“Ang munti kong prinsesa…”
Napalingon ang lahat sa munting prinsesa na kanina pa tahimik. Hinawakan ni Reyna Alea ang kaniyang singsing dahil sa pangamba na nararamdaman. Hindi niya gusto ang itinatakbo ng usapan. Para bang nais gawin ng hari ang mailayo ang mga anak upang mailigtas.
“Mahal ko…” tanging sambit niya sa mahinang tining. Alam niyang narinig siya ng asawa sapagkat tumingin ito sa direksyon niya. Ngumiti lang ang hari at muling tumingin kay Prinsesa Azalea.
“Ikaw naman, mahal na prinsesa… ay nais kong mag-aral kang mabuti. Huwag laging laro ang nasa isip,” bilin ng Hari sa kaniyang bunsong anak.
Tumango lang ang prinsesa at hindi na nagsalita pa. Lubos na nag-alala ang mga kapatid sa pagiging tahimik ng Prinsesa.
“Bakit tahimik ang aming prinsesa?” naguguluhan na tanong ng Reyna.
“Hindi ko po alam ngunit may kakaiba po akong nararamdaman,” sambit ni Prinsesa Azalea sa mababang tining.
“May dinadamdam ka ba?” nag-aalala na tanong ni Prinsipe Franser.
“Parang may masamang mangyayari,” tanging sagot niya kaya napatikhim ang Hari.
“Siguro ay pagod ka lamang sa paglalaro,” sambit ng hari at sumang-ayon si Prinsipe Hemox sa sinabi ng amang hari.
“Hindi po pagod ang nararamdaman ko, Amang hari.” Tumingin ang Prinsesa kay Haring Cimon.
Ramdam ni Haring Cimon ang pagiging problemado ni Prinsesa Azalea. Hindi man ipakita ng Prinsesa ngunit ramdam pa rin iyon ng Hari ng Azea.
“Siguro ay masama lamang ang iyong pakiramdam,” pangungumbinsi ni Haring Cimon sa anak. Hindi gusto ng hari na ipaalam ni Prinsesa Azalea ang nakita sa pangitain.
Hindi natutuwa ang hari na malaman na nakuha ng bunsong anak ang kaniyang kapangyarihan. Ito ay ang makakita ng mangyayari hinaharap.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasabi ng mga bagay na nakita sa pangitain. Kung masama ito ay mas lalong magiging masama ang mangyayari. Kung mabuti naman ay kabaligtaran ang mangyayari. Ang lahat ay dapat ilihim.
“Lagi siyang pagod dahil sa pakikipaglaro,” usal ni Prinsipe Klaix.
“Ang prinsesa ay laging nakikipaglaro ng taguan sa mga utusan. Bakit hindi ka makipaglaro sa mga taong mas mataas ang katungkulan? Hindi nababagay sa isang prinsesa ang makihalubilo sa mababang mga bampira. Sa pag-uwi ko ay ipapasyal kita sa Kaharian ng Noris upang makilala ang tatlong prinsesang anak ni Haring Persus.” Tumikhim si Prinsipe Hemox habang pinagmamasdan si Prinsesa Azalea.
Hindi niya gusto na makipaglaro ang kapatid sa mga utusan sapagkat naniniwala ang prinsipe na ang isang maharlika ay dapat maging mataas ang tingin sa sarili.
“Prinsipe Hemox, ang pananalita mo!” Madiin na ikinuyom ni Haring Cimon ang kaniyang kamao dahil hindi niya nagustuhan ang sinabi ng anak.
Isang pagbuntong hininga ang ginawa ng prinsesa. Matapos noon ay umiling si Azalea nang marahan.
“Ayoko pong makihalubilo sa mga prinsesa dahil malayo ang lalakbayin patungo sa ibang kaharian. Ayokong makihalubilo sa mga anak ng mayayamang angkan sa kaharian natin sapagkat nakikipagkaibigan lang po sila sa akin dahil sa titulo ko bilang prinsesa. Sapat na po sa aking maging kalaro ang mga kaibigan kong katulong at alila.”
“Hindi ko nagustuhan ang sinabi mo, Prinsipe Hemox,” ani Reyna Alea.
Tumingin ang Hari sa kaniyang pangatlong anak. Dumiin ang tingin niya upang balaan ito.
“Prinsipe Hemox, hindi porket utusan sila at mababa ang estado ng pamumuhay ay iiwasan na sila o gagawing kawawa. Mali ang ganoong bagay, marapat lang na ituring din silang kapantay natin dahil bampira din sila. Hindi sila naiiba sa atin bilang bampira, sa estado lang ng pamumuhay ang naiiba,” pangangaral ni Haring Cimon, hindi lang kay Prinsipe Franser kundi para sa kaniyang mga anak.
“Hindi mo dapat maliitin ang mga bampirang nasasakupan natin dahil para na rin natin silang pamilya,” dagdag naman ni Reyna Alea.
Mabagal na tumango si Prinsipe Franser sa sinabi ng mga ito. Sang-ayon siya sa sinabi ng magulang.
“Isa lang ang nais kong gawin niyo, mahalin niyo ang mamamayan natin.” Inilagay ng hari ang kanang kamay sa dibdib.
Ipinapahiwatig na mas mahalin at pahalagahan.
“Kung dumating man ang panahon na magkaroon ng kaguluhan o digmaan, nais kong iligtas niyo ang ating mga mamamayan. Mamuhay ng tahimik at malaya sa mga bampirang nais umabuso sa kapangyarihan,” kabilin-bilinan ni Haring Cimon sa mga anak.
Malakas na singhap ang ginawa ni Reyna Alea. Hindi nagustuhan ang isinambit ng asawa.
“Mahal ko, huwag mong sambitin ang ganiyang bagay,” sermon ng Reyna habang umiiling.
Isang maliit na ngiti ang iginawad ng Hari sa minamahal niyang pamilya. Alam na ng hari ang mangyayari sa kasalukuyan. Matagal nang nakita ng Hari ng Azea ang mangyayari.
“Ito ay isang bilin lamang para sa maaaring mangyari. Hindi natin masasabi kung anong mangyayari sa hinaharap,” palusot ng Hari.
“Hindi po ba ay mas magandang maghiganti?” tanong ni Prinsipe Franser kaya napalingon ang lahat sa pwesto nito.
“Walang maidudulot na mabuti ang paghihiganti.” Mula sa pag-upo ay tumayo ang hari.
Matikas ang tindig habang nakatingin nang mariin ngunit may pagmamahal sa pamilyang lagi niyang pinapahalagahan.
“Kaligtasan ng pamilya ang mahalaga. Lagi niyong pipiliin ang kalayaan kaysa sa paghihiganti,” kabilin-bilinan ng Hari sa mga anak.
“Maliwanag ba, mga anak ko?” paniniguro ng Hari ng Azea.
“Opo, mahal na hari,” sabay sabay na sagot ng mga Prinsipe. Tumango lang si Prinsesa Azalea.
“Ito ang nais ko,” huling sambit ng Hari at matapos noon ay tumayo na rin ang Reyna upang salubungin ang Hari. Nagpaalam na sila kaya naiwan ang mga anak nila. Tahimik at may kaniya-kaniyang iniisip.
*
Sa malawak na silid na tanggapan ni Haring Zemora, naroroon ang hari habang umiinom ng kaniyang alak at nasa malalim na pag-iisip.
Pilit niyang pinag-iisipan ang planong matagal niya nang nais gawin.
Ang pag-iisip ng Hari ng Emiral ay naputol dahil sa pagtawag ng isang tagapagbantay. “Haring Zemora, andito po ang Reyna Juliet at humihingi po siya ng oras sa iyo upang makausap ka.”
Naiinis na bumuntong hininga ang hari. Hindi niya nais na makita ang Reyna. Ang mga lumalabas lamang sa bibig ng Reyna ay mga hinanaing.
“Hindi ba’t sinabi kong hindi ako tatanggap ng kahit na sino?” inis niyang usal.
Nakita ng Hari kung paano nanigas sa kinatatayuan ang tagapagbantay.
