Maingat na lumabas si Prinsesa Azalea sa lihim na batong pinto. Ito ay ang sikretong lagusan na matatagpuan sa ilalim ng batong tulay ng ilog ng Sanyara. Ito ang kaisa-isahang ilog sa loob ng sentro ng kaharian ng Azea.
Payapa at mababaw ang tubig sa ilog kaya hindi nahirapan ang prinsesa sa paglalakad. Noong narating niya ang lupa, mabilis siyang tumakbo patungo sa mga bahayan sa nayon.
Pansin ng prinsesa ang pabalik-balik na mga kawal. Maingat siya sa bawat kilos niya upang hindi makaagaw ng pansin.
Sa pambihirang bilis ng bampira, nakarating agad ang prinsesa sa maliit na tarangkahan. Dito pumapasok ang mga kawal ngunit pwede rin ang mga normal na mamamayan.
Lumingon ang prinsesa sa kabilang tarangkahan. Malayo ito sa kaniya ngunit kitang kita niya ang nangyayari roon.
Sa kabilang parte ay napansin ng prinsesa ang ilang libong kawal na nakapila sa malawak na puwang sa unahan ng malaking tarangkahan—ito ang pangunahing tarangkahan.
Hindi niya maintindihan kung bakit parang handang handa ang mga ito sa digmaan.
Panandalian na nawalan ng bantay ang maliit na tarangkahan kaya mabilis na tumakbo si Prinsesa Azalea papunta roon. Nasa labas na siya ngunit bigla namang napatigil noong hinarang ng isang kawal.
Yumuko ang prinsesa upang hindi makita ng kawal ang mukha niya. Nakasuot siya ng kulay itim na kapa na may talukbong sa ulo.
“Binibini, malalim na ang gabi. Hindi dapat naglalagi sa labas ang isang babaeng tulad mo sa ganitong oras,” pangaral ng kawal.
“Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko,” sagot ng prinsesa.
“Mabuti kung ganoon ngunit hindi pa rin kita papayagan na lumabas sa sentro ng kaharian,” wika ng kawal.
“Sa anong dahilan?” naguguluhan na tanong ng prinsesa.
Ang alam ng prinsesa, dati naman ay ayos lang maglabas masok sa kaharian kahit na anong oras.
“Kabilin-bilinan ng hari na hindi maaaring lumabas at pumasok ang mga bampira ngayong gabi. Sumusunod lang kami sa utos,” sagot ng kawal.
“Kailangan ko lang talagang umalis,” madiin na sabi ng prinsesa. May naghihintay sa kaniya.
Gustong makita ng prinsesa ang lalaki.
“Ang lahat ay kailangang sumunod sa utos ng mahal na hari,” matigas na sabi ng kawal.
“Nais kong baliin ang royal order mula sa hari,” pagdidiin ni Prinsesa Azalea.
Ang mahinahon kaninang kawal ay biglang nagalit. Itinaas nito ang espada at itinutok sa prinsesa.
“Isa kang lapastangan,” malakas na sigaw ng kawal.
Hindi nakaramdam ng takot ang prinsesa.
“Isa ka bang espiya?” dagdag na tanong nito.
“Hindi!” malakas na pagtutol ni Prinsesa Azalea ngunit walang takot na nararamdaman.
Napansin ng prinsesa na may paparating pa na mga kawal.
Kahit na nakatutok sa prinsesa ang espada, nagawa pa rin nitong makatakas. Mabilis siyang nakatakbo.
“Sundan niyo ang babaeng iyon!” malakas na sabi ng kawal.
Hinabol ang prinsesa ng limangpu na kawal. Malakas na pagsinghap ang ginawa niya.
“Mabilis akong tumakbo ngunit mabilis din sila,” naiinis na bulong ng prinsesa.
Sa unang pagkakataon ay sumuway siya sa utos. Hindi alam ng prinsesa kung bakit mas mahalaga sa kaniya ang makita ang lalaki. Alam niya na may nabubuong kuryosidad sa damdamin niya, ito ba ang sinasabi ng ama niya dati na misteryosong lalaki na magiging parte ng buhay niya?
Bata pa ang prinsesa noong sinabi iyon ni Haring Cimon.
“Bakit ba naman ang lahat ng bampira ay mabilis kumilos at tumakbo?” mahinang reaksyon ng prinsesa.
Akala ng prinsesa ay mahahabol siya ng mga kawal ngunit labis ang tuwa niya noong matakasan niya ang mga ito. Payapa siyang nakarating sa ilog ng tadhana.
Walang liwanag ang mga lamparang nakabitin sa poste ng tulay ngunit ang mga buwan ang nakapagbibigay ng liwanag sa madilim na kapaligiran. Walang lalaki ang naghihintay sa kaniya sa tulay.
Naisip ng prinsesa na maghintay na lang sa gitna ng tulay. Sa isip isip niya ay baka nahuli lang ang lalaki.
Sa pagkakaalam ng prinsesa, kada gabi ay maraming bampira na namamasyal sa ilog ng tadhana.
Ang sentro ng kaharian nila ay ang nagsisilbing kabisera ng Azea. Dito matatagpuan ang kastilyo ng Royal family. Ang lahat ng mga maharlika at may mataas na ranggo sa kaharian ay naninirahan din dito. Iba’t ibang nayon ang mayroon, at nakatira din ang mga normal na mamamayan.
Hindi lang naman sa sentro ng kaharian nais tumira ang bampirang sakop nila. Marami pang mga bampira ang nakatira sa labas ng kabisera. Kahit saang parte ng Kaharian ng Azea, mayroong mga nayon at maayos na namumuhay ang mga bampira.
Walang bampira sa paligid kaya nakapagtataka para sa prinsesa ang bagay na ito.
Kahit na lumalalim na ang gabi ay naghintay pa rin ang prinsesa sa gitna ng tulay. Nakarinig siya ng yapak na papalapit kaya napangiti siya.
“Akala ko’y hindi ka na darating pa,” sabi ng prinsesa. Lilingon na sana siya ngunit napatigil nang naramdaman ang espada sa leeg.
“Marahan kang humarap,” pigil ng isang lalaki.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng prinsesa sa naguguluhan na tono.
“Humarap ka! Isa ka bang espiya?” malakas na tanong ng lalaki.
Walang takot na humarap ang prinsesa at doon niya napagtanto na hindi ito ang lalaki. Nakabihis ito ng kasuotan na pangkawal.
Nagdatingan pa ang ibang kawal na humahabol sa prinsesa. Pinalibutan siya ng mga kawal.
“Lumuhod ka!” malakas na utos ng isang kawal. Ito ang nakausap kanina ng prinsesa.
“Hindi ako ipinanganak para lang lumuhod!” may pagbabanta sa boses ng prinsesa.
“Nagmamatigas ka pa!” malakas na sabi ng kawal.
Inalis ng isang kawal ang hood sa ulo ng prinsesa at napasinghap ang isang kawal dahil sa nakita.
“Mahal na prinsesa!” gulat na sabi ng kawal at pagkatapos ay mabilis itong lumuhod. Yumuko rin ito.
“Prinsesa?” hindi makapaniwala na tanong ng kawal na nakausap kanina ng prinsesa.
Natulala ang lahat ng kawal dahil sa sobrang gulat.
Kakaunti lang ang nakakakilala sa prinsesa. Hindi ang lahat ng mamamayan ay nakita na siya. Ang mga bampira na nakakakita lang sa prinsesa sa mga pagdiriwang o pagpupulong ang nakakakilala sa prinsesa. Higit sa lahat ay ang mga nagtatrabaho sa loob ng palasyo.
“Mga hangal! Lumuhod kayo at magbigay pugay sa ating prinsesa!” malakas na sabi ng kawal na nakakilala sa prinsesa. Nakaluhod pa rin bilang paggalang.
Mabilis na lumuhod ang lahat ng kawal sa prinsesa. Hindi na makita ang mga mukha ng mga ito dahil sa pagyuko.
“Patawad, mahal na prinsesa sa nagawa naming kapangahasan,” sabay sabay na paghingi ng paumanhin ng mga kawal.
“Tumayo kayo,” utos ng prinsesa. Mabilis na sumunod ang lahat sa utos niya. Matipuno ang bawat pagkilos.
“Hindi ko kayo paparusahan, basta sa isang kundisyon. Hayaan niyo ako at huwag guluhin,” madiin na sabi ng prinsesa.
Malakas na suminghap ang isang kawal. Umiling ito bilang pagtutol.
“Ngunit hindi maaari sa isang prinsesa na manatili sa labas ng kaharian. Ipinag-utos ng hari na—” pinutol ng prinsesa ang sasabihin nito.
“Kaya ko ang sarili ko,” madiin na sabi ng prinsesa.
“Hindi ligtas ang lahat ngayong gabi,” sabi ng kawal.
Hindi alam ng prinsesa na pinapasok na kahapon ang ibang mga mamamayan na nakatira sa labas ng kabisera. Malawak naman ang kabisera ng kaharian kaya naman kasya ang lahat doon.
Ang iba namang mga bampira ay nagtungo sa katimugang bahagi ng kaharian. Tanging isang bampira lang ang nakakaalam kung saan ang tungo ng ibang mamamayan.
Napatigil ang pag-uusap ng prinsesa at ng mga kawal dahil sa pagtunog ng tambuli. Naalerto ang lahat dahil sa narinig.
“Ang tunog pandigmaan! Kailangan na nating bumalik sa loob ng kabisera, Mahal na prinsesa,” malakas na sabi ng isang kawal.
Mas pinalibutan ng mga kawal ang prinsesa.
“Ngunit—”
“Patawad ngunit kaligtasan mo lang po ang hangad namin, pati na rin ang kaligtasan ng mamamayan,” sabi ng isang kawal.
Nakaramdam ang prinsesa ng kaba at pangamba.
“Saglit! Ang aking inang reyna at amang hari ay patungo sa kaharian ng Noris!” sabi ng prinsesa.
“Magiging ligtas po sila. Isang libong kawal ang dala nila sa paglalakbay,” sagot ng isang kawal.
“Ngunit hindi ako mapakali! Nais kong magpasunod sa kanila ng isang libo pang mga kawal!” utos ng prinsesa.
“Masusunod po!” sagot ng isang kawal.
“Magmabilis!” malakas na sabi ng prinsesa at pagkatapos ay nauna nang tumakbo ang kawal.
Mabilis ang naging kilos nila ngunit napatigil sila noong malapit na sa tarangkahan.
“Isa akong mensahero!” sabi ng isang kawal na biglang humarang sa harapan nila.
“Ano ang iyong ibabalita?” alerto na tanong ng isang kawal.
Nakaramdam ng pangamba ang prinsesa.
“Ang sentro ng kaharian ay napasok na! Malakas ang pwersa ng kalaban. Mas lamang sila sa bilang ng ating hukbo,” humihingal na sagot ng mensahero.
Nakaramdam si Prinsesa Azalea ng takot dahil sa sinabi ng mensahero. Nangamba siya para sa mga mamamayan at sa kaniyang magulang.
“Paanong nangyari ang bagay na iyon?” hindi makapaniwala na tanong ng kawal.
“May kasama silang bampira na may kapangyarihan ng apoy!” wika ng mensahero.
Hindi makapaniwala ang lahat dahil sa sinabi nito.
“Imposible!” reaksyon ng prinsesa.
Sa paano paraan na ang isang bampira ay magkakaroon ng ganoong kapangyarihan?
