Maraming namimili sa pamilihan ngayong araw na ito. Ang mga bampirang nagtitinda ay kaniya kaniya sa pagsigaw ng kanilang mga ibinebenta. Inaalok nila ito sa mga mamimili. Katanghaliang-tapat pa lang ngunit nagdadagsaan na ang mga bampira.
Tumingin ako sa paligid at naghanap ng mga sangkap na kakailanganin ng taga-luto sa kastilyo. Nakita ko ang organisadong ayos ng pamilihan. May kaniya kaniyang pwesto ang mga tindero at tindera. Ang iba ay nakaupo sa lupa habang nakalagay sa bilao ang mga paninda nilang gulay. May sitaw, kalabasa, repolyo at karots. Mayroon pang mga gulay na galing sa ibang lugar o nayon.
Napatingin ako sa kabilang bahagi ng pamilihan. Nakita ko ang mga prutas na mamahalin at tanging mga maharlika lang ang kayang makabili.
Ang iba naman na mga nagtitinda ay may maliit na tindahan, na may kahoy na kahon sa harapan, doon nakalagay ang mga prutas katulad ng mga aprikot, duhat, sineguelas at mansanas. Ang tanging habong nila ay maliit na tela na nakatali sa mahabang kahoy—ito ang nagsisilbi na harang sa init ng panahon.
Nagsimula akong maglakad upang hanapin ang mga sangkap na nakasulat sa listahan. Napatingin ako sa kaliwa noong may narinig akong nagsabi ng itlog. Lumapit ako sa tindera. Agad kong tiningnan ang mga itinitinda niya.
Itinuro ko ang itlog, mantikilya, at keso. Alam na ng tindera na bibilhin ko ang mga ito. Ibinigay ko sa kaniya ang dala kong malaking basket. Siya na ang naglagay ng mga pinamili ko. Agad kong itinanong sa kaniya kung magkano at mabilis niya naman akong sinagot. Ibinigay ko agad sa kaniya ang bayad at pagkatapos ay nagpasalamat.
Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa basket, bago tumalikod sa tindahan.
Nagpatuloy ako sa paghahanap ng mga sangkap na kakailanganin. Napatingin ako sa mga batang bampira na nagtatakbuhan. May nabangga silang isang ginang kaya nagalit ito. Hindi ko na lang pinansin ang mga ito dahil may dumating na mga kawal na nagpapatrol sa pamilihan.
Iba’t iba ang mga itinitinda sa pamilihan, kumpleto na ang mga produkto kaya hindi na kailangan pumunta pa sa kabilang nayon para maghanap ng nais bilhin. Miski ang mga manok na buhay, kambing, at pato ay itinitinda rin ngunit sa mahal na presyo.
Tuwing gabi ay mas lalong buhay ang pamilihan. May ilang mga payaso ang nagtatanghal sa gabi. Inaaliw ang mga mamimili, ngunit minsan ay mga nagnanakaw rin.
May mga mangangalakal din galing sa iba’t ibang lugar sa Kosmos Vampir. Dala nila ang kani-kanilang produkto at kalakal.
Ang mga mangangalakal na galing sa Oxir ay may dala na mga seda at tela. Kilala ang Oxir sa pagkakaroon ng maganda, makintab at matibay na tela. Kaya maraming nais bumili nito para ipagawa na damit at saya.
Ang mga mangangalakal naman galing sa Noris ay may ipinagbibili na mga alak. Ang Noris ay kilala dahil sa ipinagmamalaki nilang mga alak na gawa sa ubas, tubo at talulot ng rosas.
Ang mga mangangalakal na taga-Azea ay may dala na mga ginto at pilak na alahas. May mga palamuti rin silang itinitinda at mga hiyas na galing pa sa timog ng Azea. Ngunit mas ipinagmamalaki ng mga taga-Azea ang cloak na gawa sa balahibo ng mga hayop.
Isang oras akong nag-ikot at naghanap ng mga dapat kong bilhin. Laking pasasalamat ko dahil nabili ko ang mga kailangan sa pagluluto. Pwera na nga lang sa isa…
Patatas na lang ang kulang.
Noong nakita ko ang tindahan ng patatas ay agad akong naglakad papunta roon. Hinigpitan ko ang hawak sa basket at napabuntong hininga ako.
“Isa pong kilo ng patatas,” wika ko sa tindera.
Tumingin siya sa akin at pagkatapos ay tiningnan niya ang dala kong basket. Hindi na ako magkandaugaga sa pagdala sa basket. Siguro ay nakita niya akong nahihirapan.
“Mabigat na ang dala mo. Dadagdagan mo pa? Kaya mo pa bang dalhin ang pinamili mo?” tanong niya sa akin.
Ibinaba ko sa lupa ang basket na dala ko.
Seryoso lang akong nakatingin sa kaniya. Bilang lang sa mga daliri ko ang mga nginingitian ko. Tanging mga batang bampira lang at mga bampirang malapit sa akin. Lagi kong ipinapakita sa ibang bampira ang malamig kong ekspresyon sa mukha.
Alam kong nag-aalala siya ngunit kaya ko naman ang sarili ko. Hindi ko gusto ang nakikitang awa sa kaniyang mga mata.
“Kaya ko pa po,” magalang kong sagot.
“Mukhang nanghihina ka na. Paniguradong hindi ka na nakakainom ng dugo. Konting pagod mo pa ay babagsak ka na ng tuluyan,” puna niya sa akin.
“Kaya ko po. Malakas po ako. Alam ko po ang kapasidad ng katawan ko,” sagot ko upang tumigil na siya sa pag-aalala.
Nakita ko ang pag-iling niya. “Ikaw ang bahala. Isang libong ersa ang isang kilo ng patatas,” sagot niya sa akin.
Tiningnan ko ang pitaka na dala ko, at pagkatapos ay binilang ko ang salaping natitira. Napabuntong hininga ako nang makita na hindi ito sapat para makabili ng patatas.
“Nagmahal po?” tanong ko sa tindera.
“Nagpataw na naman ng malaking buwis ang palasyo. Kaya nagmahal na naman ang bilihin,” sagot niya sa akin. Napabuntong hininga ako at napahawak sa aking buhok.
“Kulang po ang dala kong salapi,” sabi ko at naramdaman ko ang panlulumo.
Paano ko mabibili ang patatas?
“Hindi na pwedeng bawasan pa ang presyo ng aking tinda. Malulugi ako. Mamaya ay darating ulit ang maniningil ng buwis,” sabi niya. Alam kong hindi rin siya papayag na bumili ako ng konti.
Hindi nakakabili ng kalahating kilo lang. Ang laging dahilan ng mga tindera ay nalulugi raw sila.
“Ngunit—” sagot ko pero mabilis siyang nagsalita.
“Pasensya na, hindi kita mapapagbigyan. Mas maganda kung sa ibang tindahan ka na lang bumili,” wika niya kaya wala akong nagawa kundi ang tumango.
Kinuha ko ang basket at muli ko itong binitbit. Lumipat ako sa kabilang tindahan. Napapagod na ibinaba ko sa gilid ng kahon ang dala kong basket.
“Limang daang ersa na lang po ang aking salapi. Maaari po bang bawasan mo na lang ang patatas?” nagbabakasakali na tanong ko sa tindera.
Tumingin siya sa akin at pagkatapos ay bumuntong hininga ito. Tumango siya bago ngumiti sa akin.
“Sige na nga! Kung hindi lang ako naaawa sa iyo,” sabi niya sa akin.
Napatingin ako sa mga patatas at pagkatapos ay mahinang bumuntong hininga. Bakit pakiramdam ko na para akong isang patatas? Nakakaawa itong tingnan dahil sa kulay. Hindi tulad ng ibang prutas o gulay na makulay.
Naaawa sila tuwing tinitingnan ako dahil alam nila ang malupit at marahas na dinadanas ko sa kamay ni Prinsesa Zemira. Hindi lingid sa kaalaman nang iba na isa akong laruan ng prinsesa, na laging gustong paglaruan at saktan tuwing naiinip siya.
Kung makagawa ng konting mali ay karahasan ang parusa.
Ang lahat ay naaawa sa akin, kilalang kilala talaga nila ako bilang isang alipin at laruan lang.
Ang mabait na tindera na ang naglagay ng mga patatas sa basket. Puno na ito dahil mga pinamili kong sangkap. Ibinigay ko agad ang bayad sa kaniya.
“Maraming salamat po,” pagpapasalamat ko habang kinukuha ang basket.
“Walang anuman,” sagot niya bago ako tumalikod sa kaniya.
Nagsimula na akong maglakad papunta sa malawak na espasyo na wala masyadong bampira na nakatayo. Ilang beses kong hinigpitan ang hawak sa dalang basket. Ramdam ko na sumasakit na ang kamay ko dahil sa bigat nito.
“Makikiraan!” malakas na sigaw ng isang ginoo.
Napasinghap ako nang malakas noong tinabig ako nito para lang makaraan ito sa gilid ko. Hindi man lang ito nanghingi ng pasensya at walang pakialam na tumakbo na paalis. Naramdaman ko ang pagluwag ng hawak ko sa basket at nawalan ako ng balanse sa pagkakatayo. Dahil sa panghihina at pagod ay napadapa ako sa lupa.
Naramdaman ko ang pagtama ng tuhod ko sa isang malaking bato. Isang mahinang pagdaing ang lumabas sa bibig ko. Noong tumunghay ako ay nakita ko ang paggulong ng mga patatas sa lupa.
Napabuntong hininga ako. Mabuti na lang at ito lang ang bukod tangi na natapon sa basket. Laking pasasalamat ko na hindi nahulog at nabasag ang mga itlog.
Tatayo na sana ako ngunit nanlaki ang aking mga mata noong biglang may humawak sa aking braso. Marahan niya akong inalalayan upang makatayo.
Masakit ang aking tuhod. Ramdam ko rin ang panghihina dahil isang taon na akong hindi nakakainom ng dugo. Ako ang bukod tanging alipin sa palasyo na hindi pinapainom ng dugo. Ipinag-utos ni Prinsesa Zemira na huwag akong bigyan.
Noong tumingin ako sa kaniya ay nanlaki lalo ang aking mga mata dahil napansin ko na lalaki pala ang tumulong sa akin sa pagtayo. Sinusubukan kong ibahin ang aking eskpresyon. Mula sa pagkakagulat ay ibinalik ko ang pagiging seryoso ng aking mukha.
Malapit ang katawan namin sa isa’t isa. Dahil sa panghihina ng aking tuhod ay hindi ako nakalayo sa kaniya.
Pinagmasdan ko siya.
Hindi ko alam kung bakit biglang tumahimik ang paligid kahit na sobrang ingay naman sa pamilihan. Hindi maalis ang atensyon ko sa kaniya.
Ang misteryosong lalaki ay nakasuot ng cloak na kulay itim. Napakunot ang noo ko. Naka-talukbong sa ulo ang hood ng cloak niya. Hindi ko makita nang maayos ang mukha niya dahil may nakatakip na maskara sa mata niya.
Tanging matangos na ilong lang niya at mapulang labi ang aking nakikita.
“Masakit ba ang iyong tuhod? Maaari ko bang tingnan ang iyong—” seryoso na tanong niya ngunit pinutol ko ang kaniyang sasabihin.
Umiling ako habang seryoso siyang pinagmamasdan. Napansin ko na napayuko siya noong may dumaan na mga kawal sa gilid namin. Napabuntong hininga na lang ako. Siguro ay kabilang siya sa rebelde?
“Hindi na kailangan. Masakit man ang tuhod ko ngunit kaya ko na itong gamutin,” sagot ko sa kaniya.
“Ngunit—”
Itinaas ko ang aking kamay upang pigilin siya sa pagsasalita. Napatikom ang kaniyang bibig.
“Ang babae at lalaking bampira ay hindi dapat magkalapit ng ganito,” sabi ko at pagkatapos ay itinaas ko ang aking kamay upang senyasan siya na lumayo sa akin.
Tatlong hakbang patalikod ang ginawa niya at umiwas siya nang tingin sa akin. Tumingin siya sa mga nagtitinda sa gilid.
“Patawad sa paglapit ko sa’yo,” paghingi niya ng tawad sa akin.
Sinubukan kong yumuko upang simulan ang pagkuha sa mga patatas na nahulog sa lupa. Yumuko siya para tulungan ako ngunit itinaas ko ang kamay ko upang pigilan siya. Umayos siya sa pagkakatayo. Nanatili na lang siyang nakatingin sa akin.
Umiwas na ako nang tingin sa kaniya, at ipinagpatuloy ko ang pagkuha sa mga patatas.
“Hindi rin pwedeng makita ng isang lalaki ang tuhod ng babae, pwera na lang kung kabiyak niya ito. Ito ay isang kapangahasan,” paalala ko tungkol sa sinabi niya kanina.
Nawala ba sa isip niya ang tungkol sa bagay na iyon? Ang lakas pa ng loob niya na sabihin sa akin na gusto niyang makita ang tuhod ko.
“Patawad kung ganoon. Kaya ko lang nasabi iyon dahil gusto kong makatulong sa’yo,” sagot niya sa malamig na boses.
Malamig man at matigas ang boses niya, pansin ko pa rin ang pag-aalala roon.
“Kaya ko ang sarili ko,” sabi ko at pagkatapos ay bumuntong hininga ako.
Isang awa rin ba ang nararamdaman niya sa akin?
Hinawakan ko ang hawakan ng basket at pagkatapos ay binuhat ko na ito. Lalapit sana siya sa akin ngunit umatras ako patalikod. Walang reaksyon sa mukha na tiningnan ko siya.
“Hindi dapat nagbubuhat ng mabigat ang isang binibini,” wika niya ngunit umiling ako sa kaniya.
Kung ako ay isang maharlika, hindi talaga maaari. Ngunit isa na ako ngayong alipin, hindi na bago ito sa akin.
“Kung ang binibini ay isang hamak na utusan, wala itong karapatan na sumuway sa utos,” sagot ko sa kaniya sa seryosong tono ng boses.
Tumingin siya sa akin kaya mas lalo kong napagmasdan ang maskara niya. Isa itong gold na maskara na may nakaukit na mga pakurbang linya.
“Ikaw ba ay pinapahirapan nila at inaabuso?” tanong niya sa matigas na tono.
Bumuntong hininga ako. Alam na ng mga bampira sa nayon amin ang tungkol doon. Siguro ay isa siyang dayo sa aming nayon.
“Hindi na bago pa sa mga maharlika ang pang-aabuso sa mga alipin na tulad ko,” tanging sagot ko sa kaniya.
Tumango siya. Hindi nakalampas sa aking paningin ang pag-igting ng panga niya.
“Sa susunod na pagkikita natin, sisiguraduhin kong hinding hindi ka na nila masasaktan pang muli,” wika niya bago siya tumalikod sa akin at tuluyang naglakad paalis.
Humalo siya sa mga mamimili sa pamilihan hanggang sa hindi ko na siya muling nakita pa.
Nakatigil lang ako sa gitna ngunit napabalik din ako sa realidad noong nabangga ako ng mga batang bampira. Muli kong binuhat ang basket at naglakad na rin pauwi habang napapangiwi dahil sa sakit sa tuhod.
*
“Anong ibig mong sabihin na hindi ka nakabili ng buhay na manok?” malakas na tanong sa akin ni Ginang Helena. Siya ang taga-luto sa palasyo ng Prinsesa.
Yumuko ako upang hindi ko masalubong ang nanlilisik niyang mga mata. Galit na galit siya sa akin dahil nakalimutan kong bumili ng manok. Wala ito sa listahan. Ang sabi niya ay ibinilin niya raw ito sa akin bago ako umalis ngunit wala naman siyang sinabi talaga.
Ipinagpipilitan niya na may ibinilin siya kahit na wala.
“Hindi po sapat ang salaping pinadala mo sa akin,” tanging sagot ko na lang sa kaniya.
Napahigpit ang hawak ko sa aking kamay. Seryoso lang ang aking ekspresyon habang nakatingin dito. Hindi naman ako umiiyak sa harapan nila. Lagi naman akong nagpapanggap na malakas at walang pakialam sa harapan nila.
“Hindi sapat? Ako ba’y pinagloloko mo? Sakto ang pinadala ko! Baka naman kumupit ka sa salaping ipinadala ko sa’yo!” pagbibintang niya sa akin.
Napailing ako at pagkatapos ay bumuntong hininga ako. Siya na nga iyong hindi sapat ang ipinadala na salapi sa akin tapos sasabihin niya pa na kinupit ko? Anong kukupitin ko roon? Alikabok sa pitaka na ipinahiram niya?
“Hindi ko po magagawa ang bagay na iyan. Nagtaas po ang presyo ng bilihin sa pamilihan,” sagot ko sa kaniya. Ang sinasabi ko naman ay totoo. Ang mga bilihin sa pamilihan ay dalawang beses na nagtaas ng presyo.
“Hindi ako naniniwala! Siguro ay may binili ka na wala sa listahan!” hindi pa rin nagpapatalo na bintang niya sa akin.
“Mali po ang iniisip mo,” sagot ko at pagkatapos ay tumingala ako upang salubungin ang kaniyang tingin.
Walang naiba sa aking ekspresyon. Seryoso pa rin at malamig.
Malakas na sigaw niya ang narinig sa buong kusina. Marahas niyang hinawakan ang aking braso at pagkatapos ay sapilitan niya akong hinila papunta sa madilim na kwarto ng tambakan ng mga kahoy.
Kinuha niya ang nakabitin na latigo sa may pintuan.
Itinulak niya ako sa mga tuyong kahoy kaya napatama ang likod ko dito. Walang reaksyon na napapikit na lang ako noong itinaas niya ang latigo. Hinintay ko ang pagtama ng latigo sa aking katawan, hindi nga ako nagkamali at ilang segundo lang ay naramdaman ko na agad ang malakas paghampas nito sa aking hita.
Kinagat ko ang ibaba kong labi dahil sa sakit at hapdi na nararamdaman. Ilang beses niya pang hinampas ito sa akin habang sinisigawan ako.
Hindi pa siya nakuntento sa ilang hampas at hinila niya ako papunta sa mga nakalatag na asin. Pinaluhod niya ako doon. Kahit na makapal ang aking palda ay ramdam ko pa rin ang sakit dahil sa pagluhod ko sa asin.
Ramdam ko ang sakit sa bawat hampas niya. Kung nakakainom lang siguro ako ng dugo, paniguradong hindi ko mararamdaman ang sakit.
Hinampas niya ulit ako nang paulit-ulit, kaya napapikit ako nang mariin. Kinagat ko ang labi ko upang pigilan ang pag-alpas ng mga luha.
“Sinasabi mo ba na ako pa ang nag-iimbento ng mga kwento? Ikaw ang sinungaling!” malakas niyang sigaw habang nanggigigil na hinahampas ako ng latigo.
“Ang nais ko… lang po ay paniwalaan.. mo ako,” patigil tigil na sagot ko dahil sa paghahabol sa paghinga.
“At sumasagot ka pa!” galit niyang sabi at mas nilakasan pa ang paghampas sa akin.
Dahil sa lakas ng tama ng latigo sa aking katawan ay napayuko ako. Napadaing ako sapagkat itinulak niya ako pahiga sa nakalatag na mga asin. Ilang beses niya pa akong hinampas sa likod.
Ilang sandali pa ay may naamoy akong dugo. Ramdam ko rin ang pagtulo ng likido sa aking likod. Napangiwi ako dahil sa sakit.
Ilang beses pa rin niya akong hinampas kahit na nagdurugo na ang aking likod. Ramdam na ramdam ko na ang panghihina ko. Hindi ko na nakayanan ang sakit at maya maya lang ay napasuka na ako ng dugo.
Tumigil siya sa paghampas sa akin at pagkatapos ay ibinato niya sa akin ang latigo. Ilang beses niya pa akong sinigawan bago siya umalis.
Tahimik lang akong nakayuko habang tinitiis ang sakit, at luha na gustong kumawala sa aking mga mata.
*
Padabog na binitawan ni Ginang Helena ang malaking lutuan sa gilid ko. Sa sobrang gigil niya sa akin ay sinagi niya ang aking braso. Napatigil ako sa pagtatalop ng patatas dahil naramdaman ko ang pagsakit ng aking kamay.
Dahil sa pagsagi niya sa akin ay nahiwa ang aking kamay.
Nagdurugo ito.
Napangiwi ako dahil sa pagkirot ng hiwa sa kamay ko. Pati ang braso ko ay sumakit din. Naapektuhan din kasi ito sa paghampas ni Ginang Helena kahapon. Sa totoo lang ay buong katawan ko ang masakit sa akin.
Kahit na gusto kong magpahinga ay hindi ko magawa.
“Azalea! Ang bagal bagal mong kumilos! Nasaan na ang binalatan mo na mga patatas?” galit na tanong niya sa akin.
Itinaas ko ang patatas at kumunot ang noo niya noong nakita niya ito. Umirap siya sa akin at pagkatapos ay lumapit siya sa aking pwesto.
“Saglit lang po. Nasugatan po ang kamay ko dahil sa kutsilyo,” sagot ko sa kaniya.
Tiningnan ko siya. Tumaas lang ang kilay niya at pagkatapos ay umismid siya. “Kahit kailan talaga napagka-lamya mong kumilos! Ilang taon ka nang naghihiwa at nagbabalat ng mga sangkap sa pagluluto ngunit hanggang ngayon ay patanga tanga ka pa rin!” panunuya niya kaya napabuntong hininga na lang ako.
Yumuko ako at ibinalik ulit ang tingin sa mga patatas. Marahan akong nagtalop ng balat nito.
“Patawad, Ginang Helena,” mahina kong paghingi ng tawad sa kaniya.
Inis niyang sinipa ang basket na nasa gilid ko. “Sorry na naman! Bilisan mo kung ayaw mong mas magalit ako sa’yo!” malakas niyang bulyaw sa akin.
Panandalian akong napatigil dahil sa isang salitang ingles na sinabi niya. Hindi ko inaasahan na may alam din pala siya sa ingles.
Kahit na masakit ang hiwa ko sa kamay ay sinubukan ko pa rin na bilisan ang ginagawa. Patapos na sana ako sa pagbabalat sa mga patatas ngunit bigla akong napatigil noong may tumawag sa akin.
Lumingon ako sa may entrada ng kusina. Nakita ko si Emily na pumasok sa kusina at lumapit sa akin.
Si Emily ang isa sa mga taga-silbi ni Prinsesa Zemira.
“Azalea, nais kang makausap ni Prinsesa Zemira. Pumunta ka sa silid tanggapan. Naghihintay siya roon,” pagbibigay alam niya. Napabuntong hininga na lang ako at tumango.
“Magmadali ka, at mukhang naiinip na siya,” sabi niya kaya binitawan ko na ang hawak kong kutsilyo at isang patatas.
“Susunod na ako,” sagot ko kay Emily.
Umalis na rin si Emily matapos marinig ang sinabi ko. Lalabas na sana ako sa kusina ngunit napatigil ako nang marinig ko ang sinabi ni Ginang Helena.
“Bumalik ka rito mamaya! Tatapusin mo pa ang ginagawa mo!” malakas niyang sigaw.
Napatango na lang ako sa kaniya habang seryoso siyang tinitingnan.
“Opo,” sagot ko sa kaniya.
*