Malakas ang kabog ng dibdib ni Dorothea habang binabasa ang mga nakasulat sa diary ni Theodora. Humigpit ang pagkakahawak niya sa libro at nagtiim-bagang.
Agosto 13,
Bukas na ang unang beses na nagkaroon ako ng photoshoot. Bata pa lang ako ay gusto ko na ito ngunit wala akong tiwala sa sarili ko, pakiramdam ko ay magkakamali lang ako. Hindi ko man pinapahalata kina mama ngunit excited talaga ako. Hay, sana maging maayos ang lahat. Goodluck sa’kin.
Agosto 14,
Gusto ko na lang mamatay
Agosto 20,
Ang tagal kong hindi nakapagsulat dito. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang lahat. Pagkatapos ng photoshoot ko no’ng agosto 14 ay nilapitan ako ni Mr. John.
Nilapitan niya ako, tapos. . kinausap niya ako
Naputol ang sulat doon kaya’t kagat ang labi na nilipat ni Dorothea ang pahina, mukhang kahit sa sulat ay hindi nito magawang isulat ang gustong isulat. Nagulat siya nang halos isang buwan ang pagitan ng nakalagay na date sa sumunod na page.
Setyembre 16,
Hay, ang tagal ko na naman hindi nakapagsulat dito. Hindi ko na alam ang nangyayari sa’kin. Dahil sa ginawa sa’kin ni Mr. John ay pati si Salem ay nilalayuan ko na, nanginginig ako kapag napapadikit ako sa mga lalaki. Sana ay hindi nila napansin lahat ‘yon.
Nanlaki ang mata ni Dorothea. Anong ginawa sa kanya ni Mr. John?
Setyembre 17,
Tinanong ako ni Lorena kung ano ba ang nangyayari sa’kin, kung bakit hinayaan ko lang na bugbugin sa harapan ko si Salem. Sa totoo lang, wala akong naramdaman habang nanonood ako. Ewan ko.
Setyembre 18,
Bakit ba hindi na lang ako mamatay?
Setyembre 19,
Tuwing nakikita ko ang sarili ko sa salamin, nandidiri ako.
Setyembre 20,
Kinontact na naman ni Mr. John si mama para sa susunod kong photoshoot. Nag-away kami dahil ayoko nang magpunta. Naiintindihan ko naman si mama dahil hindi ko masabi sa kanya kung ano ang ginawa sa’kin ni Mr. John.
Setyembre 21,
Hindi ko maiwasang isipin, paano kaya kung sinamahan ako ni mama sa photoshoot noong araw na iyon? Sigurado ay hindi sa’kin magagawa ni Mr. John ‘yon, sana ay hindi ako ganito ngayon.
Setyembre 22,
Kanina ay naisip kong saktan ang sarili ko, hawak ko na ‘yung kutsilyo kanina. Mabuti na lang ay dumating si Gary. Sana ay hindi niya napansin.
Setyembre 25,
Sorry, ngayon lang ulit ako nakapagsulat. Wala rin naman nangyayari sa’kin, walang bago.
Setyembre 26,
Napaaway ako kanina sa school. Matagal nang may galit sa’kin si Ashley pero hindi ko siya pinapatulan. Pero kanina, hindi ko alam kung bakit sumabog ako bigla. Ako ang unang nanakit sa kanya, sinabunutan ko siya at sinuntok ng maraming beses.
Ewan ko, pero hindi ko alam kung bakit ang sarap no’n sa pakiramdam. Parang nailabas ko ang lahat ng galit sa didbib ko.
“Ashley?” sambit ni Dorothea. Si Halsey iyon sa earth a! Nag-away sila ni Theodora? Pati ba naman sa mundong ito ay bwisit ang babaeng iyon!
Nagbuntong-hininga siya. “Anong ginawa sa kanya ni Mr. John? Mukhang depressed si Theodora noong mga panahon na ‘to.”
Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa. Ang mga nakalagay lang ay puro gusto lang nito mamatay at mawala sa mundo, palala nang palala iyon.
Nakalagay din na madalas na siyang mapaaway sa school, kaya nag-aaway din sila ng mama niya sa bahay.
Napatakip siya sa bibig nang mabasa niya ang mga sumunod na nakasulat.
Nobyembre 4,
Napaaway na naman ako kaya ngayon ay natanggal na talaga ako sa school namin. Wala na, pati sa pag-aaral ay palpak ako.
Nobyembre 10,
Ang dami ko nang naipon. Niyaya ko si Lorena sa mall, binili ko siya ng gusto niya. Tapos pag-uwi ko ay binilhan ko ng makakain sina mama. Nakipaglaro ako kina Gray at Salem kahit ayoko ng nilalaro nia, akala ko ay hindi sila makikipaglaro sa’kin pero mukhang nag-enjoy naman sila kahit hindi ako marunong.
Nobyembre 11,
Umaga pa lang ngayong oras na isinusulat ko ‘to. Pero baka kasi ito na ang huling beses na magagawa ko ‘to. Sorry, pero mukhang iiwan na kita.
Ngayong araw, nakapagdesisyon na ako. Wawakasan ko na ang buhay ko, ginawa ko ang lahat ng ginawa ko kahapon para makapagpaalam sa kanila nang hindi nila namamalayan.
Ilang buwan nang nasa isip ko ‘to, gusto ko nang mawala at maglaho. Sawang-sawa na akong mag-isip at umiyak mag-isa.
At dahil ikaw, diary, ang nakakaalam ng lahat ng sikreto ko. . sasabihin ko sayo ang plano ko.
Maglalaslas ako ng pulso, pero hindi rito sa bahay, ayokong makita ako nina mama rito. Nakakaawa naman sila at ayokong mabahiran ng dugo ang bahay na ‘to, dito na ako lumaki. Kaya sa ibang lugar ko na lang gagawin, kung saan walang makakakita sa’kin.
Mama, papa, Gary, Lorena, Salem. Mahal na mahal ko kayong lahat.
Sorry. . hindi ko na kasi kaya. Sorry
Natulala si Dorothea sa notebook habang nakatakip sa bibig. Iyon na ang huling sulat sa notebook. Hindi niya namalayan na bigla na lang tumulo ang luha niya, hindi makapaniwalang binitawan niya ang notebook.
Nanginginig siya, at pakiramdam niya ay may naiwan na butas sa kanyang dibdib.
“P-patay na si Theodora?” sambit niya sa hangin.
Napayuko siya at niyakap ang kanyang mga binti, binuro ang mukha sa kanyang tuhod. Tahimik na humikbi siya habang iniisip si Theodora.
Walang nakakaalam ng mga naranasan nito. Sa dinami-dami ng mga taong nakapaligid dito, walang nakakaalam ng pinagdaanan niya.
Hanggang sa huli, nawala si Theodora sa mundong ito nang mag-isa lang siya.
Kinagat niya ang kanyang labi habang patuloy ang pag-iyak. Nagsisisi siya na binasa niya pa iyon, pakiramdam niya tuloy ay nararamdaman niya ang lahat ng sakit nito.
“Theodora. .” sambit niya at tahimik na humikbi.
Kinabukasan ay hindi ulit pumasok si Dorothea. Kinukulit niya ang mama niya na tawagan si Mr. John at bigyan ulit siya ng project ngunit nahihiya ito, dahil si Mr. John naman kasi raw ang tatawag sa kanila kung meron.
Kuyom ang kamao na nakaupo si Dorothea sa higaan, gusto niyang makita ito. Gusto niyang saktan ito, alam niyang walang magagawa ang p*******t niya para nagawa nito kay Theodora, pero nangangati talaga siya na suntukin ito sa mukha.
Pagkatapos no’n ay gagawa siya ng paraan para i-expose ang lahat ng ginawa ni Mr. John kay Theodora. Ngunit hindi niya alam kung paano niya magagawa iyon dahil wala siyang ebidensya, kailangan niyang maghanap ng paraan.
“Kahit isang beses lang,” sambit niya sa hangin. Ipaghihiganti niya si Theodora kahit ano ang mangyari.
“Theo!”
Tumayo siya nang marinig niya ang boses ng mama niya sa baba, bumaba agad siya at inaasahan na niyang makikita niya si Blake doon. Dahil sinabihan niya ito na magpunta pagkatapos ng klase.
“Blake,” bati niya. “Umupo ka.”
Nahihiyang umupo ito at nilingon siya. “Bakit mo ako pinapunta? Bakit hindi ka rin pumasok? May sakit ka ba?”
“Wala akong sakit,” sabi niya at matamlay na ngumiti. “Blake, sorry. Pero kailangan ko nang makipaghiwalay sayo.”
Hindi ito nagsalita. Hindi niya inaasahan na magiging kalmado ito, ni wala itong naging reaksyon.
“Bakit?” tanong nito.
Nag-iwas siya ng tingin. “Feeling ko kasi na ang unfair sayo.”
“Ang alin?”
“Hindi naman kasi talaga kita gusto, kamukha ka lang ng crush ko,” pag-amin niya at nagdalawang isip pa siyang ituloy ang sasabihin niya. “At hindi na ako ang Theodora na nakilala mo dati, hindi na ako ang nagustuhan mo noon.”
“Anong ibig mong sabihin? Dahil ba nagbago ka na?” tanong nito at pinagmasdan siya. “Ganyan ka rin naman noong una, bigla ka na lang nagbago noon kaya masaya ako na bumalik ka na ulit sa dati—”
“Hindi, hindi mo maiintindihan,” pagputol niya sa sinasabi nito. “Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sayo, pero basta. Sorry, nakikipaghiwalay na ako sayo.”
“Bakit sino ka ba?”
Natigilan siya dahil sa tanong nito. “A-ako pa rin naman ‘to, pero alam mo ‘yon. Hindi na ako ang dating Theodora na kilala ng lahat—”
“Dorothea?”
Mabilis siyang napatayo habang nanlalaki ang mata, nanginginig na napatakip siya sa bibig dahil sa sobrang gulat.
“Paano mo nalaman na—”
“Ikaw nga ‘yan? Dorothea?” tanong nito at mabagal na nanlaki ang mata habang pinagmamasdan siya.
Umatras siya. “S-sino ka?”
Paano nito nalaman ang totoong pangalan niya?
Hindi ito sumagot at binaling ang tingin sa kusina kung nasaan ang mama ni Theodora, pagkatapos ay binalik ang tingin sa kanya.
“Dorothea—”
“Sino ka?” agap niya.
Nagtiim-bagang ito. “Ako ‘to, si Kaleb.”
Mabilis siyang umiling-iling. “Hindi, nananaginip ako. Hindi ikaw ‘yan. Tama! Namimiss ko lang ang earth kaya ganito.”
Tumayo ito at hinawakan siya sa kamay na agad niyang tinabig, tapos ay sinampal-sampal niya ang pisngi niya para magising.
“I-imposibleng nandito ka rin, imposible. .”
“Dorothea, kumalma ka.”
“Hindi,” aniya at tumakbo pata umakyat ng hagdan. Pero bago pa man siya nakaakyat ay bigla na lang nagdilim ang paningin niya, hindi pa siya nakakakapit sa hagdanan ay nawalan na siya ng malay.
Tumakbo agad si Kaleb para saluhin si Dorothea, ang mama niya ay napasigaw habang natataranta.
“Bakit? Anong nangyari?” gulat na tanong tanong nito.
Nagbuntong-hininga si Kaleb. “Hindi ko po alam, tumakbo po siya pagkatapos niyang makipaghiwalay sa’kin. .”
“N-nakipaghiwalay siya sayo?”
Tumawa ito at tumango.
Napadilat ng mata si Dorothea nang maramdaman niya na may humahaplos ng buhok niya, nanlaki ang mata niya at napatili nang mukha agad ni Kaleb ang nakita niya.
Nasa kwarto na nila siya, at nakahiga siya sa kama.
“Dorothea, shhh,” sabi nito at tinakpan ang bibig niya. Pumalag-palag siya ngunit ayaw nitong bitawan. “Mangako ka na hindi ka sisigaw kapag tinanggal ko.”
Mabagal na tumango siya, kaya mabagal na tinanggal nito ang kamay nito sa bibig niya. Gusto niyang sumigaw na naman ngunit napigilan niya ang sarili niya.
“I-ikaw ba talaga si Kaleb?” tanong niya.
Huminga ito ng malalim at tumango. “Oo, ako ‘to.”
“Paano nangyari ‘to? Ayokong maniwala!”
“Hindi rin ako makapaniwala na tama ang hinala ko,” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Anong ibig mong sabihin?”
“Noong nasa mall tayo nina Lorena, narinig kita na binanggit mo ang earth.”
Kailan? No’ng may lalaki na lumapit sa kanya? ‘Yung binanggit niya ang crush niya sa earth? Narinig nito iyon?
