Sa paglalakbay ko ay nararamdaman ko na ang malamig na pagdampi ng hangin sa aking balat. Kahit na mahaba ng aking saya at manggas ay lumalampas pa rin sa aking kasuotan ang malamig na hangin. Inayos ko ang aking buhok at inilugay ito upang matakpan ang aking batok.
Mabilis na pagtakbo ang aking nagawa kahit na ako ay napapagod na. Kailangan kong makarating sa susunod na nayon upang magpalipas ng gabi. Kung hindi ako tatakbo ay baka abutin ako ng dilim.
Naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Mabilis ko rin na naramdaman ang pagsakit ng aking mga binti. Napabuntong hininga ako at pagkatapos ay tumigil ako sa pagtakbo.
Kung nakainom lang ako ng dugo ay paniguradong magiging malakas ako, hindi mabilis mapagod at manghina.
Panandalian akong umupo sa daan upang magpahinga. Ilang minuto akong nagpahinga upang bawiin ang aking lakas.
Noong napagpasyahan ko nang tumuloy ay naglakad na lang muna ako. Mabilis na akong mapagod, hindi tulad dati.
Napatigil ako sa paglalakad dahil bigla akong may narinig na malakas na sigaw at yapak ng kabayo. Noong lumingon ako sa likod, ang una kong nakita ay ang kahoy na kalesa.
Ito ay isang sakayan na may isang mahabang upuan, at nakabukas ang harapan. May maluwang din ito na bintana sa dalawang gilid na nagsisilbing konting harang, mayroon itong malaking dalawang gulóng kaya kahit na mayroong baha ay kaya nitong lumusong, at may dalawa itong baras para pagsingkawan ng kabayo.
Ang nakasakay sa kalesa ay mag-asawa.
Tumabi ako sa gilid ng daan upang bigyan sila ng malawak na espasyo para makalampas. Hinigpitan ko ang hawak sa aking dalang sisidlan habang hinihintay silang makalampas.
Kung makisakay kaya ako sa kanila? Ngunit nakakahiya naman. Pang dalawahan na sakay lang ang pwede sa kalesa.
Akala ko ay lalampas sila sa akin ngunit tumigil sila sa harapan ko. Hindi ko pinahalata ang gulat. Nanatili lang akong nakatingin sa kanila ng seryoso.
Nakita ko ang pagngiti ng Ginang. Ibinaba naman ng asawa nito ang sombrero. Bumati siya sa akin ng magandang hapon kaya tumango ako sa kanila.
“Binibini, saan ka patungo?” naguguluhan na tanong ng Ginang sa akin.
“Sa Noris po,” matipid na sagot ko sa Ginang.
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa gulat at pagkatapos ay naging malamlam ang mga mata niya habang tinitingnan ako.
“Ikaw lang mag-isa? Hindi ba’t delikado ang paglalakbay ngayon lalong lalo na’t may mga bandido na naggagala sa paligid,” nag-aalangan na sabi niya sa akin.
“Ako lang pong mag-isa. Delikado nga po ngunit kailangan kong pumunta sa Noris dahil sa importante na bagay,” paliwanag ko sa kaniya.
Napakamot ang kasama niyang ginoo dahil sa aking sinabi. “Isa kang Binibini at hindi ka nararapat na mag-isa sa paglalakbay,” sabi ng Ginoo.
Isang maliit na ngiti ang aking ginawa. “Maaari po ba akong sumabay?” lakas loob na tanong ko.
Isang sobrang lawak na ngiti ang nakita ko sa mukha ng Ginang. Tumango naman ang Ginoo sa akin.
“Oh siya, halika at sumabay ka na sa amin,” masaya na sabi ng Ginang.
Bumaba sa kalesa ang Ginoo at pagkatapos ay sumakay ito sa kabayo. Bumaba naman ang Ginang at hinawakan ang kamay ko. Marahan niya akong tinulungan sa pagtaas sa kalesa. Napapagod na umupo ako.
“Patungo rin po ba kayo sa Noris?” magalang kong tanong sa mag-asawa.
Umupo na rin sa tabi ko ang Ginang. Kasunod noon ay nagpatuloy na sa pagtakbo ang kabayo.
Marahan na pag-iling ang nakita kong ginawa ng Ginang bago siya tumingin sa akin.
“Hindi. Sa Dasaro ang tungo namin. Paano ka pupunta sa Noris ng ikaw lang mag-isa? Wala kang kalesa o kaya kabayo kaya aabutin ka ng tag-lamig sa paglalakbay,” wika niya kaya nanghinayang ako.
Sayang. Kung sana ay sa Noris din ang punta nila, marahil ay mabilis akong makakarating sa Noris.
Ang Dasaro ay isang nayon ng mga magsasaka na sakop pa rin ng kaharian ng Emiral. Isa ito sa maraming nayon sa Emiral at nadadaanan papuntang Noris.
“Maglalakad lang po ako. May nakahanda naman po akong damit na panlamig.” Umayos ako sa pagkakaupo dahil bahagyang dumulas ang aking pang-upo. Naging maalog kasi ang kalesa dahil sa dinadaanan. Maraming bato sa daan.
“Isang mahirap na paglalakbay ang mararanasan mo. Sana ay makahanap ka pa ng may mabuting puso na magpapasabay sa'yo papunta sa Noris,” naaawa na sabi ng Ginang sa akin.
“Sana nga po. Ngunit kung wala man pong magpasabay sa akin, kakayanin ko po na maglakad hanggang sa makarating ako sa Noris,” sagot ko sa kaniya sa magalang na tono.
“Isa kang malakas at matatag na Binibini,” sabi ng Ginang. Ang boses niya ay may halong pagkabilib sa akin.
“Parang ikaw lang noong kabataan mo,” sabat ng Ginoo sa aming usapan.
“Bata pa naman ako,” sabi ng Ginang ngunit napatawa lang ang asawa niya.
“Sa mukha lamang ngunit sa edad ay hindi,” magiliw na sagot ng Ginoo.
Napanguso ang Ginang dahil sa sinabi ng kaniyang asawa. “Huwag mong ipamukha sa akin na matanda na ako. Parehas lang naman tayo,” sabi ng Ginang at pagkatapos ay tumawa siya.
“Kahit na matanda ka na ay mananatili ka pa ring maganda,” pabalik na sagot ng Ginoo.
“Isa iyang katotohanan. Kaya ka naman napaibig sa akin dahil isa akong magandang bampira,” magiliw na sabi ng Ginang.
“Isa iyang katotohanan,” pagsang-ayon ng Ginoo.
Unti-unting tumaas ang gilid ng labi ko dahil sa tipid na ngiti. Parang katulad lang noong dati. Ang aking ina ay sobrang mahilig asarin ang aking ama dati. Naaalala ko ang kanilang sagutan at paglalambingan.
Nagpakilala sa akin ang mag-asawa noong tinanong ko ang kanilang pangalan. Si Rebira ang katabi niya habang Alfinso ang pangalan ng asawa niya.
“Ikaw ba, Binibini? Mayroon ka bang katipan?” tanong ni Ginang Rebira.
Napatigil ako at pagkatapos ay napatingin sa kaniya. Umiling ako upang mas maipagdiinan ang sagot.
“Hindi ko pa po naiisip ang pagkakaroon ng katipan. Kontento pa po ako bilang mag-isa,” matapat kong sabi.
Napailing si Ginang Rebira sa aking sinabi. Tinapik niya ang aking balikat. “Ngunit mas masaya na magkaroon ng isang bampira na magbibigay sa’yo ng kaligayahan na walang hanggan. Ang pagmamahal ay magbibigay ng kulay sa mundong walang buhay,” payo niya sa akin.
