ISA LANG ang anak nina Uncle Pete at Auntie Mercy, si Andrew na nasa California dahil sa isang scholarship grant mula sa Stanford University.
Hindi inaasahan ni Alejo na daratnan niya ang pinsan nang lumipat siya sa bahay ng mga ito kinagabihan. Siguro ay ang pagdating din nito ang dahilan kaya nagluto ng espesyal ang tiyahin.
“Cousin!” bati nito nang makita siya. “Condolence. Hindi kasi ako pinayagang makalabas noong itinawag sa akin ni Mommy ang nangyari kay Connie.”
“Okay lang, Andrew. Salamat. Kumusta? Mabuti at naririto ka. Kailan ka pa dumating?”
“Ngayon lang. Pinigilan nga ako ni Mommy na lumipat sa bahay mo kasi papunta ka naman daw rito. Katatapos lang ng exams. I have a few days’ break, so here I am. Sa makalawa rin ang balik ko. Gusto mong sumama? Puwede ka naman sa flat ko. Magbakasyon ka roon.”
Sincere ang pinsan niya sa imbitasyon pero iba ang naging dating sa kanya. Ang pakiramdam niya, isa pa ito sa mga nagsusulsol na iwan niya ang Miami. Hindi nga lang niya sigurado kung may kinalaman pa rin ang kanyang mama roon.
“Mamaya na ang kuwentuhan. Kumain muna tayo.” Mula sa kusina ay tinawag sila ni Auntie Mercy. Matatapos na ito sa paghahanda ng mesa.
Maganda ang takbo ng kuwentuhan habang kumakain sila. Kung mayroon mang matipid magsalita ay siya iyon. Si Andrew ang maraming kuwento, kung ano-ano ang anecdotes tungkol sa university. Natatawa rin siya. Iyon nga lang, parang bula ring naglalaho agad ang saya sa kanyang mukha.
Mula sa inuupuan ay tanaw ni Alejo ang malaking divider ni Auntie Mercy. Mahilig ang tiyahin sa mga picture kaya hindi nakapagtatakang halos umapaw ang mga picture frame doon. Isang partikular na picture ang nahagip ng kanyang tingin—nila ni Connie na magkayakap habang nasa swing sa likod-bahay nila.
Parang piniga ang kanyang puso. Minsan pa ay bumalik ang mga alaala sa kanyang isip. Iniiwas agad niya ang tingin sa picture pero hindi nabawasan ang bigat sa kanyang dibdib. Kahit masarap ang pagkain ay nawalan siya ng gana.
“Alejo, ayaw mo na?” tanong ni Uncle Pete.
Sinikap niyang ngumiti. “Gusto pa ng bibig ko, `kaso ayaw na ng tiyan ko.” Niloloko niya ang mag-anak pero alam niyang mas niloloko niya ang sarili.
“Okay lang `yan, cousin. May nakita akong bagong koleksiyon ni Daddy sa bar niya, buksan natin pagkakain.”
“Andrew, huwag mong pakialaman ang boteng iyon,” saway agad ni Uncle Pete. “Kung gusto ninyong uminom, pumili na lang kayo ng iba.”
“Sige na nga,” kunwari ay masama ang loob na sabi ni Andrew. “Pero, Dad, sagot mo ang pulutan, ha?”
“Doon na lang tayo uminom sa bahay ko,” sabi niya.
“Bakit?”
“Dahil mahirap awatin `yang si Alejo kapag nasimulan na,” sagot ni Auntie Mercy. “Paalala lang, hijo, hindi maganda sa katawan ng tao ang sobrang alak.”
Tumango lang si Alejo. Ang totoo, talagang gusto niyang makauwi na. Kung mayroon din siyang makikitang bagay na magpapaalala kay Connie sa ibang bahay, mas gusto niyang ma-torture na lang mismo sa sariling bahay.
“ALEJO, anak, umuwi ka na,” umiiyak na pakiusap ng kanyang mama.
Nasa kalagitnaan ng pakikipag-inuman si Alejo kay Andrew nang tumunog ang telepono. Hindi pa man ganap na naitatapat sa tainga ang telepono ay narinig na niya ang umiiyak na tinig ng ina.
