“SINUBUKAN n’yo bang pabalikin si Tatay noon, `Nay?” tanong ni Khloe sa kanyang ina habang naglalakad sila pauwi. “Ipinakita mo rin ba kay Manang ang litrato niya?”
Tila hindi na ito nagulat sa naging tanong niya. Mukhang inaasahan na iyon. “Nagbalik siya sa `tin, hindi ba, `nak?”
“At muling umalis.” May iba nang pamilya ang tatay niya ngayon. Iniwan sila nito noon, panandaliang bumalik, at muli ring umalis.
Hindi pa man tumutuntong si Khloe sa high school ay alam na niyang hindi siya ang bunsong anak ng kanyang ama. Sinikap iyong itago sa kanya ng nanay at mga kapatid niya. Sinikap siyang protektahan, ngunit hindi maiiwasang hindi niya malaman ang totoo.
Nagtatrabaho ang kanyang ama sa Maynila. Minsan sa isang buwan lang kung umuwi sa kanila. Naaalala niyang madalas na pag-awayan ng mga magulang niya ang pagpupumilit ng kanyang ama na sa Maynila na lang sila manirahan, ngunit ayaw pumayag ng kanyang ina. Palaging sinasabi ng kanyang ina na mahihirapan silang mabuhay roon dahil napakagastos mabuhay sa lungsod, ngunit ang totoo ay ayaw lang talagang umalis ng kanyang ina sa probinsiya. Hindi raw nito alam kung paano mamuhay sa ibang lugar. Pamana ng lola ng kanyang ina ang lupang sinasaka at kinatitirikan ng bahay nila at ayaw nitong ibenta ang mga iyon.
Siguro ay hindi naiwasang bumaling sa iba ng kanyang ama dahil madalang lang na nakakasama ang kanyang ina. Unti-unting dumalang ang pag-uwi nito sa kanila. Nahirapan nang husto ang kanyang ina dahil madalang na ring mag-abot ng pera ang kanyang ama. Nasa kolehiyo na noon ang kanyang dalawang kuya. Sa halip naman na magreklamo sa asawa, gumagawa na lang ng paraan ang kanyang ina. Naglako-lako ng kung ano-ano, naglabada sa bayan, at kung ano-ano pang maisip na mapagkakakitaan.
Hanggang sa hindi na umuwi ang kanyang ama. Mas nahirapan ang kanyang ina. Mula sa private school sa kabilang bayan, lumipat si Khloe sa public school upang makapag-aral sa kolehiyo ang mga kuya niya. Fourth year high school siya nang bigla na lang umuwi ang kanyang ama. Dahil wala namang gaanong alam sa nangyari, at dahil nami-miss na ang ama, masaya niya itong niyakap at tinanggap.
Nagkaayos ang kanyang mga magulang. Dalawang beses kada isang buwan na sila uwian ng ama. Lumuwag-luwag ang kanilang pamumuhay. Hindi na kailangang mahirapan nang husto ng kanyang ina. Naging masaya siya—siya lang. Ang mga kuya niya ay hindi na muling napalapit sa kanilang ama, lalo na ang panganay.
Narinig pa nga ni Khloe na sinabi ng kanyang Kuya Konrad na hindi na nito kailangan ang kanilang ama. Nagtapos na ito sa pag-aaral at mayroon nang magandang trabaho sa kabisera.
Hindi pa man nagtatapos si Khloe sa fourth year high school, dumalang uli ang pag-uwi at pagtawag ng kanyang ama. Hanggang sa hindi na talaga nagpakita sa kanila. Siya lang yata ang nalungkot nang husto. Tila inasahan na iyon ng ibang kapamilya. Dahil nakakaintindi na siya, ipinaliwanag ng kanyang ina ang nangyari. May ibang pamilya na ang kanyang ama sa Maynila. May mga anak nang iba. Nagkagalit lang ang ama ni Khloe at ang kinakasama kaya umuwi sa kanila. Nang maayos ang gusot sa babae, muli silang tinalikuran.
“Huwag kang magtanim ng galit sa ama mo, Khloe. Ganoon lang talaga siya nilikha. Siguro, talagang mas mahal niya ang pamilya niya roon. Wala na tayong magagawa. Ipanalangin mo na lang ang kaligayahan niya kasama ng iba at kaligayahan natin na hindi siya kasama.”
Hindi nagalit si Khloe. Naintindihan at napatawad niya ang ama. Mahal pa rin niya ito dahil ito ang kanyang ama. Paminsan-minsan ay tumatawag sa kanya ang ama ngunit hindi na sila nagkita uli. Sa f*******: lang din niya nakikita at nakakausap ang mga kapatid niya sa ama.
“Lumapit ka nga kay Manang Caring upang bumalik sa `tin si Tatay?” tanong niya sa kanyang ina.
Nginitian lang siya nito nang makahulugan.
“Bakit iniwan uli niya tayo at hindi na bumalik?” Hindi pangmatagalan ang orasyon o gayuma?
“Dahil hindi talaga siya nararapat dito. Ang isang tao, kahit na anong dasal ang gawin mo—kahit na ano ang gawin mo, kung hindi sila para sa `yo, mawawala pa rin sila. Hindi sila mananatili. Magtutungo sila sa lugar at sa taong nararapat sa kanila.”
Tumango na lang si Khloe.
Habang nakahiga sa kama nang gabing iyon, hindi mabura sa isipan ni Khloe ang sinabi ni Manang Caring. Magbabalik daw sa kanya ang isang mahalagang bagay na nawala sa kanya. Parating na ito. Ayaw niyang umasa ngunit paano kung may tsansang maging totoo iyon? Hindi naman masama ang mangarap at umasa, hindi ba? Hindi masama ang maghangad ng magagandang posibilidad. Ngunit paano kung mabigo siya? Paano kung hindi dumating ang hinihintay niya? Hindi bat mas masakit iyon?
Kung sakali mang magbalik si Zantiago, ano ang mangyayari? Hindi na nila maibabalik sa dati ang lahat. Wala nang pag-asa na madugtungan ang kahapon. Magkaibang-magkaiba na ang mundo nila. Hindi iyon kailanman magiging isa. Hindi na siya bagay sa lalaki. Kung babalik man, aalis din.
Mas magiging masakit iyon.
Ngunit hindi kailangan ni Khloe na maghangad nang sobra. Hindi nila kailangang dugtungan ang kahapon. Ang kailangan lang niya ay makaharap ang lalaki at makausap kahit sandali lang. Nais niyang mayakap uli si Zantiago kahit saglit na saglit lang.
Kinapa niya ang kuwintas na nakasabit sa kanyang leeg. Nakalawit sa manipis na gold chain ang isang singsing. Kulay-pilak dati iyon ngunit sa haba ng panahon ay nangitim na. Napangiti si Khloe at hinayaan ang sarili na balikan ang nakaraan.