Part 1 - We Are The Best Batch

1840 Words
“FATIMA Mae Tiongco... valedictorian!” Pumailanlang ang malakas na palakpakan sa loob ng gym ng Sierra Carmela Academy. Bago pa makatayo si Fatima Mae sa kinauupuan ay binalingan siya ng mga kaklaseng kahilera sa row na iyon na pare-parehong mga honor graduate. “Congrats, Ting!” Si Alejo ang unang-unang bumati sa kanya, ang class president nila sa nakalipas na apat na taon. Bukod pa sa pagiging presidente ng iba’t ibang organisasyon, isa rin ang lalaki sa top ten graduates. Marami sa karangalang nakuha nito ay dahil sa involvement sa extracurricular activities. “Ting, iba ka talaga! Kung palagi mo sana akong pinapakopya, sana, ako naman ang salutatorian!” pabirong bati ni Joel Alexander. “Sobra ka naman!” singhal ni Aleamor kay Joel. “Nakakakopya ka na nga sa akin, pati ba naman kay Ting, gusto mo pa ring mangopya!” Binalingan siya ng babae. “Congrats, Ting! You deserve it!” Pagkatapos ay niyakap siya. “Salamat! Salamat!” sincere na sabi ni Fatima Mae. Ilang minuto pa ang lumipas bago siya tuluyang nakaakyat sa stage. Mahigpit din siyang niyakap ng kanyang Lola Daria, ang kanyang paternal grandmother na nagpalaki sa kanya, at ang kinagisnan niyang ina. Inulan din siya ng pagbati mula sa faculty. Ang totoo, mula nang ianunsiyo ang honors na nakuha nila ay hindi na rin natapos-tapos ang pagbating kanyang tinatanggap. And she, being the valedictorian, felt very proud. Ayaw niyang isiping mas matagal sa stage sina Alejo, Joel, at Aleamor. Ang tatlo ang pinakamaraming medals dahil na rin sa pagkaaktibo sa maraming school activities, idagdag pang matatalino rin naman. Pero iba pa rin ang maging valedictorian. It was indeed the highest of all honors. Fatima Mae held her head high. Hindi dahil gusto niyang ipagyabang ang karangalang natanggap kundi dahil mas proud siya na naroon ang kanyang ama—ang negosyanteng Filipino-Chinese na si Mariano Tiongco. Nakatingin ito sa kanya na nasa stage din dahil ito ang guest speaker ng okasyon. Sa Sierra Carmela Academy rin nagtapos ang kanyang ama. Ilang beses nang inimbitahang speaker para sa mga graduation ang kanyang ama pero palaging puno ang schedule nito. At dahil siya, na kaisa-isang anak na ga-graduate din sa taong iyon ay mas pinagpursigihan ng committee na makuha ito bilang speaker. Pero kinausap muna siya nang masinsinan ng ama bago pumayag. Tatanggapin lang daw nito ang imbitasyon kung magtatapos siya bilang valedictorian. Madali namang umoo—pero hindi ang kanyang ama, na parang hindi pa rin nasisiyahan kahit consistent honor student siya. Ang gusto ay lagi siyang nangunguna sa klase. Kaya naman itinalaga na niya ang sarili na tutukan ang pag-aaral kahit pa nga gusto rin sana niyang sumama sa mga kaklase at sumali sa iba-ibang organizations. But Fatima Mae knew her capacity. Totoo, matalino siya. Pero iyon ay dahil sa seryosong pag-aaral ng leksiyon. Kapag nahati ang atensiyon niya sa ibang bagay ay hindi na siya nakasisigurong mananatiling nangunguna sa klase. And she couldn’t afford to lose that standing. Sigurado na ikakagalit iyon ng kanyang ama. Tensiyonado ang ngiting gumuhit sa mga labi ni Fatima Mae habang paakyat sa stage. Alam niya, sa kanya nakatingin ang lahat. Ang gusto sana niya ay i-focus na lang ang tingin sa kawalan pero ayaw naman niyang palampasin ang pagkakataong makita ang tuwa ng mga kaklase para sa kanya. Alam niyang ipinagmamalaki siya ng mga ito. Kahit wala siyang maituturing na kabarkada sa klase, kaibigan naman siya ng lahat. Minsan ay inisip ng mga ito na nerd siya dahil lagi siyang nasa library. Nagmumukha na siyang walking encyclopedia, lalo na at may eyeglasses pa. Mabait si Fatima Mae sa lahat at marunong ding makipagkaibigan. Hangga’t walang nagtatanong tungkol sa isang partikular na topic ay hindi siya nagsasabi ng nalalaman. Ayaw kasi niyang matawag na mayabang. Madali rin siyang lapitan. Sa hindi mabilang na term papers, research, and reports, nalalapitan siya ng mga kaklase. Pero alam din ng lahat na hindi siya nagpapakopya tuwing exams. Hindi na rin niya mabilang kung ilang beses siyang nasabihang walang pakisama. Wala raw magtatapos ng pag-aaral na hindi nangopya at nagpakopya. But then she thought she was an exception to the rule. Hindi dahil wala talaga siyang pakisama at nagpapakabayaning panindigan na hindi siya mangongopya at magpapakopya; iisa lang ang dahilan kung bakit wala siyang lakas ng loob na gawin ang mga iyon: ang kanyang malaking takot sa ama. Hindi niya ma-imagine kung paanong magagalit ang kanyang ama kapag nalaman na ginagawa niya ang mga iyon. Kahit may mga gurong pinalalampas ang mga estudyante sa cheating, mayroon ding talagang nagdadala ng offenders sa guidance office. Ang mas masaklap, ipinapatawag ang mga magulang para ipaalam ang kalokohang iyon. Ang ganoong posibilidad ang ikinatatakot ni Fatima Mae. She just couldn’t take the risk. Kaya tinitiis na lang niyang masabihang walang pakisama pagdating sa ganoong bagay. Sa huli ay natanggap na ng kanyang mga kaklase ang attitude niyang iyon. Sa ibang paraan naman ay nagagawa niyang makisama. Kahit hindi niya kagrupo, basta humingi ng tulong na kaya niyang ibigay ay ipinagkakaloob niya. “Congratulations, hija!” Mahigpit siyang kinamayan ng school principal. “Manang-mana ka talaga sa iyong ama. Seryoso sa pag-aaral.” Tumikhim ang kanyang ama. “Natural, anak ko iyan,” buong pagmamalaking sabi nito. Napalunok si Fatima Mae, hindi maipaliwanag ang emosyong pumupuno sa kanyang dibdib. Hindi niya alam kung dapat bang ikatuwa ang pagmamalaki sa boses ng ama. Isa kasi iyon sa bibihirang pagkakataong bumakas ang tuwa sa boses nito na siya ang dahilan. Napuno ang paligid ng halos nakabibinging palakpakan nang maisabit ang medal sa kanyang leeg, pagkatapos ay niyakap siya ng ama at hinalikan sa noo. Napaiyak na tuloy siya. Nakangiti ang lahat sa kanya. Kulang na lang ay kalampagin ng mga kaklase ni Fatima Mae ang mga inuupuan sa lakas ng pagpalakpak. Walang nakakaalam sa totoong dahilan ng kanyang pag-iyak. Bihirang-bihirang mangyaring yakapin at halikan siya ng ama. Hindi rin niya maiwasang isipin na ang matinding pagsisikap na manguna sa klase ang kanyang naging puhunan para madama ang yakap nito. Mayamaya pa ay pumuwesto na si Fatima Mae sa lectern. She knew her speech by heart. Pero ilang beses pa muna siyang tumikhim para alisin ang bara sa lalamunan bago tuluyang nakapagbuka ng bibig. “I am an only child. I have always longed for a sister or a brother. But I know it was impossible. My mother died after giving birth to me. Hindi ginusto ni Papa na mag-asawa uli. But in this institution where I spent the best...” She paused, muling tumikhim. “The best four years of my life, I found the brothers and sisters I have always dreamed of.” Fatima Mae trailed off. Pero siguro ay walang nakapansin dahil ang mas naging kapansin-pansin ay ang malakas na palakpakan ng graduates. The speech she prepared was meant to last for full five minutes. Pero hindi yata lumilipas ang isang paragraph ng sinasabi niya na hindi siya nakakakuha ng reaction sa mga audience. Habang tumatagal, hindi man sinasadya ay naging emosyonal ang pagtanggap ng co-graduates niya sa speech. That was not her intention, ang nasa isip lang niya noong isinulat ang speech ay balikan nang kaunti ang lumipas na apat na taon na magkakasama sila, but everybody seemed to be sentimental. Marami-rami din siyang nakitang naiiyak, pati ang ibang mga guro na napalapit na sa kanila. “Dahil din sa inyo kaya naging ‘Ting’ ang pangalan ko, short for ‘tingting.’ I hated the name at first. But when you started calling me by that name fondly, tinanggap ko na rin. I know I’m tall and skinny. Mukha akong tingting na matutumba kapag lumakas nang kaunti ang hangin. And I can’t walk straight for more than five meters without these heavy glasses. But I promise, this ugly duckling will soon become a beauty. Abangan ninyo ang pictures ko sa mga fashion magazines.” Nagtawanan ang lahat sa kanyang biro. Ngumiti si Fatima Mae nang matamis. Ayaw kasi niyang magmukhang bitter dahil sa bansag sa kanyang “Ting.” Lalong ayaw niyang magmukhang nagyayabang. “Promise iyan, classmates! Magiging kabungguang-siko ko ang mga fashion model. Braso ko ang magiging sampayan ng mga damit ng mga model!” pabiro pang dugtong niya, pagkatapos ay nagseryoso uli. “Sierra Carmela Academy was founded some three decades ago. Some of our parents were the first who graduated here. Each one of us had made our mark on this ground. Most of us completed the whole ten years in this school. We learned a lot of things, including the feelings of having crushes and falling in love...” Naghalo ang palakpakan at hiyawan. Ngumiti si Fatima Mae. Kahit paano ay nakaka-relate siya sa sinabi. Pero siguradong magugulat ang lahat kung malalaman kung sino ang kanyang crush. Hinayaan muna ni Fatima Mae na magkantiyawan at magtuksuhan sandali ang mga kaklase. Alam niya, ang ilan sa mga ito ay naging mag-boyfriend na simula pa noong second year sila. Nagkaroon na rin ng silent agreement kung sino ang “crushes ng campus.” Alam niya, hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala sa top three sa category na iyon sina Alejo, Lemuel, at Lyndon. Pareho nang “taken” sina Lemuel at Lyndon. Alam ng lahat na si Joanna Marie ang apple of the eyes ni Lemuel habang si Princess Grace naman ang pinagtutuunan ng pansin ni Lyndon. Alejo was the most eligible. Kung kalahati ng female population ng Sierra Carmela ay nangangarap na mapansin ni Alejo, palihim din niyang isinasali ang sarili sa statistics na iyon. “We all had our moments of joy and sadness, of victory and defeat. There is never a perfect life. We all know that. Perfection resides only in one’s heart. And as for myself, those joys and sadness, those victories and defeats, made me all the more realize what life really is. There had been other batches of our beloved school which were better than us, which brought more pride in this school. But in my mind and in my heart, we are the best batch.” Pumiyok na si Fatima Mae. Totoong-totoo sa kanyang puso ang mga sinabi niya. At kahit marami pa siyang gustong sabihin para magbigay ng example, mas pinili niyang doon na tapusin ang speech. Punong-puno ng emosyon ang kanyang dibdib. At kahit hindi niya intensiyong magpaiyak ng audience, pero nakita niyang affected ang marami; nag-iiyakan ang ilan sa babae niyang classmates habang pabiro namang nagsusuntukan sa balikat ang mga lalaki. May ilan ding nagpipigil umiyak. Pinunasan ni Fatima Mae ng baong panyo ang sulok ng mga mata. Bumaba na siya ng stage at bumalik sa upuan. Nang kantahin na ang graduation song ng kanilang batch ay nagyakap-yakap silang magkakaklase. Niyakap siya ni Aleamor, ni Joel, pagkatapos ay ni Alejo. Gumaya rin ang iba niyang kaklase at ang mga tagaibang section. Hanggang sa isang grupo na silang magkakayakap. Nagpatuloy sa pagkanta sa stage si January, ang pambato nila pagdating sa mga kantahan. Ito ang nangunguna sa pagkanta ng graduation song, pero pati ito ay parang nahihirapan na ring magpigil ng luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD