3

1204 Words
NAGTUNGO si Khloe sa kilalang albularya sa baryo nila, si Manang Caring. Kasama niya ang kanyang ina. Iginiit nitong magtungo sila roon sa hapong iyon upang makapagpahilot siya. Ilang umaga na kasing napapansin ng kanyang ina ang hindi magandang tindig niya. Hindi man siya dumadaing, alam nitong sumasakit tuwing umaga ang kanyang likod. Ang sabi niya ay nangangalay lang iyon ngunit ayaw nitong makinig sa kanya. Sa totoo lang ay nahihirapan na rin si Khloe kaya pumayag na siya kahit alam niyang kung ano-anong dahon at langis ang itatapal sa likod niya pagkatapos magpahilot. Kilala si Manang Caring hindi lang sa kanilang baryo kundi sa buong distrito. Maraming kahusayan ang babae bukod sa panghihilot. Mahusay raw talaga itong manggamot. Marunong magpawalang-bisa ng kulam. May sabi-sabi na marunong din daw itong mangkulam ngunit hindi naman iyon ginagamit sa masama. Kaya rin ni Manang Caring na hulaan ang mangyayari sa hinaharap. Kayang gumawa ng mga gayuma. At napakarami pa niyang naririnig. Lumaki si Khloe sa baryong iyon ngunit hindi siya gaanong naniniwala sa mga faith healer. Naniniwala siya sa hilot at herbal medicine ngunit hindi siya naniniwala sa kulam at gayuma. Isang bagay na gusto niya kay Manang Caring ay may respeto ang albularya sa modernong medisina. Kinikilala nito ang bisa niyon. Hindi katulad ng ibang albularyo na ipinagbabawal ang pagpunta sa doktor o pag-inom ng mga inereresetang gamot. Kapag alam ni Manang Caring na hindi na kayang gamutin ang isang pasyente, ipinapadala na nito sa doktor. Hindi nagmamagaling ang albularya at sinasabing sugo ng Diyos. Nanggagamot ito nang walang bayad. Naglalagay ang mga pasyente ng donasyon sa altar ngunit lahat daw ng pera doon ay ibinibigay sa simbahan. Mahaba-haba ang pila pagdating nila sa kubo ng matandang babae. Naupo silang mag-ina sa mahabang bangko. Kaagad kinausap ng kanyang ina ang kanilang katabi na mukhang galing ng ibang baryo dahil hindi pamilyar sa kanya. Limang minuto lang ang nakalipas, tila matalik na kaibigan na ng kanyang ina ang kausap. Pagkalipas ng dalawampung minuto ay alam na ng kanyang ina ang kuwento ng buhay ng babae—at siyempre ay alam na rin ni Khloe dahil naririnig niya ang pinagkukuwentuhan ng mga ito. May apat na anak ang babae. Kandong nito ang bunsong anak na sa kanyang tantiya ay limang taong gulang. Nilalagnat ang bata at sa palagay raw ng babae ay may pilay. Ipapatingin din ng babae ang likod na nananakit. Binubuhay nito ang mga anak sa paglalabada. Nalaman nila na mahigit dalawang taon nang hindi inuuwian ng asawa ang babae. Ang hinala ay may ibang babae ang asawa sa Maynila. “Hindi na baleng may babae siya basta sinusustentuhan niya ang mga anak n’yo kahit na paano,” anang nanay ni Khloe. Napaismid ang babae. “Naku, wala na akong maaasahan sa walanghiyang iyon.” “Alam mo bang kayang magpabalik ng mga taong nawawala ni Manang?” Namimilog ang mga matang napatingin si Khloe sa kanyang ina. Seryoso ba ito sa sinasabi? Alam niyang maraming kakayahan si Manang Caring ngunit hindi pa niya naririnig ang partikular na kakayahang iyon. Pabalikin ang mga taong nawawala? Natigilan ang babaeng kausap ng kanyang ina. Nakita ni Khloe ang pagkislap ng interes sa mga mata. Nais niyang mapangiti. Nais nitong magbalik ang asawa. Mahal pa rin ng babae ang lalaki kahit na tinawag iyong walanghiya. “T-talaga?” Tumango ang kanyang ina. “Tanungin mo siya mamaya.” Kumunot ang noo ni Khloe. Hindi niya maintindihan kung bakit nagsuhestiyon ang kanyang ina ng ganoong bagay sa isang babae. Aanhin naman nito ang lalaking manloloko at babaero? Gugustuhin pa rin ba