“Iyon ay pawang katotohanan!” sagot ng mensahero.
Hindi na mapakali ang prinsesa.
“Hindi maaari,” mahinang wika ng prinsesa.
Bigla silang nagulat noong may sumugod na mga kalaban. Naalerto ang mga kawal na nakapalibot sa prinsesa.
“Protektahan ang prinsesa!” utos ng isang kawal at noong lumapit ang mga kalaban ay nakipaglaban ang lahat.
Mas lamang ang bilang ng mga kalaban sa mga kawal na kasama ng prinsesa. Sa huli ay natalo ang mga kawal sa laban.
Sinubukan na tumakas ng prinsesa ngunit nahawakan agad siya ng isang lalaki.
“Bitawan mo ako!” sigaw ng prinsesa habang nagpupumiglas.
“Isama ang binibini sa kaharian ng Emiral!” malakas na sigaw ng lalaki at pagkatapos ay itinulak nito ang prinsesa papunta sa isang kawal ng kalaban.
“Masusunod po!” malakas na sigaw nito.
“Maghihintay pa tayo ng susunod na utos ng ating hari!” malakas na sabi ng lalaki at umalis na ito upang pumasok sa malaking tarangkahan ng kabisera.
Ang nagbabantay sa hangganan ng kaharian ay dalawang daang libong kawal.
Ang nasa sentro ng kaharian naman ay may bilang na tatlong daang libong kawal. Ang mga bampirang pinoprotektahan ay nasa bilang dalawang daang libo.
Ang pumunta naman sa timog ay dalawang daang kawal. Kasama ng mga ito ang ibang mamamayan ng Azea na may bilang na isang daang libong mamamayan.
Ang lahat ay may kaniya kaniyang pinoprotektahan, ngunit ang nasa kabisera ay tuluyan nang nasakop.
*
Kahit na gusto ng hari ng Azea na baguhin ang mangyayari, hindi niya magawa. Hindi naman niya nais magulo ang mangyayari sa kasalukuyan.
Tumigil ang karwaheng sinasakyan ng Hari at Reyna ng Azea. Nasa paglalakbay sila papunta sa Kaharian ng Noris. Marami silang kasamang tagasunod at mga kawal. Hindi pa sila nakakarating sa mismong hangganan ngunit tumigil na ang karwahe.
Narinig ng mag-asawa ang ingay ng mga kabayo at sigawan ng mga bampira.
“Anong nangyayari?” takot na tanong ni Reyna Alea.
Humarap si Haring Cimon kay Reyna Alea. Hinawakan ang kamay ng asawa at masuyong hinalikan ito ng hari.
“Aking Reyna, huwag kang lalabas kahit na anong mangyari,” bilin ng hari sa asawa.
“Ngunit ipangako mo muna sa akin na babalik ka,” sabi ni Reyna Alea. Lubos ang pagkabahala at kaba sa boses nito.
“Kahit hindi man ako bumalik sayo, tandaan mong hihintayin pa rin kita sa kabilang buhay,” makahulugang sabi ng hari.
Alam na ni Haring Cimon ang mangyayari. Ito na ang katapusan.
“Mahal ko, huwag kang magsalita ng gan’yan. Malakas ka, hindi ba? Hindi ka matatalo sa bawat laban?” sabi ng Reyna sa nag-aalala na boses.
Hinalikan ni Haring Cimon ang noo ni Reyna Alea. Ang pagmamahal ng hari sa Reyna ay walang hanggan. Ayaw nitong iwan ang asawa ngunit kailangan.
Malakas siya ngunit kung tadhana na ang kalaban niya, hinding hindi na niya ito mapipigilan.
“May unang pagkakataon sa lahat ng bagay. Kahit na anong mangyari, mahal na mahal kita,” malambing na sabi ng hari.
Umiyak ang Reyna at niyakap ng mahigpit ang hari. Noong nagbitaw ang dalawa ay lumabas na rin ang hari sa karwahe.
Ang unang nakita ni Haring Cimon ay si Haring Zemora. Marami itong kasamang mga kawal. Ang lahat ay nakapalibot sa kanilang lahat.
Wala nang natirang buhay sa kaniyang mga kawal at taga-sunod. Ang lahat ay nakahiga na sa sariling mga dugo.
“Haring Cimon, mabuti naman at lumabas ka. Kumusta ka na nga ba?” panimulang sabi ni Haring Zemora. Malawak ang pagkakangiti ngunit tuso.
“Hindi ako isang duwag para magtago. Huwag mo nang itanong sa akin kung kumusta na ako,” matigas na sabi ni Haring Cimon.
“Matapang ka ngunit sa pagiging abo pa rin ang tungo mo,” malakas na sigaw ni Haring Zemora at pagkatapos ay tumawa ito nang malakas.
“Mauuna lang ako ngunit alam kong sa pagiging abo rin ang tungo mo,” sabi ni Haring Cimon at ngumisi ito.
Tumalim ang tingin ni Haring Zemora. Itinaas nito ang espada. Lumapit ang mga kawal ni Haring Zemora sa kinatatayuan ni Haring Cimon.
“Isa na akong bampirang makapangyarihan sa buong mundo! Hinding hindi na ako mamamatay kahit na kailan man! Ako na ang mamumuno sa apat na kaharian! Lahat ay aking sasakupin! Luluhod sa akin ang lahat ng mga bampira!” malakas na sigaw ni Haring Zemora.
“Magtagumpay ka man sa iyong mga plano. Darating pa rin ang oras na matatapos ang lahat ng kasakiman mo,” makahulugang sabi ni Haring Cimon.
Nakita na ni Haring Cimon ang lahat ng mga mangyayari. Ang kasamahan ay laging matatalo ng kabutihan.
Tumawa si Haring Zemora nang sobrang lakas. “Hindi matatapos ang lahat. Wala na akong kamatayan,” tila ba siguradong sigurado na sabi nito.
“Ang lahat ay may katapusan, Haring Zemora,” wika ni Haring Cimon sa kalmadong boses.
“Mabuti at sinabi mo iyan. Ngayon na ang katapusan mo!”
Sumugod ang mga kawal ni Haring Zemora kay Haring Cimon. Mabilis na nakipaglaban si Haring Cimon sa mga kalaban.
Magaling si Haring Cimon sa pakikipaglaban kaya kahit na marami ang mga kalaban ay nagagawan pa rin nito ng paraan na matalo ang mga ito.
“Masyado kang malakas kumpara sa aking mga kawal, ngunit mas malakas ako kumpara sa iyo,” tumatawang wika ni Haring Zemora.
Itinaas nito ang kamay at may lumabas doon na pulang enerhiya at kalaunan ay naging apoy.
“Nakakainip. Mas magandang tapusin ko na agad ang laban na ito,” malakas na sabi ni Haring Zemora at pagkatapos ay itinutok nito ang kamay patungo kay Haring Cimon.
Hindi nakita ni Haring Cimon ang apoy na patama sa kaniya kaya hindi niya ito naiwasan.
Tumalsik si Haring Cimon sa puno dahil sa malakas na pagtama ng apoy sa katawan nito.
Napabagsak sa lupa si Haring Cimon at sumuka ng dugo. Nanghihina na napahawak ito sa dibdib habang nakatingin kay Haring Zemora.
Tumawa si Haring Zemora. “Kung pumayag ka lang sana sa gusto ko, Hindi sana tayo hahantong sa ganito,” sabi nito.
“Kahit na ginawa ko ang gusto mo, alam kong darating pa rin ang araw na gagawin mo ito! Hindi ba’t nais mo naman talagang masakop ang buong mundo ng mga bampira!” Kahit na nahihirapan na sa pagsasalita ay pinilit pa rin ni Haring Cimon.
“Dahil isa kang sakim sa kapangyarihan!” dagdag na sabi ni Haring Cimon.
“Mamamatay ka na ngunit marami ka pang sinasabi!” may galit na sabi ni Haring Zemora at pagkatapos ay naglabas ulit ito ng bolang apoy sa palad.
“Padadaliin ko na ang kamatayan mo!” malakas na sabi ni Haring Zemora.
Muling itinutok ang apoy kay Haring Cimon ngunit naging mabilis ang paglapit ni Reyna Alea sa asawa. Humarang ito sa harapan ni Haring Cimon.
“Huwag!” malakas nitong pagpigil.
Naging mabilis ang apoy at tumama ito agad sa dibdib ni Reyna Alea. Maraming dugo ang isinuka nito habang hawak ang tapat ng puso.
Kahit na nanghihina ay sinalo pa rin ni Haring Cimon ang kaniyang Reyna. Tumulo ang luha ni Reyna Alea habang nakatingin sa malungkot at nasasaktan na mukha ni Haring Cimon.
“Alea!” malakas na sigaw ni Haring Zemora. Gulat at hindi makapaniwala sa nangyari. Hindi nito inaasahan na mangyayari iyon.
Sinalo nito ang apoy na para sana kay Haring Cimon.
Hinawakan ni Haring Cimon ang mukha ni Reyna Alea.
“A-aking Reyna Alea, hindi ka na d-dapat lumabas pa. Hindi ko nais na m-makita kang m-maglaho sa aking h-harapan,” wika ni Haring Cimon habang nahihirapan sa pagsasalita. Tumulo ang ilang luha sa mga mata.
Isang malawak na ngiti ang ginawa ni Reyna Alea. Kahit na nasasaktan ay ininda niya ang nararamdaman.
“A-alam kong alam mo ang m-mangyayari sa h-hinaharap. Nais ko lang makita at m-makasama ka sa huling oras nating d-dalawa,” wika ni Reyna Alea sa malambing na boses. Tumulo ang mga luha sa mga mata nito. Sunod sunod at walang tigil.
Hinawakan ni Haring Cimon ang kamay ng Reyna at pagkatapos ay muling hinalikan habang lumuluha.
Napatango si Haring Cimon bilang pagsang-ayon sa asawa.
“Mahal natin ang isa’t isa at gusto kong maglaho tayo ng magkasama,” puno ng pagmamahal na sabi ni Haring Cimon. Tumango rin si Reyna Alea.
“M-mahal kita,” mahinang sabi ni Reyna Alea.
Tumango si Haring Cimon. “Mahal din kita, aking reyna,” malambing na sabi nito.
“Hi-hindi! Bakit mo sinalo ang atake ko na para sa kaniya! Hindi ka dapat mamatay, Alea! Ikaw ang nais kong makuha at makasama kaya ginusto kong maghangad ng malakas na kapangyarihan!” malakas na sabi ni Haring habang tulala itong nakatingin sa mag-asawang nahihirapan.
“K-kahit na anong mangyari, h-hinding hindi ko n-nanaisin na m-makasama ka,” sagot ni Reyna Alea kay Haring Zemora kahit na nahihirapan.
Nanatiling nakatitig si Haring Cimon at Reyna Alea sa isa’t isa. Punong puno ng pagmamahal ang bawat mga mata nila. Sabay na umubo ng dugo ang dalawa ngunit nagawa pa ring ngumiti sa isa’t isa.
Hinigpitan ni Haring Cimon ang pagkakahawak sa kamay ni Reyna Alea.
“Hintayin natin ang isa’t isa sa kabilang buhay,” mahinang sabi ni Haring Cimon.
Marahan na tumango si Reyna Alea. “Hihintayin kita, mahal kong Cimon.”
Yumuko si Haring Cimon at pagkatapos ay hinalikan nito ang noo ni Reyna Alea. Pumikit silang parehas bago tuluyang naging abo at sumama sa hangin.
Ang malakas na pagsigaw ni Haring Zemora ang narinig sa tahimik na gabi sa kaharian ng Azea. Ang paghihinagpis niya dahil sa sinapit ni Reyna Alea ang nakapagpasakit sa damdamin niya.
Lungkot, at pagsisisi ang lumukob sa buong pagkatao niya.
“Alea, ikaw ang dahilan kung bakit ko hinangad ang malakas na kapangyarihan! Plano kong patayin si Haring Cimon upang makuha ka! Ang makasama ka habang buhay ay ang aking ninanais, ngunit mas pinili mo pa rin na makasama siya sa huli!” malakas na sigaw ni Haring Zemora habang lumuluha.
Nakita ng mga kawal ni Haring Zemora ang paghihinagpis nito ngunit wala namang naging reaksyon ang mga ito.
Hindi rin nagtagal ay tumawa si Haring Zemora nang sobrang lakas.
“Hindi man kita nakuha. Ipinapangako ko na...Ang buong mundo ng Kosmos Vampir ay dapat maging akin.”
Naglabas si Haring Cimon ng apoy at sinunog ang kagubatan ng Asila.
Ang isa sa magandang kagubatan sa Kaharian ng Azea.
Mas naging ganid at sakim si Haring Zemora. Noong natapos niyang sakupin ang kaharian ng Azea ay pinaluhod niya ang natitirang mga mamamayan ng Azea.
Matapos iyon ay nagtungo agad ito papunta sa Kaharian ng Noris. Buwan ang inabot ng paglalakbay kaya nabalitaan agad ni Haring Persus ang nangyari sa Kaharian ng Azea.
Nakapaghanda si Haring Persus sa parating na digmaan. Isang madugong labanan ang nangyari upang makamit ang inaasam na pagkapanalo sa laban.
Hindi sumuko si Haring Persus. Nagmatigas ito at hindi pumayag na masakop ni Haring Zemora.
Hindi pa rin nila nakamit ang kalayaan. Maraming nawalan ng buhay at naulila sa labanan. Pinatay ni Haring Zemora si Haring Persus.
Ang huling sinakop ni Haring Zemora ay ang kaharian ng Oxir. Naging madali ang digmaan dahil kakaunti ang mga kawal ni Haring Oxiria. Kusang sumuko ito ngunit pinatay pa rin ng sakim at masamang hari.
Ang apat na kaharian ay napasakamay ni Haring Zemora. Inilubog ng hari sa hirap ang mga dating maharlika, ginawa niya ang mga ito na mababang uri ng bampira. Pinahirapan at ginawang “blood supply”
Nakuha ni Haring Zemora ang nais niya pero ang kaniyang buhay ay hindi pa rin masaya.
Makalipas ang ilang taon ay nalaman ni Haring Zemora ang kaakibat na sumpa sa pagsira ng treaty of peace.
Ang mga bampira ay mahaba ang buhay ngunit ang maglakas ng loob na sumira sa treaty of peace ay may malaking kabayaran.
Hindi totoo ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Magkakaroon ng malakas na kapangyarihan ngunit ang kahihinatnan naman matapos ang ilang daang taon ay kahinaan.
Pagtanda at pag-ikli ng buhay.
Ang lakas ay may hangganan.
Sa sobrang galit ng Hari dahil sa nabasa ay sinunog nito ang libro na naglalaman ng lahat ng impormasyon tungkol sa treaty of peace.
Isang daang taon lang ang kayang itagal ng hari, at pag dumating ang panahon na iyon ay mawawalan na ng lakas. Hindi maaaring malaman ng ibang bampira ang tungkol sa bagay na nalaman niya. Nais niyang matakot sa kaniya ang lahat.
Wala na siyang kakayahan na magkaroon ng anak kaya napagpasyahan niyang mag-ampon ng magiging tagapag-mana ng trono.