Magsasalita pa sana ang lalaki ngunit naputol ito nang biglang bumukas ang pinto ng tanggapan.
Pumasok ang nanggagalaiti na Reyna. Mabilis itong naglakad palapit sa Hari.
“Ako’y iyong kabiyak, hindi ba? Bakit pati ako ay iyong pinagbabawalan!” gigil na sambit ni Reyna Juliet.
“Huwag mo akong pagtaasan ng boses, Juliet!” matigas ang tinig na sigaw ng Hari.
Hindi natakot ang Reyna sa pagiging galit ng Hari. Mas pinanlisikan niya ng mata ang kabiyak.
Kahit na galit, lumapit ang Hari sa Reyna at masuyong hinawakan ang kaliwang pisngi nito. “Ano na naman ang iyong ikinagagalit?” may lambing ngunit sa totoo ay naiinis.
Inis na inalis ng Reyna ang kamay niya. “Nagagalit ako sa iyong ginagawa sa akin! Asawa mo ako ngunit hindi mo naman ako itinuturing na asawa! Sa palagay mo ba ay hindi ako nasasaktan?”
Malagong na tawa ang pinakawalan ng hari. Pumalibot sa bawat sulok ng silid ang tawa niya.
“Pinili mo ang buhay na mayroon ka ngayon. Pinilit mo akong pakasalan ka kaya tiisin mo ang sakit na nararamdaman mo,” madiin niyang sambit.
Masaganang mga luha ang tumulo mula sa mata ng Reyna. Ilang beses pumasok sa isipan ng Reyna ang mga bagay na ginawa niya para sa hari. Isinakripisyo niya ang lahat ngunit hindi pa rin nito magawang tingnan ang kaniyang mga mata na may halong pagmamahal.
“Ano bang pwede kong gawin upang mahalin mo ako?” mahinang tanong niya sa Hari.
“Hindi ko nais na mahalin ka, Juliet.” Lumayo na si Haring Zemora.
“Mas lalo mong pinagdurugo ang puso ko,” madamdaming pahayag ni Reyna Juliet.
Lumingon ang Hari upang harapin ang Reyna.
“Ngunit hindi ko kasalanang mahalin mo ako. Hindi ko kasalanan na nasasaktan ka ngayon dahil lang hindi ko maibigay ang pagmamahal na gusto mo,” walang emosyon na sabi ni Haring Zemora.
Mas lalong nasaktan ang Reyna sa sinabi ni Haring Zemora.
“Isa kang hari ngunit wala kang pakialam sa ibang bampira. Tanging sarili mo lang ang pinapahalagahan mo! Ang bampirang tulad mo ay kailanman ay hinding hindi liligaya! Hinding hindi mo makukuha ang gusto mo!” matigas na sumpa ng Reyna sa kaniyang asawa.
Natigilan si Haring Zemora ngunit kalaunan ay napatawa siya nang malakas.
“Hindi ko man nakuha ang pinakamamahal ko, sisiguraduhin kong makukuha ko ang kapangyarihan na walang hanggan,” makahulugang sabi ng Hari ng Emiral kaya natigilan ang Reyna.
Nanlaki ang mga mata ng Reyna. “Haring Zemora…huwag mong sabihin na…”
Uminom ang hari sa hawak na kopita habang nakatingin sa bintana na nakabukas. Pinagmamasdan ng Hari ang kaniyang kaharian. Malawak iyon ngunit kung tutuusin ay maliit pa rin sa kaniya.
Sa apat na kaharian sa Kosmos Vampir. Ang Kaharian ng Emiral ang pinaka-maliit. Ang Kaharian ng Oxir naman ay dalawang beses na mas malaki sa Kaharian niya.
Malawak na lupa ang nasasakupan ng Kaharian ng Kingdom of Noris, ngunit pinakamalaki sa lahat ay ang Kaharian ng Azea.
“Mas malakas na kapangyarihan. Hinding hindi ako papayag na hindi ko iyon makuha.”
