PAGKAGALING sa kaibigan ay naisip ni Mariolle na pumasyal sa SM Cebu. Kahit na mahigit kalahating oras din ang naging biyahe niya ay hindi niya ininda. Ngayong may go signal siya kay Alicia na mamasyal, lulubusin na niya.
Nang makakita siya ng blouse ay nagsukat siya. Hindi naman niya kailangan ng damit dahil marami siyang baon pero hindi niya maiwan ang style na iyon. Kahit na mahal, gusto pa rin niyang bilhin iyon. At bago iyon binayaran, kumuha na rin siya ng housedress na size nina Alicia at Rosing para ipampasalubong sa dalawa.
Palabas na siya nang may stall siyang madaanan. Pinagkakalipunpunan ng mga tao ang stall na iyon. Naganyak din iyang mag-usyoso.
At ganoon na lang ang pag-iling niya nang makitang pearl shakes pala ang puwesto niyon. Naisip ni Mariolle na hindi pa rin pala lumilipas ang appeal niyon sa mga probinsya.
“Ma’am, try ninyo exotic flavor namin. Durian,” alok sa kanya.
“Durian?” aniyang pinipigil matawa. “May pearl shake dito na durian?”
“Yes, ma’am. Try ninyo, thirty pesos lang.”
“Sige,” pagbibigay naman niya. “Masarap!” aniya matapos ang ilang minutong paghihintay at tikman iyon.
“Thank you, ma’am. Balik po kayo.”
Ngumiti siya at lumakad na. pagbaling ng hakbang niya ay siya namang pagbangga niya sa isang lalaki na tila bumulaga na lamang sa harapan niya. sa lakas ng impact ay halos mapitpit ang hawak niyang plastic cup. Kaagad ang paggapang ng malamig na likido sa harapan niya.
“Ano ka ba?” galit na sita ni Mariolle. “Naglalakad ka bang nakatingala o nakapikit?”
“Miss, sorry,” tila mangha ring wika ng lalaki. “Pasensya na. Nagmamadali kasi ako.”
“Hindi katwiran iyon!” asik niya na tila lalo pang nagalit. “Tingnan mo nga! Nakakaperhuwisyo ka!”
Lumiyad siya sa layong ipamukha dito ang nangyari sa kanya. Pero mabilis din siyang umayos ng tayo. Sa pagkakabasa ng manipis niyang blouse ay bumakat tuloy ang lacy b*a na suot niya. At dahil malamig nga, ramdam din niya ang natural na reaksyon ng dunggot ng dibdib niya.
“Uli-uli, titingnan mo ang dinadaanan mo. Diyan ka na nga!” Pinagtakpan niya ng mataas na boses ang gumagapang na pagkapahiya. Padaskol na initsa niya sa malapit na trash bin ang nalukot na plastic cup at isang matalim na irap ang ipinukol niya rito bago halos magmartsa palayo dito.
“Miss!” habol na tawag nito sa kanya.
Hindi siya lumingon. At lalo ring binilisan ang paglakad.
“Miss, just a minute. Please?” tila samo ng lalaki na nakaagapay na sa hakbang niya.
“Hindi ako mai-impress ng Ingles mo, mister,” supladang sabi niya.
“Miss, gusto ko lang humingi ng paumanhin. I’m really sorry. Look, gusto ko ring makabawi. I’ll buy you a blouse. I know hindi ka kumportable kung uuwi ka sa inyo ng ganyan ang ayos mo. Look, I’d like to offer you a ride pero nagmamadali nga ako. At isa pa, nag-commute lang din ako.”
Tumaas ang kilay niya. “Mukhang praktisado ang speech mo. Ganyan ba ang style mo para makakilala ng babae?”
Naglapat ang mga labi ng lalaki at tinitigan siya. hindi naman nagbago ang tayog ng anyo niya. Itinaas pa niya ang noo at tiningnan ito sa ilalim ng kanyang ilong. Sa likod ng suplada niyang dating ay walang mag-aakala na maski paano ay impressed siya sa itsura ng lalaki.
He was indeed a man. Every inch of him was a screaming male hormones. He was a walking cliché: tall, brown and handsome. May hawig pa nga ito sa partner ni Meg Ryan sa You’ve Got Mail. At mabango rin. Nalalanghap niya ang musky scent ng cologne nito.
“Miss, sincere ako sa hangarin ko na ibili kita ng blouse. I don’t mean any offense. Ang iniisip ko lang ay para makauwi ka ng komportable. Pero kung pagbibintangan mo lang ako, then fine, hasta la vista!”
Nanlaki ang mga mata niya. “Bastos! Kunwari ka pa! Malay ko kung may pambili ka nga?” hamon niya.
“Mayroon,” he said flatly pero mababakas din doon ang pagtanggap sa hamon niya. “Pick any blouse. Babayaran ko. Kahit magkano.” He said the last two words with strong emphasis.
Ngumisi siya. “Talaga, ha? So, big time ka.” Naalala niya ang binayarang blouse. “Actually, kabibili ko lang, eh. Baka gusto mo bayaran mo na lang. Right, nagmamadali ka, di ba? It would save us time to choose and fit. ” Dinukot niya sa paper bag ang blouse. Sa halip na iladlad iyon, ang ipinakita niya dito ay ang price tag.
Ni hindi nagpakita ng pagkamangha ang lalaki nang mabasa ang presyo. Balewalang dinukot nito ang wallet at ilang five hundred peso bill ang inilabas.
“Keep the change, miss,” wika nito.
Ibinalik niya sa paper bag ang blouse. “At sa palagay mo nga ay pababayaran ko sa iyo? No way. Hayan nga ay nagawa ko nang bayaran. All right, I’m impressed. So, you really got the money! But no, thanks. Just keep it, mister. And I’m also going to keep my name. You won’t have it. Ciao!”
At tila nahipan ng hangin ang pagkakangiti niya nang talikuran ito. Walang lingon-likod siyang lumakad. Palabas na siya ng mall nang mamataan ang isang kakilala.
“Mariolle!” tawag nito sa kanya. “Nauwi ka?”
“Dinalaw ko ang mama, Belle. Dito ka ba ngayon? Parlor mo iyan?”
“Yeah. Partner kami ng sister ko. Halika, try mo ang service namin. Fifty percent discount!”
“Hindi libre?” biro niya.
“Loka! Business ito, ‘no!”
Nang hilahin siya nito papasok doon ay nagpaubaya naman siya. nang lumabas siya doon, parang ibang tao na siya. Hinubad na rin niya ang narumihang blouse. Iyong bago ang isinuot niya.
Napangiti siya. Tiyak, magugulat ang kanyang mama kapag nakita siya.
“ANONG ginawa mo sa buhok mo?” shocked na wika ni Alicia nang makita siya. “Nagmukha ka tuloy lalaki!”
“Mainam ito, Mama. Presko na, matipid pa sa shampoo.” Ikiniling-kiling niya ang leeg. Parang kaygaan ng ulo niya ngayong maigsi na ang buhok. Sagad na sagad ang gupit niyon. Talagang mapagkakamalan siyang lalaki kapag nakatalikod siya.
“Mariolle, puring-puri ko ang buhok mo tapos pinagupit mo?” hinayang na hinayang na sabi ng mama niya.
“Okay lang, Mama. Change image, ba. nakumbinse ako ni Belle. Sila pala ng sister niya ang may franchise ng salon sa SM. Saka hahaba naman uli ito. I’m sure, pati si Riza, masa-shock kapag nalamang nagpagupit ako. Naiinggit nga rin siya sa buhok ko. Pag-alis ko naman sa kanila, naisipan ko na lang na huminto doon sa parlor na nakita ko. Kaya ganito na ngayon.” Ikinibit niya ang balikat. “Mama, look! Ang ganda ng blouse ko, di ba?”
