HINDI madali ang mga sumunod na araw para sa akin at sa aking pamilya. Ang dating masaya naming tahanan ay napuno ng katahimikan. Tense ang lahat at pakiramdam ko’y balat ng itlog ang niyayapakan ko na kay daling magkaroon ng lamat.
Alam ko ang pagkakamali ko pero ang tanong ay kung para sa akin ba talaga ang pagkakamali na ’yon. Hanggang ngayon ay gulong-gulo ang isip ko.
Kasalukuyan akong nasa klase at nagtuturo ang prof pero wala akong maintindihan sa sinasabi niya. Kailangan kong puspusan na mag-review kung gusto kong makapasa at maka-graduate kasabay ng mga kaklase ko.
“P’re, ayos ka lang? Parang wala ka sa sarili mo ngayon,” komento ni Ryan.
“Madami lang akong iniisip. Wala ’to.”
“Ipa-xerox mo na lang ’tong notes ko para may ma-review ka mamaya.”
Tumango ako sa kanya at nagpasalamat. Kahit hindi scholar si Ryan ay may itinatago rin siyang galing sa klase at hindi siya madamot magbahagi ng kaalaman niya. Hindi katulad ng iba kong mga kaklase na akala mo palaging nasa contest na gusto ay sila lagi ang makakuha ng perfect score.
Magkasabay kaming lumabas ng klase ni Ryan nang makatanggap ako ng text message mula kay Roselle.
[Sa Sabado, gusto raw makausap ni Mommy ang parents mo.]
Ang totoo ay ayaw ni Nanay na makasal ako. Tutol na tutol siya sa gustong mangyari ni Roselle dahil pakawala raw itong babae at wala siyang tiwala rito. Kilala ko ang aking ina at hindi niya ugali ang pagiging judgmental, pero ewan ko ba kung bakit ganoon na lang ang pagkadisgusto niya kay Roselle.
Gusto kong isipin na dahil hadlang si Roselle sa katuparan ng mga pangarap ko kaya ayaw ni Nanay sa kanya. Pero ang katwiran ni Nanay, walang matinong babae ang makikipag-s*x sa kotse sa unang pagkikita at magsisinungaling na naka-pills kahit hindi naman. At isa pang binanggit niya ay walang ligawan na naganap sa amin pero kung makapag-demand ng kasal ay daig pa ang dalawang taong matagal nang magkarelasyon.
Pero kahit sa akin ay masama ang loob ng aking ina. Ramdam ko ang disappointment niya. Bakit nga naman hindi? Ako ang palagi niyang sinasabi na mag-set ng example sa kapatid ko pero heto at ako pa ang mag-aasawa nang maaga at hindi pa tapos sa pag-aaral.
“Si Roselle ’yan, ano? Balita na sa campus na buntis siya. Alam mo ba?” tanong ni Ryan sa akin.
“Ha?”
“Oo. Alam mo naman ang mga estudyante rito, laging kadaldalan ang mga estudyante d’yan sa tapat. Nahalata rin nila na sakal ang dibdib ni Roselle at medyo tumaba kaya ang usap-usapan ay buntis. Totoo ba? Hindi naman siguro sa ’yo ’yon. Minsan nakita ko siyang may kasamang ibang lalaki.”
“Ha?”
Tumigil sa paglalakad si Ryan. “Kanina ka pa ha nang ha d’yan. May sakit ka ba at tuluyan nang nabingi ’yang tainga mo?” biro niya sa ’kin. “Halika sa bilyaran at maglomi tayo. Libre ko na, tutal isang oras pa naman bago ang sunod nating klase.”
Kahit mainit ang panahon ay naglakad kami papunta sa bilyaran sa may kanto. Kilala na kami roon at nang lumapit si Temyong ay alam na niya ang order namin. Hindi kami naghintay nang matagal at dumating agad ang pagkain. Habang gumagawa ako ng sawsawan ay nagsalita si Ryan.
“Hindi na ako magbabanggit ng pangalan pero alam mo na kung sino ang pag-uusapan natin. Hindi ba ilang linggo rin ’yong hindi nagpakita sa bar? Alam ko naman na wala kayong pormal na usapan kaya nang makita ko siya minsan na may kasamang iba, hindi ko na sinabi sa ’yo,” kuwento ni Ryan.
“Sino’ng kasama niya?”
“Hindi ko kilala ’yong isang lalaki pero ’yong isa, parang si Erik.”
“Erik?”
“Hindi ko sure, pero parang kamukha niya. Puwede ring si Nelson.” Napakamot siya sa ulo niya. “Magkamukha kasi ’yong magkapatid kaya hindi ko matukoy kung sino. Hindi naman malapitan no’ng nakita ko sila.”
“Hindi naman siguro ako tataluhin ni Erik.”
Nagkibit-balikat si Ryan. At dahil siya lang ang mapaghihingahan ko ng problema, sinabi ko na sa kanya ang gustong mangyari ni Roselle.
“Ano? Gusto niyang pakasalan mo siya? Sa ’yo ba ’yong bata?” Muntik na niyang maibuga ang lomi. Kinuha niya ang baso at saka uminom.
Sa pagitan ng harurot ng tambutso ng tricycle at jeep pati ng ingay ng mga naglalaro ng bilyar, kasama na ang kalampagan ng kaldero at plato, ay hindi ko matanto kung paano kami nagkakarinigan ni Ryan.
“Hindi ko alam kung akin ang batang ’yon at ayaw ko siyang pakasalan. Ni sa panaginip hindi ko naisip na siya ang magdadala ng apelyido ko. At wala akong pakialam kahit pa sabihin nilang mahirap lang kami at nakatira sa Aplaya.”
“Paano ngayon ’yan? E, nagde-demand nga ng kasal. Doon naman sa bata, puwede mo namang ipa-DNA ’yon kapag nailabas na. Ano kaya kung sabihin mo sa kanya na pagkapanganak na lang niya kayo magpakasal?”
“Ano namang ipapambayad ko sa DNA, e wala nga ’kong pera?”
Napangiwi si Ryan. “Magkano ba ’yon at ipangutang na lang natin.”
“Kinse mil yata, pero hindi ako sigurado. May nabasa ako na twenty thousand ang iba o higit pa. Panggastos nga sa bahay hindi ko alam kung saan kukuha, pang-DNA pa.”
“Magtago ka na lang kaya? Takbuhan mo na.”
Ang suhestiyon niya ay parang ’yong sa mga pelikula na tinatakasan ang nabuntis at nagpupunta sa ibang probinsiya ’tapos doon na makapag-aasawa ng iba. Dapat scriptwriting ang kinuha nitong si Ryan at hindi Business Management.
“Saan naman ako pupunta?” tanong ko sa kanya. “Wala ring pera ang mga kamag-anak namin at sa totoo lang, hindi ko naman sila masyadong kilala.”
“E, mas mahirap naman kasi ’yong makasal sa isang babaeng hindi mo gusto, ’tapos hindi mo pa sigurado kung sa ’yo ’yong bata. Kung bakit naman kasi hindi ka nag-condom. Ang dami-dami ko sa wallet, hindi ka pa kumuha ng marami. Sa bag ko nga, may isang box,” natatawang sabi niya.
May punto si Ryan pero iyon nga ang pagkakamali ko. Naniwala ako kay Roselle at hindi ko prinotektahan ang sarili ko. Aral ito sa akin at kahit huli na ay hindi ako papayag na maulit ito. May kailangan lang akong linawin kay Roselle sa mga sinabi ni Ryan ngayon sa akin.
Sino ang lalaking kasama niya noong mga araw na hindi siya nagpapakita sa ’kin?
[Magkita tayo sa gate ng school mamaya. Alas-singko.]
Imbes na reply-an ko ang paanyaya ni Roselle sa Sabado ay inaya ko siyang mag-usap ngayong hapon at magtutuos kami.