HINDI kami magkaklase sa lahat ng subjects. May ilang electives kami na magkaiba at hanggang ngayon ay tulala pa rin ako sa nangyari kaninang umaga. Nakadalawang nakaw s'ya ng halik sa akin. Una sa pisngi at ang huli ay labi ko na ang pinuntirya.Parang gusto ko na ayaw kong isipin kung anong sunod n'yang balik gawin.
Technically, he has a right. Mag-asawa na kami at kung tutuusin ay malaya naming magagawa pareho ang mga bagay na may kaugnayan sa pagpapamilya. Ang masaklap ay sa hiwalayan din naman ang uwi namin. Kailangan ko talagang pag-ingatan ang sarili ko para kapag wala ng bisa ang kasal namin ay hindi naman ako kahiya hiya sa sunod kong mapapangasawa. 'Yon eh kung may magkakamali pa sa akin.
"Earth to Maxine!" sabi ni Darlene, kaibigan ko.
Bigla akong bumalik sa kasalukuyan. "Ha? May sinasabi ka ba?"
"Tulala ka kasi d'yan. Ano? May problema ka ba? Pera? May sakit ka?"
Napailing ako. "Wala, okay lang ako."
Napaismid ito. "Hindi ako naniniwala. May something sa iyo eh."
"Anong something?" kunot noo kong tanong sa kanya.
"Basta. Parang... blooming ka! 'Yon!"
"Blooming?"
"Ano ka ba naman?! Inuulit mo lang ang mga sinasabi ko. May lovelife ka na ano? Sino? Kilala ko ba?" excited na tanong n'ya sa akin.
Napasimangot ako ng wala sa oras ng sumagi sa isip ko si Russel. "Lovelife ka d'yan. Kumain ka na lang kaya? Sinagot mo na ba 'yong manliligaw mo?" Si Rodney ang tinutukoy ko.
Umismid ito uli. "Ayoko nga doon. Ang yabang yabang. Akala mo naman s'ya lang ang anak ng Diyos. Mantakin mo, pakakasalan daw n'ya ako sa lahat ng simbahan pero fishball lang, hindi ako mailibre? Mukha n'ya ha!"
Humagalpak ako ng tawa at halos masamid ako as Sprite na iniinom ko. Mabuti na lang pala at kanina ko pa naubos ang sandwich ko kung hindi ay baka nabulunan na ako.
"Grabe naman, fishball lang hindi ka mailibre? Malay mo naman kung hindi lang s'ya kumakain ng street food? Alam mo naman, may mga taong maselan. Buti sana kung katulad natin ang bituka nila, kahit ano pwede."
"Bahala s'ya. Ano nga palang gagawin mo mamaya? Manood tayo ng sine, showing na ang pelikula ni Sharon at Richard!" kinikilig na sabi nito.
Sasagot na sana ako na sasama akong manood sa kanya pero bigla kong naisip na may asawa na nga pala ako. Pagkatapos ng klase ko ay uuwi na ako at maglilinis pa ng bahay. Wala akong labahin ngayon pero magluluto pa ako ng hapunan namin ni Russel. Harinawang hindi ko masunog ang pagkain namin this time.
"Huy! Ano na?" untag n'ya sa akin.
"Pass muna ako, may gagawin pa ako sa amin eh."
Napakunot noo ito. "Ano naman ang gagawin mo? Wala pa naman tayong assignment para bukas. Walang exam. At isa pa, mag-isa ka lang sa dorm mo hindi ba? Mukhang nagpapa-laundry ka naman. Sige na, sumama ka na. Wala akong kasamang manood eh."
Napakamot ako sa leeg ko. Mag-text kaya ako kay Russel? Pumayag kaya s'ya?
"Sige, teka at magpapaalam lang ako. Baka hanapin kasi ako ni Ru -- I mean, Tia Carmel. Alam mo naman 'yon."
"Ha? Eh di ba wala naman dito ang Tia Carmel mo? Bakit kailangan mo pang magpaalam?"
Daig pa n'ya ang detective sa pagtatanong sa akin. Hindi ko naman pwedeng sabihin na may asawa na ako at baka kumalat pa dito sa campus. Ni hindi nga kami mag-nobyo ay kinasal na kaagad.
"Basta. Mas mabuti na ang nagpapaalam para hindi mapagalitan."
Tinext ko si Russel at nanalangin na sana ay pumayag s'ya. Tutal ay si Darlene naman ang kasama ko at hindi lalake.
Sasama sana akong manood ng sine kay Darlene kung hindi ko kailangang umuwi ng maaga mamaya.
Naghintay ako ng reply n'ya.Ilang segundo lang ay nagreply naman ito.
Anong panonoorin n'yo?
Pwede o hindi pwede lang ang isasagot n'ya ay kailangan pa talagang itanong kung ano ang panonoorin namin? Fan din ba s'ya ni Sharon at Richard?
Hindi ko alam ang title. Pwede ba o hindi?
Ang tagal n'yang sumagot.
Sasama na lang ako. Anong oras?
Ha? Sasama s'ya. Parang naging third wheel si Darlene n'yan. At girl bonding rin namin ito.
Hindi mo naman trip ang mga drama. Huwag ka na lang kayang sumama? Uuwi naman ako agad.
HUWAG na daw akong sumama? At bakit?
"Bro, sinong kausap mo? Bakit nakakunot ka?" tanong ni Jonathan.
"Ah, si Max."
Napangiti ito. "Ah, 'yong crush mo. Bakit daw?"
"Crush ka d'yan. Ano ka, high school?"
"O sige, sinisinta na lang," patuloy na biro nito.
"Tarantado ka. Tumigil ka nga."
"O bakit? Hindi ba at matagal mo ng guston 'yon? Ikaw lang itong torpe masyado. Sige ka, kapag naunahan ka ng iba, sising kainaman ka."
Hindi ko lang masabi sa kaibigan ko na ikinasal na kami kahapon ni Maxine at magkasama na kami sa bahay. Ang hirap pala ng may itinatago.
"Ano daw ang meron?"
"Chismoso ka rin ano? Gusto n'ya kasing manood ng sine."
"Talaga? Eh di sumama ka. Wala ka namang gagawin mamaya. Aling pelikula ba?"
Napakamot ako sa ulo ko. "Hindi ko alam. Ayaw n'ya akong isama."
Bumunghalit ito ng tawa. "Eh bakit s'ya nagtext sa 'yo kung hindi ka naman pala kasama?"
Patay. Anong idadahilan ko ngayon?
"Ah, eh kasi may usapan kami mamaya na mag -- ahm, group study! 'Yon, group study nga. Medyo nahihirapan kasi s'ya sa Economics."
"Economics? Eh ang galing ni Maxine doon ah."
Shit. "Ha? Ano bang sinabi ko? Ako ang nahihirapan, hindi s'ya."
"Ah, sabagay nga. Hindi ba at otsenta lang grado mo doon noong nakaraang exam?" sabi nito.
Bago pa ako nakatango ay dumating ang isa pa naming kaibigan.
"Hoy, bakit mukhang Byernes santo 'yang mukha mo. May problema ba?" tanong ni Lester na tatawa tawa.
Nandito kami nagpapalipas ng oras sa may bilyaran sa tapat ng campus. Ala una y media pa ang sunod kong klase.
Tumikhim si Jonathan. "Ayaw isama ng crush n'ya sa panonood ng sine."
"Talaga? Bakit daw? Baka naman may date!"
Napangiwi ako. "Hindi, kasama daw n'ya 'yong kaibigan n'ya. Si Darlene."
Ngumisi si Lester at tinampal sa braso si Jonathan. "Hindi ba at crush mo rin si Darlene? Magdouble date kaya kayo?" sabi nito. Tapos ay may naisip na idea at pumitik sa ere. "Mag-triple date tayo!"
"Baka group date?? Anong triple date ang pinagsasabi mo d'yang kumag ka?"
Nagtawanan kami ni Jonathan at nag-high five.
"Whatever dude! Basta ako may girlfriend, kayong dalawa -- wala," tatawa tawang sabi nito.
Bigla rin akong napaisip sa sinabi n'ya. Maganda naman ang naisip n'yang idea, at isa pa -- hindi masyadong halata na binabantayan ko si Max. Nagsend ako ng text message sa asawa ko.
Mafkita tayo sa may gate after class. May kasama rin akong manonood ng sine.
Nagreply lang s'ya ng okay. Nang matapos ang klase namin ay hinintay namin sila ni Darlene sa may gate. Medyo kabado pa si Jonathan dahil sa unang pagkakataon ay makakasama nitong manood ng sine ang crush n'ya. Sa madaling sabi ay nakarating din kami sa mall at nang tanungin ko kung anong papanoorin namin ay pelikula pala ni Sharon. Hindi ko alam kung uuwi na lang ako at hihintayin s'ya sa bahay o titiising manood ng drama sa malaking screen.
"Okay ka lang ba? Pwedeng namang kami na lang ni Darlene at maghintay na lang kayo dito sa mall," sabi n'ya sa akin ng mapansin ang pagnganga ko.
"Ah, eh --"
Sumabat kaagad si Lester. "Okay lang 'yan, Max. Ang totoo n'yan, idol n'ya si Richard. Hindi lang halata," dinanggil pa ako nito sa may likod para umayon sa sinabi n'ya.
"Talaga? Parang hindi ko naman naririnig na mahilig s'ya sa Tagalog movies. Pero sabagay, may ilang action movies rin si Richard. Simula ngayon ay lagi na namin s'yang aayain manood ng sine tutal ay pareho naman pala ang mga paborito namin," nakangiting sabi ni Max.
Hindi ko alam kung pasasalamatan ko si Lester o dadagukan. Aba! Ay tuong ngayon ay kailangan ko ng magresearch tungkol kay Richard at Sharon para lang makasama sa panonood ng sine ang asawa ko. Ang masaklap ay kapag hanggang bahay ay ito pa rin ang papanoorin namin. Pumila ako at bumili ng ticket namin. Fifty pesos ang isa at dahil crush ni Jonathan si Darlene ay biglang nanlibre kahit ubod ng kuripot nito. Kwek kwek lang sa kanto ay hindi pa ako mailibre, sampung piso lang 'yon -- pero pagdating kay Darlene, fifty pesos ay bumunot kaagad.
Nang makapasok kami sa sinehan ay medyo malamig ang aircon. Magkakahalera kami. Naunang pumasok sa hanay si Lester at Shey, kasunod ni Jonathan. Si Darlene ang katabi nito. Pinauna ko si Max para magkatabi sila ng kaibigan n'ya at ako naman ay nasa tabi ng aisle. Siguradong makakatulog ako nito.
Kapit ko ang popcorn at nilagay ko ang inumin namin sa may arm rest. I noticed she was rubbing her arms at mukhang nilalamig. Wala naman akong dalang sweater. Ang sabi ng teacher ko, body heat ang pinakamabisang gamot sa nilalamig. Inakbayan ko s'ya at kinabig papunta sa akin.
"What the hell do you think you're doing?" mahinang bulong n'ya sa akin. I can tell, she's gritting through her teeth.
Ano naman ang isasagot ko, s'yempre 'yong pinakasimple.
"Pinag-iinit ka."