Kinabukasan ay nalaman agad ni Dorothea na si Kaleb ang nakita niya sa school, base na rin sa tingin nito sa kanya.
Kaya nang mag-uwian ay sabay silang umuwi, naabutan pa nila ro’n si Salem at Gary sa salas. Pero hinila niya lang si Kaleb sa kwarto niya sa taas at hindi pinansin ang mga ito.
“Mukhang may gusto rin sayo si Salem a?” puna ni Kaleb pagkasara niya ng pinto.
Kumunot ang noo niya. “Bakit? Paano mo nasabi?”
“Ang sama ng tingin sa’kin habang hinihila mo ako e, akala niya siguro kung ano ang gagawin natin.”
Nagkibit-balikat siya. “Ang sama kaya ng ugali no’n sa’kin.”
Tumawa si Kaleb. “Si Amsel din naman a?”
“Hindi a,” sabi niya. “Mabait sa’kin ‘yon, pinagtatanggol pa ako tsaka nakita nga ako no’n na umiiyak isang gabi noon sa kusina namin e. Niyakap niya ako tapos hindi siya nagalit kahit nalagyan ko ng uhog ‘yung—”
Hindi niya naituloy ang sasabihin nang ma-realized niya ang sinasabi niya, napaiwas siya ng tingin at tumalikod.
Humalakhak si Kaleb kaya’t inis na napapikit siya ng mariin. “Nakakaselos, mukhang hindi na ako ang gusto mo.”
Nag-init ang buong mukha niya. “Hindi sa gano’n! Mabait lang talaga sa’kin si Amsel. . tsaka bakit ba napunta sa kanya ang usapan? Si Salem ang topic natin a!”
“Ikaw ang nagtuloy-tuloy diyan. .” sabi nito na may pang-aasar pa rin ang tono.
“Hay naku, pag-usapan na nga natin ‘yung plano!” Matapang siyang humarap at nagpamewang. “At saka kung may gusto man si Salem, kay Theodora iyon at hindi sa’kin.”
Naiiling si Kaleb habang nakangisi. “Oo na.”
Pinag-usapan na nila ang plano. Noong una ay tutol si Kaleb sa plano niya na hahayaan niyang gumawa ng moves sa kanya si Mr. John, at kapag huhubaran na siya nito o ano pa man ay saka siya sisigaw at darating naman si Kaleb.
Balak niyang i-video o i-record ang lahat, dahil iyon ang gagawin niyang ebidensya. Susubukan niya rin na sabihin nito ang ginawa nito kay Theodora, dalawang taon na ang nakararaan.
Ayaw kasi gamitin ni Dorothea ang video na naka-save sa laptop ni Theodora. Ayaw niyang ilabas iyon bilang respeto, kaya ngayon ay gagawa siya ng ebidensya.
“Gaano katagal na natatapos ang photoshoot?” tanong ni Kaleb.
“Buong araw,” sagot niya. “Kaya nga ite-text kita kapag malapit nang matapos para pupunta ka na agad, sa gano’n ay hindi ka maghihintay buong araw. Siguradong gagawa ng moves sa’kin si Mr. John kapag nakauwi na ang lahat.”
Tumango si Kaleb. “Basta, ‘wag mong hahayaan na mahawakan ka niya—”
“Ako na ang bahala,” ngumiti siya at pinagmasdan ang binata.
Dati ay hindi niya malaman kung gaano siya kapatay na patay kay Kaleb, halos umiikot lang ang mundo niya sa school dahil sa pagkaka-crush niya rito. Hindi niya pa ito makausap ng maayos dati dahil sa sobrang hiya niya.
Ngunit ngayon ay para na silang magkaibigan.
“Kaleb,” pagtawag niya sa pansin nito. “Mahal mo ba talaga si Halsey?”
Naningkit ang mata nito at mabagal na tumango. “Oo, hindi ko naman siya liligawan kung hindi.”
“E, paano kapag si Blake ang nandoon sa earth?”
“Pinag-usapan na namin na hindi niya hahawakan si Halsey at hahalikan tuwing sila ang magkasama,” paliwanag nito. “Napapansin mo na minsan ay hindi kami magkasama sa school, sinabi ko kay Blake na magdahilan siya na busy siya kaya wala siyang oras.”
“Wala bang napapansin si Halsey?”
“Minsan nagtatanong siya kung bakit ilag ako sa kanya, sinabi ko na gusto ko lang ibalanse ang pag-aaral at relasyon ko sa kanya.” Nagbuntong-hininga ito. “Kung ako ang papipiliin, ayoko nang bumalik dito. Mas gusto ko ang buhay ko sa earth, at nandoon din kasi si Halsey.”
“Gustong-gusto mo talaga siya, no?”
“Halata ba?” Tumawa ito. “Alam ko na ayaw mo kay Halsey. Pero sobrang bait niya, Dorothea. ‘Yung pinapakita niya sayo na kabaitan, totoo ‘yon. At ‘yung mga tsismis na inuutusan niya sina Jonas na i-bully ka, iyon ang hindi totoo.”
“Hindi ko alam. .” bulong niya.
“Kahit din alam niya na may crush ka sa’kin noon ay hindi siya nagagalit, akala ko nga ay wala siyang pakialam e. Pero nacu-cute-an lang daw siya sayo, hindi katulad ng ibang nagkakagusto sa’kin.”
Ngumuso siya. “Ewan ko, dati pa kasi ay inis na ako sa kanya. At kay Elnora lang ako komportable talaga, pero dahil tinutulungan mo ako ngayon. . bibigyan ko ng pagkakataon si Halsey pagbalik ko sa earth.”
Ngumisi ito. “Siguradong matutuwa ‘yon.”
Natigil ang pag-uusap nila nang bigla kumatok ang pinto, sumungaw si Gary at naaninag ni Dorothea si Salem na nakasimangot sa likod nito. Pasimpleng nakikisilip kung ano ang ginagawa nila.
“Nagluto si mama ng merienda, bumaba raw muna kayo,” sabi ni Gary.
Tumango siya. “Sige, bababa na kami.”
Tumayo na si Kaleb kaya tumayo na rin siya, nakita niya kung paano sundan ng tingin ni Salem ang inaakala nitong si Blake. Tapos nang siya naman ang dumaan ay nagsalita ito.
“Ayos a, bonding sa kwarto,” mahinang sambit nito.
Tiningnan niya ito. “May gusto ka ba sa’kin?”
Natigilan ito at maya-maya ay sumimangot. Pinagmasdan siya nito ng ilang saglit pagkatapos ay tumalikod nang walang sinasabi at pumasok na sa kwarto ni Gary.
Napangiti siya at hinabol si Kaleb para bumulong. “Mukhang may gusto nga si Salem kay Theodora.”
“Sabi sayo e,” sagot nito.
“Kumain na kayo, nagluto ako ng ginataang bilo-bilo,” aya ng mama niya. “Blake, kumain ka ng marami ha.”
“Salamat po,” sambit ni Kaleb.
Buong araw silang magkasama ni Kaleb, pinag-uusapan nila ang plano. At minsan ay naisisingit si Amsel, lagi lang naman siyang inaasar ni Kaleb.
Kinabukasan ay wala naman nangyari, wala si Kaleb kaya’t naging normal lang ang araw ni Dorothea. At sumunod na araw ay ang araw ng photoshoot.
“Sigurado ka na gusto mong ikaw na lang ulit mag-isa?” tanong ng mama niya.
Tumango siya. “Opo, ma. Tsaka susunduin ko ni Kal— este Blake mamaya.”
“Wow naman.” Ngumiti ng malapad ang mama niya. “Akala ko ay maghihiwalay na talaga kayo e.”
Hindi siya nakasagot. Kung alam lang nito kung ano ang balak nilang gawin ni Kaleb mamaya, para ito sa totoo niyang anak na si Theodora.
