Part 2 - Graduation Party

1146 Words
GRADUATION is always like this, naisip ni Fatima Mae. Naghahalo ang iyakan at tawanan. Kanina pa tapos ang graduation rites pero marami pa rin ang nagpi-picture taking sa stage. Nasa administration office sila dahil doon ginanap ang blowout party. Humupa na ang iyakan. Masasaya na ang mukha ng mga tao habang pinagsasalusaluhan ang mga pagkaing dala ng mga magulang.       Bida rin ang kanyang ama. Marami ang nakikipag-usap dito. Mayroong nagtatanong ng technique sa paghawak ng negosyo, mayroon ding nanghihingi ng tulong.       Wala naman siyang kibo. Kung sino ang makapansin sa kanya ay nginingitian lang niya.       “Kumain ka na ba?” tanong ni Alejo nang lumapit, may hawak na paper plate na parang iaabot sa kanya.       Umiling si Fatima Mae. “Wala akong gana.”       Natawa nang mahina si Alejo. “Ikaw kasi, eh. Pinaiyak mo kaming lahat. Hayan tuloy, wala ka nang appetite.”       Kimi siyang ngumiti. “Kasalanan ko ba iyon? I was just being sincere.”       “I’m just kidding,” bawi ni Alejo at nginitian siya nang maluwang. “Tabi tayo, ha?” At naupo sa kanyang tabi, pero maliit lang ang espasyong inokupa.       May aatrasan pa si Fatima Mae pero hindi niya ginawa. Hindi naman iginitgit ni Alejo ang sarili para siksikin siya. He just sat on the edge of the bench.       Pero hindi rin siya nakatiis. Umisod siya. Kumilos din ito para maging komportable sa pagkakaupo. Their sides brushed against each other.       Kanina pa sila naghubad ng toga. Bestida na lang ang suot niya. Si Alejo naman ay tanging white shirt na naka-tuck in sa suot na pantalon. Mukha na silang young adult, hindi na mga totoy at nene.       Kunsabagay, si Alejo ay mukha na talagang mama. Kahit boyish ang features, makikita sa mga mata nito ang maturity, at nasa porma na rin ang muscles sa katawan.       “Saan ka mag-e-enroll?” tanong ni Alejo.       “Ha? Saan ako mag-e-enroll?” Bumaling siya rito.       “Absentminded ka pa yata,” tukso nito.       “Hindi naman. Hindi ko lang masyadong narinig,” palusot niya, hindi maaming pansamantala talaga siyang naging absentminded dahil sa lihim na pag-o-observe niya rito.       “At bingi na rin pala. Nakakabingi palang maging valedictorian!”       “Alejo, ha! Nakakapikon ka!”       “Okay, sorry na po. So, saan ka magka-college?”       “Sabi ni Papa, sa La Salle,” sagot niya. “Doon siya graduate kaya malamang doon na rin ako.”       “So, lahat ng dadaanan ng papa mo, doon ka rin? Let me guess, commerce din ang kukunin mong course.”       “Siguro nga. Ganoon si Papa. Saka sabi niya, the best ang La Salle pagdating sa business courses.”       “Pero paano ka? Iyon ba ang gusto mo? Gusto mo ring maging negosyante?”       Nagkibit-balikat si Fatima Mae. “Hindi ko iniisip kung ano ang talagang gusto ko. Kung ano ang gusto ni Papa para sa akin, iyon na rin ang ginugusto ko. Saka may point naman siya. Nag-iisa lang akong anak. Sa akin din niya ipapasa ang mga negosyo niya pagdating ng araw. I might as well master the business as early as now.”       Tinitigan siya ni Alejo. “Mabait kang anak.”       “Ano iyan, insulto?”       “No. Hindi naman sa ganoon. Kung iba lang kasi, ipipilit nila ang talagang gusto nila para sa sarili. Pero ikaw, mas gusto mong maging masunurin.”       “Yes. Pero tama rin naman si Papa sa mga punto niya kaya okay lang sa akin na sumunod ako.”       “You know, Ting, that’s good. Kaya lang mahirap iyong makasanayan mo na lang ang sunod nang sunod palagi sa gusto ng papa mo. Baka mawalan ka na ng sarili mong paninindigan.”       Napatitig si Fatima Mae kay Alejo. He sounded like a man, a real man.       Ilang sandaling seryoso rin ang naging tingin nito sa kanya bago ngumiti. “Hindi kita ibinubuyo na magrebelde, ha? Let’s say, nasanay na kasi akong makipagdebate kaya hindi ako madaling mag-give in sa gusto ng iba. I always think of my views and fight for them. Just a piece of advice, Ting. Kapag may isang bagay na gusto mong gawin, gaano man kaganda ang punto ng ibang tao, ipaglaban mo ang desisyon mo. Lalo na kung kaligayahan mo ang nakasalalay.”       Kumunot na ang kanyang noo. “What do you mean?”       “Are you sure na gusto mo ring pasukin ang business? Baka ibang trabaho ang gusto mo? Maging doktor o abogado kaya? Kasi iyong kukunin mong kurso, it will be the foundation of your future and happiness. Can you picture yourself a happy businesswoman fifteen years from now? O baka naman mas pinapangarap mong maging isang espesyalistang doktor?”       Napatanga si Fatima Mae. It was ironic. Siya na literal na nakasabit pa hanggang ngayon sa leeg ang medalya bilang valedictorian ay parang biglang naging tanga. Kung hindi pa nagpaliwanag si Alejo ay hindi niya makukuha ang punto nito.       Somehow, he was right.       “Follow your heart, Ting,” ani Alejo. “For every graduation, there is a reunion to happen. Hindi natin alam kung kailan iyon. Maybe ten or fifteen years from now. Sana by then, kapag nagkita-kita uli tayo, contentment at happiness ang makikita sa mukha natin ano pa man ang naging kapalaran natin.”       “Ibig bang sabihin, huling pagkikita na natin ito?” tanong niya na gustong pagaanin ang usapan.       “Sabi ng marami, college life is different. Padami rin nang padami ang responsibilidad natin. Saka nag-iiba at lumalawak na rin ang interes natin. Siguro, suwerte na lang kung madalas pa tayong magkikita-kita. Lalo ka na. Mukhang sa Maynila ka na pipirmi.”       “Hindi ba, sa Maynila ka rin magka-college?”       “Kung ako ang masusunod, doon na nga. Pero hindi ko pa alam kung papayag ang parents ko. Mukhang sa state university nila ako ie-enroll. Alam mo na, solong anak din ako. Hindi yata sila makakatiis na mapalayo ako.”       “Uuuy! Serious sila. Ano’ng topic n’yo?” sabad ni Joel. “Sali naman ako.”       Tiningnan ito ni Alejo. “Sabi ni Ting, masakit ang tiyan niya. Panis daw kasi iyong pansit na blowout mo.”       Siniko agad niya ito. “Wala akong sinasabing ganyan!” Bumaling si Fatima Mae kay Joel. “Hindi totoo iyon! Wala pa nga akong tinitikman na kahit ano!”       Pero nakatalikod na agad si Joel at tinawag ang iba nilang kaklase. Ilang sandali pa ay magkakaumpok na sila. “Classmates, sabi ni Ting, panis daw iyong pansit na dala ng mama ko!” parang batang sumbong nito.       Pumagitna si Aleamor. “Kunsabagay, nagsasabi naman ng totoo si Ting. Pinilit lang naming kainin kasi baka ma-offend ka kung hindi mapapansin ang blowout mo.”       Iyon na ang naging simula ng kantiyawan. Hanggang sa matapos ang party, masasaya sila at nagtatawanan. Siguradong mami-miss niya ang ganoong pagkakataon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD