CH: 1

2518 Words
[CHAPTER 1] ◌●◌ GABI, habang bilog ang buwan. Ang lahat ay naghahanda na para sa gagawing pagtitipon. Ipapasa na kase sa bagong tagapagma ng mga Foix ang pamumuno. Nasa malubhang kalagayan si Rodrigo. Tinamaan ito ng matinding lason na walang pang lunas. Unti-unting pumapatay iyon sa pinuno ng mga Foix. Dahil sa kawalan ng pag-asa, napagkasunduan ng lahat na ipasa sa anak nitong si Chaos ang pamumuno kahit nasa sampung taong gulang pa lamang ang bata. Hindi magiging madali ang pagdadaanan nito. Iiwan sa kagubatan ng mga Hatake ang batang si Chaos bilang tanda ng kanilang tradisyon. Pinagtulungan siyang iligaw ng sariling angkan. Hindi mabilang ang mga mababangis na hayop sa lugar na iyon. Takot, pag-aalala, gutom, uhaw, matinding ginaw, at antok, sabay-sabay na naramdaman iyon ni Chaos nang mga sandaling iyon. Gusto niya mang humingi ng tulong ngunit sino ang sasaklolo sa kanya? Hindi niya pa nakakalimutan ang pagtulak ng isang Foix sa kanya sa rumaragasang ilog. Natatakot na siyang manghingi ng tulong sa mga taong may kaugnayan sa angkan nila. Baka kung ano pa ang sunod na gawin ng mga ito. Pipilitin niyang makabalik sa mga magulang. Ang mga ito lamang ang makatutulong sa kanya. Muli, nakaramdam siya ng matinding kilabot nang makarinig ng alulong ng aso. Mas binilisan ni Chaos ang pagtakbo. Hindi inalintana ang mga paang sugat-sugat na dahil walang pangyapak. Maging ang binti na sumasabit sa matutulis na sanga ay hindi niya rin pinansin dahil sa papalapit na tunog ng asong tila handa siyang sagpangin anumang oras. Hindi nakita ni Chaos ang sangang nakausli. Natagpuan niya na lang sarili na nakadapa na sa lapag. Ang luha niya ay nag-uunahan sa pagtulo habang ang takot ay kumakapit sa himaymay ng kanyang pagkatao. Sa kabila ng lahat, pinili niya pa ring tumayo. Ito na ba ang katapusan niya? Paulit-ulit na nanalangin si Chaos na sana'y may sumaklolo sa kanya, ngunit hindi na siya umaasa dahil nakikita niya na ang mabangis na hayop na anumang oras ay maaring lumapa sa mura niyang katawan. Nakadagdag pa ang sikat ng buwan para mas lalo siyang kainin ng takot. Pilitin mang tumayo ni Chaos ay hindi niya magawa dahil sa matinding panginginig ng tuhod. Ang pagbilis ng t***k ng puso niya ay mas tumindi pa nang makitang handa na siyang dambahin nito pagkatapos umangil. Mas lumakas ang sigaw ni Chaos habang walang tigil sa pag-urong. Ngunit panandalian lamang iyon sapagkat napalitan ng gulat ang kaba niya nang lumipad ang isang palasong patungo sa direksyon ng mabangis na hayop. Sinundan niya ng tingin ang pinanggalingan ng palaso. Isang batang lalaki ang unti-unting lumalabas mula sa madilim na bahagi ng kagubatan... Gawa sa balat ng hayop ang suot nitong damit. Ang bahagyang kulot na buhok ay wala sa ayos. May kung anong sulat na nakaguhit sa mukha nito. Nakasukbit ang mga palaso sa balikat ng bata. Ang suot nitong pangyapak ay gawa sa kung anong bahagi ng puno. Nakangiti ang ito sa kanya. Tantya niyang halos kaedad niya lamang ito. Tinulungan siya nitong makatayo. Ang pagkakatitig niya rito ay hindi maalis habang nagpapagpag ng damit. "Si Chaos ka 'di ba?" tanong nito na ikinagulat niya. "Ako nga pala si Keyne. Pero kung magkita man tayong muli, magiging si Brent na ako. Ikaw pa lang ang nakakaalam niyan." "Paano mo nalaman ang pangalan ko?" nagtatakang tanong ni Chaos matapos punasan ang luha. Nahihiya siya dahil nakita pa nito ang pag-iyak niya. Nagkibit-balikat si Brent. "Ewan ko rin. Basta sabi ng mga magulang ko, kailangang sauluhin ko ang lahat ng tao rito sa Fortress. Paano ko masasaulo ang higit sa dalawang libong mahahalagang tao? Nagmumukha na tuloy akong tsismoso habang naglilibot-libot para lang makinig sa pinag-uusapan ng iba. Nababaliw na sila 'no?" Ngumisi si Chaos sa tanong nito. "Nababaliw na nga sila. Parehas pala na wirdo ang pamilya natin. Ako naman, gusto nila mamatay para mabuhay." Lumiko sila sa kanang bahagi ng kagubatan. Pansin niyang sanay na sanay si Brent sa lugar na ito. Halatang tagarito ito. "Saglit nga lang!" pinahinto siya nito sa paglalakad. Hinubad ni Brent ang suot na pangyapak at ibinigay sa kanya. "Suotin mo. Sayang naman ang pangbabae mong kutis kung madadagdagan ng galos." Paulit-ulit na tumatanggi si Chaos ngunit mapilit ito kaya sinunod niya na lang. "Salamat," mahina niyang bulong. Nahihiya siya sa kabaitan nito. "Isa lang ang hiling ko," seryosong tumitig si Brent sa kanya. "Kalimutan mong nagkita tayo kasabay ng paglimot sa totoo kong pangalan. Hindi pwedeng malaman ng iba na may nakakita sa akin na hindi parte ng Hatake Clan. Huwag mong ipagsasabi sa kahit kanino. Hindi ko man maintidihan ang batas ngunit kailangan ko iyong sundin." Hindi na nagtanong pa si Chaos at tumango na lang dito. Wala siya sa posisyong makiusyuso sa mga bagay na walang kinalaman sa kanya. Susundin niya ang sinabi nito dahil malaki ang utang na loob niya rito. Mahaba-haba rin ang nilakbay nila bago sila huminto. Hindi niya na nga natandaan ang dinaanan sa sobrang daming pasikot-sikot niyon. "Nakikita mo ang kwebang iyon?" Itinuro ni Brent ang mabatong parte ng kagubatan. "Mas mapapadali ang pag-uwi mo sa inyo kapag diyan ka dumaan. Dire-diretsuhin mo lang. Kapag nakakita ka ng pangalawang butas, doon ka papasok. Malapit na iyon sa inyo. Pero kapag nakalabas ka, kalimutan mo ring may dinaanan kang kweba at huwag ipagsabi sa iba. Dalawang batas na kase ang nilalabag ko dahil sa ‘yo.” Kumakamot sa ulo nitong turan. “Sige.” Tatango-tango na lamang siya kahit hindi rin maunawan kung bakit bawal. "Sigurado akong aanihin ko ang kasutilang ginawa ko pagdating ng araw." Umiiling-iling nitong wika sa sarili. Nagsimulang humakbang si Chaos ngunit lumingong muli nang may maalala. "Salamat..." sinserong saad niya. "Wala iyon. Sige na. Paalam, Chaos!" Kumakaway na wika ni Brent. "Sa muling pagkikita!" sabi niya rito at kumaway rin pabalik. Nang makontento sa pagkaway ay sinunod niya ang utos ni Brent. Hindi niya alam kung papaano nakalabas doon ng ganoon kabilis. Napakalayo kase kung dadaan sa kalsada. Lawit na siguro ang dila niya, 'di pa siya nakakauwi sa kanila. Kaya siguro ipinagbabawal ay dahil ginagamit ang kwebang iyon sa mahahalagang operasyon ng Hatake Clan. Nilingon niya ang nilabasang parte ng mga halamanan na konektado sa kagubatan. Kaya pala walang nakakaalam sa kanila na may gano'n ay dahil napakahirap nitong mapansin. Ang butas ay papailalim na tila hukay lamang. Kapag nakalabas naman, napakaraming sala-salabat ng halaman ang haharang sa pinagdaanan. Ang yungib na iyon ay magsisilbing para lamang sa mga Hatake at hindi sa katulad niyang Foix. Kakalimutan niyang may dinaanang kweba bilang pasasalamat kay Brent. Ayaw niya namang may mapamahak ng dahil sa kanya. Ganoon na lamang ang pagtataka niya nang makalabas. May mga sulong dala-dala ang mga tao at napakalakas ng apoy. Wala siyang ingay na naririnig sa paligid. May kakaibang nangyayari. Magpapatuloy pa sana siya sa paglalakad nang may tumamang palaso sa kanyang hita! Gustuhin niya mang sumigaw dahil sa labis na sakit ngunit walang lumalabas sa kanyang bibig. Huminto si Chaos nang panandalian ngunit nagpatuloy muli. Kailangan niyang mahanap ang mga magulang! Nag-aalala siya sa kalagayan ng mga ito. Ngunit hindi pa man tuluyang nakakalayo nang tamaan siyang muli ng isa pang pana. Sa pagkakataong iyon, sa bandang tiyan naman! Ngayon niya lamang naramdaman ang ganoong uri ng sakit. Tila pinipilipit ang kanyang laman. Tumagaktak nang matindi ang kanyang pawis. Nanlalamig ang buo niyang katawan... Hindi siya pwedeng huminto. Kailangan niyang magpatuloy sa paglalakad sa kabila ng nanlalabong paningin. Nasa open field siya. Kailangan niyang makapagtago! Pipilitin niyang lumaban para sa mga magulang... Kinalampag ni Chaos ang kabahayang unang nadaanan. Ang dugo na nasa kamay ay nagmamarka na sa mga pader na dinadaanan niya. Sa kabila ng paika-ikang paglalakad, pilit siyang nagpatuloy. Hindi siya pwedeng mawalan ng ulirat nang hindi nakikita ang mga magulang. Nang malagpasan ang tatlong kabahayan, saka niya lamang nasilayan ang pag-asa. Nasa labas ang ibang tao sa kanilang lugar. Nakasindi na ang mga ilaw. Nakatingin ang lahat sa kanya. Walang sumasaklolo kahit anong hingi niya ng tulong... Gustong umiyak ni Chaos nang mga sandaling iyon. Hindi niya kase makakitaan ng awa ang kahit sinuman. Nakatingin ang lahat nang walang emosyon sa kanya. Tila wala siya sa miserableng sitwasyon. "Tulong!" sigaw niya ngunit walang lumalapit. "M-may gustong pumatay sa akin!" Parte pa rin ba ito ng tradisyon? Parang hindi nila ako nakikita... Bakit hindi nila ako tinutulungan? Mga walang awa! Iyon ang isa sa mga tumatakbo sa isipan ni Chaos. Walang tutulong sa kanya. Ang mga magulang na lang ang tanging makakaramay niya. Nakatanaw muli ng pag-asa si Chaos nang makita ang dalawa; nakaupo si Rodrigo sa tumba-tumbang upuan, habang si Veronica ay nasa tabi nito. Nagsunod-sunod ang pag-ubo niya ng dugo. Namanhid na nang tuluyan ang katawan dahil sa mga sugat na natamo. Paika-ika siyang naglakad sa bermuda grass. May mga pagkakataong papanawan na siya ng ulirat ngunit pinipilit lumaban. Hanggang sa tuluyan na siyang traydorin ng katawan... Hindi siya nakalapit sa mga magulang. Bumigay na ang katawan niya at natagpuan ang sarili na nakahandusay sa lapag. "Dad," tumingin siya sa amang nakatingin din sa kanya. "Mom..." maging ang ina niya'y hindi man lang makakitaan ng kahit anong emosyon sa mukha. Nang mga sandaling iyon, naramdaman niya ang pagiging mag-isa sa pinakamiserableng sitwasyon. Walang handang tumulong at dumamay sa kanya. Kahit mamatay siguro siya sa harapan ng mga ito ay walang iiyak. Wala ng mas sasakit pa sa natamong sugat kumpara sa pagtalikod ng sariling pamilya. Nanlalabo ang mga mata niya sa luha habang nakatingin pa rin sa mga magulang. Dama niya ang matinding lamig ngunit hindi ng hangin, kun 'di ng mga taong nakapaligid sa kanya. Nang mga sandaling iyon, rumihistro ang matinding galit niya sa angkang kinabibilangan. Hindi niya kailanman maiintindihan ang batas na may kakayahang sumira ng isang pamilya. "Dad... mom..." paulit-ulit niyang wika. Gusto niyang manalangin na sana'y palabas lang ang lahat ng ito. O 'di naman kaya'y, kung bangungot, gisingin na sana siya sa matagal na pagtulog. "Dad... mom..." gusto niyang umasa na muling lalapit ang ina at yayakapin siya. Ang ama na mag-alala sa tuwing nasusugatan siya. Ngunit hindi na niya makilala ang mga magulang. Tila ibang tao na ang mga ito para sa kapangyarihan. "Mom... dad..." sa kabila ng matinding panghihina, pinipilit niyang tawagin ang dalawa. Ngunit hanggang sa kahuli-hulihang pagtawag niya'y walang dumalong mga magulang sa kanya. "Mom... dad..." iyon na ang huling beses na tatawagin niya ang mga ito. Dahil kung sakaling magising siya, pipilitin niyang huwag ng makabalik sa bangungot na gawa mismo ng kanyang sariling angkan. "What the f*ck is this?" narinig pa ni Chaos ang galit na tinig. "Rodrigo—" Ang mga sumunod na sinabi ni Mr. Suldaga ay hindi niya na naintidihan. Sa kabila ng pagpikit, naramdaman niya ang pagbuhat sa kanyang katawan. Lihim siyang nananalangin na sana’y ilayo siya ng kung sino sa kanyang mga magulang.   "CHAOS! CHAOS. Chaos!” sigaw ng isang tinig na unti-unti niyang naulinigan. Tila biglang lumipad ang kaluluwa niya nang kalampagin nito ang dalawang kawali malapit sa kanyang taynga. Napabangon nang wala sa oras si Chaos dahil sa ginagawa nito. “What?” bulyaw niya kay Brent dala ng matinding inis. “Nasusunog ang apartment ni Ace!” natatarantang sabi ni Diezel na bunso sa kanilang grupo. “Hala! Hindi ito pwede. Last apartment na ito.” “Pwede! Nasusunog na nga 'di ba?” Umiiling na sabi ni Brent. “Nasusunog ang apartment ni Ace?” ulit niyang tanong sa mga ito. Nagkatinginan ang dalawa at iniwan siya na parang inis na inis. “Pasunog ka rin! Balikan namin kayo ni Ace kapag tustado na kayo,” sigaw pa ni Brent bago siya iwan. “Oo nga! Nagpakahirap kaming manggising pero mukhang lutang ka pa!” segunda naman ni Diezel. “Bahala ka!” Tulala si Chaos noong una. Kahit na matagal ng nangyari ang bangungunot na iyon, naroon pa rin ang epekto nito sa kanyang pagkatao. Hindi na mawawala ang sakit na nararamdaman niya kapag naalala ang pangyayaring sumira sa buhay niya. Bumalik lamang siya sa kasalukuyan nang maamoy ang kung anong nasusunog. Dali-dali siyang lumabas ng kwarto at tinungo ang lugar na pinangagalingan ng usok. Ganoon na lamang ang gulat niya nang makita ang buong sala at kusina na tinutupok na ng apoy. “What the f*ck, Ace!” gulat niyang tanong sa kaibigan. Nakatingin lamang ito sa kawaling may lamang kung ano na parang abo na. “Nagluto ka na naman ba?” “Nasunog niluto kong hotdog,” seryosong turan nito at hindi maialis ang tingin sa kawali. “Hotdog ‘yan?” hindi niya makapaniwalang tanong. “Bakit tortured?” Dali-dali niyang hinila sa damit ang kaibigan na hawak-hawak pa rin ang kawali. Hindi na niya mapapatay ang apoy dahil napakalakas na at tinupok na ang kalahati ng bahay. Wala ring fire extinguisher. Nasapo ni Chaos ang noo. Pang-ilang apartment na ba ang nasusunog ni Ace? Pangatlo na ito ngayong taon. Itinataon talaga nito na katutulog pa lang nila saka magluluto ng kung ano. Galing sila sa training nila Diezel kaya naman bagsak ang katawan nila at walang pakialam sa paligid. Masyado silang pagod para intindihin pa si Ace. Tamang-tama na nakalabas sila ng bahay saka naman dumating ang mga bombero. “Tumawag na ako ng bombero noong naghuhugas pa lang si Ace ng hotdog,” nakatulalang sabi ni Brent. “Alam ko ng mangyayari ito kaya hindi muna ako natulog.” “Last house,” paalala ni Diezel habang nakatingin sa tatlong apartment na nasa harapan nila. Lahat ng iyon ay nasunog ni Ace. “Ace, naman. Ano na naman bang laman ng isip mo?” tanong ni Chaos kay Ace na nakatingin pa rin sa sunog na kawali. Mas nag-aalala pa yata ito sa hotdog kaysa apartment na nasunog. Napahawak na lamang si Chaos sa buhok at sinuklay iyon paibaba. Wala siyang mapapalang sagot kay Ace. Masyado yata itong nag-aalala sa kawaling may sunog na hotdog. “Pinigilan mo sana,” baling ni Chaos kay Brent. “Mas gugustuhin ko pang mawalan ng tahanan kaysa mawalan ng katawan!” Sinabunutan ni Brent ang buhok na dati ng magulo dala ng matinding inis. Mabuti na lang talaga at sa kanila ang tatlong apartment na iyon. Dahil kung may ibang tao na nakapalibot sa unit, malamang ay matagal ng nag-alsabalutan sa takot na masunog nang buhay. Naawa siya kay Ace. Gustong-gusto nitong matutong magluto pero ayaw ng kusina sa kaibigan kaya parating nasusunugan. “Luna wants me to learn how to cook...” mahinang bulong ni Ace. Iyon ang parating sinasabi ng kaibigan sa tuwing pumapalpak ito sa pagluluto. Sabay-sabay silang nagkatinginan at naiiling. Kaya hindi nila magawang magalit kay Ace dahil may pinanggagalingan ang motibasyon nito. Ibinalik na lamang nila ang tingin sa bahay na inaapula ang sunog. Lagot na naman sila sa mga ate nila kapag nalamang nakasunog sila ulit ng apartment. Doon magsisimula ang araw niya. Habang pinapatay ang sunog ay naglalakbay din ang kanyang isipan. Gusto niyang makalaya sa nakaraan ngunit sa tuwing tinatakasan niya iyon ay lalo siyang hinahabol ng bangungot na pilit niya pa ring ibinabaon sa limot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD