Sa ika-tatlong buwan, sa ganap na ika-dalawampu’t isa na araw naghanda ang mga kawal sa kaharian ng Emiral sa gagawing paglusob sa Kaharian ng Azea.
Ang bawat paglipas ng oras ay mahalaga para sa lahat ng kawal ng Kaharian ng Emiral. Naghahanda ang lahat sa pag-aayos ng mga sandata, at kakailanganin sa digmaan.
Sa kabilang banda, sa kaharian naman ng Azea ay alisto ang mga kawal sa paglilibot sa hangganan ng kanilang nasasakupan. Sabay sabay na pagmamartsa ang ginagawa ng mga kawal sa border ng Kaharian.
Ilang libong taon na mula noong huling nagkaroon ng digmaan ngunit, ang Kaharian ng Azea ay alisto pa rin at handa kung may mangyari mang pagsalakay.
Ang kastilyo ng Kaharian ng Azea ay nakatayo sa isang mataas na burol. Ang likuran ng kastilyo ay matataas na bundok. Ang unahan naman ng kastilyo ay ang nayon ng Anaya—ito ang nayon sa loob ng sentro o kabisera ng Kaharian ng Azea, kung saan nakatira ang mga mamamayang bampira ng Kaharian ng Azea.
Ang buong kaharian ng Azea ay napapalibutan ng matataas na pader—ito ay may kapal at taas na labing dalawang metro. Sa taas ng pader ay may mga kawal na pabalik balik upang magbantay. Nagmamasid sa paparating na panganib.
Sa tarangkahan ng Kabisera ng Azea, mas lalong humigpit ang proteksyon ng mga nagbabantay na kawal. Hindi pwedeng lumabas ang mga mamamayan at wala ring pwedeng pumasok.
Naipag-utos ni Haring Cimon sa mga bampira na mamamayan niya na huwag lumabas sa kani-kanilang mga tahanan.
Ang gabi ay payapa at tahimik ngunit ano mang oras ay pwedeng magbago ang ihip ng hangin.
Mula naman sa Kagubatan ng Enquilar, mabilis na yapak ng kabayo ang naririnig sa paligid. Matipuno na nakasakay sa kabayo si Haring Zemora.
Wala itong kasama at walang takot na pinuntahan ang puso ng kagubatan. Ang tanging dala dala niya ay espada.
Noong nakarating ito sa sentro ng kagubatan, lumapit agad ito sa puno ng Aponiya. Tiningnan ni Haring Zemora ang mahiwagang puno na namumunga ng bilog at maliwanag na prutas.
Lumipat ang tingin ni Haring Zemora sa gitnang bahagi ng katawan ng puno. Malaki ang butas sa gitna, at doon nakalagay ang mahiwagang kasulatan na pinapangalagaan ng apat na kaharian. Isa lang itong kulay-kape na papel at nakasulat doon ang mga salitang tumutukoy sa kasunduan ng pangkapayapaan. May ilang salita doong nakasulat ngunit walang bampira ang nakakaintindi roon.
Ang treaty of peace ay ilang libong taon nang pinapangalagaan para maging balanse ang mundo ng bampira. Sa kasalukuyan, Walang may alam kung sino ang gumawa ng kasulatan na iyon. Isang bampira lang sa nakaraan ang nakakaalam kung sino ang lumikha noon, ngunit matagal na itong naglaho.
Itinaas ni Haring Zemora ang kamay upang kunin ang treaty of peace ngunit napatigil ito nang marinig ang isang boses. Lumingon ang hari at nakita niya ang kaniyang asawa.
“Huwag mong ituloy ang pagsira sa balanse ng mundo!” malakas na pagpigil ni Reyna Juliet—ang asawa ni Haring Zemora.
“Hindi mo ako pwedeng pigilan, Juliet!” malakas na sigaw ni Haring Zemora.
Lumapit si Reyna Juliet kay Haring Zemora. Inalis ng hari ang lalagyan ng espada, at pagkatapos ay itinapat nito ang matalim na parte ng espada sa asawa.
“Huwag kang magpakain sa kasakiman, Zemora! Walang maidudulot na maganda ang masama mong hangarin!” wika ng Reyna sa mababa ngunit may pagbabanta na boses.
“Ang hangarin ko lang naman ay makuha ang buong mundo at ang babaeng mahal ko! Para sa akin ay maganda ang maidudulot nito!” sagot ng hari pabalik.
Naging malungkot ang mukha ni Reyna Juliet. “Sa inyong pansariling kapakanan lamang! Ngunit sa ibang bampira ay paghihirap ang kanilang mararanasan!”
“Ang importante lang sa akin ay ang pansariling kasiyahan ko. Wala na akong pakialam pa sa iba!” diretso na sabi ni Haring Zemora.
Naramdaman ni Reyna Juliet ang panghihina ngunit sinubukan pa rin nitong magpakatatag. Ilang beses na itong sinabi ni Haring Zemora ngunit masakit pa rin sa puso niya ang pagiging walang pakialam nito sa anak nila.
“Wala ba talagang importansya sa’yo ang mga anak mo? Hindi mo ba talaga ako minahal? Handa mo talagang ipagpalit ang pamilya mo para lang makamit mo ang walang hanggan na kapangyarihan?” may hinanakit na tanong ni Reyna Juliet.
Seryosong mukha ang makikita kay Haring Zemora. Wala man lang pagsisisi at pagmamahal sa damdamin nito.
“Katulad nang sinabi ko, wala akong pakialam sa iba. Ang importante lang sa akin ay kapangyarihan!” sagot ng Hari.
“Ang akala ko ay kaya ko pang baguhin ang isip mo ngunit mali pala ako. Isa lang naman ang ninanais ko, ang mahalin mo ako at ang mga anak natin ngunit hindi pala talaga matutupad ang nais ko,” sabi ng Reyna. May pagsisisi sa boses.
Mas humigpit ang hawak ni Haring Zemora sa hawakan ng espada. Inilapit pa nito ang talim ng espada kay Reyna Juliet.
“Huwag mo na akong pigilan pa, Juliet!” banta ng hari.
Tumalim ang tingin ni Reyna Juliet at pagkatapos ay mas lumapit ito sa talim ng espada. Ilang pulgada na lang at malapit na itong dumikit sa puso ng Reyna. Walang takot sa ekspresyon ni Reyna Juliet.
“Mahal kita at hindi ko gusto na pigilan ka sa pamamagitan ng pagkitil ko sa buhay mo, kaya pilit kong pinapakiusapan ka sa magandang pakiusapan, ngunit matigas ang puso mo! Hindi mo naman nais na magbago. Wala akong iba pang pagpipilian. Isa lang ang kailangan kong gawin—ito ay ang panatilihin ang balanse ng mundo kahit na wakasan ko pa ang buhay mo,” mahaba na paliwanag ni Reyna Juliet.
Unti unting lumabas ang puting enerhiya sa kamay ng Reyna. Nagulat si Haring Zemora sa nakita. Hindi agad nakagalaw ang hari dahil sa pagkabigla. Itinaas ng Reyna ang kamay at nagtungo kay Haring Zemora ang malakas na enerhiya.
Tumama ito sa dibdib ni Haring Zemora. Bumagsak ang hari sa damuhan. Naramdaman ng hari ang sakit at hapdi. Ngayon lang nalaman ng hari ang kapangyarihan ng Reyna.
Lubos na gulat ang nakikita sa mukha ng hari habang nakatingin kay Reyna Juliet. Doon napagtanto ng hari na hindi niya kayang kalabanin ang kaniyang Reyna. Hindi ito kabilang sa kanilang lahi.
“Hindi ka bampira? Anong klase kang nilalang?” hindi makapaniwala na tanong ng Hari.
“Isa akong salamangkero! Ngunit naging isang bampira dahil sa pagiging hibang sa pagmamahal sa’yo! Isinakripisyo ko ang lahat para lang makasama ka ngunit sa huli ay siya pa rin ang nais mong makasama!” malakas at may pagsisisi na sabi ng Reyna.
Isang kasalanan para sa mga manggagaway o salamangkero ang mapaibig sa ibang nilalang.
“Isa akong tanga ngunit ngayon ay kailangan ko nang itama ang lahat,” wika ng Reyna.
Mali ang ibigin si Haring Zemora. Kailangan niya nang itama ang pagkakamali niya. Ang kaniyang tungkulin ay kailangan niya nang gawin.
Isang beses ulit na pinatamaan ni Reyna Juliet si Haring Zemora. Natamaan ito sa braso kaya malakas na pagsigaw ang narinig sa buong kagubatan. Ang braso nito ay nagkaroon ng malaking sunog.
Naramdaman ni Haring Zemora ang panghihina.
“Akala mo ba’y magiging maganda ang buhay mo kung makukuha mo ang walang hanggang kapangyarihan? Nagkakamali ka dahil ang kaakibat ng kapangyarihan ay isang sumpa,” wika ng Reyna.
Umiling si Reyna Juliet. Sobrang nanghihinayang siya para sa lalaking mahal niya. Kung hindi ito magbabago, hindi maganda ang magiging wakas nito.
“Sinubukan kong iligtas ka sa pangalawang pagkakataon ngunit mas ginusto mong ituloy ang pinaplano mo,” mahinang sabi ng Reyna. May lungkot sa boses nito.
