Naghintay ako ng buong araw na magparamdam or mag text sa akin si Lanie. Hindi ko pinahalata sa mga tao sa piligid ko ang pagkalungkot at pagkadismaya. Mas pinili ko na lamang na maging masaya ng araw na iyon.
Hanggang sa natapos na nga ang aking birthday ay walang text o chat kahit isa si Lanie. Inisip ko na lamang na busy ito sa kanyang trabaho kaya hindi nya na naisipang batiin ako.
Nagdaan pa ang mga araw subalit hindi na nga ito nagparamdam sa akin. Halong kaba at sakit ang aking nararamdaman ng mga oras na iyon. Kinakabahan na baka may nangyari na sa kanyang masama sa pinagtatrabahuhan niya at sakit dahil hindi man lang nito maalalang mangamusta at sabihing nasa maayos siyang kalagayan.
Isang araw ay may nasagap akong balita mula sa mga bata na malapit sa kaniya na ikinagulat ko. Sabi daw sa kanila ng mga nakatambay doon sa tindahan nila apong na may nobyo na daw si Lanie kaya hindi na ito bumalik at nagpakita pa. Ayon pa sa mga matatanda na malapit sa magulang ni Lanie ay nagsasama na nga ang mga ito sa iisang bubong.
Pagkatapos ko ngang malaman ang mga impormasyong iyon ay halos hindi ako makapagpokus sa trabaho at sa pag aaral ko ng mga panahong iyon dahil kung ano ano na lamang ang pumapasok sa isipan ko. Tinatanong ko sa sarili kung saan bako nagkulang o kung may mali ba sa akin. Madalas akong napapatulala at malalim ang iniisip.
Hindi ko alam ang iisipin ko at kung paniniwalaan ko ba ang mga chismiss na aking naririnig. Nais kong sa kaniya mismo manggaling kung totoo ang lahat ng mga chismiss sa aming purok. Ngunit wala pa ding reply si Lanie sa lahat ng text at chat ko sa kanya.
Hanggang sa isang gabi habang ako’y naghahapunan ay may natanggap akong mensahe mula sa numero na gamit niya.
“Hi Enyong, kamusta na”, bati nito na tila ba parang walang nangyari.
Hindi ko alam ang isasagot ko sa kaniya ng mga oras na iyon, naiinis ako sa kanya ngunit may halong pagkamiss ang aking nararamdaman para sa kaniya.
“Okay lang naman, ikaw ba kamusta?”, ang nasabi ko na lamang habang nag aantay kung magrereply ito.
“Nasa mabuti namang kalagayan”, sagot nito.
Nais ko na sana siyang tanungin tungkol sa mga chismiss at balita sa kanya ngunit hindi ko na lamang muna ito binanggit. Baka kasi hindi na ito magreply pa pag itatanong ko agad ang mga iyon.
“Mabuti naman kung ganun, ilang linggo na din ang lumipas ng huli tayong magkausap ah”, ang naireply ko na lamang.
“Oo nga eh, medyo napatagal din. Miss na nga kita eh”, reply pa nya.
Sa isip isip ko kung nagsasabi ba ito ng totoo o nagsisinungaling na lamang ipang pagtakpan ang mga pagkakamali nitong nagawa. Nagdadalawang isip ako ng mga oras na iyon kung magrereply bako na miss ko na din siya.
“Ah, ganun ba”, ang nasagot ko na lamang sa kanyang reply.
“Alam ko may mga narinig ka ng chismiss patungkol sakin, at alam kong madaming tanong na ang pumapasok sa iyong isipan Enyong. Sana wag mo sila paniwalaan dahil lahat ng iyon ay hindi totoo at pawang kasinungalingan lamang. Sinisiraan lamang nila ako sa buong purok at lalo na sa iyo dahil sa inggit. Alam kase nilang may namamagitan na sa ating dalawa marahil ito ang dahilan kaya nagpapakalat sila ng maling impormasyon”, ang kaniyang salaysay sa mensahe na pinadala nya sa akin.
Nang mabasa ko ang kaniyang mga salaysay ay napaisip ako kung totoo ba lahat ng iyon. Maari kayang sinisiraan lang talaga siya ng iba dahil sa pagkainggit. Kung tutuusin ay wala namang dapat kainggitan sa aming dalawa dahil hindi naman kami mayaman at wala pa naman kaming napapatuyan sa buhay. Kami ay nagkakamabutihan pa lamang at halos ilang buwan pa lang na magkakilala.
Hindi ko lubos maisip na iyon nga ang marahil dahilan ng mga chismiss na pinapakalat sa aming lugar. Siguro ngay madaming naiinggit sakin dahil ako ang tinatangi ni Lanie at hindi sila. Dahil inaamin ko naman na sa itsura kong ito ay malayong magugustuhan nya ang isang tulad ko.
Madaming lalaki ang naghahangad sa kanya sa aming lugar. Mayron pa nga ang lalaking may asawa na ngunit nagkakagusto sa kanya kaya minsan ay si Lanie ang nagiging puno’t ng pag aaway nilang mag asawa.
Di maitatangging may kagandahang taglay si Lanie na siyang dahilan ng pagkahumaling ng mga lalaki sa kanya. Kaya di ko din sila masisisi kung kainggitan man nila ako dahil sa akin nagkagusto ang babaeng kanilang hinahangaan.
Matapos nga ang pag uusap namin ng gabing iyon ay nagpatuloy na nga ulit ang aming komunikasyon sa isa’t isa. Araw araw na ulit kaming magkachat at magkatext, kung minsan ay tumatawag ito kapag may oras o kapag tapos na ito sa kaniyang mga gawain.
Naging panatag ulit ang aking kalooban dahilan ng aking pagtitiwala ulit sa kanya. Mas nagtiwala ulit ako sa kanya at pinaniwalaan siya kaysa sa mga chismiss at balita na kumakalat sa aming lugar.
Hindi ko pinaalam kahit kanino man na may komunikasyon na ulit kaming dalawa ni Lanie. Kahit pa kanila kuya ko at sa mga batang malapit sa kanya ay hindi ko pinagsabihan o pinagbigay alam. Maari kasing may makaalam pang iba at pagmulan pa ng panibagong chismiss o problema kung malaman nilang nag uusap na ulit kami ni Lanie.
Nagdaan pa ang mga araw, ang masasayang pag uusap namin ay panandalian lang pala dahil ang tiwalang aking binuong muli sa kanya ay mawawala rin pala agad. Ang tiwalang iyon ay siyang sisira at magiging dahilan pa ng mas matinding puot at galit ko sa kanya.
Nang mismong mga mata ko na ang nakasaksi ng mga katotohanan. Katotohanang pilit kong kinukubli at ayaw paniwalaan dahil mas nagtiwala ako sa kanya. Akala ko’y tama ang aking mga naging pasya na muli syang paniwalaan sa mga sinasangbit nito sa akin na pawang mga kasinungalingan lang palang lahat.