Lumapit ang Reyna sa kaniyang kabiyak. Kinuha niya ang kopitang hawak ng Hari at inihagis iyon sa pader. Inis at galit ang nararamdaman ng Reyna dahil sa pagiging sakim nito.
“Nahihibang ka na ba? Kung naghahangad ka ng walang hanggan na kapangyarihan, ibig sabihin lang noon ay sisirain mo ang kasunduan ng kapayapaan!” galit na galit na sigaw ng Reyna.
“Iyon ang aking matagal ng plano, Reyna Juliet.” Lumayo ang hari sa kaniya at pagkatapos ay umupo sa gintong upuan. Pinagkatitigan ng Hari ang maliit na apoy na nasa kandila.
“Ngunit sa gagawin mong kapangahasan ay isusugal mo ang buhay naming lahat! Ayos lang sa iyo na mamatay kami ng buong pamilya mo?”
“Sa palagay mo ba ay may pakialam ako?” sarkastiko at walang emosyon na tanong ng Hari.
“Isa kang hanggal!” Nanggagalaiti na sabi ng Reyna.
Tumawa ang hari habang umiiling. “Hanggal bang maituturing kung gusto mong makuha ang iyong kagustuhan?”
Nakaramdam ng takot ang Reyna sa pinaplano ng Hari. Lumunok siya ng laway at pagkatapos ay lumuhod sa harapan ng hari.
Napatingin si Haring Zemora sa asawa. Napaayos siya nang pagkakaupo sa gintong upuan.
Ang galit na nararamdaman ng Reyna ay hindi nawala ngunit kailangan niyang magpakumbaba. Yumuko ang Reyna habang lumuluha. Sinusubukan na palambutin ang puso ng Hari. Nais subukan na pakiusapan ito.
“Huwag mong ituloy ang plano mo. Maawa ka, Haring Zemora. Kahit na hindi na ako ang isipin mo! Isasakripisyo mo ang iyong mga anak nang dahil lang sa kauhawan mo sa kapangyarihan! Kahit na sila na lang ang isipin mo. Huwag mo silang ipagkanulo!” pikit matang sambit ng Reyna. Pilit hinihiling sa buwan na maging maayos ang takbo ng isip ng Hari.
“Ang pagnanais ko sa walang hanggang kapangyarihan ay hinding hindi mapipigilan ng lukso ng dugo,” hindi naawa na sabi ni Haring Zemora kaya napatingala ang Reyna.
“Wala kang pagmamahal sa iyong mga kadugo,” mahina ngunit may gigil na saad ng Reyna.
“Walang puwang ang pagmamahal sa mundo ko,” matigas na wika ni Haring Zemora.
Tumingin ang hari sa pader kung saan nakatago ang larawan ng tunay niyang minamahal.
Alam iyon ng Reyna ngunit hindi na lang ito pinagtuunan ng pansin.
Mas nalungkot ang Reyna at dinamdam ang pagiging walang pakialam sa kaniya ng Hari. Pati sa kanilang mga anak ay wala itong pakialam.
Iniligtas niya ito sa kamatayan ngunit ninanais pa rin nitong makasama ang tunay na minamahal.
Isinakripisyo niya ang kaniyang kapangyarihan bilang isang salamangkero para lang buhayin sa kamatayan ang Haring tinanggihan ng babaeng minamahal.
*
“Prinsesa Azalea, nais kitang makausap.” Lumapit si Haring Cimon sa kama ni Prinsesa Azalea.
Marahang umupo ang hari sa kama. Lumingon si Prinsesa Azalea at malungkot na ngumiti sa ama.
“Bakit po, Amang hari?” magalang na tanong ni Prinsesa Azalea.
“Alam ko ang bumabagabag sa iyo,” turan ni Haring Zemora.
Gulat na bumangon si Prinsesa Azalea sa kama. “Paano mo po nalaman, Ama?”
Hinawakan ng Hari ang buhok ng kaniyang anak at ngumiti siya nang tipid. “Sa isang salitang binanggit mo ay alam ko na ang nakita mo.”
“Ama, nakita ko—” pinigil ni Haring Cimon ang kaniyang anak sa pagsasalita.
