Kabanata 9

3275 Words
Sa pagpasok ko sa silid tanggapan, nakita ko agad si Prinsesa Zemira na nakaupo sa kulay ginto na upuan. Maayos ang postura niya habang nakaupo. Ang kaniyang saya ay maganda at halatang mamahalin. May kolorete ang kaniyang mukha at mas lalo siyang gumanda sa kaniyang ayos. Maganda ang Prinsesa ngunit ang kinaka-ayawan lang ng mga bampira sa kaniya ay ang ugali niya. Noong nakita niya ako ay agad siyang sumenyas sa akin. Kitang kita ko sa kaniyang mukha ang pagka-irita. Lumapit agad ako sa harapan niya. “Kanina pa ako naghihintay sa’yo! Bakit ang tagal mo?” may inis sa kaniyang boses habang itinatanong sa akin ito. Marahan akong lumuhod sa kaniyang harapan. Yumuko ako upang hindi ko masalubong ang kaniyang mga mata. Ang pinaka-ayaw niya sa lahat ay sinasalubong ang tingin niya. Kaya lagi akong tumitingin sa ibaba upang hindi niya ako mapagalitan. “Pasensya na po, Mahal na Prinsesa. Ginamot ko pa po ang aking sarili kaya natagalan ako,” magalang ko na sagot sa kaniya. “Anong nangyari?” tanong niya ngunit ang kaniyang boses ay matigas na tila ba wala namang pakialam. “Aksidente ko pong nahiwa ang aking kamay, at nagdugo ito. Nilinis ko po muna upang hindi mo makita ang dugo na galing sa akin,” sagot ko sa kaniya na may halong paggalang. Tiningnan ko ang kamay ko na ngayon ay may nakabalot na ng tela. Bago ako pumunta sa kaniya ay dumaretso muna ako sa silid ko upang gamutin ang aking kamay. Hindi na ito dumudugo dahil sa tela na naka-pulupot sa aking kamay. “Mabuti kung ganoon. Ayokong ayoko na makakita ng dugo galing sa isang alipin na tulad mo,” may narinig akong disgusto at pandidiri sa kaniyang boses. Mas lalo akong napayuko dahil sa kaniyang sinabi. Ang turing niya sa lahat ng alipin at taga-silbi ay parang isang dumi o basura. Ayaw niya na nakakahalubilo ang mga mababang bampira na tulad ko. “Naiintindihan ko po,” sagot ko sa kaniya sa mababang tinig. Nanatili akong nakatingin sa marmol na sahig. Sa sobrang kintab nito at linis ay kitang kita ko na ang repleksyon ko rito. Para lang akong isang basura sa harap ng prinsesa. Hindi ko maiwasan na maipagkumpara ang sarili ko sa kaniya. Ang kaniyang kulay rosas na saya ay sumisigaw ng karangyaan habang ang suot kong bestida na mahaba ay sobrang luma na at madumi. Matagal na mula noong nakapagsuot ako ng mamahalin na saya. “Maiba tayo ng usapan, may kailangan kang kunin sa Noris,” sabi niya kaya napabalik ako sa realidad at isinantabi ko ang aking iniisip. Ang kaniyang sasabihin ay pinagtuunan ko ng pansin upang mas intindihin. Ilang beses niya na akong inutusan na gumawa ng kung ano ano, ilang beses niya na rin akong pinapunta sa kung saan saan. Nakarating na ako sa kagubatan ng Lerta para maghanap ng halamang gamot, at sa iba’t ibang nayon sa Kaharian ng Emiral. May kasama rin naman akong kawal sa bawat pag-alis ko sa palasyo ng Prinsesa. “Ano po ang aking kukunin?” tanong ko sa kaniya. Sa totoo lang ay mas gusto ko tuwing inuutusan niya akong umalis sa palasyo para maglakbay sa iba’t ibang lugar. Doon ko lang nararamdaman ang pagiging malaya kahit na sa maikling panahon lang. Walang nananakit sa akin at sumisigaw tuwing nagkakamali ako. Sa panandaliang kalayaan ay nararamdaman ko ang saya. “Mga importanteng kagamitan na nais kong bilhin. Ang mga bagay na iyon ay nakalista na sa papel,” sagot niya sa akin. May papel siyang inihagis sa aking harapan. Tiningnan ko ang papel at pagkatapos ay kinuha ko ito. Binuksan ko ito at binasa ko ang mga nakasulat sa papel gamit ang aking mga mata. Mga bagay ito na may kaugnayan sa pagpapaganda, palamuti sa buhok at kolorete sa mukha. Iba’t ibang klase ng mga pabango, at mga gamot na hindi pamilyar sa akin. Ang alam ko ay mas magaganda ang klase ng produkto sa Noris kaya siguro gusto ni Prinsesa Zemira na roon bumili. “Dapat mong mabili ang mga bagay na nakasulat sa listahan. Walang labis, walang kulang,” mataray ang boses na bilin niya sa akin. Tumango ako at pagkatapos ay ini-rolyo ko na ang listahan. Hinawakan ko ito nang maayos. “Naiintindihan ko po, Prinsesa Zemira,” wika ko habang nakayuko pa rin. “Tumayo ka na,” matigas niyang utos sa akin. Naging maingat ako sa pagtayo dahil sa mga sugat ko sa katawan. Nakayuko pa rin ako habang naghihintay sa sunod niya pang sasabihin sa akin. May ipag-uutos pa kaya siya sa akin? Narinig ko ang yapak na papalapit sa akin. Akala ko ay si Prinsesa Zemira na ang lumapit ngunit noong napansin ko ang suot nitong saya ay napagtanto kong isa pala ito sa taga-silbi ng prinsesa. Tumunghay ako upang makita ko ang mukha ng taga-silbi. Seryosong mukha ni Emily ang bumungad sa aking tingin. Inilahad niya sa akin ang kamay niya at nakita ko agad ang malaki na tela na pitaka sa kaniyang kamay. Kinuha ko agad ang pitaka gamit ang kaliwang kamay na walang sugat. Mabigat ito kaya idinikit ko ito sa aking tiyan upang hindi ito mahulog. Lumayo na agad si Emily sa akin. Hindi man lang ito nagsalita. Muli akong yumuko upang hindi ko masalubong ang tingin ni Prinsesa Zemira. “Isang milyong ersa ang ipapadala ko sa’yo. Mahal ang mga kagamitan na bibilhin mo kaya kailangan mo itong pag-ingatan,” bilin ni Prinsesa Zemira sa akin. “Masusunod po,” sagot ko sa mahinahon na tinig. “Kung pumalpak ka sa aking utos, walang hanggang hampas ang kaparusahan mo,” pagbabanta niya sa akin kaya umiling ako. Mabilis akong lumuhod kahit na nahihirapan ako. Yumuko ako sa kaniyang harapan. Hindi ako tumunghay hangga’t hindi niya sinasabi. “Hindi ko po nais biguin ang aking kamahalan,” malakas kong sabi ngunit ang tono ng boses ko ay nangungusap. “Mabuti kung ganoon,” rinig ko na sabi niya. “Siya nga pala, ang salaping iyan ay labis ng limang libong ersa. Hindi naman ako sobrang masamang bampira na hahayaan kang mamatay sa gutom,” pagpapatuloy niya. Hindi ko maiwasang maging masaya. Kung gano’n ay baka makabili na ako ng dugo. Kailan ko nang maibalik ang lakas ko. Sa paglipas kasi ng panahon ay mas lalo kong nararamdaman ang panghihina ko. “Maraming salamat po, Prinsesa Zemira sa iyong kabutihan,” pagpapasalamat ko. Mas lalo akong yumuko. Ang aking kamay at braso ay nakapatong sa sahig at nakatuon naman ang aking noo sa braso ko. “Ngunit hindi kita pahiramin ng kalesa o kabayo. Maglalakbay ka gamit ang mga paa mo,” maarte niyang sabi at pagkatapos ay tumawa siya nang sobrang lakas. Napatigil ako sa kaniyang sinabi. Nawala ang sayang nararamdaman ko. Hindi agad ako nakapagsalita dahil sa pag-iisip. Magiging mahirap ito para sa akin! Napapikit ako nang mariin habang nakayuko pa rin. Rinig ko ang pagtawa niya at pagkatapos ay pumalakpak siya. “Hindi ba’t nakakatuwa iyon?” nang-aasar na tanong niya. “Isa po ba itong biro?” mahinang tanong ko. Hindi magandang biro ang kaniyang gagawin. Akala ko ay nagbago ang ihip ng hangin at bumait siya ng konti dahil binigyan niya ako ng konting ersa. Iyon pala ay may plano siyang pahirapan ako. “Hindi. Titingnan ko kung ikaw pa rin ang pinakamagandang binibini sa pagbalik mo,” masaya niyang sabi ngunit rinig ko sa boses niya ang pang-aasar. Napapikit ako nang mariin dahil sa inis na nararamdaman. Hindi naman niya kita ang aking ekspresyon dahil nanatili pa rin akong nakayuko sa harapan niya. Hindi niya pa rin ako pinapayagan na tumunghay. “Dalawang buwan po ang magiging paglalakbay ko papunta sa Noris. Dalawang buwan din po ang paglalakbay pabalik dito,” mahina kong sabi. Sana naman ay magbago ang isip niya. Kailangan ko ng kalesa upang makapaglakbay nang mabilis. “Matagal nga…” sabi niya ngunit malakas siyang tumawa. “Aabutin po ako ng isang taon sa paglalakbay,” magalang kong wika kahit sa loob loob ay naiinis na. “Tumunghay ka na,” utos niya kaya agad kong sinunod ang kaniyang sinabi. Walang reaksyon akong nakatingin nang diretso sa kaniyang saya, ngunit hindi ko itinataas sa kaniyang mukha ang tingin ko. “Wala naman itong problema sa akin. Ito ay problema mo,” mariin niyang sabi. “Ngunit baka po—” mahinang sabi ko. Marahas siyang tumayo mula sa pagkakaupo. “Hindi mo ba nais sundin ang utos ko?” sigaw niya. Rinig ko ang inis sa boses niya. Napasinghap ako at muli akong yumuko upang humingi ng kaawaan. Hindi ko nais na magalit siya. Napapikit ako nang mariin. Nais ko lang humingi ng pabor ngunit nakalimutan ko na isa nga lang pala akong alipin. Wala akong karapatan na humingi ng pabor sa isang prinsesa. “Isa po itong kalapastanganan. Hinding hindi ko po susuwayin ang iyong utos,” malakas kong sabi ngunit ang tono ng boses ko ay nangungusap. Narinig ko ang pagtawa niya. “Magaling. Maghanda ka na dahil bukas na bukas din ay aalis ka na,” sabi niya kaya napatango na lang ako habang nakasubsob pa rin sa sahig. “Susundin ko po ang utos mo. Hinding-hindi ko po ito susuwayin,” sabi ko. “Kailangan ko pa rin na manigurado,” sabi niya kaya napakunot ang aking noo. “Ano pong ibig mong sabihin?” naguguluhan kong tanong sa kaniya. “Mga taga-silbi!” malakas na sigaw niya kaya bigla akong nabahala. Anong gagawin niya? Narinig ko ang mga yapak na palapit sa akin. Ilang segundo lang at naramdaman ko na ang paghawak sa aking magkabilang balikat. May lumapit naman sa aking unahan at pagkatapos ay hinawakan niya ang aking mukha upang mapa-tunghay ako. “Ano pong gagawin niyo sa akin?” tanong ko sa kanila. Nakita ko ang mukha ni Emily. Walang reaksyon ang kaniyang mukha. Hinigpitan niya ang hawak sa aking baba. Naramdaman ko ang pagsakit ng aking panga dahil sa pagpisil niya. Napanganga ako dahil sa sakit. Nanlaki na lang ang aking mga mata noong biglang may inilagay si Emily sa aking bibig. Hindi inaasahan na nalunok ko ang tabletang ipinainom ni Emily sa akin. Napasinghap ako nang malakas habang pinapakawalan nila ako. Napahawak ako sa aking leeg habang umuubo. “A-ano po ang tabletang ipinainom mo sa akin?” tanong ko sa mababang tinig. Nag-alisan na sa aking unahan ang mga taga-silbi ni Prinsesa Zemira. Nanatili akong nakatingin sa sahig habang umuubo. Nalasahan ko ang pait galing sa tabletang ipinainom niya. “Nais ko lang manigurado na babalik ka. Mag-isa kang maglalakbay, baka mamaya ay bigla ka na lang hindi bumalik. Hindi ko gusto kung ikaw ay tatakas sa akin,” paliwanag sa akin ni Prinsesa Zemira kaya napailing agad ako. “Hinding hindi ko po gagawin ang pagtakas,” sabi ko habang umiiling ng maraming beses. Yumuko ulit ako upang ipakita ang pagiging tapat ko. “Hinding hindi mo talaga gagawin iyon dahil ang buhay mo ay nanganganib,” pagbabanta niya sa akin. Mas lalo akong nawalan ng pag-asa. “Kahit kailan ay hindi ko po naisip ang pagtakas sa iyo,” paglilinaw ko sa kaniya. Tumawa siya nang mahina ngunit sopistikada. “Gusto kong manigurado. Ang tabletang iyan ay isang lason na nakakapagpahina at nakakamatay. Matagal umepekto ang lason sa katawan ng bampira, ngunit Isang taon lang ang itatagal nito bago tuluyang kumalat sa iyong buong katawan.” “Bumalik ka sa akin kung nais mo pang mabuhay. Maghihintay sa’yo ang tabletang lunas sa lasong ipinainom ko,” dagdag niya sa kaniyang sinabi. Napabuntong hininga ako nang sobrang hina. Tumango ako habang nakayuko. “Babalik po ako. Hinding hindi ko po bibiguin ang aking kamahalan,” mahina kong sabi. “Mabuti kung ganoon,” tumatawa na wika niya. “Makakaalis ka na,” maarte niyang sabi at pagkatapos ay narinig ko ang yapak niya palayo sa akin. Napatunghay ako at pagkatapos ay nanghihina akong napatayo. Sa totoo lang ay noong sinabi niya na mag-isa akong maglalakbay ay pumasok agad sa isip ko ang pagtakas ngunit ang lahat ng pag-asa ko ay naglaho dahil sa lason na sapilitang ipinainom sa akin. Ang mundo ko ay lalong gumuho. Wala na talaga akong kawala pa. * Kinagabihan ay naghanda agad ako. Inilagay ko na ang aking tatlong lumang saya sa aking sisidlan. Damit, pera, at listahan lang ang aking inihanda. Hindi ako nakatulog sa buong gabi dahil sa malalim na pag-iisip tungkol sa lason. Kung hindi ako babalik ay mamatay ako. Hindi naman ako takot na mamatay sa lason ngunit may isang bagay pa akong gustong magawa. Dahil sa pag-iisip ay hindi ko na namalayan pa na nakatulog na pala ako. Kinabukasan ay pumunta ako kina Ginang Glenya upang magpaalam. Nais kong ipaalam sa kaniya na aalis ako, hindi ko kasi gusto na mag-alala siya sa akin. “Saan ang tungo mo, Azalea?” tanong niya. Ang kaniyang noo ay kunot na kunot. “Sa Noris po,” sagot ko sa kaniya. Biglang namilog ang kaniyang mga mata dahil sa gulat. Napasinghap pa siya at hindi makapaniwala na tiningnan ako. Hinawakan niya ang aking braso. “Pupunta ka sa Noris at ikaw lang mag-isa ang maglalakbay? Saan ka sasakay? May ipinahiram ba na kalesa o kabayo si Prinsesa Zemira sa’yo?” sunod-sunod na tanong niya sa akin. Umiling ako at pagkatapos ay tipid akong ngumiti sa kaniya. Bahala na kung ano man ang mangyari sa kaniya sa daan. “Wala po. Maglalakad lang po ako,” sagot ko sa kaniya. Pansin ko ang pag-iling niya. Isang malakas na buntong hininga ang narinig ko sa kaniya. Pansin ko sa kaniyang mukha ang sobra na sobrang pag-aalala. “At talagang pinapahirapan ka ng Prinsesa. Malayo ang Noris at hindi ligtas na mag-isa kang pupunta roon dahil maraming mga bandido ang naglalagi sa mga kagubatan. Higit pa sa lahat ay malapit na ang tag-lamig. Aabutin ka ng pagpatak ng niyebe sa paglalakbay mo,” pagbibigay alam niya. Kung pwede lang siyang tumutol ay paniguradong nagawa na agad nito. Para ko na rin siyang ina dahil sobra itong nag-aalala sa akin. “Wala po akong magagawa kundi sundin ang utos ni Prinsesa Zemira. Kakayanin ko po ang paglalakbay,” sabi ko at pagkatapos ay ngumiti ako. Hinawakan ko ang kaniyang braso at pagkatapos ay marahan ko itong tinapik upang pagaanin ang loob niya. Sana ay magtiwala siya sa akin na kakayanin ko ang lahat ng pagsubok na haharapin ko. “Bago ka umalis ay pinainom ka ba ng dugo?” tanong niya sa akin. Hindi pa rin mawala ang pag-aalala. Umiling ako. “Hindi po,” mahina kong sagot. Marahas siyang bumuntong hininga. Napabitaw na siya sa akin. Napahawak na siya sa kaniyang noo. “May ipinadala ba sa’yo na pagkain para sa paglalakbay mo?” tanong niya. “Ang tanging ibinigay lang po nila sa akin ay tubig ngunit walang pagkain,” sagot ko sa kaniya. Isang marahas na pagbuntong hininga ang lumabas sa bibig niya. Pansin ko ang pagkainis niya. Ngumiti lang ako nang tipid. “Kay rahas naman ng kanilang pagtrato sa iyo,” mahina niyang sabi ngunit naiinis ito. “May salapi naman pong ibinigay sa akin si Prinsesa Zemira,” saad ko. Hindi rin naman ako pinabayaan. Hindi ko na lang alam ang gagawin ko kung pati ang salapi ay ipagdamot niya pa. Malaki pa rin ang pasasalamat ko na binigyan niya ako ng salapi. “Ngunit ang daan papunta sa Noris ay mga kagubatan. Kung mayroon mang madaanan na nayon ay sobrang bilang lang,” sabi niya sa akin. Nakuha ko na agad ang ibig niyang sabihin. Tumango ako sa kaniya. Alam ko naman na mahihirapan ako sa pagbili ng pagkain. “Bibili po ako sa pamilihan ng pagkain at ilang bagay na kakailanganin ko sa paglalakbay,” sagot ko. Bibili na ako ng pagkain na pwedeng sumapat hanggang tatlong araw. Sa pagkakaalam ko ay may nayon daw na makikita sa ibaba ng bundok ng Tabori. Doon na lang ako mamimili ng pagkain sa susunod na mga araw. Napabuntong hininga si Ginang Glenya. “Mabuti kung ganoon. May ilang tinapay akong nakatago. Gusto kong bigyan ka ng apat na tinapay para pandagdag sa iyong kakainin sa paglalakbay,” sabi niya kaya napatango ako. “Hindi ko po tatanggihan ang iyong pagmamagandang-loob. Maraming salamat po, Ginang Glenya,” pagpapasalamat ko. Ang mga biyaya ay hindi dapat tanggihan. Mas magandang tanggapin at magpasalamat agad. Pansin ko na lumingon si Ginang Glenya sa paligid. Hinawakan niya ang braso ko at marahan niya akong hinila papunta sa gilid ng bato nilang bahay. “Mas mabuti siguro na tumakas ka na lang?” suhestiyon niya sa akin. Isang matipid na ngiti ang sumilay sa aking labi bago ako umiling sa kaniya. Ito ang naisip kong plano noong una ngunit hindi ko naman maaaring gawin. “Hindi po maaari. Kung tatakas man po ako ay hindi rin po matatahimik ang buhay ko. Habang buhay po akong magtatago,” tanging sagot ko. “Ngunit mas maganda iyon kaysa ang habang buhay ka nilang pahirapan,” sabi niya at pagkatapos ay bumuntong hininga siya. Nais niya talaga akong makalaya sa mga umaabuso sa akin. Gusto ko man na makalaya, ngayon ay isasantabi ko muna ito. Hahanap na lang ako nang iba pang pagkakataon. “Nais ko pa pong mabuhay. May isang bagay pa po akong kailangang gawin,” sagot ko sa kaniya. Kumunot ang noo niya dahil sa pagtataka. “Ano ito?” tanong niya sa akin. Puno ng kuryosidad ang kaniyang boses. Napatahimik ako sa kaniyang itinanong. Hindi agad ako nakapagsalita dahil tinitimbang ko pa sa aking sarili kung sasabihin ko ba sa kaniya ang totoo. Kalaunan ay napabuntong hininga ako. Siguro ay magandang sabihin ko na lang. “Ito po ay hanapin ang mga kapatid ko,” sagot ko sa kaniyang katanungan. Gusto kong makitang muli ang mga kapatid ko. Alam ko na hindi pa sila patay, at nasa malayo lang silang lugar. “Akala ko ba ay ulila ka na at walang pamilya?” tanong niya. Halata sa kaniyang mukha ang gulat. Umiling ako sa kaniya. “May mga kapatid pa po ako,” sagot ko sa mababang boses. Tumango siya at pagkatapos ay tinapik-tapik niya ang aking braso. “Sige. Sana ay maging ligtas ka at maayos sa iyong paglalakbay. Hangad ko na makabalik ka rito. Darating din ang panahon na makikita mo ang mga kapatid mo,” pagbibigay niya sa akin ng lakas ng loob. “Maraming salamat po,” nakangiting pagpapasalamat ko sa kaniya. Ngumiti siya sa akin. Pumasok agad siya sa loob ng bahay nila at bumalik din siya matapos ang ilang minuto. May dala na siyang apat na tinapay na sobrang haba. Sa palagay ko ay kasing haba at laki ng braso ang tinapay. May hawak din siyang isang malaking sisidlan. Inilagay niya ang mga tinapay sa sisidlan at pagkatapos ay ibinigay niya ito sa akin. May ngiti sa mukha na tinanggap ko ito ng buong puso. Nagmamadali ulit siyang bumalik sa loob ng bahay at noong bumalik siya ay may dala na siyang makapal na cloak na maaaring gamitin sa tag-lamig. Naramdaman ko ang pag-init ng aking damdamin dahil sa kabaitan niya sa akin. “Nais mo pa bang magpaalam kay Geniya?” tanong niya sa akin. Umiling ako habang inilalagay sa sisidlan ng mga damit ang cloak na bigay niya sa akin. “Hindi na po. Babalik pa naman po ako,” sagot ko sa kaniya. Bumuntong hininga na lang siya. “Mag-iingat ka sa paglalakbay,” payo niya sa akin kaya tumango ako. “Maraming salamat po sa lahat ng tulong mo,” sinsero kong pagpapasalamat sa kaniya. *
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD