pwede ka bang sumama?”
Kumabog naman ang dibdib niya. Si TJ ba ang tinutukoy nitong gustong kumausap sa kanya? Agad naman siyang sumama dito.
Nang buksan ni Jervey ang pinto ng backseat ay si Cielo ang nakita niya at mag-isa lang ito doon. No signs of TJ or whatsoever. She was disappointed pero masaya siyang makita uli si Cielo.
“Hi,” bati niya nang tabihan ito. Si Jervey naman ay sumakay sa driver seat at pinaandar ang kotseng dating sa kanya. Only, nag-iba na ang kulay to sleek black.
Agad naman siyang niyakap ng dalaga. Ilang sandali pa ay tumatakbo na ang sasakyan.
“I'm so sorry. Kanina pa kita gustong lapitan pero ayaw akong payagan ni Jervey.”
Tipid siyang ngumiti.“Naiintindihan ko. Thank you sa pagpunta, alam kong hindi safe sa 'yo ang maglalalabas pero ginawa mo pa rin.”
“Well, at least nagkausap uli tayo.”
“Sorry sa pag-alis ko nang walang paalam. A-ano lang kasi,” she cleared her throat.“M-may hindi inaasahang nangyari noon...”
Hinawakan naman ni Cielo ang mga kamay niya at pinisil nang mahigpit.
“It's okay. We understand,” sincere namang sabi ng dalaga.
Tumingin siya kay Jervey na naka-focus sa daan.
“Jervey, k-kamusta si TJ?” tanong niya dito.
His name felt like a knife on her chest and it was too late, hindi na niya pwedeng bawiin ang tanong.
“Oh,” ani Jervey at saglit siyang tiningnan sa salamin.“TJ's good. Gaya ng dati. Busy magpayaman.”
“G-galit pa rin ba siya sa 'kin?”
“I don't know about my cousin. Kung makikita mo lang siya ngayon, mukha siyang...robot na may five senses.” Tumawa si Jervey at siya, hindi naman nakapagreact.
Did he hate her that much?
“Tumigil ka na nga, Jervey,” saway naman ni Cielo.
Tumingin siya sa labas ng kotse. Dadating pa kaya ang pagkakataon na magiging okay sila ni TJ sa kabila ng mga nangyari? At kung magkikita man sila ulit, magiging handa kaya siya?
NAGISING SI Sherin dahil sa pagkatok sa labas ng study ng Lola niya. Nasa rocking chair siya habang yakap-yakap ang larawan nito at nakatulugan niya ang pag-iyak. Tatlong araw na mula nang malibing si Celeste at hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin siya.
Mabilis niyang pinahid ang mga luha saka tinungo ang pintuan.
“B-bakit, Yaya?” tanong niya kay Esther.
“Nasa baba po ang bagong may-ari ng Falcon Corporation, gusto kayong makausap kasama ni Attorney Dominguez.”
This is it. Malamang ay gusto nang pag-usapan ni Aurelio ang kasal nila. Kagabi naganap ang pagpapa-auction sa kompanya nila pero dahil nagluluksa pa siya, hindi siya nag-abalang pumunta.
“G-gano'n ba? Sige pakisabi kay Aurelio bababa na 'ko.”
“Señorita, hindi naman po si Don Aurelio ang nasa baba.”
Napakunot-noo siya. Hindi si Aurelio. Naisip niyang malamang ay representative lang nito.
“Pakisabi nandiyan na 'ko.”
Tumalikod na si Esther. Agad naman siyang nanghagilap ng suklay para mapusod man lang ang magulo niyang buhok. Habang pababa ng hagdan ay inayos-ayos niya ang suot niyang shirt kahit wala naman iyong gusot. Sana lang ay hindi ma-distract sa kanya ang bisita niya dahil sa namumugto niyang mga mata.
“Ah, she's here,” si Attorney Dominguez nang tuluyan siyang makababa. Nakatalikod sa kanya ang inuupuan ng isa pa nilang bisita sa sala kaya hindi niya agad nakita ang mukha nito.“Hija, I'd like you to meet Thomas Aguirre, ang bagong may-ari ng Falcon Corporation.”