Tatanggi na sana agad siya pero iba ang naging kutob niya sa tawag na iyon. Kahit nakukulitan na siya sa madalas na pagtawag ng ina, hindi naman nangyaring tinawagan siya nito nang dalawang beses sa loob ng isang araw.
“Mama, may problema ba?”
Humagulhol ang kanyang ina. “Nagwelga ang mga tauhan ko sa patahian. I don’t know what to do. Ang alam ko ay maayos ang takbo ng negosyo ko. Pero ngayon ay bigla na lang nag-picket sa labas ang mga manggagawa. Nalilito ako. Nagra-rally sila sa labas. I need you here, son. Please come home.”
Naglapat ang mga labi ni Alejo, hindi alam kung dapat maniwala sa sinasabi ng ina. Ang isang bahagi ng isip niya ang nagdududa. Paano kung ibang dahilan lang ang ginagamit nito ngayon para mapauwi siya?
Pero mas malaking bahagi ng utak niya ang naniniwala. Matatag ang loob ng kanyang ina, hindi ito basta-basta umiiyak. May paraan itong maiisip kung gustong kumbinsihin ang isang tao.
At ngayon ay dinig na dinig niya ang malakas na pag-iyak ng ina, na malamang ay nagsasabi ng totoo. Isa pa, hindi nito ugaling magsinungaling.
“Okay, `Ma, uuwi ako. I’ll take the soonest possible flight.” Sinabi niya ang mga salitang iyon bago pa lubos mapag-isipan. Mas nanaig ang sundot ng konsiyensiya na masamahan ang ina kaysa pagtuunan ng panahon ang sariling dinaramdam.
“What’s the matter?” tanong ni Andrew pagkababa niya ng telepono.
Sinabi ni Alejo ang sinabi ng kanyang ina. “I have no choice. Kailangan kong umuwi.”
Tinapik siya nito sa balikat. “Baka blessing in disguise ang problemang `yan, cousin. Maybe you need to face a different kind of problem so you’ll stop drowning yourself in grief.”
“Eh, di sana, ako na lang mismo ang nagkaproblema,” matabang na sabi ni Alejo. “Hindi na lang sana si Mama.” Muli siyang nag-dial sa telepono at tumawag sa isang travel agency. Doon niya iniutos ang arrangement ng kanyang pag-uwi. “Mukhang mahihirapan akong makakuha ng ticket. Fully booked daw,” aniya.
“I have a suggestion. Fly to LA or San Francisco. Mas malaki ang chance mo roon para makakuha ng biyahe pauwi sa Pilipinas.”
Napatango si Alejo. Muli siyang tumawag sa travel agency at ganoon nga ang iniutos. “I want the soonest possible flight.”
“Tutulungan ba kitang mag-empake?” tanong ni Andrew nang ibaba niya ang telepono.
Mabilis siyang umiling. “Bakit ako mag-eempake? This is my home. Dito pa rin ako babalik kapag natapos na ang problema ni Mama.”
“So, paano? Ituloy na lang natin ang inuman?”
“`Mabuti pa, umuwi ka na, Andrew,” banayad na pagtataboy niya. “Tara. Kailangan ding malaman nina Uncle Pete ang pag-uwi ko.”
LAKING pasasalamat ni Alejo na may nag-back out na pasahero kaya nakasakay siya sa eroplano. Hindi na siya nagreklamo kahit pakiramdam niya ay nasa pinakabuntot na siya ng eroplano. Malapit ang upuan sa pinto. Economy class ang nakuha niyang ticket. Ang totoo, mas nakahanda ang loob niyang magbayad para sa first class seat dahil mas inaasahan niyang doon may bakante. Pero kahit siguro sa elise ng eroplano mapapuwesto ay hindi na rin siya magrereklamo. Ang mahalaga ay makakauwi siya sa Pilipinas.
Lumipad siya papunta sa LA dahil doon siya naikuha ng direct flight papunta sa Pilipinas. Okay na rin kahit nasa economy class siya. At least, hindi na niya kailangang magpalipat-lipat ng eroplano.
At dahil unang nakasakay, pakiramdam ni Alejo ay mukha siyang magbabalot na dinadaanan ng ibang tao.
