“GUSTO ko na sanang umuwi bukas,” maingat na sabi ni Khloe kay Zantiago habang kumakain sila ng almusal sa restaurant deck nang umagang iyon. Isang linggo na siya sa resort. Hindi niya mapaniwalaang nakalayo siya nang ganoon katagal sa bahay nila. Hindi na muling tumawag o nag-text man lang ang mga kuya niya. Gabi-gabi niyang kausap sa telepono ang kanyang ina. Sinabi nitong huwag niyang gaanong pansinin si Kuya Konrad. May pinagdaraanan lang daw itong problema at siya ang napagbuntunan. Kinausap na raw ng kanyang ina si Kuya Konrad. Mukha namang masaya ang kanyang ina sa bawat pagtawag niya. Ipinapakuwento nito kung ano-ano ang ginagawa nila roon ni Zantiago. Maliban sa mga halik na pinagsasaluhan nila ni Zantiago, ikinukuwento niya ang halos lahat. “Masaya ka ba, `nak?” ang palagi n