Nang tumayo ang lalaking nakasuot ng magarang suit at humarap sa kanya, pakiramdam niya tinakasan siya ng dugo sa mukha. Tuluyan siyang nanigas sa kinatatayuan nang magtama ang mga mata nila at pakiramdam niya ay ibang TJ ang kaharap niya. Napakapormal ng mukha nito at tila ba iyon ang unang pagkakataon na nagkita sila. Pero hindi siya. She almost collapsed dahil pakiramdam niya ay may pwersang sumipa sa dibdib niya nang ubod-lakas.
TJ. Her TJ.
“A-ano'ng ibig sabihin nito, Attorney?” sa wakas ay nakuha niyang itanong nang makabawi.“Ang akala ko ba...ang akala ko si Aurelio ang...”
“Unfortunately, maraming pwedeng mangyari,” ani TJ matter-of-factly.
Napalunok siya.“H-hindi ko maintindihan.”
Nagmungkahi si Attorney Dominguez na maupo muna sila at ganoon nga ang ginawa nila. Bumalik si TJ sa inuupuan nito at siya naman ay tumabi sa abogado sa sofa.
“Ang totoo, hija, napag-usapan na namin ito ng Lola mo bago pa man siya inatake sa puso. Kung meron din lang gustong bumili ng kompanya na mas mataas pa kaysa sa halagang ibabayad ni Aurelio ay doon ko raw ibenta para hindi ka na mapilitang magpakasal sa kanya. Ginawa niya iyon para sa'yo. Heto nga pala ang mga papeles.”
Ginawa ni Lola 'yon?
Naglabas ng ilang papeles ang abogado at ipinakita sa kanya. Hindi halos marehistro sa utak niya ang mga paliwanag nito. Ang alam lang niya, kailangan nila ni TJ na pumirma doon sa papel na iyon.
Gustong-gusto na naman niyang maiyak nang mga sandaling iyon. Hindi na nga siya magpapakasal kay Aurelio pero tuluyan namang nawala ang pag-asa na mapanatili ang kompanya nila. Bakit pa kailangang gawin iyon ni Celeste kung kailan handa na siyang magsakripisyo? Kung kailan huli na ang lahat.
Matagal na bang plano ni TJ na bilhin ang kompanya nila? Pero bakit wala siyang kaalam-alam kahit noong okay pa sila? Ano ang gusto nitong palabasin?
Nanginginig ang mga kamay na tinanggap niya ang ballpen na inabot sa kanya ni Attorney Dominguez at inilapat sa mesa ang papel para makapirma. Ilang sandali rin siyang nakatitig lang sa papel. Wala siyang choice kundi ang pirmahan iyon. Kailangan na niyang ipaubaya sa iba ang kompanya. Pero hindi nga pala iba si TJ. Ito ang lalaking mahal niya.
“And I have here the check, hija,” sabi ni Attorney nang si TJ naman ang pumipirma. Inilabas nito iyon mula sa briefcase at ipinakita ang saktong halaga.
“P-pwede po bang kayo na lang ang bahala sa tseke na 'yan, Attorney? Tutal naman ipambabayad din namin 'yan sa utang. Balitaan niyo na lang po ako pagkatapos.”
“Okay, makakaasa ka, hija.”
“May kailangan pa po ba 'kong pirmahan?”
“Wala na, hija. Okay na 'to.”
“K-kung gano’n aakyat na po ako. Excuse me po. T-thank you nga pala ulit.”
Tumayo siya at mabibilis ang mga hakbang na umakyat sa hagdan at muling pumasok sa study ng Lola niya. Dumiretso siya sa sofa kung saan niya iniwan ang litrato nito.
“Lola...” Dinala niya sa dibdib ang frame nito at humagulgol ng iyak.“Sorry po. Binigo ko kayo. Hindi ko alam na magiging ganito...”
Pabaluktot siyang humiga sa sofa habang paulit-ulit na binibigkas ang mga salitang iyon. Now, she's practically lost everything.
May natira pa ba sa kanya? Mukhang wala-walang na. Lalo pang nakasakit sa kanya ang ideyang parang hindi siya kilala ni TJ habang magkausap sila kanina. Pakiramdam niya isa iyong malaking biro ng tadhana. Kahit mahal na mahal niya ito ay tinanggihan niya ang alok nitong kasal sa kanya dahil kinailangan niyang salbahin ang kompanya nila pero ang nangyari ay ito pala ang makakabili ng kompanya nila. She had to give up one to save one but she turned out losing both. Sinadya ba ni TJ iyon? Pero para ano, para gantihan siya?