“Hindi ka nakahintay na malabhan, pagkabayad, isinuot mo na?” naiiling na lang na wika ni Alicia.
“Di labhan na lang pagkahubad ko,” ngisi niya. Naisip niyang huwag ang sabihin pa ang dahilan kung bakit isinuot niya agad iyon. Iniabot niya dito ang isang paper bag. “May binili din ako para sa inyo ni Rosing.”
“Thanks. O, kumusta na si Riza?”
“Luka-luka rin ang kaibigang kong iyon, Mama. Sukat irereto daw ako sa bayaw niya. Malay ko ba naman kung anong klaseng tao iyon?”
Hanggang sa oras ng hapunan ay paksa nila si Riza. Sa komedor na sila magkakasalo. Si Lamberto ay tahimik lang na kumakain at patingin-tingin sa kanila.
“Kung kagaya ni Walter ang bayaw niya, wala akong masasabing hindi maganda. Na-compensate na nga ni Walter ang sama ng loob ni Monina. Bawi na rin daw kahit maagang nag-asawa si Riza.”
“Kahit na! Ayoko pang mag-asawa. Ang nasa isip ko, iyong kung paano pa ako maggo-grow para sa sarili ko. Kapag magaling na magaling ka na, Mama, tututukan ko ang career ko. Iyang pag-aasawa, iisipin ko iyan mga ten years from now pa.”
“Hija, napakatanda ko na yata noon para maging lola.”
“Fifty ka pa lang by that time, Mama.”
“Kung ako ang masusunod, gusto ko’y mag-asawa ka na. Nakatapos ka na ng pag-aaral. Kung gusto mo namang humawak ng negosyo, then ibibigay ko sa iyo ang rancho. Lamberto, kaya na siguro ni Mariolle na patakbuhin ang rancho, di ba? Susuporta na lang tayo sa kanya.”
“P-palagay ko,” sagot nito.
“Saka na ako mag-i-interes sa rancho. Ang gusto ko’y patunayan muna sa sarili ko na kaya kong maging successful sa sarili kong pagsisikap. I mean, sa ibang field. Marami namang career bukod sa pagra-rancho.”
“Well, ibig sabihin ay hindi pa ako magre-retiro sa pagbibilang ng mga baka,” naaaliw lang na sabi ni Alicia. “Ang inaasahan kong tagapagmana ay iba pala ang interes. Magaling na ako, hija. Kahit bukas, kaya ko nang harapin ang dati kong trabaho. Puwede mo na ring tutukan ang pagbi-build ng sarili mong career.”
Napatitig siya sa ina. “Nagtatampo ba kayo sa akin, Mama?”
“Of course not, hija. Naiintindihan kita. At hindi ba? Noon pa man ay bukambibig mo na rin na gusto mong umunlad sa sariling sikap? Nasa likod mo lang ako, palagi, anak. Kapag napagod ka na sa mundong gusto mong galawan, maluwang ang pintuan ng bahay na ito para sa iyo. For the meantime, palagay ko’y wala akong magagawa kung hindi ang hayaan kang lumipad. Alam ko rin naman na kapag napagod ka’y dito ka rin babalik.”
“Salamat, Mama.”
“Ayokong isipin mong itinataboy kita. Pero kung sa palagay mo’y dapat ka nang bumalik sa Maynila, maiintindihan ko. Basta ipangako mo lang na kapag nagkaroon ka ng pagkakataon ay dadalaw ka rito.”
“Ikaw ang dumalaw sa akin sa Maynila, Mama. Doon tayo magsa-shopping,” wika niya dito.
Napatawa ito. “Oo nga pala. Diyan tayo magkasundo nang husto. Hayaan mo, kapag maganda ang naging bentahan ng baka sa isang buwan, magho-Hong Kong tayo.”
“Yes! Tumuloy na rin tayo sa China, Mama,” lambing niya.
“Titingnan mo kung singkit ang mata ng mga tao doon?”
“Mama, nagpapatawa ka hindi ka naman kalbo!”