Attorney Rose
“MISIS JELAY, tanggapin mo na ang perang inaalok ng kliyente ko sa anak mo. Kalahating milyong piso kapalit ng pananahimik niya at pagbabagong buhay. Alam ko naman na mahirap lang kayo, nakikilabada ka at kumikita ng limang daang piso sa loob ng dalawang araw. Itinataguyod mo mag-isa ang pag-aaral ng anak mo sa isang public university at kasama siya sa scholar ni Governor Rio.” Sumandal si Rose sa upuan niya at tinaasan ng isang kilay ang mag-ina sa kanyang harapan. Umiiyak ang dalaga na si Marie habang nakahawak nang mahigpit sa kamay ng Ina.
“Attorney, babae ka rin. Siguro nga hindi mo nararamdaman ang pakiramdam ko bilang isang ina dahil hindi mo pa nararanasan na ipagtanggol ang sarili mong anak,” umiiyak na sabi ni Miss Jelay.
“Misis Jelay, binibigyan na kita ng pagkakataon na makapagsimula ulit kasama ng iyong anak sa probinsiya. Doon walang makakaalam sa nangyari sa kanya. Kung gusto mong lumaban at ituloy ang kasong isinampa mo sa anak ni Governor Rio, baka mapahiya ka lang. Magsasayang ka lang ng pera sa wala. Sa tingin mo ba may abogadong nais tumulong sa iyo ng libre at walang hiniginging kapalit na pera? Misis Jelay, kahit ako hindi ako maniniwala na pagtatakaan ng kliyente ko ang anak mo. Sino ba ang maniniwala sa anak mo na ni-r@pe siya?”
Ikinuyom ni Misis Jelay ang kanyang kamay at walang patid ang pagtulo ng luha sa mga nito.
“Nay, ta-tama po si Attorney Rose. Nay, iurong na natin ang kaso.”
Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. “Good decision, Marie.” Iniabot ni Rose ang brief case na naglalaman ng kalahating milyong piso. Tumayo siya at naglakad-lakad sa harapan ng mga ito. Walang gusot ang plantsado niyang damit. Kumikinang ang kanyang all black suit at kumikislap ang makapal na gold watch niyang suot.
Ibinigay niya ang kasunduan nila at pinamirma ang mag-ina roon. Nakasaad doon na hindi na itutuloy ng mga ito ang reklamo sa anak ni Governor Rio kapalit ng kalahating milyong piso. At kapag hindi sila tumupad sa pangako, si Governor Rio na mismo ang makakaharap ng mag-ina.
Inilahad niya ang kamay sa mag-ina. Matapang pa rin siyang humarap sa mga ito. “Tapos na ang pag-uusap natin at isasara na ang kaso. Mabuhay kayo ng tahimik at mapayapa.”
Hindi tinanggap ni Misis Jelay ang kanyang kamay na inilahad niya sa harapan nito. Wala na sa kanya ang salitang pagkakapahiya. Sanay na siya roon at taas noo pa rin siya kung magsalita.
“Hindi natutulog ang Diyos, Attorney Rose. Pagbabayaran pa rin ni Thomas ang ginawa niya sa anak ko pagdating ng araw. At ikaw attorney… isinusumpa ko na makakarma ka rin. Tandaan mo iyan!” nanggigigil na sabi ni Misis Jelay bago nito hawakan nang mahigpit ang kamay ng anak at kunin ang briefcase na may lamang pera.
Kinuha ni Rose ang hand sanitizer sa kanyang bag at nilagyan ang kanyang magkabilang kamay. Tapos na siya sa ipinapagawa ni Governor Rio. At makakatanggap na naman siya ng pabuya mula sa kanyang boss.
Dumiretso siya sa opisina ni Governor Rio at ibinigay dito ang kopya ng kasunduan nito kay Misis Jelay.
“Magaling ka talaga, attorney. Napahanga mo ako sa galing mo,” pagpuri ni Governor Rio sa kanya.
Tumulo siya sa harapan nito at saka ngumiti. “Anything for you, Gov.”
Kinuha ni Governor Rio ang cheque na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso. “Kunin mo, attorney. Regalo ko iyan para sa iyo dahil nabawasan na naman ang sakit sa ulo na ginagawa sa akin ng anak ko.”
Nakangiting tinanggap iyon ni Rose. Walang alinlangan na inilagay niya iyon sa kanyang hand bag.
“P'wede ba kitang ayain na mag-dinner, Rose?” malambing na tanong nito sa kanya.
May asawa na si Governor Rio at gusto nito na maging k@bet siya ngunit hindi siya pumayag. Wala siyang nararamdaman na kahit na ano para sa mga lalaki dahil para sa kanya, abala lang sa pagpapayaman niya ang mga iyon. Makakaistorbo lang sa kanyang trabaho. Hindi lang si Governor Rio ang kanyang boss, may senador at pati congressman na rin. Naging abogado na rin siya ng kilalang mga celebrity tv personalities.
Uhaw na uhaw siya sa kapangyarihan at pera at hindi sa tawag ng l@man.
“Gov, malinaw naman ang sinabi ko noon sa iyo. Ayoko ng relationship sa kliyente ko. Nagawa ko na ang gusto mo kaya naman aalis na ako, Gov. May appointment ba ako sa ibang cases na hawak ko. Excuse me, Gov,” matapang na sabi niya bago talikuran ang lalaki.
Kahit nasa edad singkuwenta na si Governor Rio ay marami pa rin siyang nagiging karelasyon. Alam iyon ng asawa nito at mukhang sanay na sanay na rin sa mga eskandalo.
Napailing si Rose. “May pinagmanahan,” mahinang sambit niya nang tuluyang makalabas ng pinto.
Sinipat ni Rose ang kanyang relo. May dalawang kilyente pa siya na pupuntahan. Sumakay siya sa kanyang kulay pulang kotse at pinaandar iyon.
Wala siyang oras na kailangang sayangin. Hindi pa siya sobrang yaman para tumigil. Hindi pa siya ganap na bilyonarya. Hindi pa sapat ang ipon niya para mag-retire.
Habang nakahinto sa gitna ng traffic sa edsa ay may nakita siyang isang baitang babae. Nasa edad anim hanggang pito. Gusgusin ang batang iyon at napakapayat. Naalala niya ang kanyang sarili. Ganoon din siya noon, taong kalye. Naghahanap ng pagkain sa basurahan, natutulog sa mga bench at sa tabing kalsada. Nagn@nakaw para mabuhay. Iniwan siya ng kanyang ina dahil ang pabigat na raw siya. Hindi niya kilala ang kanyang ama at sa edad na pitong taong gulang iminulat na siya ng mundo sa realidad ng buhay.
Hanggang mapunta siya sa Child Center, isang bahay ampunan na pinopondohan ng mga Amerikano dito sa Pilipinas. Nangarap siya at ngayon isa na siyang magaling at kinakatakutan na abogada. Sa edad niyang trenta’y singko, ang sabi ng iba nasa kanya na ang lahat ngunit kulang pa.
Hindi pa niya nahahanap ang kanyang ina. Gusto niyang makita siya nito na asensado na sa buhay. Gusto niyang malaman nito na ang batang iniwan nito sa kalye ay isa na ngayong magaling na abogada.
Napapitlag siya sa pagbusina ng sasakyan sa kanyang likuran. Ibinaba niya ang bintana sa kanyang tabi at tumingin sa lalaking driver ng itim na pick up. Huminto pa iyon sa kanyang tabi.
Itinaas ng lalaki ang sunglasses nitong suot at lumingon sa kanya. Sa tansya niya nasa edad kuwarenta’y singko ang lalaki.
“Miss, kanina pa umusad ang mga sasakyan! Bulag ka ba?!” bulyaw nito sa kanya bago iyon pinaharurot palayo sa kanya.
Tumaas ang dugo niya sa sinabing iyon ng lalaki sa kanya. Hanggang sa trabaho ay dala niya ang inis sa lalaking hindi naman niya kilala ngunit sumira ng buong araw niya.