Habang nasa biyahe siya papunta sa location ay tinext niya si Kaleb kung ano ang address. Hindi ito nag-reply, siguro ay nasa school pa ito kaya hinayaan niya na muna.
Pagkarating niya roon sa location ay gano’n pa rin ang mga nangyari. Inayusan siya at binihisan ng mga staff, anim na layout ang mayroon ngayon kaya tantya niya na aabutin ng gabi.
Kaya tinext niya si Kaleb na bandang alas syete ito magpunta.
“Theodora!” Natigilan siya nang marinig ang boses ni Mr. John, palapit ito sa kanya ngayon habang nakaupo siya sa isang stool.
“Mr. John. .”
“Kamusta ang shoot?” tanong nito at hinawakan siya sa balikat. “Nag-eenjoy ka ba?”
Nagtiim-bagang siya at tumango.
“Napansin ko na hindi mo ulit kasama si Mrs. Costanza,” puna nito. “Busy ba siya?”
Pagkakataon na niya ito.
“Hindi naman, gusto ko lang na ako muna ang magpunta mag-isa,” sabi niya at matamis na ngumiti.
Natigilan ito at pinagmasdan siya. Matagal na matagal at gusto niyang sapakin ang pagmumukha nito.
“Totoo nga ang sinabi nila, nagbago ka na,” sabi nito at mas pinisil ang kanyang balikat. Napaigtad siya nang hinawakan nito ang kanyang buhok. “Mamaya, pagkatapos ng photoshoot ay ‘wag ka munang uuwi.”
Pinilit niyang ngumiti. “Iyon nga ang balak ko.”
Nang umalis ito sa harapan niya ay nakahinga siya ng maluwang. Pinagmasdan niya ang nanginginig niyang kamay, dinampot niya ang phone niya at tinext muli si Kaleb na tuloy talaga ang plano.
“Theo, tara na para sa susunod na layout.”
Tumango siya sa photographer at tumayo. Buong araw na nag-photoshoot tulad ng inaasahan niya, nang makita niya ang oras ay kinabahan siya. Matatapos na rin sila at kanina pa nakatingin sa kanya si Mr. John.
Nginitian niya ito at kumislap naman ang mga mata nito.
“Good job, guys!” Malawak ang ngiti ni Mr. John habang pumapalakpak pagkatapos nila. “Ingat kayo sa pag-uwi lahat, okay?”
Napakagat siya sa kanyang labi habang hindi mapakali na nakaupo sa isang sofa. Pabalik-balik ang tingin niya sa phone niya, hindi pa rin kasi nagrereply si Kaleb simula kanina.
“Theodora.”
Halos mapatalon siya nang marinig ang boses ni Mr. John. Nilibot niya ang tingin sa paligid, wala nang tao! Binalot ng kaba ang dibdib niya.
“Tayo na lang ang mag-isa ngayon,” sabi nito sa nakakalokong tono.
Tumikhim siya. “May gusto lang akong sabihin, Mr. John. Pero kukuha lang muna ako ng tubig.”
Tumayo siya agad at tinalikuran ito. Pasimple niyang ini-start ang record sa phone niya, tapos ay uminom siya.
Bumaling siya ng tingin kay Mr. John na hinihintay siya.
“Lumapit ka rito, Theodora,” sabi nito at hinila siya sa pulso ngunit lumayo agad siya.
“Gusto ko lang makipag-usap!” Tumaas agad ang boses niya.
Nagsalubong ang kilay nito. “Para saan? Anong pag-uusapan natin dalawa?”
“Tungkol sa ginawa mo sa’kin noon,” sabi niya at mahigpit na napahawak sa phone niya. “Lagpas dalawang taon na ang nakararaan.”
Naging galit ang itsura nito, pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa. Nanginginig siya ng sobra dahil sa takot, at napansin nito iyon.
Naningkit ang mata nito. “Ano ang pinaplano mo, Theodora?”
“A-anong plano?” tanong niya. “Gusto ko lang na burahin mo na ang video na iyon sa’yo—”
“Why? Sobrang matagal na iyon, Theodora. Paminsan-minsan ay pinapanood ko pa rin iyon.”
Nagdilim ang paningin niya at hindi na niya napigilan ang sarili. “Nakakadiri ka! Demonyo! Wala ka bang natitira na konsensya? H-hindi mo alam kung paano mo nasira ang buhay ko! Rap¡st!”
“Rap¡st?” Tumayo ito at napaigtad siya nang hinawakan siya nito sa buhok. “Hindi ba’t nagustuhan mo rin naman iyon? Hindi ka nga pumalag-palag habang hinahawakan ko ang buong katawan mo.”
Kumuyom ang kanyang kamay dahil sa galit, inipon niya ang laway at dinuraan ito sa mukha.
“Ipakukulong kita! Sisiguraduhin kong mawawala ang lahat sa’yo!”
Napaluhod siya nang itulak siya nito sa sahig. Naiiyak na nag-angat siya ng tingin, hinawakan nito ang damit niya at hinila paangat pero pinipigilan niya iyon habang sinisipa niya ito.
Ito na ang tamang oras, naisip niya. Kaleb, may tiwala ako sayo.
Pumikit siya ng mariin at sumigaw ng malakas, malakas na malakas na pakiramdam niya ay mawawala ang boses niya. Ilang segundo ang lumipas, ilang segundo pero walang pumasok sa pinto.
Nanlalaki ang mata na binaling niya ang tingin kay Mr. John nang tumawa ito, hinawakan siya nito sa panga habang tumatawa pa rin.
“Hindi mo alam, Theodora,” sambit nito. “Sa tingin mo ay kapag nalaman nilang dito nang gagaling ang sigaw ay tutulungan ka nila?”
Hindi siya nakasagot. Wala si Kaleb! Hindi ito nagrereply kanina pa! May nangyari ba? Hindi niya alam, basta ang alam niya ay hindi maganda ang sitwasyon na ito.
“Ako ang may-ari ng building na ito, ng lupain na ito,” pagpapatuloy ni Mr. John. “Sa tingin mo ay sasayangin nila ang trabaho nila para tulungan ka?”
Hindi pwede. Tatakas siya! Tumayo siya at nagmamadaling tumakbo sa pinto ngunit nahabol siya nito at hinawakan sa buhok.
Napaupo muli siya sa sahig nang sampalin siya nito ng malakas sa pisngi. Tumutulo ang luha na tumitig lang siya sa sahig.
“‘Wag ka nang pumalag,” sabi nito. “Kung gusto mo talaga ang pagmo-modelo, ibibigay mo sa’kin ang gusto ko.”
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at inangat, nakangiting pinagmasdan siya nito sa mukha.
Galit na sinalubong niya ng mukha nito. “Fuçk you!”
Dumiin ang pagkakahawak nito sa balikat niya at malakas siyang itinulak, tumama ang ulo niya sa batong dingding at naramdaman niya ang mainit na tumulo mula sa ulo niya.
Napapikit siya dahil sa pagkahilo. Pinilit niyang tumayo ngunit tumumba ulit siya, napahiga siya sa sahig at naramdaman niyang pumatong sa kanya si Mr. John.
Narinig niyang bumukas ang pintuan habang nakapikit siya. Hindi niya kung sino ang pumasok, basta narinig niya na lang ang malakas na pagdaing ni Mr. John.
May humawak sa likod ng ulo niya at inangat.
“Dorothea. .”
Mabilis siyang napadilat nang marinig niya ang boses na iyon. Hindi iyon si Kaleb. Si Salem? Hindi, hindi si Salem ito.
“A-amsel?” nanghihinang sambit niya.
Pinilit niya pang mas idilat ang mga mata niya at makita ang mukha ng kaharap niya. Magkahalong-galit at pag-aalala ang nasa mukha nito, bago pa siya muling magsalita ay naramdaman na niya na unti-unti na siyang nawalan ng malay.