Lihim na napamura si TJ habang nakikita kung gaano kamiserable si Sherin habang nakabaluktot ito sa sofa at may yakap-yakap na litrato. Nakikita niya ito mula sa bahagyang pag-awang ng pinto at sa totoo lang ay hindi rin niya gustong nakikita itong ganoon. Hindi siya dapat nandoon dahil tapos na ang lahat sa kanila, nandoon siya para gantihan ang dalaga pero hayon at nagsisimula na namang lumambot ang puso niya.
Noong inililibing pa lang si Celeste ay gustong-gusto na niyang aluhin ang dalaga para maibsan ang sakit na nararamdaman nito nang mga panahong iyon pero pinigilan niya ang sarili at nanood lang mula sa malayo. Pero kahit na hindi biro ang pinagdadaanan nito ngayon, hindi pa rin pwedeng magbago ang plano niya.
“Sir, gusto niyo po bang makausap si Señorita?” tanong ng mayordoma na hindi niya namalayang nasa likuran na niya.
Nang umalis si Attorney Dominguez ay nagpaiwan naman siya para silipin ang dalaga.
“Hindi. Gusto ko lang siyang silipin,” malamig na sabi niya at saka tumalikod na.
NAPAKALAKING halaga na ng halagang nakuha nila nang maibenta ang kompanya pero mayroon pa rin silang natitirang utang.
“Naisara ko ang deal sa twenty-five million, hija. Ayos na ba 'yon?”
Pinakiusapan niya si Attorney Dominguez na hanapan ng buyer ang kanilang mansiyon para makadagdag sa ipambabayad niya sa utang.
Napabuntong-hiningang pinasadahan ni Sherin ang kabuuan ng sala kung saan sila nakaupo ng abogado para pag-usapan iyon. Malaking parte ang nagampanan ng bahay na iyon sa buhay niya habang lumalaki siya pero kahit kailan ay hindi niya inisip na dadating ang araw na kailangan niyang iwan iyon.
Ngumiti siya rito pero hindi naman umabot sa mga mata niya.“Malaking halaga na po 'yon, Attorney. Maraming-maraming salamat po.”
“Pero saan natin kukunin ang pambayad sa natitira pang utang, hija?”
Ang totoo hindi niya alam pero ngumiti lang siya.“Ako na lang po ang bahalang mamroblema ro'n, Attorney. Tutal naman pati natirang shares ay binili na rin ni TJ. Dagdag pambayad na agad iyon.”
Tumango-tango naman ang abogado. Kahit professional ang kilos nito sa lahat ng pagkakataon ay hindi maikakaila ni Sherin na nahahabag ito sa kalagayan niya ngayong mag-isa na lang siya.
“Kung may kailangan kang pabor, 'wag kang mag-atubiling lumapit sa akin, hija.”
Sinamantala naman niya ang pagkakataong iyon.
“Speaking of pabor, Attorney, may alam po ba kayong pwedeng lipatan kahit na maliit na lugar lang?”
Matapos makausap ang abogado ay umakyat ng silid niya si Sherin para simulang mag-impake ng mga gamit niya. Wala siyang dapat sayangin na oras. Hindi na kagaya ng dati ang buhay niya at kailangang turuan niya ang sariling mag-adjust. Maswerte siya at mayroong alam si Attorney Dominguez na pwede niyang lipatan. Kahit kailan talaga ay hindi nito binigo ang pamilya niya.
“PAGPASENSIYAHAN niyo na sana kung kailangan kong isara na ang coffeeshop, ha? Ano kasi, eh, hindi ko na kayang i-manage 'to dahil unfortunately, hindi na financially stable 'to. Labag din sa loob ko 'to at mahirap sa 'kin na pakawalan kayo. Sana maintindihan niyo.”
Nakatungo lang ang may labinlima niyang empleyado habang nagsasalita siya sa harap ng mga ito sa loob ng opisina niya. Tiyak niyang nabigla ang mga ito pero kailangan niyang tapatin na ang mga ito kahit mahirap para sa kanya.
“Malungkot lang po kami, Ma'am. Apat na taon din kasi namin kayong nakatrabaho at duda kami kung makakakita pa kami ng isang boss na katulad niyo,” sabi ng waitress na si Jody sa boses na maiiyak.
“Oo nga po, Ma'am,” sang-ayon naman ng barista niyang si Emil.“Kayo po ang pinakamabait na amo na nagkaroon kami kaya hindi po namin maiwasang malungkot.”
At hayon nga, bumigay na ang ilan sa mga empleyado niya kaya hindi maiwasang mag-init ang mga mata niya.
“Pasensiya na talaga kayo. Kung may choice lang sana ako, hindi ko kakailanganing isara ang coffeeshop dahil mahalaga rin kayo sa 'kin.”
“Naiintindihan po namin, Ma'am. Sorry at wala man lang kaming magawa para sa inyo,” ani Jodi.
Napabuntong-hininga siya para kalmahin ang sarili.“Hindi ito ang ini-expect kong pagpapaalaman natin. Please naman kagagaling ko lang sa iyakan,” sabi niya sa pabirong tono. Kinuha niya ang pouch na naglalaman ng mga tsekeng nagkakahalaga ng sweldo ng mga ito sa loob ng isang buwan na dinoble niya bilang pakonswelo. Nilapitan niya ang bawat isa sa mga ito at pagkatapos iabot ang mga tseke ay niyayakap niya ang mga ito. Ilang sandali pa ay hindi na niya nakaya pang pigilan ang pag-iyak.
Nang araw ding iyon, dahil hindi nila binuksan ang coffeeshop sa mga customers, tinulungan siya ng mga empleyado niyang magligpit.
Inabot sila ng maghapon sa pag-aayos. Pinauna niyang umuwi ang mga empleyado niya at nagpaiwan siya dahil siya na lang ang magkakandado niyon. Nang tumingin siya sa labas ay tuluyan nang lumubog ang araw.
Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan sa huling pagkakataon ang coffeeshop niya. She didn't have the guts to sell it dahil umaasa siyang balang-araw ay mabubuksan pa niya uli iyon.
“Mami-miss kita, Carina. Huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat para mabuksan ka ulit balang araw.”
“ITO NA po ba lahat, Yaya?” tanong niya nang ibaba ni Esther at ng dalawa pang katulong ang dalawang maletang naglalaman ng mga gamit ng Lola niya.
Balak niyang i-donate sa charity ang mga damit ni Celeste katulad ng ginawa nito sa mga damit ng Dad niya matapos itong mailibing.
“Oo, Señorita. Tatawagin ko na lang si Dado para maipasok na sa taxi ang mga gamit,” sagot naman ni Esther.
“Sige po.”
Tiyak niyang hindi naman makakasikip sa bagong tutuluyan niya ang mga gamit niya dahil mababawasan din naman ang mga iyon.
Nang matapos maipasok ang lahat ng mga gamit niya ay tinawag niyang muli si Esther, ang dalawa pang katulong, at si Dado na driver. Nagpatawag na lang siya ng taxi dahil naibenta na rin niya ang kotse nila.
“Ito na po ang panghuli ninyong sweldo. Pagpasensiyahan niyo na po at kailangan niyong mawalan ng trabaho,” sabi niya habang isa-isang bigyan ang mga ito ng tseke.
“Singkwenta mil? Naku, Ma'am, pwede na 'kong makapagpatayo ng negosyo nito,” ani Dado.
“Oo nga, Señorita. Makakauwi na 'ko nito sa probinsiya,” sabi naman ng kusinera.
Ngumiti si Sherin.“Para sa 'kin maliit pa 'yan kumpara sa tagal ng paninilbihan niyo sa 'min. Kaya lang iyan lang ang kinaya ko kaya sana pagpasensiyahan niyo na, ha?”
“Mag-iingat ka, Sherin. Alagaan mong mabuti ang sarili mo. Palagi kang magdadasal at huwag mong papabayaan ang kalusugan mo,” sabi naman ni Esther na nagsisimula nang maging emosyonal.
“Opo naman, Yaya. At maraming-maraming salamat sa lahat. Kayo rin mag-iingat kayo. Sana hindi pa ito ang huling pagkikita natin.”
Kagaya ng nangyari sa mga empleyado niya sa coffeeshop, hindi rin nila napigilan ang mag-iyakan.