CH: 2

1755 Words
[CHAPTER 2] ◌●◌   TAHIMIK na naglalakad si Chaos papasok ng grocery store. Bibili siya ng beer na iinumin nila sa abandunadong gusali na pinagtatambayan nila. Tamad ang mga kaibigan niya at malamang, magkakamali na naman ito sa pagbili kaya naman siya na ang nag-asikaso. Nakapamulsa ang kamay niya sa suot na itim na cargo pants habang komportableng naglalakad gamit ang combat boots. Naka-hoodie din siyang itim na suot-suot niya pa kagabi bago masunog ang apartment nila. Katulad ng dati, wala siyang pakialam sa paglingon ng mga nakakasalubong niyang kababaihan. Ito lang yata ang bagay na ipagpapasalamat niya nang labis sa mga magulang—ang pagiging maganda niyang lalaki. Matangkad din siya at nasa isang daan at walongpu't limang sentimetro. Moreno siya at bahagyang singkit ang mata na tila laging inaantok. Iyon ang bagay na laging napapansin sa kanya dahil sa kawalan ng ganang bumangon araw-araw. Tila ba ang pagbangon ay isang malaking suliranin sa kanya sa tuwina. Lagi niya ring tinatanong ang sarili kung ano pa bang ambag niya sa mundo kaya buhay pa siya. Gusto niyang makita ang dahilan para magpatuloy. Walang gana niyang tinitigan ang sarili sa repleksyon ng salamin na pinaglalagyan ng alak. Napangisi pa siya noong huli matapos makita ang isang pang repleksyon na naroon. Ipinagpatuloy niya ang pagkuha ng alak at paglalagay niyon sa basket na para bang hindi nakita ang babae. Nang makuha ang sapat na kailangan ay naglakad siya at nilagpasan ito. Ngunit hindi pa man umaabot ng dalawa ang hakbang niya ay pinigilan na siya nito. “Hindi mo na ba talaga kami kakausapin?” malungkot na tanong ng babae. Dali-dali siyang hinawakan ng babae sa braso nang piliin niyang huwag itong kausapin. Tinitigan niya ang kamay nitong nakahawak pa rin sa kanya. Tila napapaso kaagad nitong binitawan iyon at nasasaktang tumingin sa kanya. Nginisian niya ang babae. Wala ng puwang ang awa niya sa ibang miyembro ng Foix. Isinusumpa niya ang angkang kinabibilingan. Dahil sa mga ito kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakaalis sa nakaraan. Sinira ng mga ito ang buhay niya. “Anak...” “Veronica!” tawag ng daddy niya sa mommy niya. Lalong sumama ang mukha ni Chaos nang makita ang ama. Gusto niya nang tumakbo paalis sa lugar na iyon ngunit tinatraydor siya ng mga paa, ayaw ng mga itong makisama. “C-chaos?” gulat na tanong ng ama niya nang mapansin siya. Ngunit kaagad itong bumaling sa asawa at hinila ang babae. “Come on, Veronica!” saad nito na parang nagmamadali at nakakita ng multo. “Anak...” tawag pa rin ng mommy niya habang umiiyak. Mas nilakasan pa ni Rodrigo ang paghila sa asawa. Ganoon parati ang senaryo sa tuwing makikita niya ang mga magulang. Iiyak ang nanay niya sa hindi malamang dahilan habang ang ama niya naman ay takot na takot at tila may tinatakasan. Hanggang sa mawala ang dalawa sa paningin niya ay naroon pa rin siya—natulos sa kinatatayuan. “Anak," natatawa niyang saad nang makabawi mula sa pagkagulat. Wala sa sarili siyang nagpunta ng counter at nagbayad. “Anak?” ulit niyang muli habang nakangisi. “Sir?” nagtatakang tanong ng cashier sa kanya. Hindi niya pinansin ang pagtawag nito at nagpatuloy muli sa paglalakad matapos mai-punch ang bayad sa counter. Wala sa sarili niyang kinuha ang plastic bag na may mga lamang bote ng alak at nagtungo sa sasakyan. Sumabog ang galit niya tamang-tama noong makapasok sa loob. Paulit-ulit niyang sinuntok ang manibela sa pagbabakasaling maiibsan ang galit sa kanyang dibdib ngunit bigo siya. Naroon pa rin ang sakit. Wala sa sariling nag-drive si Chaos patungo sa abandunadong building. Mabuti na lang at malapit lang din sa grocery na pinagbilhan niya. Mga nasa limang kilometro lamang iyon. Hindi rin traffic sa lugar nila kaya mabilis ang biyahe. Hindi pinupuntahan ang lugar na iyon dahil sa mga balitang kumakalat na may kriminal daw na nagkukuta roon. Isa pa, mataas ang lugar. Ang abandunadong gusali ay nakatayo sa itaas ng bundok na ipinatag ang itaas na bahagi. Hindi na natuloy ang pagpapagawa niyon dahil naubusan daw ng pondo ang may-ari ng gusali. Walang problema kung papaakyatin niya ang sasakyan dahil sementado ang daan at hindi naman matarik. Nasa kalahating kilometro din ang taas niyon kaya wala talagang mangangahas na umakyat. Mabilis siyang nakarating sa itaas dahil sa bilis ng pagpapatakbo niya. Wala sa sariling umakyat siya sa ikalawang palapag nang mai-park na ang kotse at makuha ang mga alak na nakalagay sa chiller. Puno iyon ng yelo sa loob upang malamig pa rin kapag ininom nila. Bumibilis ang pagtibok ng puso ni Chaos dala ng matinding galit. Hindi pa rin iyon humuhupa magsimula kanina. Hinahabol niya pa rin ang paghinga. Napakainit din ng pakiramdam niya at tila sasabog ang kanyang ulo. Pulang-pula ang mukha ng binata at parang mapapatiran ng ugat. Kailangan niyang mailabas ang galit. Hindi pwedeng makita ng mga kaibigan niya na nasa miserable siyang sitwasyon. Wala sa sariling dumiretso ang binata sa punching bag na ipinasadya nilang ipalagay roon. Dito rin kase sila minsan nag-eensayo. Hindi na tinigilan ng binata ang pagsuntok paglapit na paglapit niya pa lamang doon. Inilalalabas niya ang lahat ng galit na nasa dibdib. Iyon lang ang tanging paraan upang kumalma siya. "Ahhhh!" sigaw niya na nag-echo pa sa kabuuan ng lugar. Paulit-ulit ang pagsuntok niya at hindi iyon tinitigilan. Kahit na mabigat at matigas, wala siyang pakialam! Bawat pagsuntok niya'y nagdudulot ng matinding pagyanig sa punching bag. Rinig iyon sa kabuuan ng second floor sa abandunadong gusali. Paulit-ulit, walang tigil... Naglalabasan ang ugat niya sa leeg dahil sa malakas na pagsigaw. Gusto niya ng makalaya sa nakaraan ngunit kahit anong takas niya ay hindi pa rin siya nilulubayan. Labinlimang taon na siyang tumatakas ngunit hanggang ngayon ay bigo pa rin siya. Bente singko anyos na siya ngunit parang siya pa rin ang batang Chaos na takot harapin ang lahat ng may kinalaman sa kanyang pamilya. Huminto lamang siya nang makitang butas na ang punching bag. Natauhan ang binata. Ganoon ba kalakas ang pagsuntok niya? May pumalakpak sa likuran niya kaya nilingon niya iyon. “Tapos na?” tanong ni Diezel sa kanya na bunso sa grupo nila. Nasa limang taon ang agwat niya rito. Ito ang pinakamaingay at makulit sa kanilang magkakaibigan. “Oo,” walang gana niyang sagot. “Sayang naman. Di ko pa ubos ang popcorn ko.” “Oh,” iniabot ni Brent sa kanya ang isang pamunas. Nagtataka niya namang tiningnan iyon. “G*go! Ipunas mo sa dugo ng mga kamao mo, Chaos. Hindi ‘yan ginawa para titigan lang.” Ibinato ni Brent iyon nang mainip dahil hindi niya pa rin inaabot. “Ano ba naman kaseng naisip mo at hinamon mo ng suntukan ang punching bag? Wala kang panalo riyan!” Umiling na lamang si Chaos sa panenermon ni Brent. Hanggang ngayon ay tinatanong niya pa rin ang sarili niya kung ano kayang mangyayari sa kanya kung hindi siya tinulungan dati ni Brent? Baka walang Chaos ngayon. Sinabunutan ni Brent ang dating magulo at kulot na buhok noong hindi siya sumagot. “Hoy!” tawag nito kay Diezel na pasimpleng tumangay ng isang buong chichirya. “Lagot ka na naman sa mga ate mo!” “Lagot ako kung isusumbong mo ako! Sumbongero ka pa naman,” sagot kaagad ni Diezel. Muling umiling si Chaos nang maghabulan na naman ang dalawa na parang aso’t pusa. Wala yatang araw na hindi nag-aaway si Brent at Diezel. Minsan napapaisip siya kung gaano karaming reserbang lakas meron ang mga ito. Hindi rin kompleto ang buong maghapon na hindi maingay kapag naroon ang dalawa. “Inuto mo na naman si Ace!” sigaw pa ni Brent at binato ng kung ano si Diezel. Natigil lamang sa pagtingin sa dalawa si Chaos nang may dumamping malaming na bote sa kanyang pisngi. Tinanguan niya lamang si Ace nang kuhanin iyon. Tinungga niya kaagad ang laman ng bote matapos mapansing bukas na iyon. Lumipat sila ng pwesto kung saan matatanaw ang kabuuan ng syudad. Mapuno roon kaya malamig. Tila may mahika ang lugar sapagkat sa isang kisapmata lamang ay parang naibsan ang bigat ng dibdib niya kanina. Ang abandunadong gusali ang isa sa mga lugar na hindi nila kayang ipagpalit dahil sa napakagandang tanawing makikita roon. Maalikabok nga lang dahil hindi iyon nalilinis. Halos hallow blocks din ang ibang bahagi ng lugar. Bukod doon ay wala na silang problema. May sofa pa nga sila at kama dahil literal na tambayan nila iyon. Minsan nakakatulog din sila roon dahil hindi naman mainit. Natatakpan na rin kase ng puno ang ibang bahagi ng building. May tumutubo na ring mga halaman sa pader niyon. Mahahalatang luma na talaga ang lugar at napabayaan. “Nakita mo siguro mama mo ‘no?” tanong ni Brent sa kanya na basta na lang sumalampak ng upo sa sofa matapos makipaghabulan kay Diezel. “Pasmado bibig mo?” tanong ni Diezel kay Brent. “Atlis utak ko walang ubo! Huwag kang sasabat. Usapan ito ng mga taong may laman ang utak!” sagot naman kaagad ni Brent at nagseryosong muli. “Sabi ko kase sa iyo, umiwas ka kaagad. Ilang araw na naman ang kailangan mong hintayin para bumalik ka sa dati.” “Doktor ka ba para—” hindi na natapos ni Diezel ang sasabihin nang pasakan ang bibig nito ng panyo. Kaagad na sinamaan ni Diezel ng tingin si Ace ngunit hindi na nagsalita. “Mahirap makalaya sa nakaraan pero masaya,” sabi ni Brent. “Makakangiti ka nang hindi nag-aalala sa mangyayari kinabukasan. Kaya mo na ring harapin ang takot na ibabato sa ‘yo ng buong mundo. Kailangan mo lang talaga ng tapang para gawin iyon.” Hindi nakaimik si Chaos sa sinabi ng kaibigan. Hindi rin siya sumalungat. Alam nito ang sinasabi dahil pinagdaanan din iyon ni Brent. Lahat naman sila ay may masalimuot na naranasan sa sariling pamilya. Kaya rin siguro naiintindihan nila ang isa’t isa. Pasalamat na lang si Chaos at hindi masyadong malupit ang tadhana sa kanya. Binigyan siya ng mabubuting kaibigan na hindi siya iiwan sa mga madilim na pagkakataon ng buhay. “It’s okay to f*ck with life, but don’t let the life f*ck you so hard,” sabi ni Ace na tumungga muli ng alak. “Yeah.” Tumatango-tumatangong saad ni Brent. Nakangising tumungga muli si Chaos sa boteng hawak. Tama ang mga kaibigan niya. Maghihilom din ang sugat ng nakaraan. Hindi man ngayon at matagal mang proseso ngunit wala siyang pakialam. Ang mahalaga’y umuusad siya kahit paunti-unti.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD