SI KHLOE ang gumawa ng script para sa dula-dulaan nila dahil napagdesisyunan ng mga kagrupo na trabaho din niya iyon bilang leader. Anuman daw ang kanyang mabuo ay gagawin ng mga ito. Halatang-halata na walang interes ang mga kagrupo sa dulang kanilang gagawin. Hindi na iyon nakapagtataka dahil alam ng lahat na walang babagsak sa Values Education. Hindi niya kailangang seryosuhin ang paggawa ng script ngunit naaliw siya sa ginagawa. Siguro ay dahil sa kagrupo niya si Zantiago at ito ang gaganap na bida kaya inspirado siya. Kahit pasaway ang mga kagrupo, sinikap ni Khloe na habaan ang pasensiya. Ginagawa niya ang lahat ng makakaya kahit na si Grace lang ang cooperative sa mga kasama. Palaging abala si Zantiago sa mga homework. Si Antonio at ang ibang lalaking kasama nila ay mas madalas na