“Nakita ko ang hinaharap mo at hindi maganda ang kalalabasan nito. Kamatayan pa rin ang wakas mo. Hindi pa huli ang lahat para umatras sa plano mo. Pwede ka pang magbago,” sambit ni Reyna Juliet. Umiwas ito nang tingin upang hindi makita ang kaawa awang kalagayan ng kaniyang minamahal.
Narinig ng Reyna ang pagtawag ng hari sa pangalan niya. Nagulat si Reyna Juliet at napatingin sa hari. Nakita ng Reyna ang malamlam na ekspresyon nito. Pansin ng Reyna ang pagsisisi sa mukha ng Hari.
Ngumiwi ang hari habang iniinda ang sakit ng sugat nito. “Sinabi...mong hindi ako magtatagumpay? Kung ganoon… ay nais ko nang tigilan ang aking plano. Napag-isip isip ko na itama ang mali ko. Tatanggapin mo pa ba ako? Magbabagong… buhay na ako at mamahalin ko... na ang pamilyang mayroon ako. Susubukan… kitang mahalin,” sabi nito.
Sa sinabi ni Haring Zemora ay nakuha nito ang buong atensyon at awa ng Reyna. Lumambot ang puso ng Reyna dahil sa sinabi ng Hari.
“T-totoo ba ang sinasabi mo?” umaasa na tanong ni Reyna Juliet. Hindi nito maiwasan na maging masaya.
Ang galit ay unting-unti naglaho at napalitan ng pag-asa sa pangako nito.
“Oo. Nais kong itama ang mga naging mali ko,” wika ng Hari.
Tuluyang lumambot ang puso ni Reyna Juliet. Mabilis nitong nilapitan ang Hari habang lumuluha. Niyakap ng Reyna si Haring Zemora.
“Masaya ako dahil nais mong magbago,” lumuluhang sabi ng Reyna.
Masaya si Reyna Juliet dahil susubukan na siyang pahalagahan ni Haring Zemora. Naniwala agad ang reyna sa sinabi ng asawa.
Naging mabilis ang pangyayari. Nagulat na lang ang Reyna noong bigla siyang itulak ng hari at pagkatapos ay sinaksak sa puso. Tumulo ang luha ng Reyna at naramdaman ang pagkadismaya. Hindi inaakala ng Reyna na isa lang pala itong panlilinlang.
“Anong—bakit mo ginawa ito?” nahihirapan na tanong ng Reyna habang habol ang paghinga.
Ngumisi si Haring Zemora sa asawa. “Pasensya na ngunit hindi ko nais sumuko sa laban na nasimulan ko na,” sagot nito.
Pumikit si Reyna Juliet at pagkatapos ay nagmulat. Unti unting tumulo ang mga luha mula sa mata ng Reyna.
Ang puso ng reyna ay sobrang hina at marupok para sa hari. Sa huli ay sinaksak pa rin nito ang puso niya.
“Nilinlang mo ako!” mahina ngunit madiin na sabi ng Reyna.
“Mali na mahalin mo ako at pagkatiwalaan. Tuso ako, Juliet.”
Isang malakas na paghikbi ang narinig sa buong kagubatan. Ang paghihinagpis ni Reyna Juliet ang nakapagpagulo sa mga hayop na tahimik na nagpapahinga sa gabing iyon.
Ang dugo mula sa sugat ng Reyna ay tumulo sa damuhan kung saan ito nakahiga.
“Isinusumpa ko na hindi ka sasaya habang buhay! Ang lahat ay may hangganan!” malakas na sigaw ni Reyna Juliet.
“Ang buhay mo’y magiging malungkot na halos ikamatay mo!” dagdag ng Reyna.
Biglang kumulog at kumidlat nang malakas. Ang malakas na hangin ay humampas sa mga puno at nagbagsakan ang mga dahon.
Sa pangatlong pagkidlat ay naglaho nang parang bula ang katawan ni Reyna Juliet.
Walang pagsisisi sa mukha ni Haring Zemora habang naglalakad papunta sa puno ng aponiya.
Kinuha ng Hari ang papel ng treaty of peace. Pinilas ito ng hari at biglang tumama ang kidlat sa puno ng aponiya. Ibinaba nito sa lupa ang pinilas na papel. Gamit ang espada ay hiniwa ni Haring Zemora ang palad at pinatakan ng dugo ang magkapatong na papel ng treaty of peace.
“Kahit kailan ay hindi ako magpapatalo sa mga darating na balakid sa buhay ko,” matigas na sabi ni Haring Zemora.
Lumiwanag ang treaty of peace at pagkatapos ay malakas na hangin ang lumabas sa liwanag. Pumalibot ang hangin sa hari.
Naramdaman ni Haring Zemora ang pagpasok ng enerhiya sa katawan niya. Ilang minuto siyang pinalibutan ng hangin hanggang sa biglang nagliyab ang buong paligid niya.
