Chapter 1
WULFRIC
“PUNYETA ka! Lumayas ka sa pamamahay ko! Walang-hiya ka!” sigaw ng babae. Kasunod ng tinig niya ay ang pagkabasag ng mga bagay. Maalin sa baso o plato, basta babasagin.
“Aray ko!”
Mukhang tinamaan ang lalaki ng kung anong ibinato ng babae. Hindi ko nakikita ang pangyayari dahil nadaanan ko lang ’yon dito sa Aplaya.
“Natukso lang ako, mahal. Palagi mo na kasi akong tinatanggihan. Sorry na.”
Maya-maya lang, ang naririnig kong bangayan ay napalitan na ng mga ungol.
Normal na ang mga ganitong eksena at hindi na nakagugulat. Mag-aaway. Magbabati. Magpapakasal. Maghihiwalay. Mangangako ng habambuhay at sa dulo ay maglolokohan.
Parang isang pelikula ang mga buhay ng mga tao rito sa amin. Hindi mo na kailangan ng TV dahil sa tsismis at mga ganitong ganap pa lang ay quota ka na.
Ipinagpatuloy ko na lang ang paglalakad pauwi sa bahay namin. Alas-kuwatro na ng umaga at ang mga kasalubong ko ay papasok na sa trabaho. Samantalang ako ay pauwi pa lang galing sa tugtugan at saglit na matutulog para may lakas ako sa klase ko ng alas-otso.
Nang makarating ako sa bahay ay tulog pa silang lahat.
Buhay pa ang aking ama at ina, at may isa akong dalagitang kapatid. Katorse lang si Yasmin at ako naman ay twenty-one. Ang akala raw ni Nanay ay hindi na siya mabubuntis pa dahil pitong taong gulang na ako noon, pero heto nga at nabunsuhan pa ako.
Si Tatay ay isang kargador sa pier at si Nanay ay mananahi sa bayan. High school naman ang kapatid ko sa isang public school malapit dito sa amin.
Graduating na ako this year sa kursong Business Management at pangarap kong maiahon sa buhay ang aking pamilya. Wala pang singkuwenta anyos ang mga magulang ko pero kapag tinitingnan ko sila ay para bang sampung taon pa ang itinanda nila dahil sa pagod nila sa trabaho araw-araw.
Salat man kami sa pera, masasabi kong lumaki ako sa isang tahanan na puno ng pagmamahal. Lawanit lang ang bahay namin at yero ang bubong. Maliit lang ito at nilagyan lang ng division para may privacy. Ang banyo namin ay nasa labas ng bahay.
Sana balang-araw makaalis kami sa lugar na ito. Pangarap kong mangibang-bansa para makaipon kaagad ng pera. Hindi ko na papapasukin sa trabaho ang mga magulang ko at hindi na rin sila mamomroblema sa matrikula ni Yasmin kapag nagkolehiyo ito.
Pagkainom ko ng tubig ay nahiga ako sa sofa namin na yari sa kawayan dito sa salas. May kauting oras pa para matulog bago magsimula ang klase ko mamaya.
***
BIYERNES ng gabi at katatapos lang ng set namin nang lumapit si Ryan sa akin. Siya ang drummer namin at ako naman ay gitarista. Kumakanta rin ako.
Kapag naiisip ko, binabalanse siguro ng Diyos ang mga bagay na wala sa atin. Scholar ako sa school pero kailangan ko pa rin kumita ng pera dahil matrikula lang ang nako-cover ng scholarship ko. May mga project pa at ibang gastusin katulad ng pamasahe sa jeep at pagkain. Minsan nga ay tubig na lang at tsitsirya ang kinakain ko. Laman tiyan din ’yon.
Mabuti na lang at biniyayaan ako ng boses. At kung sa pagtugtog naman ng gitara, may lumang gitara si Tatay na napulot sa pier, nakalimutan ng may-ari at hindi na binalikan pa. ’Ika nga, finders keepers. Ibebenta na sana ’yon ni Tatay pero nakita niya akong ginagamit iyon kaya hindi na niya itinuloy. Sampung taong gulang lang ako noon at nagrerenta pa ako ng songhits sa tindahan ni Ka Misis. Self-taught ako sa chord chart at palibhasa mahilig akong kumanta kahit mali-mali ang lyrics ay mabilis akong natuto.
“Pare, may naghahanap sa ’yo.”
Umiinom ako ng tubig, at kunot-noo ko siyang tiningnan.
“Sino? Nabayaran ko na ’yong hiniram ko kay Toots, ah.”
Nangutang kasi ako ng isandaang piso last week. Kaibigan din namin si Toots.
“Tanga! Hindi si Toots. Babae ang naghahanap sa ’yo. Sexy. Medyo hindi lang kagandahan pero okay lang. Mas maganda ka pa.” Bumunghalit si Ryan ng tawa.
“Tarantado ka. Sabihin mo wala ako.”
Hindi ako interesado. Nagkaroon din naman ako ng mga fling. At kung s*x din lang, hindi ang babaeng ito ang una.
Napatampal sa noo si Ryan, hindi ko alam kung bakit.
“Ano ba’ng—”
“Wala ka? So bale aparisyon ka ngayon?” tanong ng isang babae.
Kaagad akong napalingon at tumambad sa akin ang isang babaeng hindi nalalayo sa edad ko. Maiksi ang buhok at maganda ang bihis niya. Kahit hindi kita ang cleavage, masasabing malaki ang hinaharap niya, maliit ang baywang, at tama lang ang hips. Sexy nga siya at lalaki lang ako para maakit sa kanya.
“Pasensiya na. Pagod kasi ako at—”
“Aayain lang sana kitang magkape bago ako umuwi.”
Hihingi sana ako ng dispensa sa iginawi ko kanina pero pinutol na niya ang sasabihin ko.
“I have a car with me. Ihahatid na rin kita sa inyo pagkatapos.”
Wow. Mukhang maykaya ang isang ito at sigurado akong hindi siya taga-Aplaya dahil hindi ko siya namumukhaan.
“Sige. Magpapaalam lang ako sa mga kasama ko.”