“Hindi mo maaaring sabihin sa iba ang iyong nakita. Ang mga pangitain ay kailangang ilihim,” naluha ang Prinsesa dahil sa sinabi ni Haring Cimon.
“Hindi po ba maaaring ibahin ang mangyayari?” inosenteng tanong ng Prinsesa.
Umiling ang hari. “Ang bawat pangitain ay dapat mananatiling lihim sa ibang bampira. Kung nais mong baguhin ang mangyayari sa kasalukuyan, mas lalong gugulo ang lahat ng mangyayari, at ikaw ay magsisisi,” makahulugang na bilin ni Haring Cimon sa anak.
“Hindi ko po nais makita ang hinaharap,” malungkot na saad ni Prinsesa Azalea.
Kumunot ang noo ni Haring Cimon. “Ngunit bakit?”
“Alam kong ang lahat ay kaguluhan lamang…”
“May alam ka po bang paraan upang maglaho ang aking kapangyarihan?” dagdag ni Prinsesa Azalea.
“Hindi ka ba natutuwa sa iyong kapangyarihan? Bihira lang sa mga bampira ang magkaroon ng hindi pangkaraniwang kapangyarihan.”
“Sapat na po sa akin ang normal kapangyarihan ng mga bampira. Ang pagiging Immortal, pagkakaroon ng pambihirang lakas, pakiramdam, at bilis ay ayos na sa akin. Hindi ko nais na magkaroon ng espesyal na kapangyarihan,” sagot ni Prinsesa Azalea sa Hari.
Walang nagawa ang Hari kundi ang tumango. “Wala akong magagawa upang alisin sa iyo ang espesyal na kapangyarihan na meron ka ngunit mayroon akong isang naiisip na paraan upang mabago ang iyong kapangyarihan.” Inilabas ni Haring Cimon ang isang maliit na sisidlan.
Mula doon ay inilabas nito ang maliit na tableta na kulay pula. Ipinakita niya ito sa Prinsesa.
“Ang tableta na ito ay mahiwaga. Kaya nitong baliktarin ang iyong kapangyarihan,” paliwanag ng Hari.
Naguluhan ang batang prinsesa sa sinabi ng Hari. “Saan mo po nakuha iyan?”
“May isang salamangkero na nagbigay sa akin.”
Mas lalong hindi makapaniwala ang batang prinsesa. “Wala naman pong salamangkero sa ating mundo, Ama.”
“Ang mundo natin ay mahiwaga at malawak. Walang kasiguraduhan kung tayo lang na mga bampira ang nasa mundong ito.”
“Mahirap pong paniwalaan, Ama.” Bumuntong hininga ang Prinsesa.
“Sa aking paglalakbay patungo sa Silangang bahagi ng ating kaharian ay nakilala ko ang isang salamangkero. Noong una ay hindi ako naniwala ngunit noong ipinakita niya sa akin ang kaniyang kapangyarihan ay napaniwala niya ako. Tinulungan ko siya sa isang bagay at bilang sukli sa aking kabaitan ay binigyan niya ako ng tabletang ito. Ang sabi niya’y nakakapagpabaliktad daw ito ng kapangyarihan,” paliwanag ng Hari.
“Hindi mo po ba nais inumin?”
“Hindi dahil kuntento na ako sa aking espesyal na kapangyarihan,” sagot ng Hari.
“Nais ko pong inumin,” sagot ni Prinsesa Azalea. Desidido na ang prinsesang gawin ang kaniyang desisyon.
“Kung iyan man ang iyong gusto ay hindi kita pipigilan.” Tumayo na ang hari ngunit bago ito tumalikod ay hinalikan niya muna ang Prinsesa sa noo.
“Kung nakaraan man ay iyong makita, pwede mo itong isulat sa isang aklat bilang kasaysayan. Ngunit hindi mo maaaring sabihin na ikaw ang manunulat ng libro na iyong inilathala,” huling bilin ni Haring Cimon sa anak bago ito tuluyang umalis.
Pinagkatitigan ni Prinsesa Azalea ang hawak niyang tableta, at sinusunod niya ang nais ng kaniyang puso.