ng babae ba makasama ang lalaking nagpabaya sa mga responsibilidad? Something clicked in her brain. Nakuha na niya. Pamilyar sa kanya ang kuwento ng babae. Kinagat niya ang ibabang labi upang mapigilan ang sarili sa pagsasalita. Sampung minuto pa ay nakalapit na sila. Papadilim na at si Khloe na ang huling pasyente ni Manang Caring. Dahil sa labas naman nanggagamot ang matandang babae, nakikita niya ang paraan ng panggagamot nito. Dahil si Khloe na nga ang huling pasyente, pinalapit na rin siya habang ginagamot ang babae sa unahan. Hinilot ni Manang Caring ang bata at pagkatapos ay ang ina nito. Hindi kaagad tumayo ang babae at masinsinang kinausap ang matanda. “K-kaya n’yo raw pong magpabalik ng mga taong nawawala?” tanong ng babae sa mahinang tinig ngunit umabot pa rin sa pandinig ni Khloe. Banayad na napangiti si Manang Caring. “Nais mong pabalikin sa piling mo ang asawa mo, `neng?” Nag-aatubiling tumango ang babae. “H-hinahanap po siya ng mga a-anak niya, Manang. Kung ako lang... kung ako lang ay walang kaso.” Tumango ang matanda. “May litrato ka niya?” Iniiwas ni Khloe ang tingin. Nakagat niya ang likod ng kanyang pisngi. Isang ideya ang sumagi sa kanyang isip ngunit pilit iyong pinapalis. Ayaw niyang maniwala sa mga ganoong bagay. Hindi naman totoo iyon. Paano mapapabalik ni Manang ang isang tao? Hindi naman nawawala ang asawa ng babae. Kusa itong umalis. Ang asawa ng babae ang may kagustuhang huwag nang magbalik sa lalawigan. “Makiki-CR ako sandali, `nak,” pamamaalam ng kanyang ina. Tumango lang si Khloe. Nang mapag-isa na ay binuklat niya ang kanyang wallet. Inilabas mula roon ang isang larawan. Hindi naman masama kung susubok ka, hindi ba, Khloe? Wala namang mawawala. Hindi naman sa maniniwala ka na sa kalokohang ito... Ipinilig niya ang kanyang ulo. Marahas niyang isinara ang wallet. Nababaliw na siya. Hindi nawawala ang nais niyang pabalikin sa lugar na iyon. Isa pa, alam niyang isa sa mga araw na iyon ay darating ito. Babalik ito. Hindi para sa kanya siyempre. Masyado naman siyang arogante kung iisiping hanggang ngayon ay may halaga pa rin siya rito. Mahigit isang dekada na ang nakalipas. Mga bata pa sila noong nagkahiwalay sila. “Ikaw na, ineng.” Napapitlag si Khloe nang marinig ang tinig ni Manang Caring. Hindi pa bumabalik ang kanyang ina mula sa banyo. Lumapit siya sa matanda. Tinanong nito kung ano ang masakit sa kanya at sinabi niya ang p*******t ng likod sa madaling-araw. Pinatalikod siya at hinilot ni Manang Caring ang kanyang likod. Nakaramdam siya ng ginhawa sa bawat hagod ng kamay nito. “Nangangalay ka,” sabi ni Manang Caring. Ipinaliwanag ni Khloe na ginugugol niya ang maraming oras sa harap ng computer. Ipinagpatuloy ng albularya ang paghilot. Medyo napadaing siya nang iikot nito ang kanyang mga braso. Hindi pa rin nagbabalik ang kanyang ina kahit malapit na siyang matapos. “Pabalik na siya.” Hindi niya naintindihan ang sinasabi ni Manang Caring. Wala naman kasi siyang itinatanong. “Po?” Nilingon niya ito. Bahagya siyang kinabahan sa ngiting nakasilay sa bibig ng albularya. Tila may sekretong nalalaman. “Ang lalaking gusto mong magbalik, parating na siya. Babalik na sa `yo ang bagay na nawala noon.” Napatitig si Khloe kay Manang Caring. Si Zantiago ba ang tinutukoy nito? Bago pa man matanong ang albularya ay nakabalik na ang kanyang ina. Kinausap nito si Manang Caring tungkol sa kanyang likod. Nang matapos ang panghihilot sa kanya ay iniwan muna niya ang dalawa. Nagtungo siya sa altar at nagbigay ng donasyon habang ang kanyang ina ay kausap pa rin si Manang Caring.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD