Noong natapos akong bumili ng pagkain para sa paglalakbay ko, hindi na ako nagsayang pa ng oras at pumunta na ako sa entrada ng nayon. Sa paglabas ko sa nayon ay may nakasabay akong mga mangangalakal.
Nakasunod ako sa kanila kaya napagmasdan ko ang kanilang mga dalang kariton. Limang kariton ang pinaglalagyan ng mga produkto nila. Nakalagay sa kahon ang mga ito kaya hindi ko ito makita. Binilang ko ang mga mangangalakal, nasa dalawampu’t apat sila, at kasama na sa bilang ang batang babae na kasama ng mga ito.
Ang kasuotan ng mga babae ay kaparehas ng sa akin. May panyolito na nakatali sa aming buhok. Ito ay upang hindi humarang sa aming mukha ang mga hibla ng buhok. Maluwag at mahaba ang manggas na umaabot sa aming pulso. Mahaba rin ang saya na sumasayad sa lupa.
Manipis ang tela sa harapan, sa parte ng tapat ng dibdib. Kaya sa labas ng saya, sa ibabaw nito ay mayroon kaming paha (corset) upang hindi lubusang makita ang itaas na bahagi ng aming katawan. Ang corset na gamit namin ay may tali sa gitna upang maayos ang sikip o luwag nito. At ang aming sapin sa paa ay bota na hanggang bukong-bukong.
Tanging kulay lang ng saya at paha ang naiiba sa aming mga suot, ngunit parehas lang ng disenyo.
Ang mga matanda at bata na mababa ang estado katulad ko ay ganito rin ang suot. Ang sa mga maharlika naman ay iba, mas mahal at maganda.
Ang mga lalaki ay may nakalagay sa ulo na tela na nagsisilbi na talukbong at mayroon itong tali sa parte ng leeg para hindi ito mahulog. Ang suot naman nila ay malaking damit na hanggang tuhod ang haba, at ang manggas nito ay umaabot din sa pulso. Ang salawal naman ay maluwag at umaabot sa bukong-bukong. Ang sapin nila sa paa ay bota na itim.
Ang kalimitang kulay lang ng kanilang mga damit ay kulay kayumanggi.
Ang mga mataas ang estado sa buhay ay may kakayahan na makapagpatahi o makabili ng mas magagandang mga damit at saya.
Ang damit at simpleng sayang ay sa pamilihan lang nabibili.
Napatitig ako sa mga mangangalakal.
Kung ang mga ito man ay mangangalakal na taga-Noris, makikisabay na ako sa kanila.
Napatigil ang pangkat ng mga mangangalakal sa gilid ng entrada. Napatigil din ako dahil hihintayin ko sila. Mas maganda kung may kasama ako sa paglalakbay.
Umupo ako sa isang malaking bato. Nakatingin lang ako sa kanila habang naghihintay. Noong una ay hindi pa ako naiinip ngunit noong tumagal ay unti-unti ko nang nararamdaman ang antok.
Napakunot ang noo ko dahil kalahating oras na ngunit hindi pa rin sila umaalis.
Biglang may dumating na isang matabang lalaki. Napatayo ang lahat ng mangangalakal kaya napatayo na rin ako.
Aalis na kaya?
“Handa na ba ang lahat sa pag-alis?” tanong noong lalaki na bagong dating.
Nagtaas ng kamay ang isang lalaki at pagkatapos ay lumapit ito sa matabang lalaki.
“Wala pa rin po si Reneyo!” sigaw nito. Nakita ko kung paano kumunot ang noo ng matabang lalaki.
“Nasaan na siya?” tanong ng matabang lalaki sa kasamahan niya.
“Naniningil pa po yata ng pautang!” sigaw naman ng isang ginang.
“Kay bagal naman niya! Alam niya naman na tayo ay kailangan nang umalis upang hindi abutin ng taglamig ang ating paglalakbay!” reklamo ng isang babae kaya sumang-ayon ang iba pang mga mangangalakal.
Napabuntong hininga ako at pagkatapos ay lumapit na ako sa kanila. May isang bagay akong naalala. Dapat pala ay itinanong ko muna sa kanila kung saan sila pupunta.
Bakit nga ba ngayon ko lang naisip ang bagay na iyon?
Naglakad ako palapit sa isang Ginang para kulbitin siya. Itinaas ko ang aking kamay ngunit napatigil ako noong may lumapit sa akin na isang batang bampira. Tiningnan ko siya at napagtanto ko na kasama nila ang batang ito.
Nakipagtitigan ako sa kaniya.
Nahulog niya sa harapan ko ang laruan na gawa sa kahoy. Ito ay isang aso na inukit sa kahoy. Hindi niya ito kinuha kaya napabuntong hininga na lang ako.
Yumuko ako upang kunin ang laruan niya. Noong nahawakan ko ito ay biglang nagdilim ang paningin ko at pagkatapos ay sumakit ang aking ulo. Mabilis lang nawala ang sakit at napalitan naman ito ng mga ala-ala.
*****
Tumingala si Prinsipe Hemox sa malaking paaralan na ipinagawa ng kaniyang ama. Hindi niya inaakala na ganito pala kaganda ang ipinapagawa ng ama niya.
Ang paaralan ay sobrang laki at lawak. Ang desenyo nito ay parang nakahiga na letrang C. Ang palapag nito ay umaabot sa tatlo na palapag.
May dumating na isang lalaki sa tabi ng Prinsipe. Lumingon si Prinsipe Hemox dahil narinig niya na may dumating. Seryosong pinagmasdan ng prinsipe ang lalaki.
“Prinsipe Hemox, ang paaralan po ay malapit nang matapos,” nakangiti nitong sabi sa Prinsipe.
Tumango si Prinsipe Hemox at pagkatapos ay muling tumingin sa paaralan. May mga magtatarabaho pa na nasa itaas ng bubong upang tingnan kung maayos na ang pagkakalagay nito.
“Isang magandang balita. Nasisiguro ko na matutuwa si Amang Hari sa aking ibabalita sa pag-uwi ko sa palasyo,” may pagmamalaki na sabi ni Prinsipe Hemox.
Mahinang tumawa ang lalaki. Halata sa boses nito ang kagalakan at saya. Ilang taon ding ginawa ang paaralan ngunit ngayon ay tapos na ito. Maaari nang pakinabang.
“Mas bibilib siya sa iyo sapagkat tumulong ka rin po sa pagpaplano at pag-aayos ng ilang parte sa paaralan,” magiliw na sabi ng lalaki.
Ang lalaking iyon ay si Tirso. Ito ang pinagkakatiwalaan ni Haring Cimon upang planuhin ang mga dapat pang pagandahin sa paaralan.
“Isa itong tulong para mas mapadali pa at mapaganda ang paggawa ng paaralan,” sagot ni Prinsipe Hemox.
Narinig niya ang yapak na papalapit sa kanila. Sunod noon ay ang magalang na pagbati mula sa boses ng isang lalaki.
Isang beses pang pinagmasdan ni Prinsipe Hemox ang paaralan at noong nagsawa siya ay mabilis itong tumalikod. Tiningnan niya ang bagong dating na lalaki.
“Sabihin mo kay Amquiyo na ihanda ang aking kabayo,” utos niya sa lalaki.
Mabilis na yumuko ang lalaking kararating lang at pagkatapos ay tumakbo na rin ito paalis. Lumingon ang prinsipe kay Tirso dahil narinig niya itong bumuntong hininga.
“Saan ka po magtutungo?” tanong nito. Ang boses nito ay puno ng kuryosidad.
“Hindi naman ako lalayo. Nais ko lang magpahangin sa gitna ng kagubatan ng Thesi Pylis,” sagot ng Prinsipe.
Kumunot ang noo ni Tirso dahil sa sinabi ni Prinsipe Hemox. Naguguluhan siya.
“Andito na po tayo sa gilid ng kagubatan ng Thesi Pylis. Nais mo pa pong pumunta sa pinaka-gitna ng kagubatan? Hindi ka po ba natatakot na baka nasa gitnang bahagi ng kagubatan ang mga engkanto? Hindi ka po ba natatakot sa mga nakasulat sa libro?” tanong ni Tirso sa kaniyang pinaglilingkuran na prinsipe.
“Ako’y hindi natatakot,” matapang at tuwid na sabi ni Prinsipe Hemox
“Ngunit prinsipe—” ang sasabihin ni Tirso ay pinutol ng prinsipe.
“Ang isang prinsipe ay marapat lang na maging isang magino at matapang. Handang sumugod sa lahat ng kahaharapin na labanan,” nagmamalaki na sabi ni Prinsipe Hemox.
Bumuntong hininga na lang si Tirso dahil sa sinabi ng prinsipe. Sobrang nag-aalala siya dahil baka mapahamak ang prinsipe.
“Kung ganoon ay mag-ingat ka po, aking prinsipe,” tanging sagot niya. Hindi na niya mapigilan ang prinsipe. Baka magalit lang ito sa kaniya.
“Ako ay babalik. Magugulat ka na lang mamaya sa pagbalik ko,” wika ng prinsipe at pagkatapos ay naglakad na ito palapit sa kabayo.
Mabilis na nakapunta si Amquiyo habang hila ang kabayo. Ibinigay nito sa Prinsipe ang tali ng kabayo at mabilis na sumakay ang Prinsipe roon.
Buong tapang itong nagpunta sa gitna ng kagubatan ng Thesi Pylis. Ang kagubatan na sobrang ganda at hindi pangkaraniwan.