Napabuntong hininga na lang ako dahil sa kaniyang sinabi at pagkatapos ay ngumiti rin ako.
“Kung dumating man po sa punto na magmahal ako, nais kong maramdaman ang pagiging masaya,” tanging sabi ko sa kaniya.
Isang malawak na ngiti ang iginawad niya sa akin kaya maramdaman ko ang paggaan ng aking nararamdaman. Naaalala ko sa kaniya ang aking inang reyna.
“Nais naming mag-asawa na maranasan mo ang buhay na mayroong pagmamahal at makakapagbigay sa iyo ng kasiyahan,” magandang hiling ni Ginang Rebira.
*
Mahigit tatlong oras lang ang aming inilakbay at nakarating na agad kami sa Dasaro. Maingat na bumaba ako sa kalesa. Naging maingat naman ako sa pagkakababa sa lupa.
Itinanong ko ang mga dadaanan para makarating sa Noris.
“May bakas naman ng daan kaya hindi ka maliligaw. May mga karatula naman na palatandaan upang hindi ka maligaw sa iba’t ibang daan. Mga kagubatan ang iyong daraanan, at Sampung nayon pa na magkakahiwalay ang iyong madaraanan bago mo marating ang Noris,” paliwanag niya sa aking tanong.
Tumango ako sa kaniya at tinandaan ko ang kaniyang sinabi. May mapa naman akong dala ngunit alam kong mawawalan ito ng silbi kung uulan ng nyebe.
“Maraming salamat po sa impormasyon,” pagpapasalamat ko sa kaniya.
Naging malungkot ang kaniyang eskpresyon habang nakatingin sa akin. Lumapit siya sa akin at pagkatapos ay hinawakan niya ang aking kamay.
“Binibini, pasensya na ngunit hanggang dito na lang kami sa Dasaro. Hindi ka naman namin kayang ihatid sa Noris dahil sobrang layo nito. Sana ay makatagpo ka ng isang maglalakbay na makakasama mo sa pagpunta sa Noris,” umaasa niyang sabi sa akin.
Lumapit na sa amin ang kaniyang asawa.
Isang marahan na pagtango ang akiny ginawa. “Marami pong salamat sa tulong niyo. Malaking bagay na po ito sa akin,” sagot ko sa kanilang dalawa.
Ngumiti ang mga ito kaya isang ngiti rin ang aking iginawad sa kanila. Isa silang mababait na bampira na handang tumulong sa mga nangangailangang tulad ko.
Yumuko ako ngunit hinawakan ni Ginang Rebira ang aking balikat. Pinigilan niya ako sa tangkang pagyuko sa kanila.
“Huwag kang yumuko sa amin. Isa lang kaming maglalakbay. Tanging mga maharlika lang ang niyuyukuan,” sabi niya. Sumang-ayon sa kaniya ang asawa niya.
Wala akong nagawa kundi ang tumayo na lang sa harapan nila. Napabuntong hininga na lang ako habang tinitingnan sila.
“Ngunit ang pasasalamat ko ay lubusan at ito ay sumisimbolo ng paggalang,” pagdadahilan ko.
Isang malawak na ngiti ang nakita ko sa mukha nilang mag-asawa. Itinaas ni Ginang Rebira ang kaniyang kamay at hinawakan niya ang pisngi ko. Mabilis lang naman iyon at ibinaba niya rin ang kamay niya.
Parang lumambot ang aking puso dahil sa kaniyang ginawa. Muli kong naalala ang aking Inang Reyna. Lagi niya rin itong ginagawa sa akin dati noong maliit pa ako.
“Ito ang unang beses na may yumuko sa amin upang gumalang at magpasalamat. Isa kang mabuting bampira, Binibini. Hangad namin ang kaligayahan at kaligtasan mo,” wika niya sa masayang tinig.
Malawak na ngiti ang aking pinakita sa kanila. Naging magaan ang aking nararamdaman. Ngayon ko lang ulit naranasan ang ganitong pakiramdam.
Sa ilang daan na taon na lumipas ay puro sakit at lungkot lang ang aking nararamdaman. Ito ang unang beses na naramdaman ko ang pagiging buhay. Ang kanilang sinabi ay nakapagpasaya sa akin.
Isa akong mabuting bampira. Matagal na panahon na mula noong huli kong narinig ang mga salitang iyon.
Lubos ang saya na nararamdaman ko, ngunit alam kong panandalian lang ito.
“Maraming salamat po,” huling pasasalamat ko sa kanila habang nakangiti.
Umatras ako sa kanila at pagkatapos ay yumuko ako upang pasalamatan sila. Narinig ko ang pagsinghap nila ngunit hindi ko ito pinansin. Umayos ako sa pagkakatayo at tumingin ako sa kanila bago ako ngumiti.
Nagpaalam na rin ako sa kanila.
Ang pagyuko ay isang magandang gawain. Sa isang daang taon na lumipas, napagtanto ko na ang pagyuko ay isang importanteng gawain para ipakita ang paggalang.
Kung dati ay hindi ako yumuyuko sa ibang bampira, ngayon ay natuto na akong magpakumbaba at magpasalamat.
*
Tumingala ako upang pagmasdan ang buong kagubatan. Napabuntong hininga ako dahil sa nakitang kaibahan. Ang mga kagubatan sa buong Kosmos Vampir ay tuluyan nang nawalan ng sigla.
Isang maliit na ngiti ang aking ginawa. Nakakaramdam ako ng lungkot. Ang paborito kong kulay na luntian ay tuluyan nang nawala sa mga kagubatan.
Naging kulay kayumanggi na ang mga dahon at ang lahat ng ito ay natuyo na at nadurog sa lupa.
“Ang mga puno ay naglagas na. Ang mga halaman ay nawala na. Ang tanging mga puno na lang ng pine trees ang nananatiling may dahon. Ang mga ordinaryong puno ay kalbo na,” mahina kong sabi habang naglalakad papunta sa gitna ng kagubatan.
Kung makakalampas ako sa kagubatan, kasunod na nito ang isang maliit na nayon. Doon muna ako magpapahinga mamayang gabi.
Naramdaman ko ang malamig na bagay na nahulog sa aking pisngi. Napabuntong hininga ako. Napahawak ako sa aking pisngi at naramdaman ko nang nabasa ito.
Napatingin ako sa aking daliri.
Itinaas ko ang aking kamay at ibinuka ko ang aking palad upang sambutin ang mga patak ng nyebe.
May lungkot sa mukha na napatingala ako at pagkatapos ay ipinikit ko ang aking mga mata. Dinama ko ang pagpatak ng mga nyebe sa aking mukha.
Ramdam ko ang malamig na pagtama nito sa aking mukha.
“Kung dati ay ikinatutuwa ko pa ang unang patak ng nyebe, ngayon naman ay hindi ko nais na maranasan ito,” mahina kong pagkakausap sa aking sarili habang dinadama ang nyebe.
Paano na lang ang aking paglalakbay. Maaaring sabihin ko sa iba na kaya kong makatiis sa paglalakbay kahit na malamig ngunit ang totoo ay natatakot ako.
Ang malamig na nyebe ay parang katulad ko.
Ipinapakita ko man at ipinaparamdam na malamig ako, ngunit natutunaw pa rin ang puso ko sa mga bampirang nag-aalala sa akin.
Ang ayoko sa lahat ay kinakaawaan ako dahil lumalambot ang puso ko tuwing nakikita ko ang awa at pag-aalala sa kanilang mga mata.
Hindi ko ito gusto.
Isang malalim na buntong hininga ang aking ginawa bago ako nagpatuloy sa paglalakad sa kagubatan.