Umiling siya. “Patunayan mo na ikaw ‘yan.”
“Uh. .” Napakamot ito sa ulo. “Crush mo ko dati pa.”
Nag-init ang mukha niya. “O, ano pa?”
“Girlfriend ko si Halsey,” sabi pa nito. “Inimbitahan mo kami sa birthday ng kapatid mo, tapos binugbog niyong dalawa ni Amsel si Darien sa canteen—”
“Sh¡t! Kaleb!” Mahigpit niyang niyakap si Kaleb kaya’t napatigil ito sa pagsasalita, napaiyak na naman siya. “Ang tagal ko nang gustong bumalik! Namimiss ko na sa earth! Paano ka nakapunta rito?”
Tumawa ito. “Hindi ko na rin maalala.”
“Anong ibig mong sabihin? Matagal ka na rito? Hindi ko maintindihan.”
“Isang taon na akong pabalik-balik sa mundong ‘to,” panimula nito. “Basta nagising na lang ako isang umaga na nandito na ako, noong una ay gulong-gulo ako dahil kilala ko ang mukha ng mga tao pero para rin akong nasa ibang mundo.”
“Hindi ko maintindihan, matagal ka nang nagpapabalik-balik dito? Paano?”
“Tulad mo, hindi ko rin alam kung kailan ako babalik sa earth at kung kailan ako pupunta rito,” paliwanag nito. “Si Blake, ‘yung tunay na nakatira rito. Magkakilala kami pero hindi pa kami nagkikita ng personal dahil kapag nandito ako ay nasa earth naman siya. .”
“Ibig sabihin ay nagpapalit kayo? At ‘yung nakikita at nakakausap ko sa school ay minsan siya, at minsan naman ay ikaw?”
Tumango ito.
Nanlaki ang mata niya. “E, sino ‘yung nagsabi sa’kin na maganda ako noon?”
“Si Blake ‘yon.”
Napasampal siya sa noo niya at inis na huminga. “Akala ko pa naman ay pinuri mo na talaga ako! Nakakainis!”
Tumawa ito at kaya’t tiningnan niya ito ng masama. Kaya pala pinuri siya dahil totoo naman na maganda siya sa paningin ni Blake dahil iyon ang beauty standard nila sa mundong ito.
“‘Yung nasa birthday ni Gray, ikaw ‘yon diba?”
“Tama,” tumango ito. “Basta nalaman na lang namin na ganito ang nangyayari, kaya lagi kaming nag-iiwan ng sulat para sa isa’t-isa para alam namin kung ano ang ginawa namin sa bawat mundo. Kung gano’n, walang makakahalata.”
Napatakip siya sa bibig. “‘Yung hinalikan ko. . sino ‘yon?”
“Ako,” sagot nito.
Napatili siya kaya agad nitong tinakpan ang bibig niya. Hindi siya makapaniwala na nahalikan na pala niya ang totoong crush niya nang hindi niya namamalayan!
“Ako ‘yon, pero umakto ako na parang siya para hindi mo mahalata,” sabi nito. “Sinabi niya kasi na meron siyang nagugustuhan na babae na pangalan ay Theodora, at hindi ako makapaniwala na ikaw pala ang kamukha no’n.”
“Pero. .” Napahawak siya sa kanyang labi. “Akala ko noong una ay panaginip lang ito kaya hinalikan ko si Blake, tapos ikaw pala ‘yon?!”
“Hindi ko rin naman akalain na ikaw pala ‘yan.”
“So, inisip mo talaga na ako si Theodora?”
“Oo,” sagot nito. “Hindi ko naisip na mapupunta ka rito.”
“Pero. .” Napayuko siya. “Kamusta na sila sa earth?”
Saglit itong natahimik. “Matagal ka na nilang hinahanap.”
“Sinasabi ko na nga ba. .”
“Dorothea,” saad nito. “Bakit hindi ka bumabalik sa earth? Mas masaya ka ba rito?”
“Hindi!” agap niya. “Gustong-gusto ko nang bumalik, hindi ko lang alam kung paano!”
Nagbuntong-hininga ito. “Wag kang mag-alala, tutulungan kita.”
Napangiti siya at tumango. Bigla siyang nakahinga ng maluwang, nakahanap siya ng kasama! At matalino’t gwapo pa!