Mommy Ivy

1402 Words
CHAPTER 15 GANOON na lang ang pagkamangha ni Ivy nang makababa na siya ng sasakyan ni Matthew. Narito lang naman siya sa harapan ng malaking bahay ni Matthew Mula Odiongan port ay sumakay siya ng barko papunta sa pantalan ng Romblon port. Pagkababa niya ng barko ay kaniyang tinawagan si Matthew, sa una'y ayaw nitong maniwala na nandito na siya sa Romblon, Romblon. Pero nang sabihin niyang babalik na lang muli siya ng Calatrava ay agad itong pumunta sa pier para siya ay sunduin. Laking gulat pa niya kanina nang yakapin siya nito nang mahigpit. Naitulak pa niya ito dahil sa pagkabigla. Kaya habang nasa biyahe sila patungo dito sa bahay nila ay wala silang imikan. Napakislot pa siya ng magsalita ito. “Tatayo ka na lang ba diyan, baka gusto mo nang pumasok sa loob.” tila inis na wika ni Matthew sa kaniya. “Bahay mo ba talaga ito Gov. Ang laki kasi.” “Huwag mong sabihin na ngayon ka lang nakakita ng ganitong kalaking bahay. Hindi ka naman siguro tanga dahil madaming malalaking bahay sa Odiongan.” wika nito sa kaniya. Ano daw sinabihan siyang tanga ng lalaking mayabang na ito. Sa inis niya ay sinamaan niya ito nang tingin at pinagkrus pa niya ang kaniyang dalawang kamay sa tapat ng dibdib niya. “Kung tanga ako wala sana ako ngayon dito sa harapan mo. Kung tanga ako tinakbuhan ko na sana ang ginawa mong kasunduan. Pero dahil may isa ang salita, nandito ako ngayon sa harapan mo para magpaalila sa iyo at gawin ang nasa kasunduan.” mangiyak-ngiyak niyang wika kay Matthew. Aba, nakakasakit ng damdamin ang hinayupak na ito. Hindi porke't pumayag siya sa kasunduan nito ay sasabihan na siya ng ganoon. Humakbang na lang siya papasok sa loob ng bahay nito at iniwan na mag-isa si Matthew. Lalong namangha siya pagpasok sa loob ng bahay dahil tumambad sa kaniya ang malaki at magandang sala. Nilibot niya ang kaniyang paningin sa loob ng bahay. Halos malula siya sa sobrang ganda niyon. Napakislot pa siya ng may magsalita sa likod niya. Kaya napalingon siya. “Neng, aba'y sino ka? Paano ka nakapasok dito sa bahay?” tanong ng isang may edad na babae. “Ma'am ako po si Ivy Chezelle Madrigal ang ya—” hindi na niya natuloy ang nais sabihin ng magsalita ang hinayupak na si Matthew. “Nanay Caring, yaya po siya ni Amarah. Kinuha ko po siya para po aalagaan si Amarah. Alam ko po kasi na nahihirapan na kayo sa anak kung malikot.” wika nito. “Ay, ganoon ba anak, aba'y kagandang yaya naman nito” wika nito habang nakatingin sa kaniya at nakangiti. “Sigurado akong matutuwa si Amarah nito dahil may bago na siyang tatawaging mommy. Di ba, Matty?” nakangiti nitong wika. “Nanay Caring, kung anu-ano 'yang sinasabi ninyo. Iisa lang ang mommy ni Amarah.” seryoso nitong wika. Akala naman niya ay papayag siyang maging mommy ng kanyang anak. Ano kayo siniswerte? Bigla siyang napatingin sa hagdan kung saan may batang bumaba at tinatawag ang daddy niya. “Daddy ko.” wika nito ng makalapit na ito sa kanila. Humalik ito sa pisngi ni Matthew at tumingin sa kanya. Laking gulat pa niya nang yumakap ito sa kanyang hita at tinawag siyang mommy. “Mommy ko” may luha na sa matang wika nito sa kaniya. “Amarah, anak, hindi siya ang mommy mo. Di ba nasa langit na si Mommy, siya ang bago mong yaya, si Yaya Ivy.” malumanay na wika ni Matthew sa kanyang anak. “No, Daddy, siya ang mommy ko.” tuluyan nang umiiyak ito. Kinuha niya ang mga kamay nitong nakakapit sa kaniyang hita at pumantay dito. “Baby girl, hindi ako ang mommy mo, ako si Ate Ivy ang bago mong yaya.” nakangiti niyang wika kay Amarah. Ngunit umiling-iling ito at lalong umiyak kaya naman umupo na rin si Matthew at pumantay na sa kanilang dalawa. “Anak, listen to me. This is Ate Ivy, your new yaya. Mula ngayon siya na ang mag-aalaga sa iyo kasi busy na si Daddy sa work. Si Nanay Caring naman matanda na hindi na niya kayang aalagaan ka. Naiintindihan mo ba ako, baby.” pag-alo nito sa kaniyang anak. Sumimangot ito “Pero, Daddy, siya talaga ang mommy ko.” Naawang nakatingin si Ivy kay Amarah siguro namimiss nito ang kaniyang mommy kaya ganoon na lang ang tawag sa kaniya nito. “Baby girl, sige, pumapayag na akong tawagin mong mommy pero sa isang kondisyon.” nakangiti niyang wika kay Amarah. Biglang sumilay ang munting ngiti nito sa labi. “Ano po iyon mommy ko?” “I-hug mo ako at I-kiss.” “Okay, po.” nakangiti na nitong wika sabay halik sa pisngi niya at niyakap siya. “I love you, mommy.” Napaluha siya sa huling sinabi ni Amarah, ramdam niya ang pangungulila nito sa kaniyang ina. Kaya naman niyakap niya ito nang mahigpit. “I love you too, baby girl.” Masaya naman na nakatingin si Matty sa dalawa. May luha na rin sa kaniyang mga mata. Naawa siya sa anak niya, ngayon lang niya naramdaman ang pangungulila ng anak niya sa kaniyang asawa. Tumayo siya at pinunasan ang luha na lumandas sa pisngi niya. “Ivy, sumunod ka sa akin.” Isang malawak at malaking kuwarto ang pinagdalhan sa kaniya ni Matthew. Kulay pink ito at maraming laruan at teddy bear. “Mommy, ito po ang kuwarto ko. Dito ka din po matutulog, katabi ko.” masayang wika ni Amarah sa kaniya. Kaya naman napangiti siya. “Baby, ang laki naman ng kuwarto mo. Sa bahay namin kasi dalawa kami ng ate ko at saka maliit lang iyon. At ang laki ng kama mo.” wika niya sabay na umupo doon. Sumampa na rin si Amarah sa kama at tumalon-talon doon. “Yeheyy! May mommy na ulit ako.” masayang sigaw nito habang tumatalon sa ibabaw ng kama. “Amarah, anak tumigil ka na baka mahilo ka na.” pagpigil ni Matthew sa anak niya. Tumigil ito sa katatalon at umupo sa tabi ni Ivy. “Mommy ko, nagugutom po ako.” malambing na pagkakasabi nito sa kaniya. “Ako din baby kanina pa gutom. Kasi naman hindi ako pinakain ng daddy mo kanina.” wika niya na sadyang pinarinig niya kay Matthew. “Daddy bad ka, bakit mo ginutom si Mommy ko?”nakasimangot nitong wika kay Matty. “Kasi baby, akala ni daddy hindi nagugutom ang linta.” Pinukol niya ng masamang tingin si Matthew dahil sa sinabi nito. “Kung linta ako, ikaw naman ay walang puso.” inis na wika niya. Tawagin ba naman siyang linta. “Anong sabi mo?” galit na tanong nito sa kaniya. Pero hindi niya ito pinansin. “Baby, tayo na sa baba at nagugutom na ako. Baka makain ko pa ang isang langgam dito.” wika niya sabay na tumayo at inalalayan na makababa si Amarah sa kama. “Amarah, anak mauna ka na sa baba, may pag-uusapan lang kami ni Yaya Ivy.” wika nito habang ang mga tingin ay hindi inaalis sa kaniya. Tumango ito at lumabas na ng kuwarto. Siya naman ay hinihintay ang sasabihin ni Matthew. Ano naman kaya ang problema nito? “Bakit mo ginawa 'yon.” kapagkuwan na tanong nito. Tumaas tuloy ang kilay niya sa tanong nito. “Ang alin, ba?” “Bakit pumayag kang tawaging mommy ng anak ko?” “Ginawa ko iyon dahil gusto ko. Matthew, hindi ako madamot. Ramdam ko ang pangungulila niya sa asawa mo. Kaya huwag mong ipagdamot at pigilan akong gawin 'yon.” tila inis niyang wika. Hinawakan siya nito sa braso. “Huwag mong paasahin ang anak ko, Ivy. Dahil hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin na makita siyang umiiyak at hanapin ang kaniyang mommy.” “Hindi ko pinapaasa ang anak mo. Gagawin ko ito hanggang sa huling araw ko sa kontrata natin. Aalagaan at mamahalin ko ang anak mo. Ngayon puwede ba bitiwan mo na ang braso ko.” galit na niyang wika. “Siguradohin mo lang na hindi nasasaktan ang anak ko. Dahil kapag nangyari 'yon baka ikabaliw ko na.” wika nito sabay talikod at lumabas ng kuwarto. Naiwan siyang tulala, ano ba itong napasukan niya? Paninindigan kaya niya ang lahat na ito? Ang magpanggap na mommy ni Amarah sa harap ng mga tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD