Kabanata 7

2987 Words
Hindi lahat ng pagtatapos ay hindi maganda, maaaring may darating pang bagong simula. Laging sinasabi sa akin ni Amang hari ang bagay na iyon noong ako’y maliit pa. Ngayon ay napagtanto kong tama siya. Kung trahedya man ang naging wakas ng isang kwento, hindi nangangahulugan na tapos na ang istorya. Ang mga tauhang natira ay may kaniya kaniya pang mga buhay na maaaring maisulat pa sa isang kwento. “Wakas.” Marahan kong isinara ang libro. Isang tipid na ngiti ang sumilay sa aking labi bago ko tiningnan ang mga batang bampira. Pansin ko ang pagpupunas nila ng kanilang mga luha. Umiiyak sila dahil sa pagtatapos ng kwento. Marahan akong tumayo mula sa pagkakaupo sa malaking bato. Kinuha ko ang kulay kape na sisidlan ko na nakalagay sa lupa. Pinagpagan ko ito upang maalis ang gabok. Inilagay ko na ang libro sa aking sisidlan at isinabit ko ang tali nito sa aking balikat. Muli akong tumingin sa mga batang bampira. Hindi pa rin maampat ang mga luha sa kanilang mga mata. Napabuntong hininga ako. Ang kwentong binasa ko sa kanila ay walang magandang pagtatapos. Luha, sakit, at pighati ang laman ng libro ngunit may bukod tanging bagay na nangibabaw sa lahat— ito ay ang pagmamahal. “Bakit po nagwagi ang kasamaan sa kwento?” tanong ni Geniya. Siya ang batang babae na laging nakikinig sa kwento ko. Hindi ito nawawala tuwing araw ng aking pagkukuwento. Ito ang laging nangunguna sa pagtakbo palapit sa akin. Ang araw ng pahinga ko sa trabaho ay ang araw rin ng aking pagkukuwento sa mga bata. Sa kagubatan ng Renos ang aming sekreto na tagpuan para sa pagkukuwento ko. Ito ay isa sa kagubatan sa Kaharian ng Emiral. Malapit lang ito sa pamilihan. Bakit nga ba nagwagi ang kasamahan? Hindi ko rin alam kung bakit nanalo ang masama kaysa sa kabutihan. “Hindi ko masasagot ang tanong na iyan. Marahil ay hindi pa tapos ang kwento,” sagot ko kay Geniya. Ang kwentong iyon ay nangyari sa totoong buhay. Nakita ko ang nakaraan at napagpasyahan kong isulat ito tulad ng payo ni Amang hari sa akin noong bata pa ako. Ang dati kong espesyal na kapangyarihan ay makita ang hinaharap ngunit hindi ko nais na magkaroon ng ganoong kapangyarihan. Ibinigay sa akin ni Ama ang pulang tableta at napagdesisyunan ko na inumin ito. Nabaliktad ang aking kapangyarihan at nakita ko ang nakaraan. Hindi ko inaakala na mas masakit pala na makita ang aking mga magulang sa kanilang kamatayan. Ilang gabi akong umiyak dahil sa lungkot at pangungulila. Sa huli ay wala rin akong nagawa kundi tanggapin ang lahat nang nangyari. “May kasunod pa po ba?” tanong ni Sio. Ngumiti ako nang tipid. “Ang manunulat lang ang tanging may alam,” sagot ko kay Sio. Napatingin ako kay Fely noong bigla siyang tumayo. Nakuha niya rin ang atensyon nang iba pang mga bata. “Wakas na. Siguro’y tapos na talaga ang kwento. Walang magandang katapusan ang mga tauhan,” sabi ni Fely. Ang boses niya ay puno ng lungkot at panghihinayang. Marahan na pag-iling ang aking ginawa. Lumapit ako kay Fely at mabagal kong ginulo ang buhok niya. Napahawak si Fely sa aking kamay at pagkatapos ay ngumuso siya. Tinitigan ko ang mga batang bampira. “Basta tandaan niyo na ang wakas sa libro ay hindi nangangahulugan ng katapusan. Isinara lang ang kwento ngunit ang mga tauhan pang natitira ay may kaniya kaniya pang buhay at istorya na pwede pang mailathala sa ibang libro,” pahayag ko sa kanila. Biglang napatayo si Hero. “May susunod pa po bang kwento?” tanong niya. Pansin ko ang tono ng boses niya, mayroon itong pananabik. Umiling ako at nagkibit balikat. Hindi ko alam kung may susunod pa ba akong isusulat. Nakita ko na naman ang lahat ng nasa nakaraan. Naisulat ko na rin ang iba. Kung lumipas man ang limang daang taon, baka pwede ko ulit na isulat ang nangyari sa nakaraan. Ngunit kanino nga kayang kwento? Sa mga kapatid ko ba? Hindi ko na sila muling nakita pa. “Hindi ko alam. Marahil oo ngunit pwede ring wala na,” sagot ko. Hindi ako sigurado. “Nasaan po ba ang manunulat?” biglang tanong ni Kidas kaya napatingin ako sa kaniya. “Sino po ba ang manunulat?” tanong naman ni Geniya. Napalipat ang atensyon ko sa kaniya. “Nais po naming malaman kung sino ang nagsulat ng libro,” may pananabik na sabi ni Dinac. Nagkagulo ang anim na mga bata dahil sa sunod sunod nilang pagtatanong sa akin. Habang ang apat naman na mga bata ay nanatili lang tahimik at nakikinig sa amin. “Kilala mo po ba ang manunulat, Binibining Azalea?” tanong ni Geniya. “Pasensya na, mga munting bampira. Hindi ko masasagot ang mga tanong niyo. Wala akong nalalaman,” pagsisinungaling ko. Mali ang magsinungaling ngunit hindi ko naman maaaring sabihin sa kanila na ako mismo ang manunulat. Ang bilin sa akin dati ni Ama ay bawal itong sabihin kahit kanino. “May napansin lang po ako sa kwento, Binibining Azalea,” biglang sabi ni Vifo—ang batang lalaki na kanina pa tahimik na nagmamasid sa amin. Tumango ako at pagkatapos ay ngumiti ako sa kaniya. Nagkamot siya ng ulo dahil siguro sa pagkapahiya. Nakuha niya ang atensyon ng lahat ng kasamahan niyang mga bata. “Ano ang napansin mo?” tanong ko sa kaniya. “Bakit po may mga katulad ang pangalan ng tauhan sa mga bampirang nasa totoong buhay?” tanong ni Vifo. Lumapit sa akin si Vifo at yumuko agad ako upang marinig ko ang kaniyang sasabihin. Mahina kasi itong magsalita. Bumulong si Vifo sa akin, “Katulad na lang po ni Haring Zemora.” “Bakit po kapangalan mo ang prinsesa na nasa libro?” tanong naman ni Geniya. Nawala ang ngiti sa aking mukha dahil sa itinanong ni Geniya. Akala ko ay hindi na nila mapapansin ang bagay na iyon. Mali pala ang aking akala. Hindi ko na talaga maloloko ang mga bata. Masyado na silang matatalino. “Oo nga! Ngayon ko lang din napagtanto,” malakas na sabi ni Hero. “Pati ang mga pumanaw na mga hari at reyna sa iba’t ibang kaharian. Narinig ko ang kwentuhan ng aking mga magulang kaya kilala ko ang kanilang pangalan, at lagi nilang pinag-uusapan kung gaano kabait ang mga namumuno sa Kaharian ng Azea at Noris,” mahabang sabi ni Kidas kaya hindi ko maiwasan na mapangiwi. Hindi ko alam kung ano ang palusot na aking sasabihin. “May kaugnayan po ba sa kanila ang nasa kwento?” tanong ni Fely kaya nakuha niya ang atensyon ko. Nagkibit balikat ako sa kanilang lahat. “Tanging manunulat lang ang may alam,” sagot ko. “Nais namin na makilala at makausap ang manunulat,” ani Sio. “Tama! Gusto kong itanong kung totoo bang nangyari ang mga nasa kwento,” sunod na sabi ni Hero. Lumapit si Geniya sa akin at pagkatapos ay marahan niyang hinigit ang aking mahabang palda. Ngumiti ako sa kaniya. Nakita ko ang nakakunot na noo niya. “Hindi mo pa po sinasagot ang tanong ko, Binibining Azalea,” wika niya at pagkatapos ay ngumuso siya. “Pasensya na. Ano nga ulit ang tanong mo?” Tanong ko. Kunwari ay hindi ko na tanda ang tanong niya. “Bakit kapangalan mo po ang prinsesa?” ulit ni Geniya sa tanong. Inilagay ko ang aking hintuturo sa aking baba. Kunwari ay nag-isip ako. Tumingin ako sa kaniya at pagkatapos ay matipid na ngumiti. “Ang pangalan ay pwedeng magkatulad. Sa palagay ko ay nagkataon lang iyon,” sagot ko sa kaniya. “Ganoon po ba? Ang galing talaga ng manunulat. Parang totoong totoo ang kwento,” sabi ni Geniya at pagkatapos ay lumayo na siya sa akin. Lumapit ulit siya kay Fely. “Minsan, ang mga kwento ay hango sa totoong buhay. Minsan naman ay kathang-isip lang ng isang manunulat, ngunit may mga kwentong galing sa obserbasyon sa paligid at naging inspirasyon ng manunulat para gawing kwento,” mahaba kong paliwanag sa kanila. Sana naman ay may natutunan silang aral sa aking sinasabi. “Tanging manunulat lang po ang nakakaalam,” sabi ni Sio kaya napatango ako. Ako lang ang nakakaalam na ito ay totoong nangyari sa nakaraan. Ilang minuto pa kaming nag-usap. Noong mas tumaas na ang araw sa kalangitan ay napagpasyahan na nilang umalis. Hindi sila maaaring magtagal dahil hahanapin sila ng kanilang mga magulang. Kumaway ako sa kanilang lahat, at ganoon din ang ginawa nila. “Sa susunod po ulit, Binibining Azalea!” Malakas na sabi ni Geniya habang kumakaway sa akin. Malayo na sila ngunit lumingon pa ulit sila para magpaalam sa akin. Itinaas ko ang dalawa kong kamay. Muli akong kumaway sa kanila. “Sige. Mag-ingat kayo sa pag-uwi niyo,” bilin ko sa kanilang lahat. “Paalam, Binibini!” pagpapaalam ni Hero. “Paalam. Huwag niyong kalimutan ang aking bilin sa inyo,” wika ko at pagkatapos ay tumango silang lahat. “Hindi maaaring sabihin sa iba ang kwentong napakinggan,” bilin ko sa kanila. Tumango ang lahat sa aking sinabi at nakita ko ang pagngiti nila. Masunurin naman ang mga batang bampira. Ilang buwan na kaming magkakilala at alam kong hindi nila ako bibiguin. Hindi dapat malaman ng ibang bampira ang aking ikukuwento sa mga bata. Baka may makapagsumbong sa mga kinatawan ni Haring Zemora. Ang pagkukwento sa nangyari sa nakaraan ay isang krimen. Simula noong sinunog ni Haring Zemora ang libro na naglalaman ng impormasyon tungkol sa treaty of peace, sinimulan din ni Haring Zemora na ipatigil ang pagpapakalat sa nangyari sa panahon ng pagsakop. Kung may mahuli na nagpapakalat ng impormasyon tungkol sa nakaraan, kamatayan agad ang parusa. Walang naglakas loob na buksang muli ang nangyari sa nakaraan. “Magaling. Sana ay manatiling sikreto ang bagay na ito,” sabi ko sa kanila. “Maasahan mo po kami sa sikreto,” masayang sabi ni Geniya kaya tumango na lang ako habang kumakaway sa kanila. Noong umalis sila ay naiwan ako sa kagubatan habang pinagmamasdan ang paligid na kulay luntian. Buhay na buhay ang buong kagubatan ngunit ang pamumuno ni Haring Zemora ay walang buhay. Puro p*****n at takot ang namamayani sa buong kaharian. Ang tatlong maharlikang pamilya naman sa mga kaharian dati ay wala na. Nalubog na sa alaala ng mga bampira. Kung maalala man ay hindi na nais pag-usapan pa. Ang mga mamamayan ng tatlong kaharian dati ay nanatili sa kanila kanilang lugar. Ang tanging nabakante lang ay ang mga kastilyo na tinirhan dati ng mga may dugong bughaw. Hindi na ako nakabalik pa sa aming palasyo. Hindi ko na sinubukan pang bisitahin kung saang kastilyo ako ipinanganak. Nais kong habang buhay na maging sikreto na ako ang nag-iisang prinsesa ng dating Kaharian ng Azea. Tinatanaw ko na lang ito sa malayo tuwing nakakapunta ako sa Azea. Minsan lang ako makauwi sa Azea. Ito ay tuwing inuutusan ako ni Prinsesa Zemira na kumuha ng mga pinatahi niyang damit sa sikat na patahian sa Azea. Maganda ang kalidad ng tela sa aming kaharian…ngunit mas maganda pa rin ang tela sa Oxir. Napatigil ako sa naisip. Aming kaharian? Wala na nga pala akong kaharian. Naging Azea, Noris, at Oxir na lang ang tawag sa mga dating kaharian. Naging lugar na lang ito na sakop ng kaharian ng Emiral. Inangkin na ang mga ito ni Haring Zemora. * Ang araw ngayon ay sobrang nakakapagod. Kakatapos ko lang maglaba ng mga damit ni Prinsesa Zemira ngunit inutusan na agad ako ng taga-pagluto na mamili sa pamilihan. Hindi pa ako nakakapagpahinga at kumakain. Naramdaman ko ang panghihina ng binti ko habang naglalakad sa patag na batong kalsada. Ang tanging dumadaan lang dito ay mga kabayo, kalesa at kariton. May mga kahoy na bahay sa tabi ng kalsada, at may ilan ding bahay na gawa sa bato. Desife Village Ang nayon na ito ay nasa silangang bahagi ng Kaharian ng Emiral. Puro mga mayayaman at may katungkulan sa kaharian ang nakatira sa magagandang bahay, habang ordinaryong mamamayan naman ang mga nakatira sa kahoy na bahay. May kalayuan ang nayon na ito sa kabisera ng Kaharian ng Emiral kung nasaan ang palasyo ni Haring Zemora. Hindi ko alam kung bakit nais ni Prinsesa Zemira ang malayo sa ama niya. Dito niya pa napili na manirahan sa palasyong luma “Magandang umaga, Binibining Azalea,” bati sa akin ng isang babaeng bampira. Nagdidilig siya ng mga halaman sa harapan ng bahay. “Magandang umaga po,” bati ko sa hindi ko kilala na babae. Kahit na hindi ko siya kilala ay bumati pa rin ako sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit maraming nakakakilala sa akin tuwing nakikita nila ako. Hindi naman ako pala-kaibigan. Ang tanging pinapansin ko lang ay ang mga kakilala ko at mga laging nakakasalamuha. Alam kaya nila na isa akong laruan ng Prinsesa? Mapili ako sa mga nagiging kaibigan ko. May mga sikreto akong inaalagaan kaya maingat ako sa pagpili sa mga pwedeng pagkatiwalaan. Napalingon ako sa kabila noong narinig ko ang pagtawag sa akin ng isang lalaki. “Ang umaga ngayon ay kasing ganda ng isang bulaklak ng azalea. Ngunit mas maganda ka pa rin, Binibining Azalea,” wika nito kaya napatango na lang ako. “Maraming salamat,” pagpapasalamat ko. Hindi pa natapos doon ang pagbati sa akin ng mga bampira na nakakasalubong at nadadaan ko. “Magandang umaga, Azalea!” “Magandang umaga rin po,” bati ko pabalik sa isang bampira. Ang mga halaman at namumulaklak na mga bulaklak ay alagang alaga nila sa dilig. Kaya sobrang ganda nitong pagmasdan tuwing napapadaan ako. Nagpatuloy ako sa paglalakad ngunit napatigil noong nakita ko si Ginang Glenya—siya ang ina ni Geniya. Maganda pa rin ito at hindi mapapansin na matanda ito sa akin ng ilang daang taon. Ang mga bampira ay may kakayahan na malaman kung ang isang bampira ay matanda sa kanila ng ilang daang taon. Kahit na mukhang bata pa, kumpara sa tunay na edad, alam pa rin namin kung ano ang tamang edad ng isang bampira. Isa ito sa mga natural na kakayahan namin. Natutukoy rin namin kung may kabiyak na ito. Mas buhay at makinang ang mga mata ng bampira na may asawa na. Ang kasal ay lubhang makapangyarihan, at sagrado. “Azalea, magandang araw sa’yo,” bati ni Ginang Glenya sa akin. “Magandang araw rin po, Ginang Glenya,” nakangiti kong bati sa kaniya. “Saan ang tungo mo?” tanong niya sa akin. Ipinakita ko ang hawak kong basket sa kaniya. Nakita niya agad ito. “Sa pamilihan po,” sagot ko. “Bakit ikaw ang nautusan na mamili ngayong araw?” tanong niya sa akin. Ilang beses na akong pumunta sa kanila. Minsan ay naikuwento ko ang mga nangyayari sa aking buhay bilang alipin. “Ngayong araw po ay pahinga ang mamimili sa palasyo ng Prinsesa. Ako po ang nautusan ng tagaluto na mamili ng mga sangkap sa lulutuin,” sagot ko sa kaniya. “Kahapon lang ay nagtungo ka sa kagubatan ng Lerta para manguha ng mga halamang gamot. Alam kong pagod ka pa ngunit inutusan ka na naman sa isang mabigat na gawain,” naaawa niyang sabi sa akin. “Ayos lang naman po ako. Kaya ko po,” sabi ko at pagkatapos ay ngumiti ako. “Lagi mo iyang sinasabi ngunit sa nakikita ko ay konting-konti na lang at susuko ka na,” puna niya sa nakikita sa aking mukha. “Ang pagsuko po ay wala sa aking bokabularyo,” wika ko. Tumingin siya sa aking katawan, at pagkatapos ay napailing siya. “Namamayat ka na. Sa hula ko ay hindi ka na nakakainom ng dugo. Tanging sa pagkain ka na lang ba bumabawi ng lakas? Ang pag-inom ng dugo ay mas mahalaga para mas maging malakas ang katawan,” sabi niya kaya napabuntong hininga na lang ako. Mag-iisang taon na akong hindi nakakainom ng dugo. Tanging sustansya na lang sa pagkain ang pinagkukunan ko ng lakas. Kaming mga bampira ay kailangang uminom ng dugo upang mapanatili ang lakas namin at humaba pa ang buhay. May mga dugo na ibinebenta sa pamilihan ngunit tanging mga maharlika lang ang kayang bumili noon. “Masyado pong mahal ang dugo,” sagot ko. “Mahal nga ngunit kinakailangan ng bampira ang makainom nito. Nasisiguro kong hindi ka binibigyan ng dugo na mayroon sa bodega ng inumin sa kastilyo ng Prinsesa. Bakit hindi ka na lang mag-asawa para naman makainom kayo ng dugo sa isa’t isa?” tanong niya sa akin. Umiling ako. Hindi ko pa nais mag-asawa. Mahirap ang buhay ko. Sino nga ba ang maglalakas loob na pakasalan ang isang alipin? “Wala pa po sa isip ko ang mag-asawa,” sagot ko kay Ginang Glenya. “Nasa tamang edad ka na. Pwede ka nang mag-asawa. Maganda ka, Azalea. Kung ikakasal ka ay maaari kang mapagbigyan na umalis sa Palasyo ng Prinsesa,” wika niya. Napabuntong hininga ako. Kung ganoon lang kadali iyon, baka nagawa ko na dati pa. Naisip ko si Prinsesa Zemira. “Hindi pa po ako pwedeng mag-asawa.” “Bakit naman? May hinihintay ka bang kasintahan na kawal na sumabak sa digmaan?” tanong niya sa akin. “Wala po. Hindi po gusto ni Prinsesa Zemira na mag-asawa ako,” sagot ko sa kaniyang tanong. Pinipigilan ako ng prinsesa. Ang lahat ng gusto nito ay dapat masunod. Kumunot ang noo ni Ginang Glenya. “Pinipigilan ka niya? Inalisan ka na talaga niya ng kalayaan. Nakakaawa ka talaga. Ang hirap talaga ng buhay mo dahil laruan ang turing niya sa’yo,” naawa niyang sabi sa akin. Napatahimik na lang ako at pagkatapos ay tipid na ngumiti. Ilang beses na pumasok sa isip ko ang sinabi niya. Nakakaawa ka. Nakakaawa ako? Matagal ko ng alam iyon ngunit hindi ko pa rin matanggap. Ang ayoko sa lahat ay kinakaawaan ako. Nagpaalam na ako sa kaniya upang pumunta sa pamilihan. Tulala na naglakad ako sa patag na kalsada. *
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD