Ang Thesi Pylis ay isa sa pinaka-magandang kagubatan sa buong Kosmos Vampir. Usap usapan na ng mga matatandang bampira na mahiwaga at nakakatakot ang kagubatan na ito. Nakasulat din sa libro na may mga kakaibang nilalang sa kagubatan—ito ay tinatawag na engkanto.
Naging takot ang ibang bampira dahil sa mga naririnig na mga kwento at haka-haka. May mga bampira na naglakas loob na pumunta ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nakabalik pa.
Hindi na lumabas ang mga ito sa kagubatan kaya mas lalong natakot ang ibang mamamayan sa Kaharian ng Azea. Lumipas ang ilang daang taon at ni-isa ay wala nang naglakas loob na pumasok pa sa Kagubatan ng Thesi Pylis.
Sa mga taong nagdaan ay si Haring Cimon lang ang naglakas loob at walang takot na pumasok doon. Nakita niya kung gaano kaganda ang Thesi Pylis at napagplanuhan niyang itayo ang paaralan na nais niya.
Ngayon ay tapos na ang paaralan at ang anak nitong si Prinsipe Hemox ay buong tapang din na pumasok sa pinaka-gitna ng Kagubatan.
Ang paaralan ay nakatayo sa bungad lang ng kagubatan. Nalibot na ni Prinsipe Hemox ang bungad ng kagubatan ngunit nais niyang mapuntahan ang gitna ng Thesi Pylis.
Ang mga pine trees sa bungad ng kagubatan ang pinakamagandang puno na nakita ni Prinsipe Hemox, ngunit noong nakita niya ang mga mayayabong na puno sa kabilang bahagi ay mas lalo siyang namangha.
Ang mga puno ay sobrang mataas at mayabong. Pantay pantay ang pagkakatanim sa lupa na para bang sinadya na gawin itong hangganan. Nakaharang na tila ba may pinoprotektahan.
“Nasa gitna na ba ako ng Kagubatan?” mahinang tanong ni Prinsipe Hemox sa kaniyang isip.
Ang mga malalaking puno ay mayroon ding mga maninipis na bagin na nakabitin sa mga sanga nito. Mas lalong nahalina si Prinsipe Hemox kaya binilisan niya ang pagpapatakbo sa kabayo.
Noong lumampas ang prinsipe sa mga naka-linya na puno, pansin niya sa kaniyang puso ang pagbilis ng t***k nito. Biglang gumaan ang pakiramdam ng prinsipe.
Nakalampas na ang prinsipe sa pinaka-pusod ng kagubatan ng Thesi Pylis.
Wala itong takot na naramdaman kundi kapayapaan.
Pinagpatuloy ng Prinsipe ang pagtingin sa buong kagubatan. May mga nakita siyang hayop na naglalakad sa paligid. Tumingin sa kaniya ang mga usa at pagkatapos ay tumakbo ang mga ito. Ang mga kuneho at unggoy ay nagtungo sa mga tagong parte ng mga halaman. Napasinghap si Prinsipe Hemox dahil napagtanto niya na hindi sanay ang mga hayop sa kagubatan na makakita ng isang bampira.
Iginala ng Prinsipe ang kaniyang paningin. Mas lalo siyang namangha noong nakita niya ang mga maganda at mala-paraisong bulaklak ng hallerbos. Para itong taniman ng hallerbos ngunit sadyang natural na lang itong tumubo sa buong gubat.
Ang hallerbos ay sobrang liit na bulaklak na hugis kampana. Ito ay kulay lila at kay gandang pagmasdan ng mga hallerbos na tila ba parang dagat ito ng mga bulaklak ng hallerbos.
Ang mga puno ng mahogany ay napapalibutan ng mga maliit ngunit magagandang hallerbos na para bang gumagabay sa mga ugat ng mga puno nito.
Sa sobrang pagkamangha ay bumaba si Prinsipe Hemox sa kaniyang kabayo. Walang pag-aalinlangang na lumapit siya sa mga hallerbos. Pumitas siya ng isang bulaklak. Pinagmasdan ito ng prinsipe. Malakas na huni ng isang agila ang kaniyang narinig kaya napalingon si Prinsipe Hemox sa pinanggalingan nito.
Kumunot ang noo ni Prinsipe Hemox dahil may nakita siyang arko. Ito ay isang arko na gawa sa bato. Ang haligi nito ay pinapalipad ng mga makukulay na bulaklak at maninipis na bagin.
Walang takot na lumapit si Prinsipe Hemox sa arko. Hindi mawari ng prinsipe kung bakit may arko roon.
Hinawakan ni Prinsipe Hemox ang arko at nanlaki ang mga mata niya dahil sa biglang pagkakaroon ng liwanang. Napapikit siya ng ilang segundo upang maging maayos ang kaniyang paningin. Nagmulat din ng mga mata ang Prinsipe.
“Anong mahika ang mayroon ang kagubatan na ito?” tanong niya habang umiiling.
Mas lalong nagulat si Prinsipe Hemox dahil may nakita siyang mga tao sa kabilang bahagi ng arko. Ang mga ito ay hindi nila katulad dahil walang pangil ang mga ito. Tumakbo sa isip ni Prinsipe Hemox kung ito na ba ang mga tinatawag na tao na mula sa ibang mundo.
Ang mga impormasyon na tungkol sa mga tao ay nakasulat sa mga libro na hindi pangkaraniwan.
Maraming tao sa kabilang banda at halos magaganda rin at gwapo ang mga ito. Kakaiba ang mga suot ng mga ito kaysa sa kanila.
Tahimik lang si Prinsipe Hemox habang pinagmamasdan ang bawat galaw ng mga tao sa kabilang banda.
May lumapit na isang babaeng buntis at inayos nito ang buhok. Titig na titig ito ngunit malayo naman ang tingin sa kaniya na tila ba hindi siya nakikita.
Lakas loob na sinubukan ni Prinsipe Hemox na ilampas ang kamay sa arko. Inilusot ng prinsipe ang kamay ngunit nanlaki ang mga mata niya noong napahawak siya sa tiyan ng babae?
Agad niyang binawi ang kamay niya. Nanlaki ang mga mata ng babae na nasa kabila at napasigaw ito nang sobrang lakas.
Nagtinginan ang mga tao sa babae at inaakala ng mga ito na nababaliw na ba ito.
Hindi makapaniwala si Prinsipe Hemox habang pinagmamasdan ang kamay.
Tumunghay siya at muling nakita ng prinsipe ang nasa kabilang mundo.
May lumapit na lalaki sa buntis na babae at pagkatapos ay masuyong hinaplos nito ang tiyan. Inakay nito ang babae paalis.
Sinundan ng tingin ng mga tao ang babae katulad ng ginagawang ni Prinsipe Hemox.
“Hindi ba nila ako nakikita?” tanong ni Prinsipe Hemox sa kaniyang sarili.
*
Sa mga lumipas na taon ay laging pumupunta si Prinsipe Hemox sa mahiwagang arko. Laging pinagmamasdan ang kakaibang mundo. Marami na siyang nakitang mga tao roon, sa palagay niya ay lampas isang daan ang laging pumupunta sa lugar na iyon.
Ang nakikita ni Prinsipe Hemox na lugar ay parang isang malawak na opisina. Inaabangan at inoobserbahan niya ang mga tao roon.
Pinapanood lagi ang mga nasa kabilang bahagi na para bang ito na ang naging libangan ni Prinsipe Hemox sa araw-araw.
Hindi siya nagtangkang pumasok doon. Hindi dahil sa takot siya kundi dahil hindi niya kayang iwan ang lahat ng nasa mundo niya.
Hindi siya sigurado kung makakabalik pa siya sa oras na pumasok siya sa kabilang bahagi ng arko.
Napatayo si Prinsipe Hemox noong nakita niya ang pamilyar na babae. Ito ang babaeng nahawakan niya ang tiyan. May kasama na itong bata na babae.
Napakunot ang noo ni Prinsipe Hemox noong nakita ang marka sa leeg ng bata. Ramdam din ng prinsipe ang malakas na pagtibok ng puso niya.
“Bakit ang marka sa kaniyang leeg ay pamilyar?” mahinang tanong ni Prinsipe Hemox sa sarili.
Tinitigan niya lang ang babae. Sobrang nasiyahan siya sa bawat galaw at kilos nito.
Sa pagtagal ng panahon ay lagi niya itong nakikita sa kabilang arko. Laging naglalaro at masayang ngumingiti sa ibang tao.
Isa lang ang napansin ni Prinsipe Hemox. Mabagal ang paglaki nito, Hindi tulad nilang mga bampira.
*
“Prinsipe Hemox, isang sulat ang dumating,” bungad na sabi ng isa sa taga-silbi ni Prinsipe Hemox.
Ibinigay ng lalaki ang sulat sa prinsipe ay tinanggap naman niya ito.
Binuksan niya ang sobre habang pinagmamasdan ang lalaki. “Kanino ito galing?” tanong ng prinsipe.
“Sa palasyo po. Sulat po ni Haring Cimon,” sagot nito at ibinaba na ni Prinsipe Hemox ang tingin upang basahin ang sulat.
Napakunot ang noo ni Prinsipe Hemox dahil sa nabasa. “May darating na mga mamamayan? Ngunit akala ko ba ay mga mag-aaral ang darating?”
Itinupi ni Prinsipe Hemox ang sulat at pagkatapos ay bumuntong hininga. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari ngunit susundin niya ang utos ng kaniyang ama.
“Makinig ka sa akin, Egidio,” madiin na sabi ng prinsipe.
“Nasa iyo lang po ang aking atensyon,” sagot ng lalaki.
“Ipinag-uutos ng hari na gawing lihim ang paaralan sa lahat ng mga mamamayan ng Azea, at sa iba pang kaharian sa Kosmos Vampir. Ang tanging makakaalam lang nito ay ang mga narito ngayon at mga mamamayang darating sa susunod pang mga buwan,” paliwanag ni Prinsipe Hemox.
“Mahigpit kong ipinagbabawal na sabihin sa iba ang tungkol sa paaralan! Ang magpakalat ng lihim ay papatayin!” madiin na utos ng prinsipe.
Yumuko ang lalaki at pagkatapos ay tumango. “Masusunod po, Prinsipe Hemox,” sagot nito.
“Ipakalat mo sa lahat ng bampirang nandito ang aking kautusan,” wika ni Prinsipe Hemox sa matigas na tono ng boses.
Sumang-ayon ang lalaki at agad na umalis ito sa kaniyang harapan. Muli niyang binuklat ang sulat, at muli ring binasa ang nakasulat sa liham.
“Ang paghihiganti ay limutin, ang kalayaan at kapayapaan ay damhin. Ito ang aking huling bilin,” mahinang basa ni Prinsipe Hemox sa nagtatakang tinig.
“Ano ang ibig sabihin mo sa kasulatan na ito, aking ama?” tanong ng prinsipe sa kaniyang sarili bago ito tumingin sa madilim na kalangitan.
Isang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan.
*
Lumipas ang panahon at ganoon pa rin ang kaniyang ginagawa. Nag-oobserba pa rin ang prinsipe sa kabilang bahagi ng arko.
“Isang mahalagang balita, Prinsipe Hemox,” bati ng isang taga-sunod.
“Ano ang iyong ibabalita?” tanong ng prinsipe habang inaayos ang mga papel na naglalaman ng mga plano sa paaralan.
“Nakarating na po ang mga mamamayan at mga kawal dito,” sagot nito kaya napatingin siya sa taga-sunod.
Napakunot ang noo ni Prinsipe Hemox dahil sa kalituhan. Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Tama ba siya sa narinig?
“Mga kawal? Ang akala ko ba'y mga mamamayan lang ang darating?” tanong ni Prinsipe Hemox.
“Hindi ko po alam kung ano ang nangyayari. Baka po utos ng hari?” patanong din na sagot ng taga-sunod.
Mabilis na inilagay ni Prinsipe Hemox ang mga papel sa gilid ng lamesa. May kabilisan siyang naglakad papunta sa labas ng opisina.
Nais niyang makausap ang nakakataas sa kawal.
Humahangos na biglang humarang sa kaniya ang isang taga-silbi. “May sulat ulit para sa iyo,” sabi nito sa Prinsipe.
“Kanino ito galing?” tanong ni Prinsipe Hemox habang nakakunot ang noo.
“Sa isang kawal. Ang sabi niya’y galing daw po kay Haring Cimon,” magalang na sagot ng taga-silbi.
Mabilis na kinuha ni Prinsipe Hemox ang sulat at pagkatapos ay binasa niya agad ito. Napahigpit ang hawak niya sa liham kaya nagusot ito.
“Protektahan at pamunuan mo ang mga mamamayan. Ang kanilang kaligtasan at kapakanan ay iyong unahin. Ang paghihiganti ay isangtabi. Kayo’y magtago sa Thesi Pylis hanggang isang daang taon,” mahinang basa ni Prinsipe Hemox sa liham.
Malakas na pagsinghap ang lumabas sa bibig ng prinsipe.
“Ang huling bilin ko’y sundin,” wika niya sa mahinang tinig.
*
Isang taon pa ang lumipas bago dumating ang panibagong mensahero.
“Masamang balita po ang dala ng mensaherong galing sa kabisera ng kaharian,” mahinang panimula ng isa niyang taga-silbi.
“Ano ang kaniyang ibinalita?” tanong ng prinsipe sa seryosong tinig.
Yumuko ang taga-silbi at hindi naglakas ng loob na sabihin ang nalaman.
“Hindi po sa akin sinabi. Tanging ikaw po ang gusto niyang makausap,” sagot nito kaya napabuntong hininga ang prinsipe.
Hindi na nag-abala pa si Prinsipe Hemox na pumunta sa mensahero. Ito na ang inutusan niyang pumunta sa kaniya. Tanging seryosong eskpresyon ang makikita sa mukha niya.
“Anong balita ang dala mo?” tanong ng prinsipe matapos yumuko ng mensahero.
Nakita ni Prinsipe Hemox ang lungkot sa mukha ng mensahero. Pagod at panghihina ang napansin niya.
“Nagkaroon ng digmaan sa buong Kosmos Vampir. Sinakop ni Haring Zemora ang lahat ng kaharian at pilit pinaluhod ang lahat sa kaniyang kautusan,” paliwanag ng mensahero sa prinsipe.
Nanlaki ang mga mata ni Prinsipe Hemox at pagkatapos ay napatayo siya. “Ano ang lagay ni Amang Hari at Inang Reyna? May balita ka ba sa aking mga kapatid? Ano ang nangyari kay Prinsesa Azalea?” sunod sunod niyang tanong.
Yumuko ang mensahero sa kaniyang harapan. Hindi na ito kumilos pa.
“Ikinalulungkot ko po! Ang hari at reyna ay pumanaw na,” pagbibigay impormasyon nito habang humihingi ng paumanhin.
Napahawak si Prinsipe Hemox sa gilid ng lamesa. Tulala siyang napatingin sa malaking larawan na nakasabit sa dingding. Ito ay ang larawan ng kaniyang pamilya.
“Hindi maaari…” mahina niyang sabi habang pinipigilan ang pagkakadurog ng kaniyang damdamin.
“A-ang aking mga kapatid?” tanong ni Prinsipe Hemox sa mababang tinig.
“Wala po akong balita sa dalawang prinsipe ngunit masamang balita ang narinig ko tungkol sa prinsesa,” sabi ng mensahero. Hindi ito kumilos sa pagkakayuko.
Hindi agad ito nagsalita kaya napabuntong hininga nang marahas si Prinsipe Hemox.
“Huwag kang mag-alangan sa sasabihin!” malakas na sigaw ng prinsipe.
“Patawad ngunit bali-balita na patay na ang prinsesa!” malakas nitong sagot habang natatakot sa pagsabog ng galit ng kanilang Prinsipe.
*
Malungkot na ngumiti si Prinsipe Hemox habang pinagmamasdan ang batang babae sa kaniyang unahan. Nakaupo siya sa gilid ng arko kaya kitang kita niya ang batang babae na kanina pa nakaharap sa kaniya.
Rinig niya ang mga sinasabi nito. Hindi na lang inisip ng prinsipe kung bakit hindi siya nito nakikita. Siguro’y siya lang ang nakakakita sa mga taong nasa kabilang mundo.
Itinaas ng batang babae ang kamay at nagsimula itong gumuhit sa harapan nito. Napakunot ang noo ni Prinsipe Hemox.
Tinandaan ni Prinsipe Hemox ang iginuhit ng batang babae sa hangin.
“Gusto ko ng isang aso pero ayaw akong bilhan ni Mama. Ayos lang. Maganda pa rin naman ako,” sabi ng batang babae kaya napangiti na lang ang prinsipe.
Hinawakan ng batang babae ang mukha at pagkatapos ay kumindat ito sa harapan.
Naramdaman ni Prinsipe Hemox ang panandaliang pagtigil ng t***k ng puso niya.
Nagsayaw pa ang batang babae sa kaniyang harapan.
Napatawa si Prinsipe Hemox sa kawilihan sa batang babae na nasa kabilang bahagi ng arko.
Ang kaniyang kalungkutan at pangungulila ay hindi niya masyadong maramdaman dahil may isang taong nagpapasaya sa kaniya.
“Ipaggagawa kita ng aso ngunit ito ay gawa sa kahoy,” wika ng prinsipe.
Kinuha ng prinsipe ang kahoy na nasa gilid niya at pagkatapos ay nagsimula na siyang mag-ukit sa kahoy. Paminsan-minsan ay pinagmamasdan niya ang babae na kinakausap pa rin ang sarili.
Sa hula ni Prinsipe Hemox ay salamin ang bagay na kaharap ng bata.
Ang sa mundo niya ay arko, ang mayroon naman sa mundo nito ay salamin.
*
Sa isang buwan na pag-uukit ni Prinsipe Hemox ay natapos niya na rin ang laruang aso na gawa sa kahoy.
Ipapasok sana ni Prinsipe Hemox ang laruan sa kabilang bahagi ngunit bigla namang lumiwanag ang buong arko at kalaunan ay bigla na lang nawala ang kabilang mundo.
Napabuntong hininga na lang ang Prinsipe dahil sa pagkadismaya.
Ang tangi niyang hiling ay sana muling bumukas ang lagusan.
Lumipas ang mga taon at hindi pa rin bumubukas ang lagusan kaya mas lalong nalungkot si Prinsipe Hemox. Nawala na ang batang nagpapasa sa kaniya.
Hindi lumilipas ang araw na hindi siya pumupunta sa pusod ng kagubatan para tingnan ang mahiwagang arko. Lagi naman siyang bigo tuwing hindi niya nakikita ang pagbukas nito.
Naging abala ang prinsipe sa pag-aasikaso sa mga mamamayan na kaniyang pinamumunuan.
May nayon siyang ipinatayo na malapit sa paaralan. Doon niya nais manirahan ang mga bampirang nasasakupan niya.
May mga alituntunin na dapat sundin ang mga bampira na pinamumunuan niya. Handa namang makinig ang mga ito sa kaniya.
Ang dalawa sa pinaka-kailangan na sundin ng lahat ay bawal lumabas sa kagubatan ng Thesi Pylis na mag-isa at walang paalam, at higit sa lahat, bawal pumunta sa pusod ng kagubatan.
Hindi puwedeng malaman ng mga mamamayan na may mahiwagang arko sa gitna ng kagubatan.
Malawak naman ang buong kagubatan ng Thesi Pylis kaya hindi naghangad ang mga mamamayan niya na magtungo roon.
“Ano pong hayop ang laruan na iyan?” tanong ng isang batang babae na anak ng isang mangangalakal.
Naghahanda ang mga kasamahan nito sa paglalakbay papunta sa ibang lugar. Marami silang magkakasama at ang ilan sa mga ito ay may misyon na magmasid sa mga lugar na pinupuntahan.
“Isa itong aso,” sagot ng prinsipe habang pinagmamasdan ang hawak niyang laruan.
Isang daang taon na ang lumipas ngunit hindi na muling nagbukas ang mahiwagang arko.
“Aso? Hindi pa po ako nakakita ng gan’yang hayop,” kunot noo na reaksyon ng batang babae.
“Para silang asong lobo ngunit mas maliit lang ang aso sa kanila,” seryoso ngunit mahina na paliwanag ni Prinsipe Hemox.
“Totoo po ba ang asong lobo? Hindi po ba’t kathang isip lang sila at nakasulat sa libro,” naguguluhan na tanong ng batang babae.
“Maaaring Oo, maaari ring hindi,” sagot ng prinsipe.
“Gusto mo ba ito?” dagdag na tanong niya.
Lumiwanag ang mukha ng batang babae dahil sa saya.
“Pwede po ba?” tanong ng bata.
“Oo naman. Gagawa na lang ako ng bagong laruan,” sagot ng prinsipe at pagkatapos ay ibinibigay niya na ang laruan na gawa sa kahoy.
Sa palagay niya ay matagal pang magbubukas ang arko.
Nagpaalam na ang batang babae dahil aalis na ang mga ito. Ang pangkat ng mga ito ang napili ng Prinsipe na pumunta sa Kaharian ng Emiral upang maging mangangalakal, at maghanap ng impormasyon tungkol sa nangyayari sa labas ng Kagubatan ng Thesi Pylis.
*
Muling sumakit ang aking ulo at pagkatapos ay napahawak ako rito.
“Prinsipe Hemox,” bulong ko habang nararamdaman ang pagsikip ng dibdib ko.
Tulala akong napaatras dahil sa mga alaala na nakita. Ang laruan na kahoy na iyon ang naging susi upang malaman ko ang nangyari sa nakaraan ni Prinsipe Hemox.
“Hindi pa ako patay,” malungkot kong sabi kahit na hindi niya ito naririnig.
Kaya ba hindi niya na ako hinanap pa? Akala niya ay iniwan ko na rin siya?
Paano sina Prinsipe Klaix at Prinsipe Franser? Ano na nga kaya ang nangyari sa kanilang dalawa.
Gusto ko ulit silang makita at makasama, ngunit kung hindi ko gagawin ang inuutos ni Prinsesa Zemira, alam kong kamatayan ang kahahantungan.
Titiisin ko at gagawin ang lahat para lang mabuhay at makitang muli ang aking mga kapatid.
Hindi makagalaw na pinagmamasdan ko ang laruan. Hanggang ngayon ay magaling pa rin siyang mag-ukit sa kahoy.
Napabuntong hininga na lang ako habang pinagmamasdan ang laruan.
“May kilala ka bang ang ngalan ay Hemox?” tanong ko sa batang babae.
“Si Ginoong Hemox po ang naggawa ng laruan na iyan, Binibini.”
“Saan ko siya matatagpuan?” bulong ko sa bata.
Sasagot na sana ito ngunit biglang may lumapit sa amin na isang babae at pagkatapos ay inilayo siya sa akin.
"Saglit!" pigil niya ngunit naging mabilis ang kilos ng mga ito.
“Nandito na si Reneyo! Halina’t humayo na tayo!” pagyayaya ng isang mangangalakal.
Kinuha na ang batang babae ng ina niya. Susundan ko sana sila ngunit napatigil ako nang nakita ang isang kawal ni Prinsesa Zemira. Napabuntong hininga na lang ako habang lumiliko papunta sa daan ng Noris.