Saglit siyang natigilan nang ma-realize ang naisip. Matagal na rin mula nang huli siyang nakakain ng balut. Paminsan-minsan ay may nagtitinda niyon sa Amerika, iyong mga galing sa Pilipinas na may baong kung ilang kahon. At dahil nasa Filipino community sila, mabilis nauubos.
Bigla ay nakaramdam siya ng kasabikang makauwi sa Pilipinas.
Inilapat niya ang likod sa sandalan at pumikit. He felt different. Kahit nasa dibdib pa rin ang pamimigat dahil sa ideyang malalayo siya sa mga bagay na may kaugnayan kay Connie ay mayroon din namang kakaibang gaan doon. Magkahalo ang kanyang mga emosyon. May bahagi ng puso niya na nalulungkot sa pag-alis pero mayroon din namang nasasabik na makabalik sa bayang kinalakhan.
Dumilat si Alejo, kinuha ang wallet at pinagmasdan ang picture ni Connie roon. “Sandali lang ako sa Pilipinas, Con,” mahinang sabi niya. “Tutulungan ko lang si Mama sa problema niya. Promise, babalik din ako sa bahay natin. Ibinilin ko naman kay Auntie Mercy na siya muna ang mag-alaga sa mga roses mo. I missed you so much, darling.” He touched the picture gently, pagkatapos ay isinuksok uli ang wallet sa back pocket ng pantalon.
Umayos si Alejo sa pagkakaupo. Kahit tahimik na siya, kinakausap pa rin niya sa isip ang asawa. Lagi siyang ganoon. Kung hindi man literal na kinakausap ang picture ni Connie ay ginagawa niya iyon sa isip. Alam niya na kung may makakapansin sa kanya ay malamang na napagkamalan siyang nababaliw. Pero wala siyang pakialam anuman ang isipin ng ibang tao. Para sa kanya, gamot sa pangungulila ang pagkausap kay Connie kahit alam niyang hindi naman ito sasagot.
Alejo felt another pain stab his chest.
Bakit nga ba kahit kailan ay hindi man lang nag-react si Connie sa pangungulila niya rito? Sa maraming pagkakataon ay hiniling niyang sana ay magparamdam ang asawa. O kahit man lang sana magpakita sa panaginip niya, pero bigo siya. Mula nang mamatay si Connie, wala siyang matandaang pagkakataong nagparamdam ito kahit talagang hinihintay niyang mangyari iyon.
Pero hindi naman niya sinusumbatan si Connie. Kahit patuloy na kinakausap ni Alejo ang asawa sa picture man o sa isip, hindi niya ito sinusumbatan. Kung kausapin niya ito ay para bang kasama pa rin niya, na nasa malayong lugar lang ang asawa at darating din ang panahong magkikita sila. Pero minsan, sa labis na pangungulila ay nasasabi niyang sana ay magpakita si Connie kahit man lang sa panaginip.
Pero sa tuwina ay payapa ang tulog niya. Hindi siya dinadalaw ng anumang panaginip. At hindi niya alam kung ano ang paliwanag doon pero kapag gising ang kanyang diwa ay palaging ang asawa ang nasa sistema niya.
Naramdaman ni Alejo ang pagkilos sa kanyang tabi. May umokupa na ng katabing upuan. Babae, sigurado siya dahil nang sandaling may maupo sa kanyang tabi ay nalanghap niya ang mahinhing amoy. Her scent was somewhat powdery and fresh.
Hindi nakatiis si Alejo kaya bahagya siyang dumilat. Nakasuot ng light brown business suit ang babae. Ang buong atensiyon ay nasa attaché case na nasa kandungan.
Kontentong pumikit uli si Alejo. Ngayon ay sigurado na siyang babae nga ang kanyang katabi. Kanina, dumaan pa sa isip niyang baka bakla ang katabi.
Umangat lang ang sulok ng mga labi niya sa ideya. Muli siyang umayos ng upo, aware na aware sa galaw ng mga nasa eroplano. Sa tantiya niya, ilang minuto pa ang lilipas bago ianunsiyo na lilipad na ang eroplano.
Nang sa wakas ay marinig ni Alejo ang pinakahihintay ay saka lang siya dumilat uli at nagkabit ng seat belt. Sa sulok ng mga mata, nakita niyang ganoon din ang ginawa ng babaeng katabi pero halatang hati ang atensiyon nito; iniisod lang nang kaunti ang kandong na attaché case—na laptop computer pala ang laman—at mas mabilis pang naikabit ang seat belt kaysa sa kanya. At sa tingin din niya, parang mas nakatuon ang atensiyon ng babae sa kung anumang impormasyong nasa screen ng computer.
“s**t!” mahinang mura ni Fatima Mae nang mabasa ang buong nilalaman ng file na ibinigay ng contact niyang FBI officer. Alam na rin naman niya ang tungkol doon. Ang file ay magsisilbing backup sa report niya sa ama. Report na hindi pa man niya nasasabi ay nai-imagine na niyang malulutong na mura ang maririnig sa ama.
In-off na niya ang computer, saka sinigurong maingat na iniligpit sa kanyang tabi. Ilang saglit siyang nakiramdam. Nang makita ang mga flight attendant na nag-aalok ng unan sa mga pasahero ay saka lang niya naisip na nasa alapaap na sila. Kinalas niya ang seat belt at ginawang komportable ang sarili sa pagkakaupo.
Fatima Mae willed herself to relax. Kailangan niya iyon bilang puhunan. Sigurado na sa pag-uwi, palapit pa lang siya sa ama ay itatanong na nito ang resulta ng biyahe. Sigurado din na kapag sinabi niya ang report, malutong na pagmumura nito ang pupuno sa paligid.
“Yes, please,” nakangiting sabi niya sa lumapit na stewardess at nagpasalamat nang tanggapin ang unan. Ini-recline niya ang inuupuan para ihanda ang sarili sa isang mahabang biyahe. Pero bigla siyang nahilo. Napahilig siya sa gawi ng katabi at hindi sinasadyang nadiinan ang hita nito.
“Sorry,” mabilis na sabi ni Fatima Mae na magkahalong paghingi ng paumanhin at pagkapahiya ang naramdaman.
Naiinis siya sa mga ganoong sitwasyon. Sa maraming beses ng pagsakay sa eroplano ay sarisari na ang naging karanasan niya. Mula sa pinakakomportableng pagbibiyahe hanggang sa pinakamasaklap na hindi na niya gustong isipin pa.
At hindi ikinatuwa ni Fatima Mae ang nangyari ngayon. Nangyari na sa kanya minsan ang halos kagayang sitwasyon. She was always clumsy. Gaano man ang pag-iingat niya sa pagkilos, kung minsan ay nakakatabig pa rin siya ng tao kung hindi man bagay. Noong isang beses ay napatid siya sa strap ng hand-carry bag ng isang pasahero at napasubsob siya sa isa pang pasahero. Kahit sincere siya sa paghingi ng paumanhin, ininsulto pa siya ng lalaking pasahero na iyon.
“What a style!” pauyam na sabi ng lalaki na hindi sigurado ni Fatima Mae kung Pilipino rin dahil may accent ang salita. Nginisihan siya nito. “Sorry, lady, but you’re not my type.”
Nagsilbing lesson sa kanya ang pangyayaring iyon. Kahit ang unang dahilan ng pag-iingat niya ay para hindi makaabala ng ibang tao, makakaiwas din siya sa ganoong klaseng sitwasyon.
“It’s okay,” sabi ng lalaking katabi na bahagya pang dumilat. Tumango ito at nagtaas pa ng kamay na parang ipinapahiwatig na walang anuman ang nangyari.
Napangiti naman si Fatima Mae. At least, kasalanan man niyang maistorbo ang lalaki ay gentleman naman ito. “Sorry,” hinging-paumanhin uli niya at umayos na sa upuan.
SA SANDALING pagtatama ng kanilang mga mata ay biglang natigilan si Alejo. Pamilyar ang mga mata ng babae. At dahil hindi siya bumitaw ng tingin, napagmasdan niyang mabuti ang kabuuan ng mukha nito. Nakasunod siya ng tingin sa bawat kilos. Habang lumilipas ang bawat segundo, unti-unting tumitining sa isip ang isang realisasyon.
“Ting...”