Napahigpit ang hawak ng hari sa espada noong naramdaman ang pwersahang pagpasok sa kaniya ng enerhiya ng apoy. Malakas na sigaw ang ginawa ng hari.
Sa pagmulat nito ng mga mata ay nawala na ang sakit na nararamdaman. Itinaas ng hari ang kaniyang kamay. May pulang enerhiya ang lumabas sa palad nito.
Napahalakhak ito nang mapagtanto na nagkaroon siya ng kapangyarihan na apoy.
“Ito na ang simula ng paghahari ko sa buong mundo!” malakas na sigaw ng Hari.
“Makukuha ko na rin ang babaeng mahal ko!” pagpapatuloy nito at pagkatapos ay malakas na humalakhak.
Biglang nagliyab ang katawan ng puno sa hindi malaman na dahilan. Hanggang sa nasunog ang buong puno ng aponiya, hanggang sa natupok ang mga dahon at bunga nito. Noong namatay ang apoy ay himalang tanging katawan lang ng puno ang natira.
Ang buong kagubatan ng Enquilar ay unti-unting naging kulay abo. Nawalan na ng kulay ang lahat ng mga halaman at mga puno. Nawalan ng buhay pati na rin ang lahat ng mga hayop na nakatira rito. Kasabay nang pagkawala ng buhay ng mga pamilya at angkan ni Haring Zemora.
*
Napatigil si Prinsesa Azalea sa pagpasok sa sikretong pinto dahil biglang pumasok ni Catalina sa silid tulugan.
“Saan ka pupunta, Prinsesa Azalea? Bakit bihis na bihis ka?” tanong ni Catalina.
“Huwag kang maingay, Catalina!” mahinang suway ni Prinsesa Azalea.
“Gabi na po, mahal na prinsesa. Dapat ay natutulog ka na,” wika ni Catalina habang ibinababa sa maliit na lamesa ang hawak na lampara.
“May nais akong puntahan,” sagot ni Prinsesa Azalea.
Binuksan na ni Prinsesa Azalea ang sikretong pinto na nasa kaniyang kwarto.
“Sobrang lalim na po ng gabi. Hindi na ligtas ang paglabas sa palasyo,” pigil ni Catalina.
“May nais akong makita. Tulungan mo akong makalabas sa palasyo. Babalik din ako sa ika-limang araw. Kung may maghanap man sa akin, sabihin mong masama ang aking pakiramdam,” bilin ni Prinsesa Azalea. Hindi magpapapigil sa nais gawin.
“Bakit po sobrang tagal naman yata? Baka magtaka sila at puntahan ka sa iyong silid,” nakakunot na tanong ni Catalina.
“Ang pagkakaalam ko ay pupunta si Ama’t ina sa Kaharian ng Noris upang dumalo sa salo salo kasama ang hari at reyna. Hindi nila ako hahanapin,” siguradong sigurado na sagot ng Prinsesa.
“Ngunit paano po ang mga utusan?” tanong ni Catalina. Natatakot ang tagasilbi na baka mahuli sila.
“Kung sasabihin mong ayaw kong magpapasok sa aking silid, susundin nila ang bilin ko,” sagot ni Prinsesa Azalea.
“Kung gusto mo man pong umalis, mas magandang isama mo po ako,” suhestiyon ng tagasilbi.
Umiling si Prinsesa Azalea. “Hindi maaari. Magtataka sila kung pati ikaw ay mawawala,” sagot nito.
“Ngunit saan ka nga po ba pupunta?” hindi pa rin matigil na tanong ni Catalina.
“Isa itong sikreto. Halika...” Sinenyasan ni Prinsesa Azalea si Catalina upang lumapit ito. Sumunod naman ang tagasilbi.
Lumapit si Catalina at bumulong si Prinsesa Azalea.
“Makikipagkita ako sa isang lalaki,” mahinang sabi ng prinsesa.
Napasinghap si Catalina. “May katipan ka na po ba?”
“Wala! Pupunta lang kami sa Kaharian ng Noris upang mapanood ang pagdiriwang nila ng sky lantern,” paliwanag ng prinsesa habang umiiling.
“Sky lantern?” nalilito na tanong ni Catalina.
“Mga parol sa himpapawid,” pagpapaliwanag ni Prinsesa Azalea.
“Ngayon ko lang po narinig ang tungkol sa bagay na iyan,” wika ni Catalina.
“Kaya gusto ko itong makita,” sabi ni Prinsesa Azalea, at ngumiti ito nang malawak.
Kahit na hindi kilala ng prinsesa ang lalaki, ramdam niya ang pagiging mabuti nito kaya pagkakatiwalaan niya ito.
*